“Disyembre 25–31. Apocalipsis 15–22: ‘Ang Magtatagumpay ay Magmamana ng mga Bagay na Ito,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023 (2021)
“Disyembre 25–31. Apocalipsis 15–22,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2023
Disyembre 25–31
Apocalipsis 15–22
“Ang Magtatagumpay ay Magmamana ng mga Bagay na Ito”
Ano ang itinuturo sa iyo ng digmaan sa pagitan ng mabuti at masama na inilarawan sa Apocalipsis tungkol sa kahalagahan ng pagsunod kay Cristo dito sa lupa? Matapos pagnilayan ang alituntuning ito, isipin ang mga pangangailangan ng mga miyembro ng klase mo. Anong mga katotohanan mula sa Apocalipsis ang makakatulong sa kanila na gumawa ng mabubuting pasiya?
Mag-anyayang Magbahagi
Habang papatapos na ang mga miyembro ng klase sa pag-aaral nila ng Bagong Tipan, hikayatin silang ibahagi ang kanilang mga kaisipan tungkol sa Bagong Tipan. Anyayahan silang ibahagi kung paano nakatulong sa kanila ang pag-aaral nila ng mga banal na kasulatan na mas makilala si Jesucristo at maging lalong katulad Niya.
Ituro ang Doktrina
Kailangan tayong lumayo sa kasamaan ng mundo.
-
Hindi nakatutuwang mabasa lalo na ang tungkol sa kasamaan at pagbagsak ng Babilonia sa Apocalipsis 17–18, ngunit may aral dito dahil ang Babilonia ay maaaring maging simbolo ng masamang mundong ginagalawan natin ngayon. Maaari mo sigurong hati-hatiin ang mga kabanatang ito sa mga miyembro ng klase at hilingin sa kanila na hanapin ang mga sagot sa mga tanong na tulad nito: Bakit naaakit ang mga tao sa Babilonia, o sa kamunduhan? Bakit mapanganib ang Babilonia? Ano ang mangyayari sa Babilonia? Anong mga babala ang ibinigay ni Juan para tulungan tayong maiwasan ang sinapit ng Babilonia?
-
Matapos basahin ang Apocalipsis 18:4, maaaring talakayin ng mga miyembro ng klase kung paano sila maaaring “magsilabas” ng Babilonia at “huwag … madamay sa kanyang mga kasalanan.” Maaari silang magbahagi ng mga talata o mensahe mula sa mga lider ng Simbahan na nakatulong sa kanila na labanan ang mga tukso ng Babilonia, o ng mundo. Isiping basahin ang pahayag ni Elder Quentin L. Cook sa “Karagdagang Resources.” Maaaring magbahagi ng mga ideya ang mga miyembro ng klase kung paano susundin ang dalawang alituntuning binanggit ni Elder Cook. Sa anong paraan tayo “luma[la]bas” ng Babilonia? (tingnan, halimbawa, sa Isaias 52:11; Doktrina at mga Tipan 25:10). Ano ang magagawa natin para mahikayat ang iba na gawin din iyon?
Makapaghahanda tayo para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon at sa Araw ng Paghuhukom.
-
Ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo ay madalas tawaging “ang dakila at kakilakilabot na araw ng Panginoon” (Joel 2:31), at batay sa Apocalipsis 19–20, mukhang magandang paglalarawan iyan. Isiping isulat sa pisara ang ilan sa mga kaganapang inilarawan sa Apocalipsis 19:5–20:15. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na hanapin ang mga talatang naglalarawan sa mga kaganapang ito. Bakit tinawag na dakila at kakila-kilabot ang mga kaganapang ito? Ano ang natututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa Tagapagligtas at sa mga sumusunod sa Kanya? Ano ang magagawa natin ngayon para makasama ng mga taong magagalak sa oras ng Kanyang pagparito?
-
Para makahikayat ng talakayan tungkol sa aklat ng buhay at sa huling paghuhukom, maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na lumikha ng isimpleng aklat sa pamamagitan ng pagtutupi ng isang papel sa apat na bahagi. Pagkatapos ay maaari nilang basahin ang Apocalipsis 20:12–15; 2 Nephi 9:14; 29:11 at pagnilayan kung ano ang nanaisin nilang maisulat tungkol sa kanila sa aklat ng buhay. Anyayahan silang isulat ang mga bagay na iyon sa kanilang aklat, at anyayahan ang ilang miyembro ng klase na magbahagi ng isang bagay na isinulat nila. Anong mga pagpili ang magagawa natin ngayon upang maisulat ang mga bagay na ito sa aklat ng buhay? Para matulungan ang mga miyembro ng klase na huwag panghinaan-ng-loob tungkol sa sarili nilang espirituwal na pag-unlad, isiping ibahagi ang payo mula sa mensahe ni Elder Jeffrey R. Holland na “Kayo Nga’y Mangagpakasakdal—Kalaunan” (Liahona, Nob. 2017, 40–42).
Kung tayo ay tapat, bibiyayaan tayo ng kaluwalhatiang selestiyal.
-
Kahit ipinropesiya na ang mga huling araw ay mapupuno ng kasamaan at panganib, ang gantimpalang nakita ni Juan para sa matatapat ay higit pa sa paghihirap na nauna rito. Para matulungan ang mga miyembro ng klase na tuklasin ang magandang konklusyong ito sa Apocalipsis, maaari mo silang anyayahang rebyuhin ang Apocalipsis 21:1–22:5, na naghahanap ng mga pariralang naghihikayat sa kanila na magsikap para sa kaluwalhatiang selestiyal. Ano ang mga pangako sa matatapat? Paano tayo tinutulungan ng paglalarawang ito kapag nahaharap tayo sa ating kasalukuyang mga hamon at pagsubok?
Karagdagang Resources
Pagpili sa kabutihan kaysa sa kasamaan ng Babilonia.
Itinuro ni Elder Quentin L. Cook:
“Hindi natin maiiwasan ang daigdig. Hindi sagot ang paglalayo ng ating sarili sa iba. Sa positibong pananaw, ang kontribusyon natin sa mundo ay bahagi ng hamon sa atin at kailangan ito kung gusto nating pagbutihin ang ating mga talento. …
… Kailangang makisalamuha sa mundo ang mga miyembro ng Simbahan sa magandang paraan. Kung gayon paano natin mababalanse ang pangangailangang makapag-ambag nang maganda sa mundo at huwag padaig sa mga kasalanan ng mundo? [Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 25:10; 59:9.] Dalawang alituntunin ang makagagawa ng malaking kaibhan.
-
Ipaalam sa mga tao na kayo ay matapat na Banal sa mga Huling Araw. …
-
Magtiwala at ipamuhay ang inyong mga pinaniniwalaan” (“Mga Aral mula sa Lumang Tipan: Nasa Mundo Ngunit Hindi Makamundo,” Liahona, Peb. 2006, 39–41).