Bagong Tipan 2023
Disyembre 11–17. Apocalipsis 6–14: “Kanilang Dinaig Dahil sa Dugo ng Kordero”


“Disyembre 11–17. Apocalipsis 6–14: ‘Kanilang Dinaig Dahil sa Dugo ng Kordero,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023 (2021)

“Disyembre 11–17. Apocalipsis 6–14,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2023

si Jesus na nakatayo sa gitna ng mga bituin

Composite art ni Eric Johnson: The Grand Council [Ang Malaking Kapulungan], ni Robert T. Barrett; kumpol ng mga bituin sa kagandahang-loob ng European Space Agency

Disyembre 11–17

Apocalipsis 6–14

“Kanilang Dinaig Dahil sa Dugo ng Kordero”

Sinabi ni Joseph Smith na ang aklat ng Apocalipsis “ay isa sa pinakamalilinaw na aklat na ipinasulat ng Diyos” (sa Journal, December 1842–June 1844; Book 2, 10 March 1843–14 July 1843, 98, JosephSmithPapers.org). Paano mo matutulungan ang mga miyembro ng klase na mahanap ang malilinaw na katotohanan sa mga kabanatang ito?

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Para matulungan ang mga miyembro ng klase na rebyuhin ang ilan sa kanilang mga ideya nang pag-aralan nila ang Apocalipsis 6–14, isulat ang mga numero 6 hanggang 14 sa pisara. Maaaring isulat ng mga miyembro ng klase sa tabi ng isang numero ang anumang mga kabatirang natagpuan nila sa kaukulang kabanata na nauugnay sa isang taong nabubuhay sa mga huling araw.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Apocalipsis 6

Binubuksan ni Jesucristo ang mga tatak ng aklat.

  • Para mailarawan ng mga miyembro ng klase sa kanilang isipan ang aklat na may pitong tatak (tingnan sa Apocalipsis 5:1), maaari mong ipaliwanag na ang mga sinaunang scroll ay kadalasang selyado ng kaunting luwad o wax. Ididiin ang isang ring o stamp sa luwad o wax bago ito tumigas, na nagsasaad ng awtoridad ng taong mahigpit na nagsara sa scroll at tila nagbabawal sa mga taong hindi awtorisado na buksan ito. Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase ang anumang mga ideya o impresyon nila habang nagbabasa sila tungkol sa aklat na ito sa Apocalipsis 6; Doktrina at mga Tipan 77:6–7; at sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Sa palagay mo, bakit mahalagang malaman ang simbolikong kahulugan ng aklat na ito? Sa palagay mo, bakit mahalagang malaman na ang Tagapagligtas ang magbubukas ng bawat isa sa mga tatak ng aklat? (tingnan sa Apocalipsis 5:1–9).

Apocalipsis 7–11

“Ang [mga] kaharian ng sanlibutan[g ito] ay naging [mga] kaharian ng ating Panginoon.”

  • Ang Apocalipsis 7–11 ay maaaring mahirap unawain. Ang isang pagpapala ng klase sa Sunday School ay na maaaring magtulungan ang mga miyembro ng klase na maunawaan ang mga banal na kasulatan. Maaari kang gumawa ng listahan ng mga tanong ng mga miyembro ng klase tungkol sa mga kabanatang ito at anyayahan silang magbahagi ng mga kabatiran sa isa’t isa. Hikayatin ang lahat ng miyembro ng klase—ang mga taong maaaring nadarama na mas marami silang alam at ang mga taong maaaring nadarama na wala silang gaanong alam—na ibahagi ang kanilang mga kabatiran tungkol sa mga kabanatang ito.

  • Maaari mong simulan ang talakayan sa pagtatanong sa mga miyembro ng klase kung anong paulit-ulit na mga tema ang natagpuan nila sa Apocalipsis 7–11. Maaari nilang ibahagi ang mga talata kung saan matatagpuan ang mga temang ito at ipaliwanag kung bakit makabuluhan ang mga ito. Kung kailangan nila ng tulong, maaari mong imungkahi na basahin nila ang Apocalipsis 11:15–17. Anong mga tema ang nakita nila sa mga talatang ito, at paano ipinapahayag ang temang ito sa ibang mga talata sa Apocalipsis 7–11? Kahit ang inilalarawan ng mga kabanatang ito ay mga digmaan at salot, ano ang nakikita natin na nagbibigay sa atin ng pag-asa at tiwala kay Jesucristo?

Apocalipsis 12–14

Madaraig natin si Satanas “dahil sa dugo ng Kordero, at dahil sa salita ng [ating] patotoo.”

  • Ang pag-aaral tungkol sa Digmaan sa Langit ay mas magpapaunawa sa atin sa buhay sa lupa. Maaaring basahin ng mga miyembro ng klase ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Apocalipsis 12:7–11 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan) at tukuyin kung paano natin madaraig si Satanas at ang kanyang mga kampon. Anong iba pang mga kabatiran ang natatamo natin mula sa mga entry tungkol sa Digmaan sa Langit sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan o sa Mga Paksa ng Ebanghelyo? (topics.ChurchofJesusChrist.org). Ano ang natutuhan natin na makakatulong sa atin na madaig ang kaaway?

  • Ang digmaan sa pagitan ng mabuti at masama ay inilarawan sa Apocalipsis 13–14. Ano ang itinuturo sa atin ng kabanata 13 kung paano lumalaban ang dragon sa digmaang ito? Ayon sa kabanata 14, paano lumalaban dito ang Kordero? Maaaring kawili-wiling ilista ang mga paraan ng paglaban ng bawat panig sa digmaang ito ayon sa dalawang kabanatang ito. Anong mga pagkakatulad at pagkakaiba ang makikita natin?

  • Ano ang kahulugan ng ang Kordero ay “pinaslang buhat nang itatag ang sanlibutan”? (Apocalipsis 13:8; tingnan din sa Apocalipsis 5:6). Isiping tulungan ang mga miyembro ng klase mo na maghanap ng mga sagot sa tanong na ito sa pagbabasa sa Mosias 3:13 at Moises 7:47 bilang isang klase. Ano ang kahulugan ng madaig si Satanas “dahil sa dugo ng Kordero”? (Apocalipsis 12:11).

Apocalipsis 14:6–7

“Nakita ko ang isa pang anghel … na may walang hanggang ebanghelyo.”

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

OK lang sabihin na “Hindi ko alam.” “Bagama’t likas mong nanaising sagutin ang bawat tanong, sa ilang sitwasyon ay angkop na sabihin lang na, ‘Hindi ko alam. Pag-aralan natin ang tanong na iyan sa buong linggong ito, at maaari nating talakayin iyan sa susunod’” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas24). Pagkatapos ay hilingin sa mga miyembro ng klase na saliksikin ang mga banal na kasulatan at ang iba pang resources ng Simbahan para sa mga sagot.