“Disyembre 4–10. Apocalipsis 1–5: ‘[Mapa]sa Kordero … ang Kaluwalhatian, at Kapangyarihan, Magpakailanpaman,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023 (2021)
“Disyembre 4–10. Apocalipsis 1–5,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2023
Disyembre 4–10
Apocalipsis 1–5
“[Mapa]sa Kordero … ang Kaluwalhatian, at Kapangyarihan, Magpakailanpaman”
Ang pagtanggap ng mga espirituwal na impresyon ay nakakatulong para mapansin mo na nais kang turuan ng Espiritu Santo. Ang pagtatala at pagsunod sa mga impresyong iyon ay nagpapakita na mahalaga sa iyo ang mga iyon at nais mo pang makatanggap ng iba.
Mag-anyayang Magbahagi
Habang sinisimulan mo ang talakayan, maaaring makatulong na anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang ilan sa mga mensaheng natagpuan nila sa aklat ng Apocalipsis sa personal na pag-aaral nila o ng pamilya. Halimbawa, ano ang natutuhan nila tungkol sa plano ng Ama sa Langit na iligtas ang Kanyang mga anak? Ano ang natutuhan nila tungkol sa Tagapagligtas at sa papel na ginagampanan Niya sa planong ito? Hikayatin ang mga miyembro ng klase na patuloy na maghanap ng mahahalagang mensahe tungkol kay Jesucristo at sa plano ng kaligtasan habang patuloy nilang binabasa ang Apocalipsis sa tahanan. Bigyan sila ng pagkakataon sa darating na mga lesson na ibahagi ang natutuklasan nila.
Ituro ang Doktrina
Si Jesucristo ang Buhay na Anak ng Buhay na Diyos.
-
Ang matalinghagang paglalarawan at simbolismo sa Apocalipsis 1 ay malinaw na nagpapatotoo na si Jesucristo ay buhay at na ginagabayan Niya ang Kanyang Simbahan. Marahil ay maaaring isulat ng mga miyembro ng klase sa pisara ang ilang parirala mula sa Apocalipsis 1 na may kasamang mga matalinghagang paglalarawan o simbolismo at ibahagi kung ano ang itinuturo ng bawat parirala tungkol kay Jesucristo. Halimbawa, ano ang matututuhan natin mula sa mga simbolong ito kung paano pinamumunuan ni Cristo ang Kanyang Simbahan ngayon? Paano maikukumpara ang paglalarawan ni Juan sa Tagapagligtas sa nasa Doktrina at mga Tipan 110:1–4?
Personal tayong kilala ni Jesucristo at tutulungan Niya tayong madaig ang ating mga hamon sa buhay.
-
Ang pagbabasa ng mga mensahe ng Panginoon sa iba’t ibang branch ng Simbahan sa Apocalipsis 2–3 ay maaaring makatulong na tiyakin sa mga miyembro ng klase na alam ng Tagapagligtas ang sitwasyon nila. Maaari mo siguro silang anyayahang suriin ang mga kabanatang ito para makahanap ng katibayan na alam ni Jesucristo ang mga pagsubok at kalakasan ng bawat branch. Maaari din silang magbahagi ng mga karanasan kung saan nadama nila na alam ng Tagapagligtas ang mga natatangi nilang sitwasyon. Anong payo ang ibinigay ng Panginoon sa mga Banal na makakatulong din sa atin na madaig ang ating mga paghihirap?
-
Sa mga kabanata ring ito, gumawa ng nakasisiglang mga pangako ang Panginoon sa mga taong nadadaig ang kanilang paghihirap. Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na magpares-pares para saliksikin ang Apocalipsis 2–3 upang alamin ang mga pangako ng Panginoon. Marahil ay maaari din silang magdrowing ng mga larawan para kumatawan sa ilan sa mga pangakong ito, pagkatapos ay ibahagi sa klase ang makikita nila. Paano tayo pinasisigla ng mga pangakong ito na patuloy na sikaping madaig ang sarili nating mga pagsubok at kahinaan?
Si Jesucristo lamang ang maaaring magsakatuparan ng plano ng Ama sa Langit.
-
Makakatulong ba ang isang object lesson para maipaunawa sa klase mo ang simbolismo sa Apocalipsis 5 tungkol sa pagbubukas ng Tagapagligtas ng nakasarang aklat? Maaari kang magdala ng pagkain na nasa isang kahong nakakandado para ipamigay sa klase. Bago magklase, palihim na ibigay sa isang tao ang susi sa kandado. Ilarawan sa klase kung ano ang nasa loob ng kahon, at hayaan ang ilang miyembro ng klase na subukang buksan ang kahon bago ito buksan ng taong may hawak ng susi. Pagkatapos ay maaaring ikumpara ng klase ang object lesson na ito sa Apocalipsis 5. Maaaring makatulong ang mga tanong na tulad nito: Paano naging katulad ng kahong nakakandado o ng nakasarang aklat ang kaligtasan ng mga anak ng Ama sa Langit? Bakit si Jesucristo lamang ang Siyang tanging maaaring magbukas ng mga tatak? (tingnan ang sipi sa “Karagdagang Resources”).
-
Tulad ng mga taong nagagalak na binanggit sa Apocalipsis 5, ngayo’y malalakasan din natin ang ating tinig para purihin ang Tagapagligtas bilang Siyang nararapat na maghandog sa atin ng kaligtasan. Marahil ay maaaring sama-samang kantahin ng mga miyembro ng klase ang isang paboritong himno ng papuri tungkol sa Tagapagligtas, tulad ng “Luwalhati sa Ating Diyos” (Mga Himno, blg. 37). Maaaring tukuyin ng mga miyembro ng klase ang mga katotohanang itinuturo ng himno tungkol kay Jesucristo. Anong mga pagkakatulad ang nakikita natin sa pagitan ng mga mensahe ng ating mga himno ng papuri at ng mga pahayag sa Apocalipsis 5:9–14?
Karagdagang Resources
Si Jesucristo lamang ang maaaring magbayad-sala para sa atin.
Sa paglalarawan ng mga pangyayari sa premortal na buhay, itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland:
“Nagkusang-loob si Cristo na igalang ang moral na kalayaan ng buong sangkatauhan kahit nga pinagbayaran Niya ang kanilang mga kasalanan. Sa paggawa nito, ibabalik Niya sa Ama ang lahat ng kaluwalhatian para sa gayong nakatutubos na pagmamahal.
“Ang walang-hanggang Pagbabayad-sala ni Cristo ay naging posible dahil (1) Siya lamang ang taong nabuhay sa lupa na hindi nagkasala at dahil dito ay hindi sakop ng espirituwal na kamatayan na dulot ng pagkakasala, (2) Siya lamang ang Bugtong na Anak ng Ama kaya taglay Niya ang mga katangian ng pagkadiyos na nagbigay sa Kanya ng kapangyarihan laban sa pisikal na kamatayan, at (3) malinaw na Siya lamang ang may sapat na pagpapakumbaba at nagkusa sa konseho bago tayo isinilang na maorden noon pa sa gayong paglilingkod” (“Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” Liahona, Mar. 2008, 35).