“Nobyembre 6–12. Mga Hebreo 7–13: ‘Pinakapunong [Saserdote] ng Mabubuting Bagay na Darating,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023 (2021)
“Nobyembre 6–12. Mga Hebreo 7–13,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2023
Nobyembre 6–12
Mga Hebreo 7–13
“Pinakapunong [Saserdote] ng Mabubuting Bagay na Darating”
Habang binabasa mo ang Mga Hebreo 7–13, pagnilayan kung ano ang mensahe ng Panginoon para sa mga Banal na Hebreo. Hanapin din ang mga mensahe Niya sa iyo at sa mga tinuturuan mo.
Mag-anyayang Magbahagi
Bago magklase, anyayahan ang ilang miyembro ng klase na pumasok na handang magbahagi ng mga talata mula sa Mga Hebreo 7–13 na tumutulong sa kanila na “lumapit [sa Diyos] na may tapat na puso sa lubos na katiyakan ng pananampalataya” (Mga Hebreo 10:22).
Ituro ang Doktrina
Ang mga sinauna at makabagong ordenansa ay nakatuon kay Jesucristo.
-
Iminumungkahi sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya na saliksikin ang Mga Hebreo 7 para sa mga siping nagtuturo tungkol sa Melchizedek Priesthood at nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang natuklasan nila. O maaari mo silang bigyan ng panahon sa klase na rebyuhin ang kabanata 7 at hanapin ang mga talatang nagtuturo tungkol sa priesthood na ito at nagpapatotoo tungkol sa Tagapagligtas. Paano naging katulad ni Jesucristo si Melquizedek? (tingnan ang mga titulo ni Melquizedek sa mga talata 1–2). Paano tayo tinutulungan ng Melchizedek Priesthood na lumapit kay Cristo? Marahil ay maaaring maghanap ang mga miyembro ng klase ng mga posibleng sagot sa Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Melchizedek Priesthood” (topics.ChurchofJesusChrist.org).
-
Kahit hindi tayo nag-aalay ng mga sakripisyong hayop, nakikibahagi tayo sa mga ordenansa ngayon na sa kahalintulad na paraan ay nagtutuon ng ating kaluluwa kay Cristo at nagbibigay ng “awtorisadong pamamaraan para dumaloy ang mga pagpapala at kapangyarihan ng langit sa ating buhay” (David A. Bednar, “Panatilihin sa Tuwina ang Kapatawaran ng Inyong mga Kasalanan,” Liahona, Mayo 2016, 60). Marahil ay maaari ninyong sama-samang tuklasin kung paano isinasagisag ng mga sinaunang ordenansang inilarawan sa Mga Hebreo 8–10 ang nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas. Halimbawa, ano ang kinakatawan ng dugo ng mga baka at kambing? (tingnan sa Mga Hebreo 9:13–14). Sino ang kinakatawan ng high priest? (tingnan sa Mga Hebreo 9:24–26). Paano tayo napagpala ng mga makabagong ordenansa at natulungang magtuon kay Jesucristo? Ano ang magagawa natin para maging mas makabuluhan at nakatuon ang mga ordenansang ito sa Tagapagligtas?
Ang pananampalataya ay nangangailangan ng pagtitiwala sa mga pangako ng Diyos.
-
Para maipaunawa sa mga miyembro ng klase ang mga turo ni Pablo tungkol sa pananampalataya, maaari kang magsimula sa paghiling sa kanila na pag-isipan kung paano nila ilalarawan ang pananampalataya sa isang pangungusap. Pagkatapos, basahin at talakayin bilang klase ang kahulugang ibinigay ni Pablo sa Mga Hebreo 11:1. Pagkatapos ay maaari mong atasan ang bawat tao na pumili ng isa sa mga taong binanggit sa Mga Hebreo 11 para pag-aralan. Maaaring gamitin ng mga miyembro ng klase ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org) para rebyuhin ang mga karanasan ng taong iyon sa Lumang Tipan, at pagkatapos ay ibahagi sa klase ang natuklasan nila. Paano ipinakita ng mga taong ito na nadama nila ang “kapanatagan sa mga bagay na inaasam”? (Pagsasalin ni Joseph Smith, Sa mga Hebreo 11:1). Maaaring makapagbahagi ang mga miyembro ng klase ng iba pang mga halimbawa ng matatapat na tao. Kailan tayo nanampalataya sa mga pangakong hindi pa natupad?
-
Ang payo sa mga Banal na Hebreo na natuksong “umurong” sa kanilang pananampalataya ay maaaring mahalaga sa mga miyembro ng klase na maaaring nahihirapan sa kanilang patotoo. Maaari din itong makatulong sa mga taong nagsisikap na tulungan ang mga mahal sa buhay na may matinding pagsubok sa pananampalataya. Para matuklasan ang payong ito, maaaring basahin ng mga miyembro ng klase ang Mga Hebreo 10:34–38 at ang pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland sa “Karagdagang Resources.” Bakit natutukso tayo kung minsan na mawalan ng tiwala (tingnan sa Mga Hebreo 10:35) sa Panginoon at sa Kanyang ebanghelyo? Ano ang magagawa natin para mapatibay at mapanatili ang pananampalataya at tiwala na “tanggapin … ang pangako [ng Diyos]”? (Mga Hebreo 10:36).
Karagdagang Resources
“Huwag ninyong itakuwil ang inyong pagtitiwala.”
Tinutukoy ang Mga Hebreo 10:32–39, itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland:
“Talagang mahirap—bago kayo sumapi sa Simbahan, habang sumasapi, at pagkaraan ninyong sumapi. Gayon palagi, sabi ni Pablo, ngunit huwag umurong. Huwag matakot at umatras. Huwag mawalan ng kumpiyansa sa sarili. Huwag kalimutan ang nadama na ninyo noon. Huwag mag-alinlangan sa inyong naranasan. …
“May mga babala at pagsasaalang-alang sa anumang mahalagang desisyon, subalit kapag nagkaroon ng kaliwanagan, mag-ingat sa tuksong umurong sa isang mabuting bagay. Kung ito’y tama nang inyong ipanalangin at nagtiwala at umasa kayo rito, tama ito ngayon. Huwag sumuko kapag dumarami ang mga pasanin. … Harapin ang inyong mga pag-aalinlangan. Daigin ang inyong mga takot. ‘Huwag nga ninyong itakuwil ang inyong pagkakatiwala.’ Manatili sa landas at masdan ang ganda ng buhay na nabubuksan para sa inyo” (“Huwag nga Ninyong Itakuwil ang Inyong Pagkakatiwala,” Liahona, Hun. 2000, 8–9).