“Oktubre 30–Nobyembre 5. Mga Hebreo 1–6: ‘Si Jesucristo, ang “Pinagmulan ng Walang Hanggang Kaligtasan,”’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Bagong Tipan 2023 (2021)
“Oktubre 30–Nobyembre 5. Mga Hebreo 1–6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2023
Oktubre 30–Nobyembre 5
Mga Hebreo 1–6
Si Jesucristo, ang “Pinagmulan ng Walang Hanggang Kaligtasan”
Isiping ibahagi sa mga miyembro ng klase mo ang ilan sa mga impresyong natatanggap mo mula sa Espiritu Santo tungkol sa Mga Hebreo 1–6. Ang paggawa nito ay maaaring makahikayat sa kanila na maghangad ng sarili nilang mga impresyon habang pinag-aaralan nila ang mga banal na kasulatan.
Mag-anyayang Magbahagi
Ang ilang miyembro ng klase na hindi madalas magbahagi sa klase ay maaaring kailangan lang bigyan ng partikular na paanyaya at bigyan ng kaunting panahon para makapaghanda. Maaari mong kontakin ang ilan sa kanila isa o dalawang araw bago magklase at hilingan silang pumasok na handang magbahagi ng isang talata mula sa Mga Hebreo 1–6 na makahulugan sa kanila.
Ituro ang Doktrina
Si Jesucristo ang “pinagmulan ng walang hanggang kaligtasan.”
-
Paano mo mahihikayat ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng makabuluhang mga talata tungkol kay Jesucristo na natagpuan nila sa kanilang personal na pag-aaral at pag-aaral ng pamilya sa linggong ito? Isiping gumawa ng limang column sa pisara, isa para sa bawat isa sa unang limang kabanata sa Mga Hebreo. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na isulat sa mga wastong column ang mga parirala mula sa mga kabanatang ito na nagturo sa kanila tungkol kay Jesucristo at ang numero ng talata kung saan matatagpuan ang bawat parirala. Paano naaapektuhan ng pagkaalam sa mga bagay na ito tungkol sa Tagapagligtas ang pananampalataya at kahandaan nating sumunod sa Kanya?
Mga Hebreo 2:9–18; 4:12–16; 5:7–8
Pinagdusahan ni Jesucristo ang lahat ng bagay upang maunawaan at matulungan Niya tayo kapag nagdurusa tayo.
-
Makakatulong din ang Mga Hebreo 2:9–18; 4:12–16; 5:7–8 sa mga taong nagmamasid sa pagdurusa sa mundo at nag-iisip kung napapansin o may pakialam man lang ang Diyos. Marahil ay maaaring saliksikin ng mga miyembro ng klase ang mga talatang ito para mahanap ang mga katotohanang makakatulong sa gayong mga tanong. Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa paraan ng pagtugon ng Tagapagligtas sa pagdurusa ng sangkatauhan? Maaari ding makatulong na anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga halimbawa mula sa mga banal na kasulatan kung saan sinuportahan at inalo ni Jesucristo ang mga tao sa kanilang mga pagdurusa (tingnan sa “Karagdagang Resources”). Maaaring talakayin ng mga miyembro ng klase ang natutuhan nila kung paano tayo matutulungan ng Tagapagligtas kapag nahaharap tayo sa mahihirap na hamon.
Ang mga pagpapala ng Diyos ay para sa mga taong “[hindi pinatitigas] ang [kanilang] mga puso.”
-
Ang Mga Hebreo 3 at 4 ay naglalaman ng pakiusap sa mga Banal na huwag patigasin ang kanilang puso at sa gayo’y tanggihan ang mga pagpapalang nais ibigay ng Diyos sa kanila. Habang binabasa ninyo ng klase mo ang Mga Hebreo 3:7–4:2, talakayin ang mga paraan na maaaring umangkop sa atin ngayon ang mga karanasan ng mga sinaunang Israelita, tulad noong umangkop ang mga ito sa mga Hebreo sa Simbahan noon (tingnan sa materyal sa pag-aaral tungkol sa mga talatang ito sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Ano ang magagawa natin para manatiling malambot at tumutugon ang ating puso sa kalooban ng Panginoon? (tingnan sa Mga Kawikaan 3:5–6; Alma 5:14–15; Eter 4:15). Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase kung paano sila napagpala o ang iba pang kakilala nila dahil malambot at bagbag ang kanilang puso.
Ang mga naglilingkod sa kaharian ng Diyos ay kailangang tinawag ng Diyos.
-
Ang mensahe sa Mga Hebreo 5 na dapat ay tinawag ng Diyos ang mga maytaglay ng priesthood ay maaaring umangkop sa lahat ng itinalaga sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood na maglingkod sa mga tungkulin sa Simbahan. Para malaman ng klase mo kung ano ang kahulugan ng “siya ay tinatawag ng Diyos, na gaya ni Aaron,” isiping anyayahan sila na rebyuhin ang salaysay tungkol sa pagtanggap ni Aaron sa kanyang tungkulin sa Exodo 4:10–16, 27–31; 28:1. Anong mga kabatiran mula sa salaysay na ito ang nagpapaunawa sa atin sa Mga Hebreo 5:1–5? Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase kung paano sila nakatanggap ng pagpapatibay na ang isang tao ay tinawag ng Diyos upang gampanan ang isang partikular na tungkulin—kabilang na, marahil, ang kanilang sarili. Paano nakatulong ang kumpirmasyong iyon para mas masuportahan nila ang tao sa kanyang tungkulin?
Karagdagang Resources
Mga halimbawa sa banal na kasulatan ng mga taong inalo ni Jesucristo.
-
Juan 8:1–11: Inalo ng Panginoon ang babaeng nahuli sa pangangalunya.
-
Juan 11:1–46: Inalo ng Panginoon sina Maria at Marta nang mamatay ang kapatid nilang si Lazaro.
-
Enos 1:4–6: Pinatawad ng Panginoon ang mga kasalanan ni Enos at inalis ang kanyang pagkakasala.
-
Mosias 21:5–15: Pinalambot ng Panginoon ang puso ng mga Lamanita kaya pinagaan nila ang mga pasanin ng mga tao ni Limhi.
-
Mosias 24:14–15: Pinalakas ng Panginoon ang mga tao ni Alma upang mabata nila ang kanilang mga pasanin.
-
Eter 12:23–29: Inalo ng mga salita ng Panginoon si Moroni.
-
3 Nephi 17:6–7: Pinagaling ng Tagapagligtas ang mga Nephita sa kanilang mga karamdaman.
-
Doktrina at mga Tipan 121:7–10: Pinanatag ng Panginoon si Joseph Smith (tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 123:17).