Lumang Tipan 2022
Pebrero 14–20. Genesis 18–23: “May Ano mang Bagay Kayang Napakahirap sa Panginoon?”


“Pebrero 14–20. Genesis 18–23: ‘May Ano mang Bagay Kayang Napakahirap sa Panginoon?’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Pebrero 14–20. Genesis 18–23,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2022

Larawan
si Sarah na hawak ang sanggol na si Isaac

Sara at Isaac, ni Scott Snow

Pebrero 14–20

Genesis 18–23

“May Ano mang Bagay Kayang Napakahirap sa Panginoon?”

Habang naghahanda kang magturo, isaisip na maaaring nagkaroon na ang maraming miyembro ng klase ng sarili nilang mga makabuluhang karanasan nang basahin nila ang Genesis 18–23. Ano ang magagawa mo para hikayatin silang ibahagi ang mga karanasan at kabatirang ito? Isipin na hayaang makaimpluwensya ang mga kabatirang iyon sa talakayan ng klase.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Ang ating mga pagsubok ay kadalasang nagiging mga sandali ng pagbabago sa ating buhay. Ang Genesis 18–23 ay naglalarawan ng ilang sandaling katulad niyon sa buhay nina Abraham at Lot. Marahil ay maibabahagi ng mga miyembro ng klase ang isang talatang natagpuan nila sa kanilang personal na pag-aaral sa linggong ito na naglalarawan sa isang posibleng sandali ng pagbabago kay Abraham. Pagkatapos ay maaari nilang ibahagi ang natutuhan nila mula rito.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Genesis 18:9–14; 21:1–7

Tinutupad ng Panginoon ang Kanyang mga pangako sa Kanyang sariling panahon.

  • Ang salaysay sa mga talatang ito ay maaaring magbigay-inspirasyon sa mga miyembro ng klase na nag-iisip kung matutupad ang pangako ng Diyos sa kanila. Para masimulan ang isang talakayan, maaaring makatulong na anyayahan ang mga miyembro ng klase na rebyuhin na kasama ang isa pang kaklase ang salaysay tungkol sa mga pangako ng Diyos kina Abraham at Sara sa Genesis 17:4, 15–22; 18:9–14 at ang katuparan ng mga pangakong iyon sa Genesis 21:1–7. Ano sa mga talatang ito ang nakaagaw ng pansin sa mga miyembro ng klase? Anong mga katotohanan ang makukuha natin mula sa karanasan nina Abraham at Sara na maibabahagi sa isang kaibigang nawawalan ng pag-asa na tutuparin ng Diyos ang Kanyang mga pangako? Anong iba pang talata sa mga banal na kasulatan o mga personal na karanasan ang maaari nating ibahagi? (tingnan, halimbawa, sa Mga Taga Roma 8:28; Sa mga Hebreo 11; Mormon 9:19–21; Doktrina at mga Tipan 88:64). Anong mga karanasan ang maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase kung saan ay natupad ang mga pangako ng Diyos sa buhay nila? Paano natin mapapanatili ang ating pananalig kapag ang ipinangakong mga pagpapala ay maaaring hindi matanggap sa buhay na ito? (tingnan sa Mga Hebreo 11:8–13).

Genesis 19:15–26

Bilang mga disipulo ni Jesucristo, dapat nating takasan ang kasamaan at huwag itong lingunin.

  • Anong mga aral sa palagay mo ang maaaring matutuhan ng mga miyembro ng klase mula sa salaysay tungkol sa pagtakas ng pamilya ni Lot mula sa Sodoma at Gomorra? Ang isang posibleng aral ay iminungkahi sa pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland sa “Karagdagang Resources.” Marahil ay maaari mong ibahagi ito sa klase matapos ibuod ang mga pangyayaring inilarawan sa Genesis 19:15–26. Sa anong mga paraan o sitwasyon tayo “[lumilingon]” kung minsan (talata 26) kapag nararapat tayong umasam nang may pananalig sa Tagapagligtas? Marahil ay makapagbabahagi ang mga miyembro ng klase ng mga karanasang nagpapakita ng kahalagahan ng hindi paglingon. Ano ang idinaragdag ng Lucas 9:62 sa pagkaunawa natin sa konseptong ito?

    Larawan
    Paglalarawan sa pagtakas ni Lot at ng kanyang pamilya mula sa Sodoma at Gomorra

    Fleeing Sodom and Gomorrah [Pagtakas mula sa Sodoma at Gomorra], ni Julius Schnorr von Carolsfeld

Genesis 22:1–14

Ang kahandaan ni Abraham na isakripisyo si Isaac ay kahalintulad ng Diyos at ng Kanyang Anak.

  • Ang salaysay tungkol sa pag-aalay ni Abraham sa kanyang anak bilang hain ay maaaring magturo sa atin tungkol sa pagsasakripisyo ng Ama sa Langit sa Kanyang Anak. Ang isang paraan para masiyasat ang salaysay na ito ay atasan ang kalahati ng klase na pagnilayan ang Genesis 22:1–14 mula sa mga pananaw ni Abraham at ng Diyos Ama, samantalang pinagninilayan ng natitirang kalahati ang kuwentong ito mula sa mga pananaw ni Isaac at ni Jesucristo. Hilingin sa mga miyembro ng klase na ibahagi ang natamo nilang mga kabatiran. Higit sa lahat, ano ang natutuhan ng mga miyembro ng klase na nagpapalalim sa kanilang pasasalamat para sa Ama sa Langit at kay Jesucristo? Bilang bahagi ng talakayang ito, maaari mong ipakita ang larawang Dinadala ni Abraham si Isaac para Ialay (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 9).

Larawan
additional resources icon

Karagdagang Resources

“Ang pananampalataya ay laging nakaturo tungo sa hinaharap.”

Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland:

“Maaaring lumingon ang asawa ni Lot nang may galit sa Panginoon dahil sa mga iniutos ng Panginoon na iwan niya. … Samakatuwid hindi lamang siya lumingon; lumingon siya na may panghihinayang. Sa madaling salita, ang pagmamahal niya sa nakaraan ay mas matimbang kaysa pagtitiwala niya sa hinaharap. …

“… Nakikiusap ako sa inyo na huwag nang isipin pa ang mga panahong nagdaan o walang-saysay na asamin ang mga nakaraan, gaano man kaganda ang mga iyon. Dapat matuto sa nakaraan at hindi na buhayin pa ito. Lumilingon tayo upang matuto mula sa magagandang karanasan at [hindi upang] buhayin pa ang mga nakaraan. At kapag natutuhan na natin kung ano ang dapat nating matutuhan at napulot na natin ang pinakamaganda sa ating naranasan, magpatuloy tayo at tandaan na ang pananampalataya ay laging nakaturo tungo sa hinaharap. …

“… [Ang] asawa ni Lot ay … wala[ng] pananampalataya. Pinagdudahan niya ang kakayahan ng Panginoon na mabigyan siya ng isang bagay na mas mainam kaysa sa nasa kanya na. Malinaw na inakala niyang walang makakapantay sa hinaharap ang mga bagay na iiwan niya. …

“… Ang pagtuon sa nakaraang buhay, pati na sa nakaraang mga pagkakamali, ay sadyang hindi tama! Hindi ito ang ebanghelyo ni Jesucristo” (“Ang Pinakamaganda ay Darating Pa,” Liahona, Ene. 2010, 17–18, 21).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Mangako ng mga pagpapala. Kapag inanyayahan mo ang iyong mga tinuturuan na kumilos ayon sa natututuhan nila, patotohanan din ang mga pagpapalang ipinangako ng Diyos sa mga gumagawa nito. (Tingnan din sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 35.)

Print