Lumang Tipan 2022
Enero 31–Pebrero 6. Genesis 6–11; Moises 8: “Si Noe ay Nakasumpong ng Biyaya sa mga Mata ng Panginoon”


“Enero 31–Pebrero 6. Genesis 6–11; Moises 8: ‘Si Noe ay Nakasumpong ng Biyaya sa mga Mata ng Panginoon,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Enero 31–Pebrero 6. Genesis 6–11; Moises 8,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2022

Larawan
si Noe, ang kanyang pamilya, mga hayop, ang arka, at isang bahaghari

Paglalarawan kay Noe na palayo na sa arka, ni Sam Lawlor

Enero 31–Pebrero 6

Genesis 6–11; Moises 8

“Si Noe ay Nakasumpong ng Biyaya sa mga Mata ng Panginoon”

Tampok sa outline na ito ang mga alituntuning matatagpuan sa Genesis 6–11 at Moises 8, ngunit hindi lamang ang mga ito ang mga alituntuning maaari mong pagtuunan ng pansin habang ikaw ay nagtuturo. Magtiwala sa mga espirituwal na pahiwatig na natatanggap mo habang pinag-aaralan mo ang mga banal na kasulatan.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Isiping hilingin sa mga miyembro ng klase na magbahagi ng isang espirituwal na mensahe para sa ating panahon mula sa kuwento tungkol kay Noe o sa Tore ng Babel. Hikayatin silang magbahagi ng isang talata sa banal na kasulatan na sumusuporta sa mensaheng ito.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Genesis 6–8; Moises 8

May espirituwal na kaligtasan sa pagsunod sa propeta ng Panginoon.

  • Ang kasamaan noong panahon ni Noe ay maaaring magpaalala sa atin sa kasamaang nakikita natin sa ating paligid ngayon. Para matulungan ang mga miyembro ng klase na makinabang mula sa mga aral sa kuwento tungkol kay Noe, maaari mong isulat sa pisara ang Mga Babala at Mga Muling Pagtiyak. Maaaring rebyuhin ng mga miyembro ng klase ang Genesis 6–8 o Moises 8:13–30 at hanapin ang isang bagay na sa palagay nila ay mahalagang babala para sa ating panahon at isang bagay na itinuturing nila na muling nagbibigay ng katiyakan (tingnan din sa “Karagdagang Resources”). Maaari nilang isulat ang nakita nila sa ilalim ng angkop na heading sa pisara. Bakit mahalaga sa atin ngayon ang kuwento tungkol kay Noe?

Genesis 9:8–17

Ang mga tanda o simbolo ay nagpapaalala sa atin ng ating mga tipan sa Panginoon.

  • Iminumungkahi sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya na basahin ang Genesis 9:8–17 at pagnilayan kung paano magsisilbing mga paalala ng ating mga tipan ang mga simbolo o tanda. Para matulungan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang kanilang mga iniisip, maaari kang magdala sa klase ng ilang bagay na nagpapaalala sa atin ng mahahalagang bagay—tulad ng singsing sa kasal, pambansang watawat, o name tag ng missionary—at ihambing ang mga ito sa “tanda” ng bahaghari. Ano ang itinuturo sa atin ng Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 9:21–25 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan) tungkol sa tanda na ito? Paano ginagamit ng Diyos ang mga tanda o simbolo para tulungan tayong maalala ang ating mga tipan?

Genesis 11:1–9

Ang tanging paraan para makarating sa langit ay sa pamamagitan ng pagsunod kay Jesucristo.

  • Ang salaysay tungkol sa pagtatayo ng mga tao ng tore sa Babel ay nagbibigay ng nakatutuwang pagkakaiba sa salaysay tungkol sa pagtatayo ni Enoc at ng kanyang mga tao sa Sion, na pinag-aralan ng mga miyembro ng klase noong nakaraang linggo. Ang dalawang grupong ito ng mga tao ay nagsikap na makarating sa langit sa magkaibang paraan. Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na isulat sa pisara ang anumang naaalala nila tungkol sa mga mamamayan ng Sion (tingnan sa Moises 7:18–19, 53, 62–63, 69) at kung ano ang natutuhan nila mula sa Genesis 11:1–9 at Helaman 6:26–28 tungkol sa mga tao sa Babel. Anong mga pagkakaiba ang nakikita nila? Ano ang itinuturo nito sa atin tungkol sa ating sariling mga pagsisikap na makabalik sa piling ng Diyos?

    Larawan
    ang tore ng Babel

    Larawan ng Tore ng Babel, ni David Green

  • Wala na ang sinaunang lungsod ng Babel, ngunit naroon pa rin ang kapalaluan at kamunduhang isinasagisag nito. Para matulungan ang mga miyembro ng klase na iangkop ang mga aral mula sa Tore ng Babel sa kanilang buhay, magsimula sa pag-anyaya sa kanila na rebyuhin ang Genesis 11:1–9. Pagkatapos ay maaari kang mamahagi ng mga piraso ng papel at mag-anyaya sa mga miyembro ng klase na isulat ang mga bagay na ginagawa ng mga tao na naglalayo sa kanila sa Diyos; pagkatapos, sa ibang mga piraso ng papel, maaari nilang isulat ang mga bagay na ginagawa ng mga tao na mas naglalapit sa kanila sa Diyos. Maaaring matuwa ang mga kabataan sa pag-aayos ng unang grupo ng mga papel sa pisara sa hugis ng isang tore at ng pangalawang grupo sa hugis ng isang templo. Ano ang inilaan ng Diyos para tulungan tayong “makaabot hanggang sa langit”? (Genesis 11:4; tingnan din sa Juan 3:16). Maaari ninyong kantahin ang isang himno tungkol sa paksang ito, tulad ng “Sa Inyo, Aking Diyos, Lumalapit” (Mga Himno, blg. 55).

Larawan
icon ng karagdagang resources

Karagdagang Resources

Mga Aral mula kay Noe.

Sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring:

“Ang kabiguang sundin ang payo ng propeta ay nagpapahina sa kakayahan nating sundin ang inspiradong payo sa hinaharap. Ang pinakatamang panahon para magpasiyang tulungan si Noe na gawin ang arka ay noong una niya itong hiniling. Sa bawat paghiling niya pagkatapos noon, bawat kabiguang tumugon ay maaaring nagpahina sa kakayahang mahiwatigan ang panghihikayat ng Espiritu. Kaya nga bawat hiling niya ay maaaring nagmukhang mas malaking kahangalan, hanggang sa dumating ang ulan. At huli na ang lahat.

“Sa bawat pagkakataon sa buhay ko na pinili kong ipagpaliban ang pagsunod sa inspiradong payo o ipinasiya na hindi ako kasali roon, napag-alaman ko na nailagay ko ang sarili ko sa panganib. Sa bawat pagkakataon na nakinig ako sa payo ng mga propeta, nadama ko ang pagpapatibay nito sa panalangin, at pagkatapos ay sinunod ko ito, natuklasan kong napunta ako sa ligtas na lugar” (“Finding Safety in Counsel,” Ensign, Mayo 1997, 25).

Bakit ipinadala ng Diyos ang Baha?

Nagtatanong ang ilang tao tungkol sa katarungan ng Diyos sa pagpapadala ng isang baha para “lipulin ang tao” (Genesis 6:7). Ipinaliwanag ni Elder Neal A. Maxwell na noong panahon ng Malaking Baha, “umabot na ang katiwalian sa puntong sinisira nito ang kalayaan kaya ang mga espiritu, sa katarungan, ay hindi maipadala rito” (We Will Prove Them Herewith [1982], 58).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Mag-ukol ng oras sa pagninilay. Ang magagandang tanong ay nangangailangan ng pagninilay, pagsasaliksik, at inspirasyon. Bigyan ng ilang minuto ang mga miyembro ng klase para pag-isipan ang isang tanong bago humingi ng mga sagot. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 31–34.)

Print