Lumang Tipan 2022
Pebrero 21–27. Genesis 24–27: Napanibago ang Tipan


“Pebrero 21–27. Genesis 24–27: Napanibago ang Tipan,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Pebrero 21–27. Genesis 24–27,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2022

Larawan
Rebeca

Paglalarawan kay Rebeca, ni Dilleen Marsh

Pebrero 21–27

Genesis 24–27

Napanibago ang Tipan

Habang binabasa mo ang Genesis 24–27, ipagdasal na malaman kung paano mo mahihikayat ang mga miyembro ng klase na magkaroon ng sarili nilang mga karanasan sa pagkatuto mula sa mga banal na kasulatan.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Para mahikayat ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang kanilang mga kabatiran mula sa Genesis 24–27, maaari mo silang anyayahang pumili ng isang partikular na sipi na nagpasigla sa kanila at isulat ito sa kapirasong papel. Kolektahin ang mga papel, at pumili ng ilan para basahin at talakayin sa klase.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Genesis 24

Mahalaga ang tipan ng kasal sa walang-hanggang plano ng Diyos.

  • Ang pagpapahalaga ni Abraham sa paghahanap ng isang asawa para kay Isaac ay nagbibigay ng pagkakataong talakayin ang kahalagahan ng tipan ng kasal sa plano ng Diyos para sa atin. Para masimulan ang talakayan, maaaring pasadahan ng mga miyembro ng klase ang Genesis 24 at ibahagi ang mga bagay na ginawa ng Panginoon para makatulong na mapagsama sina Isaac at Rebeca sa kasal. Bakit mahalaga ang kasal sa Panginoon? Para matulungan ang mga miyembro ng klase na talakayin ang tanong na ito, maaari mong ibahagi sa kanila ang pahayag ni Elder D. Todd Christofferson sa “Karagdagang Resources.” Paano tayo makakatulong na tiyakin na naisasagawa ang mga layunin ng Diyos para sa kasal?

  • Itanong sa mga miyembro ng klase kung anong mga katangian ang nakita nila sa isang asawa, mga magulang, o iba pang mga mag-asawa na nakapag-ambag sa isang tapat at masayang pagsasama. Ang salaysay sa Genesis 24 ay nagpapamalas ng mga katangiang makakatulong sa isang tao na gawing maligaya ang pagsasama nilang mag-asawa—at ang iba pang mga aspeto ng buhay. Halimbawa, sa talata 12 nalaman natin kung paano tayo magagabayan ng panalangin, at sa talata 19 nalaman natin kung paano magbigay ng dagdag na pagsisikap sa paglilingkod. Anong iba pang mga alituntunin ang matatagpuan sa mga kabanatang ito? Maaari ding tumingin ang mga miyembro ng klase sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” (ChurchofJesusChrist.org).

Genesis 25:29–34

Makapipili tayo sa pagitan ng dagliang kasiyahan at ng mga bagay na mas mahalaga.

  • Paano mo matutulungan ang mga miyembro ng klase na makakita ng mga personal na aral mula sa mga karanasang ito nina Jacob at Esau? Ang isang ideya ay anyayahan silang gumawa ng dalawang listahan sa pisara—isa para sa mga walang-hanggang pagpapalang nais ibigay sa atin ng Diyos at isa pa para sa mga makamundong bagay na humahadlang sa atin na matamo ang mga pagpapalang iyon. Pagkatapos ay maaaring basahin ng mga miyembro ng klase ang Genesis 25:29–34, na pinapalitan ang “pagkapanganay” ng isang bagay mula sa listahan at ang “lutuin” ng isang bagay mula sa pangalawang listahan. Paano tinatangka ng kaaway na kumbinsihin tayong ipagpalit ang mga pagpapala ng Diyos para sa mga bagay na di-gaanong mahalaga? Isiping anyayahan ang mga miyembro ng klase na payuhan ang isa’t isa kung paano itutuon ang pansin sa Tagapagligtas at sa walang-hanggang mga pagpapalang alok Niya sa atin.

Genesis 26:18–25, 32–33

Si Jesucristo ang bukal ng tubig na buhay.

  • Ilang ulit na binabanggit sa Genesis 26 na kinailangang humukay ng mga balon si Isaac at ang kanyang sambahayan para makahanap ng tubig, at kadalasa’y kinailangan dito ang malaking pagsisikap. Maaaring makatulong ang katotohanang ito sa pagtuturo mo sa mga miyembro ng klase tungkol sa pagsisikap na kinakailangan para madala ang “tubig na buhay” ng Tagapagligtas sa ating buhay (tingnan sa Juan 4:10). Marahil ay maaari mong ilarawan ito sa isang drowing sa pisara ng isang pinagkukunan ng tubig na natatakpan ng makapal na dumi. Maaaring maghalinhinan ang mga miyembro ng klase sa pagbubura ng ilan sa dumi habang inilalarawan nila kung paano nila matatagpuan ang tubig na buhay ng Tagapagligtas. Hikayatin silang gamitin ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan para makahanap ng mga talatang may kaugnayan sa mga bagay na ibinabahagi nila.

    Larawan
    isang antigong balon

    Isang balon sa sinaunang Beer-seba, kung saan naghukay ng mga balon sina Abraham at Isaac.

Larawan
icon ng karagdagang resources

Karagdagang Resources

Ang pag-aasawa at pamilya ay likha ng Diyos.

Nagbigay ng ilang dahilan si Elder D. Todd Christofferson kung bakit napakahalaga ng pag-aasawa at pamilya sa plano ng Diyos:

“Ang pamilyang binubuo ng isang lalaki at isang babaeng ikinasal ang pinakaakmang kalagayan upang magtagumpay ang plano ng Diyos—ang kalagayan para sa pagsilang ng mga anak, na darating na dalisay at walang-malay mula sa Diyos, at ang kapaligiran para sa pag-aaral at paghahandang kailangan nila para sa isang matagumpay na buhay sa mundo at buhay na walang-hanggan sa daigdig na darating. Ang sapat na bilang ng mga pamilyang binuo ng gayong mga pag-aasawa ay mahalaga para mabuhay at umunlad ang lipunan. …

“… Ngunit ang pananaw natin sa papel na ginagampanan ng kasal at pamilya ay hindi batay sa pag-aaral ng lipunan kundi sa katotohanan na sila ay likha ng Diyos. Siya ang sa simula ay lumikha kina Eva at Adan sa Kanyang larawan, lalaki at babae, at pinag-isa sila bilang mag-asawa upang maging “isang laman” at magpakarami at kalatan ang lupa. Taglay ng bawat tao ang banal na larawang iyan, ngunit marahil ay sa pag-iisang-dibdib ng lalaki at babae natin matatamo ang pinakabuong kahulugan ng pagkalikha sa atin sa larawan ng Diyos—lalaki at babae. … Ang gayong kasal ay … bahagi [rin] ng plano ng kaligayahan na tulad ng Pagkahulog at Pagbabayad-sala” (“Bakit Dapat Mag-asawa at Bumuo ng Pamilya,” Liahona, Mayo 2015, 52).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Isentro ang iyong pagtuturo sa doktrina. Kapag inanyayahan mong magbahagi ang mga miyembro ng klase, tiyakin na patuloy mong ibalik ang talakayan sa doktrina na nasa mga banal na kasulatan. Magagawa mo ito sa paghiling sa miyembro ng klase na basahin ang mga sipi ng banal na kasulatan sa klase, pagtatanong tungkol sa nakasaad sa mga banal na kasulatan, at pag-anyaya sa miyembro ng klase na ibahagi ang kanilang patotoo tungkol sa doktrinang itinuturo.

Print