Lumang Tipan 2022
Pebrero 7–13. Genesis 12–17; Abraham 1–2: “Upang Maging Isang Higit na Dakilang Tagasunod ng Kabutihan”


“Pebrero 7–13. Genesis 12–17; Abraham 1–2: ‘Upang Maging Isang Higit na Dakilang Tagasunod ng Kabutihan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Pebrero 7–13. Genesis 12–17; Abraham 1–2,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2022

Larawan
Abraham at Sara

Paglalarawan kina Abraham at Sara ni Dilleen Marsh

Pebrero 7–13

Genesis 12–17; Abraham 1–2

“Upang Maging Isang Higit na Dakilang Tagasunod ng Kabutihan”

Ano ang naituro sa iyo ng Espiritu Santo sa linggong ito nang pag-aralan mo ang Genesis 12–17 at Abraham 1–2? Tiyaking bigyan ng mga pagkakataon ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang naituro sa kanila ng Espiritu Santo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Para mabigyan ng pagkakataon ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang isang bagay na natutuhan nila mula sa Genesis 12–17 at Abraham 1–2, maaaring pumili ang bawat isa ng isang taong binanggit sa mga kabanatang ito at kumpletuhin ang isang pangungusap na gaya ng sumusunod: “Tinuruan ako ni Abraham ” o “Tinuruan ako ni Sara .”

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Genesis 15:1–6; 17:15–22; Abraham 1:1–19

Pagpapalain tayo ng Diyos sa ating pananalig at mabubuting hangarin.

  • Ang mga karanasan nina Abraham at Sara na nakatala sa Genesis 15; 17; Abraham 1 ay makakatulong sa mga miyembro ng klase na manatiling nananalig na matutupad ang kanilang mabubuting hangarin sa takdang panahon ng Panginoon. Paano mo masisimulan ang isang talakayan tungkol sa alituntuning ito? Ang isang ideya ay sabihin sa klase na saliksikin ang Genesis 15:1–6 at Abraham 1:1–19 at ilarawan ang mga hangarin at mahihirap na sitwasyon ni Abraham. Paano ipinakita nina Abraham at Sara ang kanilang pananalig sa mahihirap na panahon? (tingnan sa Mga Hebreo 11:8–13). Paano natupad kalaunan ang kanilang mabubuting hangarin? (tingnan sa Genesis 17:15–22; 21:1–3; Doktrina at mga Tipan 132:29; Abraham 1:31). Paano natin maipapakita ang ating pananalig kapag hindi pa natutupad ang ating mabubuting hangarin ayon sa gusto natin? Marahil ay maibabahagi ng mga miyembro ng klase kung paano sila nasuportahan ng Tagapagligtas sa gayong mga sitwasyon.

  • Maaaring kakaunti ang suportang tinatanggap ng ilang miyembro ng klase mo mula sa kanilang pamilya sa pagsisikap nilang ipamuhay ang ebanghelyo—at maaari pa nga silang maharap sa oposisyon. Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ni Abraham sa Abraham 1:1–19 na makakatulong sa mga nagsisikap na mamuhay nang matwid sa gayong mga sitwasyon?

  • Maaari mong hilingin sa mga miyembro ng iyong klase na basahin ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 14:36–40 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan) at ibahagi ang natutuhan nila tungkol sa pananalig at mga hangarin ni Abraham. Maaari din nilang ibahagi kung paano sila napagpala nang manalig sila sa pagbabayad ng ikapu.

Abraham 2:6–11

Pinagpapala tayong lahat ng tipang Abraham.

  • Para maipaunawa sa mga miyembro ng klase kung ano ang tipang Abraham, maaari mong ibahagi ang mga pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson sa “Karagdagang Resources” (tingnan din sa Gospel Topics, “Abrahamic Covenant,” topics.ChurchofJesusChrist.org). Maaaring natutuhan na ng mga miyembro ng klase ang tungkol sa tipang Abraham mula sa Abraham 2:6–11, ayon sa nakamungkahi sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Marahil ay maibabahagi ng mga miyembro ng klase ang natutuhan nila, o maaaring sama-samang pag-aralan ng klase ang mga talatang ito. Anong mga pangako at responsibilidad ang tinatanggap natin sa pamamagitan ng tipang Abraham? Ang video na “Special Witness—President Nelson” ay makakatulong para masagot ang tanong na ito (ChurchofJesusChrist.org/media-library/video/2011-04-18-special-witness-president-nelson). Ano ang kailangan nating gawin upang matanggap ang mga pagpapala ng tipang ito? Bilang binhi ni Abraham, paano natin mapagpapala “ang lahat ng mag-anak sa mundo”? (Abraham 2:11).

Genesis 14:18–19; Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 14:25–40

“Si Melquisedec ay isang taong may pananampalataya.”

  • Dahil sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo, pamilyar sa karamihan ng mga miyembro ng Simbahan ang Melchizedek Priesthood, ngunit hindi alam ng ilan ang tungkol sa lalaking si Melquisedec. Para matulungan ang mga miyembro ng klase na malaman pa ang tungkol sa kanya, marahil ay maaari mo silang anyayahang isipin na kunwari’y hinilingan silang ipakilala siya sa isang taong hindi nakakakilala sa kanya at ilista sa pisara ang mga sasabihin nila. Maaari nilang ibatay ang mga bagay na ito sa nabasa nila sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 14:26–27, 33–38 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan); Alma 13:13–19; at Doktrina at mga Tipan 107:1–4. Ano ang natututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa Melchizedek Priesthood?

    Larawan
    binabasbasan ni Melquisedec si Abram

    Melchizedek Blesses Abram [Binasbasan ni Melquisedec si Abram], ni Walter Rane

Larawan
icon ng karagdagang resources

Karagdagang Resources

Mga pagpapala ng tipang Abraham.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:

“Ang tipang ginawa ng Diyos kay Abraham at kalaunan ay pinagtibay kina Isaac at Jacob ay pambihira ang kahalagahan. … Ang Panginoon ay nagpakita sa mga huling araw na ito upang sariwain ang tipang Abraham. … Sa pagpapanibagong ito, natanggap natin, tulad nila noong unang panahon, ang banal na priesthood at ang walang-hanggang ebanghelyo. May karapatan tayong tanggapin ang kabuuan ng ebanghelyo, tamasahin ang mga pagpapala ng priesthood, at maging marapat sa pinakamalaking pagpapala ng Diyos—ang buhay na walang-hanggan” (“Mga Tipan,” Liahona, Nob. 2011, 87–88).

“Ang mga pangunahing [pagpapala] ng tipang Abraham ay iginagawad sa mga banal na templo. Dahil dito ay babangon tayo sa Unang Pagkabuhay na Mag-uli at magmamana ng mga trono, kaharian, kapangyarihan, pamunuan, at sakop, sa ating ‘kadakilaan at kaluwalhatian sa lahat ng bagay’ [Doktrina at mga Tipan 132:19]” (“Mga Natatanging Saksi ni Cristo,” Liahona, Abr. 2001, 7).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magpatotoo nang madalas. Ang iyong simple at taos-pusong patotoo sa espirituwal na katotohanan ay maaaring makaimpluwensya nang malaki sa mga tinuturuan mo. Halimbawa, maaari kang magbahagi ng isang simpleng patotoo kung paano napagpala ng mga tipan ang buhay mo.

Print