Mga Tulong sa Pag-aaral
PJS, Genesis 14


PJS, Genesis 14:25–40 (ihambing sa Genesis 14)

(Binanggit ang dakilang ministeryo ni Melquisedec; ang mga kapangyarihan at pagpapala ng Pagkasaserdoteng Melquisedec ay inilarawan.)

25 At itinaaS ni Melquisedec ang kanyang tinig at binasbasan si Abram.

26 Ngayon si Melquisedec ay isang taong may pananampalataya, na gumawa ng kabutihan; at noong bata pa ay may takot sa Diyos, at nakapagpatikom ng bunganga ng mga leon, at inapula ang lagablab ng apoy.

27 At sa gayon, sapagkat ipinagkakapuri ng Diyos, siya ay inordenan na isang mataas na saserdote alinsunod sa orden ng tipang ginawa ng Diyos kay Enoc,

28 Ito na alinsunod sa orden ng Anak ng Diyos; kung aling orden ay nagmula, hindi sa tao, o sa kagustuhan ng tao; ni sa ama o ina; ni sa simula ng mga araw o wakas ng mga taon; kundi sa Diyos;

29 At ito ay ibinigay sa tao sa panawagan ng kanyang sariling tinig, alinsunod sa kanyang sariling kalooban, sa kasindami ng naniniwala sa kanyang pangalan.

30 Sapagkat nangako ang Diyos kay Enoc at sa kanyang binhi nang may panunumpa sa kanyang sarili; na bawat taong maordenan alinsunod sa ordeng ito at tungkulin ay magkakaroon ng kapangyarihan, sa pamamagitan ng pananampalataya, na guhuin ang mga bundok, hatiin ang mga karagatan, patuyuin ang mga tubig, na iliko ang mga ito mula sa kanilang mga pinagdadaluyan;

31 Na mapaglabanan ang mga hukbo ng mga bansa, hatiin ang lupa, pagwatak-watakin ang bawat pangkat, na makatindig sa harapan ng Diyos; na maisagawa ang lahat ng bagay alinsunod sa kanyang kalooban, alinsunod sa kanyang utos, na supilin ang mga pamunuan at kapangyarihan; at ito ay alinsunod sa kalooban ng Anak ng Diyos na naroroon na bago pa man ang pagkakatatag ng daigdig.

32 At ang mga taong may ganitong pananampalataya, na nakatanggap nitong orden ng Diyos, ay mga nagbagong-anyo at kinuha sa langit.

33 At ngayon, si Melquisedec ay isang saserdote sa ordeng ito; kaya nga natamo niya ang kapayapaan sa Salem, at tinawag na Prinsipe ng kapayapaan.

34 At ang kanyang mga tao ay gumawa ng kabutihan, at natamo ang langit, at hinanap ang lunsod ni Enoc na noon ay kinuha ng Diyos, inihiwalay ito sa lupa, na inilalaan ito para sa mga huling araw, o sa katapusan ng daigdig;

35 At nagsalita, at nangako nang may panunumpa, na ang kalangitan at ang lupa ay magsasama; at ang mga anak ng Diyos ay susubukin maging sa pamamagitan ng apoy.

36 At itong si Melquisedec, sapagkat nakapagtatag ng kabutihan, ay tinawag na hari ng langit ng kanyang mga tao, o, sa ibang salita, ang Hari ng kapayapaan.

37 At itinaas niya ang kanyang tinig, at binasbasan niya si Abram, siya na mataas na saserdote, at tagapangasiwa ng kamalig ng Diyos;

38 Siya na itinalaga ng Diyos na tumanggap sa ikapu para sa mga maralita.

39 Kaya nga, si Abram ay nagbayad sa kanya ng ikapu ng lahat ng pag-aari niya, ng lahat ng kayamanang taglay niya, na ibinigay ng Diyos sa kanya na higit pa sa kanyang pangangailangan.

40 At ito ay nangyari na, na pinagpala ng Diyos si Abram, at binigyan siya ng mga kayamanan, at karangalan, at mga lupain bilang walang hanggang pag-aari; alinsunod sa tipang kanyang ginawa, at alinsunod sa pagpapalang ibinasbas sa kanya ni Melquisedec.