PJS, Genesis 50:24–38 (ihambing sa Genesis 50:24–26; tingnan din sa 2 Nephi 3)
(Sina Moises, Aaron, at Joseph Smith ay binanggit lahat sa propesiyang ito ni Jose sa Egipto. Gayon din, iprinopesiya ni Jose na ang Aklat ni Mormon ay magiging katuwang ng talaan ni Juda.)
24 At sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid, ako ay mamamatay na, at paroroon sa aking mga ama; at ako ay magtutungo sa aking libingan nang nagagalak. Ang Diyos ng aking amang si Jacob ay makakasama ninyo, upang iligtas kayo mula sa paghihirap sa mga araw ng inyong pagkaalipin; sapagkat dinalaw ako ng Panginoon, at ako ay nakatamo ng isang pangako sa Panginoon, na mula sa bunga ng aking balakang, ang Panginoong Diyos ay magbabangon ng isang mabuting sanga mula sa aking balakang; at sa iyo, na tinawag na Israel ng aking amang si Jacob, ng isang propeta; (hindi ang Mesiyas na tinatawag na Silo;) at palalayain ng propetang ito ang aking mga tao sa Egipto sa mga araw ng iyong pagkaalipin.
25 At mangyayari na muli silang makakalat; at isang sanga ang mababali, at dadalhin sa isang malayong bayan; gayon pa man sila ay maaalaala sa mga tipan ng Panginoon, sa pagparito ng Mesiyas; sapagkat siya ay makikilala nila sa mga huling araw, sa Diwa ng kapangyarihan; at ilalabas sila mula sa dilim tungo sa liwanag; ilalabas sa natatagong kadiliman, at mula sa pagkabihag tungo sa kalayaan.
26 Isang tagakita ang ibabangon ng Panginoon kong Diyos, na magiging piling tagakita sa bunga ng aking balakang.
27 Ganito ang wika ng Panginoong Diyos ng aking mga ama sa akin, Isang piling tagakita ang ibabangon ko mula sa bunga ng iyong balakang, at siya ay bibigyan ng malaking pagpapahalaga sa bunga ng iyong balakang; at sa kanya ay ibibigay ko ang kautusan na siya ay may gawaing gagampanan para sa bunga ng iyong balakang, na kanyang mga kapatid.
28 At kanya silang dadalhin sa kaalaman ng mga tipang aking ginawa sa iyong mga ama; at gagawin niya ang anumang gawaing iuutos ko sa kanya.
29 At gagawin ko siyang dakila sa aking mga paningin, sapagkat gagawin niya ang aking gawain; at siya ay magiging dakilang tulad niya na sinabi kong ibabangon ko sa inyo, upang palayain ang aking mga tao, O sambahayan ni Israel, mula sa lupain ng Egipto; sapagkat isang tagakita ang ibabangon ko upang palayain ang aking mga tao mula sa lupain ng Egipto; at siya ay tatawaging Moises. At sa pamamagitan ng pangalang ito ay malalaman niya na siya ay kabilang sa iyong sambahayan; sapagkat siya ay aalagaan ng anak na babae ng hari, at tatawaging anak niya.
30 At muli, isang tagakita ang ibabangon ko mula sa bunga ng iyong balakang, at sa kanya ay ipagkakaloob ko ang kapangyarihang dalhin ang aking salita sa mga binhi ng iyong balakang; at hindi lamang sa pagdadala ng salita ko, wika ng Panginoon, kundi upang mapapaniwala sila sa aking salita, na mapapasakanila sa mga huling araw;
31 Kaya nga, ang bunga ng iyong balakang ay susulat, at ang bunga ng balakang ni Juda ay susulat; at yaong mga isusulat ng bunga ng iyong balakang, at gayon din yaong isusulat ng bunga ng balakang ni Juda, ay magsasama tungo sa ikalilito ng mga maling doktrina, at mag-aalis ng mga pagtatalo, at magtatatag ng kapayapaan sa bunga ng iyong balakang, at magdadala sa kanila sa kaalaman tungkol sa kanilang mga ama sa mga huling araw; at gayon din sa kaalaman ng aking mga tipan, wika ng Panginoon.
32 At mula sa kahinaan siya ay gagawing malakas, sa araw na yaon kung kailan ang aking gawain ay hahayo sa lahat ng aking mga tao, na magpapanumbalik sa kanila, na mga kabilang sa sambahayan ni Israel, sa mga huling araw.
33 At ang tagakitang yaon ay pagpapalain ko, at sila na maghahangad na pinsalain siya ay malilito; sapagkat ito ang pangakong ibinibigay ko sa iyo; sapagkat kayo ay aalalahanin ko sa bawat sali’t salinlahi; at ang kanyang pangalan ay tatawaging Jose, at ito ay isusunod sa pangalan ng kanyang ama; at siya ay magiging katulad mo; sapagkat ang bagay na ipalalabaS ng Panginoon sa pamamagitan ng kamay niya ay magdadala sa aking mga tao sa kaligtasan.
34 At nangako ang Panginoon kay Jose na kanyang pangangalagaan ang mga binhi niya magpakailanman, nagsasabing, Ibabangon ko si Moises, at isang tungkod ang mapapasakamay niya, at sama-samang titipunin niya ang aking mga tao, at kanyang aakayin silang tulad sa isang kawan, at babagabagin niya ang mga tubig ng Dagat na Pula sa pamamagitan ng kanyang tungkod.
35 At siya ay magpapataw ng kahatulan, at isusulat ang salita ng Panginoon. At hindi siya makapangungusap sa maraming pananalita, sapagkat isusulat ko sa kanya ang aking batas sa pamamagitan ng daliri ng sarili kong kamay. At maglalaan ako ng tagapagsalita para sa kanya, at ang pangalan niya ay tatawaging Aaron.
36 At ito rin ay mangyayari sa iyo sa mga huling araw, maging gaya ng ipinangako ko. Kaya nga, sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid, Tiyak na kayo ay dadalawin ng Diyos, at ilalabas kayo sa lupaing ito, patungo sa lupaing ipinangako niya kay Abraham, at kay Isaac, at kay Jacob.
37 At pinatunayan ni Jose ang maraming bagay sa kanyang mga kapatid, at pinanumpa ang mga anak ni Israel, sinasabi sa kanila, tiyak na dadalawin kayo ng Diyos, at inyong dadalhin ang aking mga buto mula roon.
38 Sa gayon ay namatay si Jose nang siya ay isandaan at sampung taong gulang; at kanilang inembalsamo siya, at kanilang inilagay siya sa isang kabaong sa Egipto; at hindi siya inilibing ng mga anak ni Israel, nang siya ay madala, at mailagay sa libingan na kasama ng kanyang ama. At sa gayon nila naalaala ang kanilang isinumpa sa kanya.