Mga Tulong sa Pag-aaral
PJS, Genesis 48


PJS, Genesis 48:5–11 (ihambing sa Genesis 48:5–6)

(Ang mga binhi ni Jose ang mamumuno sa pagtitipon ng Israel sa mga huling araw.)

5 At ngayon, sa iyong dalawang anak na lalaki, sina Ephraim at Manases, na isinilang sa iyo sa lupain ng Egipto, bago ako naparito sa iyo sa Egipto; masdan, sila ay akin, at pagpapalain sila ng Diyos ng aking mga ama; maging gaya nina Ruben at Simeon sila ay pagpapalain, sapagkat sila ay akin; kaya nga sila ay tatawagin alinsunod sa aking pangalan. (Kaya nga sila ay tinawag na Israel.)

6 At ang iyong mga anak, na isinilang sa iyo kasunod nila, ay magiging iyo, at tatawagin alinsunod sa pangalan ng kanilang mga kapatid sa kanilang mana, sa mga lipi; kaya nga sila ay tinawag na mga lipi nina Manases at Ephraim.

7 At sinabi ni Jacob kay Jose, Nang magpakita sa akin ang Diyos ng aking mga ama sa Luz, sa lupain ng Canaan; siya ay nangako sa akin, na ibibigay niya sa akin, at sa aking mga binhi, ang lupain bilang isang walang hanggang pag-aari.

8 Kaya nga, O anak ko, pinagpala niya ako sa pag-aaruga sa iyo upang maging tagapaglingkod ko, sa pagliligtas sa aking sambahayan mula sa kamatayan;

9 Sa pagliligtas sa aking mga tao, na iyong mga kapatid, mula sa taggutom na naging masidhi sa lupain; kaya nga ikaw ay pagpapalain ng Diyos ng iyong mga ama, at ng bunga ng iyong balakang, na sila ay pagpapalain nang higit sa iyong mga kapatid, at nang higit sa sambahayan ng iyong ama;

10 Sapagkat ikaw ay nanaig, at ang sambahayan ng iyong ama ay yumukod sa iyo, maging tulad ng ipinakita sa iyo, bago ka pa man ipinagbili sa Egipto ng mga kamay ng iyong mga kapatid; kaya nga ang iyong mga kapatid ay yuyukod sa iyo, sa bawat sali’t salinlahi, sa bunga ng iyong balakang magpakailanman;

11 Sapagkat ikaw ay magiging ilaw sa aking mga tao, na magpapalaya sa kanila sa mga araw ng kanilang pagkabihag, mula sa pagkaalipin; at magdadala ng kaligtasan sa kanila, kapag sila ay nayukod na lahat sa kasalanan.