Lumang Tipan 2022
Marso 14–20. Genesis 42–50: “Ipinalagay ng Dios na Kabutihan”


“Marso 14–20. Genesis 42–50: ‘Ipinalagay ng Dios na Kabutihan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Marso 14–20. Genesis 42–50,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2022

Larawan
si Jose ng Egipto

Paglalarawan kay Jose ng Egipto, ni Robert T. Barrett

Marso 14–20

Genesis 42–50

“Ipinalagay ng Dios na Kabutihan”

Sabi ni Elder David A. Bednar, “Hindi natin basta na lamang maibibigay sa ibang tao ang espirituwal na pang-unawa na naipagkaloob sa atin” (“Maghangad na Matuto sa Pamamagitan ng Pananampalataya,” Liahona, Set. 2007, 67). Paano mo matutulungan ang mga miyembro ng klase na magtamo ng espirituwal na pang-unawa para sa kanilang sarili?

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Para mabigyan ng pagkakataon ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng isang bagay na nakita nilang makabuluhan sa kanilang personal na pag-aaral o pag-aaral ng pamilya ng mga banal na kasulatan, maaari kang magtanong ng kagaya nito sa simula ng klase: Anong talata sa mga kabanatang ito ang nakaagaw sa inyong pansin? Anong talata ang nahikayat kang basahin nang maraming beses? Anong talata ang ibinahagi mo sa iba? Anong talata ang humantong sa matalinong pakikipagtalakayan sa iyong pamilya o mga kaibigan?

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Genesis 45:1–15; 50:15–21

Ang pagpapatawad ay naghahatid ng kapayapaan.

  • Bago mo simulan ang isang talakayan kung ano ang itinuturo ng karanasan ni Jose tungkol sa pagpapatawad, maaaring makatulong na ipakuwento sa isang miyembro ang Genesis 37; 39–45. Bakit maaaring nahirapan si Jose na patawarin ang kanyang mga kapatid? Anong karanasan o pag-uugali ang maaaring nagbigay kay Jose ng lakas na magpatawad? (tingnan, halimbawa, sa Genesis 45:1–15 o 50:15–21). Paano tayo matutulungan ng halimbawa ni Jose na maging mas mapagpatawad?

    Ang video na “Forgiveness: My Burden Was Made Light” (ChurchofJesusChrist.org) ay naglalaan ng isa pang nakahihikayat na halimbawa ng pagpapatawad. Paano tayo tinutulungan ng Tagapagligtas na patawarin ang iba?

  • Anong mga pagpapala ang dumating mula sa pagpapatawad ni Jose sa kanyang mga kapatid? Maaaring nakatutuwang ikumpara ang mga ugnayan sa pamilya ni Jacob sa simula ng kuwento (tingnan, halimbawa, sa Genesis 37:3–11) sa kanilang kalagayan sa bandang huli (tingnan sa Genesis 45:9–15; 50:15–21). Anong papel ang ginampanan ng pagpapatawad sa pagbabago sa pamilya ni Jose? Paano maaaring maiba ang mga bagay-bagay kung hindi naging handang magpatawad si Jose? Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na magmungkahi ng mga paraan para makatulong ang kuwentong ito sa mga pamilya ngayon na daigin ang alitan at inggitan.

Genesis 45:5–11; Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 50:24–38 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan)

Ang mga ginawa nina Jose, Moises, at Joseph Smith ay nagpapatotoo sa misyon ni Jesucristo.

  • Sa karagdagang liwanag ng ipinanumbalik na ebanghelyo, alam natin na si Jose, na iniligtas ang kanyang pamilya mula sa taggutom, ay nagpropesiya rin tungkol sa mga dakilang pagpapala na darating balang-araw sa pamamagitan nina Moises at Joseph Smith. At lahat ng propetang ito ay itinuturo tayo sa ating Dakilang Tagapagligtas na si Jesucristo. Para maipakita sa mga miyembro ng klase ang Tagapagligtas sa mga ministeryo ng tatlong propetang ito, maaari kang magdrowing ng isang tsart sa pisara na katulad ng matatagpuan sa “Karagdagang Resources.” Maaaring magtulungan ang mga miyembro ng klase na mapunan ito. Pagkatapos ay maaari silang magdagdag ng mga column na naglalarawan sa gawain nina Jose ng Egipto, Moises, at Joseph Smith, gamit ang natutuhan nila mula sa Genesis 45:5–11 at Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 50:24–38 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan). Paano nagpapatotoo at nakaturo ang mga ministeryo ng mga propetang ito sa misyon ng Tagapagligtas? (Para sa ilang halimbawa ng mga pagkakatulad sa pagitan ng buhay ni Jose ng Egipto at ng buhay ng Tagapagligtas, tingnan sa Genesis 37:3 at Mateo 3:17; Genesis 37:26–28 at Mateo 26:14–16; Genesis 45:5–7 at Lucas 4:18; at Genesis 47:12 at Juan 6:35; tingnan din sa Moises 6:63.)

    Larawan
    si Jose ng Egipto na nakikita sa isang pangitain ang pagtanggap ni Joseph Smith sa mga laminang ginto

    Paglalarawan kay Jose ng Egipto, ni Paul Mann

Genesis 50:19–21

Matutulungan tayo ng Diyos na maunawaan ang dahilan ng ating mga pagsubok.

  • Bagama’t maaaring hindi ito naging malinaw habang nagdaraan siya sa kanyang matitinding pagsubok, nagawang gunitain ni Jose ang kanyang paghihirap sa Egipto at makita na iyon ay “ipinalagay ng Dios na kabutihan” (Genesis 50:20). Kung maaari nating mabisita si Jose noong siya ay nasa hukay o sa bilangguan, paano kaya natin siya maaaring panatagin? Paano kaya tayo matutulungan ng ideyang nakasaad sa Genesis 50:19–21 sa mga oras ng pagsubok? Marahil ay handa ang mga miyembro ng klase na pag-usapan ang mga paraan na napagpala sila ng Diyos, kahit sa kanilang mahihirap na karanasan. Halimbawa, tingnan ang video na “Unto All the World: The Sam Family” (ChurchofJesusChrist.org). Ano ang idinaragdag ng Doktrina at mga Tipan 122 sa pagkaunawa natin sa alituntuning ito?

Larawan
additional resources icon

Karagdagang Resources

Ang buhay ng mga propeta ay nagpapatotoo kay Jesucristo at sa Kanyang misyon.

Ang buhay nina Jose ng Egipto, Moises, at Joseph Smith ay makapagpapaalala sa atin sa misyon ni Jesucristo. Maaaring punan ng mga miyembro ng klase ang tsart na ito at pagkatapos ay magdagdag ng mga column para kay Jose ng Egipto (tingnan sa Genesis 45:5–11), Moises (tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 50:24, 29, 34–36 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]), at Joseph Smith (tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 50:26–28, 30–33 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]).

Jesucristo

Sino ang nailigtas?

Mula sa ano sila nailigtas?

Ano ang ginawa para mailigtas sila?

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magtanong ng mga bagay na nag-aanyaya ng pagpapatotoo. Ang pagtatanong ng mga bagay na naghihikayat sa mga mag-aaral na magpatotoo ay maaaring isang epektibong paraan para maanyayahan ang Espiritu. Halimbawa, kapag itinuturo ang Genesis 45:1–15, maaari kang magtanong ng gaya ng “Ano ang mga pagpapalang naranasan ninyo nang patawarin ninyo ang isang tao?” (tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 32).

Print