Lumang Tipan 2022
Marso 7–13. Genesis 37–41: “Ang Panginoon ay Suma kay Jose”


“Marso 7–13. Genesis 37–41: ‘Ang Panginoon ay Suma kay Jose,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Marso 7–13. Genesis 37–41,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2022

Larawan
si Jose ng Egipto sa loob ng bilangguan

Paglalarawan kay Jose ng Egipto sa loob ng bilangguan, ni Jeff Ward

Marso 7–13

Genesis 37–41

“Ang Panginoon ay Suma kay Jose”

Hindi nilayon na ituro mo ang lahat ng aktibidad na nasa outline na ito. Habang naghahanda kang magturo, ipagdasal na tulungan ka ng Espiritu na malaman kung aling mga aktibidad (kung mayroon man) sa outline na ito ang pinakamainam na makatutugon sa mga pangangailangan ng iyong klase.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Hikayatin ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang natutuhan nila sa kanilang personal na pag-aaral at pag-aaral ng pamilya, maaari mo silang anyayahang maghanap ng isang parirala sa Genesis 37–41 na nagpapahayag ng isang aral o alituntunin na sa pakiramdam nila ay mahalaga.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Genesis 37:1–28; 39; 40:1–19; 41:9–45

“Ang Panginoon ay suma kay Jose” sa kanyang paghihirap.

  • Tulad ni Jose, maaaring dumaranas ng mahihirap na pagsubok ang mga miyembro ng iyong klase. Para matulungan ang klase na makahanap ng inspirasyon sa halimbawa ni Jose, maaari mo silang hatiin sa tatlong grupo at hilingin sa bawat grupo na rebyuhin ang isa sa sumusunod na mga sipi sa banal na kasulatan: Genesis 39; 40:1–19; o 41:9–45. Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng bawat grupo ang mga paraan na ang Panginoon ay suma kay Jose sa kanyang mga hamon. Kung naaangkop, ang mga miyembro ng klase ay maaaring magbahagi ng mga karanasan kung saan napasakanila ang Panginoon sa isang mahirap na pagsubok. Paano natin matututuhan na mas makita ang presensya ng Panginoon sa ating buhay?

  • Ang pakay-araling ito ay makakatulong na ilarawan kung paano natin mapaglalabanan ang paghihirap: maglagay ng isang bagay na magaan, tulad ng isang maliit na bolang plastik, sa ilalim ng isang lalagyang puno ng dry ice o beans hanggang kalahati. Anyayahan ang isang tao na alugin nang marahan ang lalagyan hanggang sa pumaibabaw ang bola. Paano naging katulad ng bola si Jose? Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase ang mga halimbawa ng pagtulong ng Panginoon kay Jose na paglabanan ang paghihirap mula sa Genesis 37:5–11; 39; 40:1–19; 41:9–45. Maaari din nilang ibahagi ang mga pagkakataon na tinulungan sila ng Panginoon sa gayon ding mga paraan.

  • Maaari mong hilingin sa mga miyembro ng klase na kantahin o basahin ang mga titik ng isang himno tungkol sa paggawa ng tamang pagpili, tulad ng “Gawin ang Tama” (Mga Himno, blg. 144). Pagkatapos ay maaaring maghanap ang mga miyembro ng klase ng mga kabatiran o parirala sa Genesis 37:1–28; 39; 40:1–19; 41:9–45 na naglalarawan ng mga mensahe sa himno. Paano pinagpala si Jose, sa kabila ng kanyang paghihirap, nang gawin niya ang tama? Kailan tayo napagpala ng Panginoon sa mga oras ng paghihirap para gawin ang tama?

Genesis 37:5–11; 40; 41:1–38

Kung tayo ay tapat, gagabayan at bibigyang-inspirasyon tayo ng Panginoon.

  • Bagama’t hindi lahat ay nakatatanggap ng personal na paghahayag sa pamamagitan ng mga panaginip, may mga bagay tayong matututuhan tungkol sa paghahayag mula sa mga karanasan ni Jose, ng mga alipin ng Faraon, at ng Faraon. Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na rebyuhin ang Genesis 37:5–11; 40:5–8; 41:14–25, 37–38 at ibahagi ang anumang natutuhan nila tungkol sa paghahayag. Maaari mo rin silang anyayahang ibahagi kung ano ang nakatulong sa kanila na maghandang tumanggap ng paghahayag, maunawaan ito, at kumilos ayon dito.

    Larawan
    si Jose sa loob ng bilangguan na binibigyang-kahulugan ang mga panaginip

    Joseph Interpreting the Butler and Baker’s Dreams [Si Jose na Binibigyang-Kahulugan ang mga Panaginip ng Katiwala ng Saro at ng Magtitinapay], ni François Gérard

Genesis 39:1–20

Sa tulong ng Panginoon, matatakasan natin ang tukso.

  • Maaari mong hilingin sa mga miyembro ng klase na ibahagi ang natutuhan nila tungkol sa paglaban sa tukso nang basahin nila ang Genesis 39 sa linggong ito. Ano ang ginawa ni Jose para mapaglabanan ang tukso? (tingnan sa mga talata 7–12). Isiping hilingin sa mga miyembro ng klase na ilista ang mga bagay na magagawa natin para humugot ng lakas sa kapangyarihan ng Diyos kapag nahaharap tayo sa mga tukso. (Maaaring makahanap ng mga ideya ang mga miyembro ng klase sa Mateo 4:1–11 o sa mga talata sa banal na kasulatan na nakalista sa ilalim ng “Tukso, Panunukso” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan [scriptures.ChurchofJesusChrist.org].)

  • Paano mo magagamit ang halimbawa ni Jose para matulungan ang mga miyembro ng klase na labanan ang tukso na gumawa ng kasalanang seksuwal? Bukod sa pagrebyu sa Genesis 39:1–20, maaaring rebyuhin ng mga miyembro ng klase ang “Kadalisayan ng Puri” (sa Para sa Lakas ng mga Kabataan [2011], 35–37). Maaari nilang ibahagi ang natutuhan nila tungkol sa paglaban sa mga kaisipan, salita, at kilos na humahantong sa kasalanang seksuwal. Ang pagrebyu sa “Pagsisisi” (sa Para sa Lakas ng mga Kabataan, 28–29) ay magpapaunawa sa mga miyembro ng klase sa pagkakataong alok sa atin ni Jesucristo na magsisi.

Genesis 41:15–57

Dapat nating paghandaan ang mga posibleng paghihirap.

  • Maaari mong hilingin sa isang miyembro ng klase na ilarawan ang mga panaginip ng Faraon (tingnan sa Genesis 41:15–24) at sa isa pang miyembro na ibahagi ang mga interpretasyon ni Jose (tingnan sa mga talata 25–32). Ano ang binalak gawin ni Jose? (tingnan sa mga talata 33–36, 47–49). Anong mga aral ang nasa salaysay na ito para sa ating panahon? (tingnan sa payo ni Pangulong Gordon B. Hinckley sa “Karagdagang Resources”).

Larawan
icon ng karagdagang resources

Karagdagang Resources

Paghahanda para sa mga oras ng kagipitan.

Sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Hinihimok ko kayo na maging matipid sa inyong paggastos; disiplinahin ang inyong sarili sa pamimili para makaiwas sa utang hangga’t maaari. Bayaran ang utang nang mabilis hangga’t maaari. … Magtabi, kahit kaunti” (“To the Boys and to the Men,” Ensign, Nob. 1998, 54).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Ang pakikinig ay pagpapakita ng pagmamahal. “Magpatulong sa Ama sa Langit na maunawaan mo ang sinasabi ng mga miyembro ng iyong klase. Habang pinapansin mong maigi ang kanilang binibigkas at hindi binibigkas na mga mensahe, mas mauunawaan mo ang kanilang mga pangangailangan, problema, at hangarin” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 34).

Print