Lumang Tipan 2022
Marso 21–27. Exodo 1–6: “Aking Naalaala ang Aking Tipan”


“Marso 21–27. Exodo 1–6: ‘Aking Naalaala ang Aking Tipan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Marso 21–27. Exodo 1–6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2022

Larawan
si Moises at ang nagliliyab na palumpong

Si Moises at ang Nagliliyab na Palumpong, ni Harry Anderson

Marso 21–27

Exodo 1–6

“Aking Naalaala ang Aking Tipan”

Habang binabasa mo ang Exodo 1–6, isipin ang mga taong tinuturuan mo. Anong mga katotohanan sa mga kabanatang ito ang malamang na maging makabuluhan sa kanila? Paano mo sila tutulungang matuklasan ang mga katotohanang ito?

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Ang isang ideya para mahikayat ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang kanilang natututuhan ay isulat sa pisara ang isang tanong na katulad nito: Habang binabasa ninyo ang Exodo 1–6, ano ang napansin ninyo na hindi ninyo napansin noon? Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Exodo 1–2

Si Jesucristo ang ating Tagapagligtas.

  • Bagama’t hindi binanggit ang pangalan ng Tagapagligtas sa Exodo 1–2, mapapalakas ng salaysay na ito ang pananampalataya ng mga miyembro ng klase sa Kanyang misyon na iligtas tayo mula sa pagkabihag. Maaaring makahanap ang mga miyembro ng klase ng mga salita o parirala sa Exodo 1–2 na naglalarawan sa mga paghihirap na naranasan ng mga Israelita. Paano natutulad sa espirituwal na pagkabihag o iba pang mga paghihirap na kinakaharap natin ang mga paglalarawang ito? Paano naghanap ng kaligtasan ang mga anak ni Israel, at paano sila tinugon ng Diyos? (tingnan din sa Exodo 2:23–25; 3:7–8). Paano tayo humuhugot ng lakas sa kapangyarihan ng Diyos kapag kailangan nating maligtas? Paano sinasagot ng Diyos ang ating mga paghingi ng tulong? Maaaring maghanap ng mga karagdagang kabatiran ang mga miyembro ng klase sa mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson na “Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay” (Liahona, Mayo 2017, 39–42).

    Larawan
    ang sanggol na si Moises sa basket

    Moses in the Bulrushes [Si Moises sa Takbang Yantok], © Providence Collection/lisensyado mula sa goodsalt.com

Exodo 3–4

Kapag ginagawa natin ang gawain ng Panginoon, maaaring sumaatin ang kapangyarihan ng Panginoon.

  • Iminumungkahi sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya na saliksikin ang Exodo 3–4 para malaman kung paano tumugon ang Panginoon sa mga problema ni Moises tungkol sa gawaing iligtas ang mga Israelita mula sa pagkaalipin. Kung ginawa ng mga miyembro ng iyong klase ang aktibidad na ito sa bahay, anyayahan silang ibahagi ang natutuhan nila. O maaari ninyong gawin ang aktibidad na ito sa klase. Tungkol dito, maaaring saliksikin ng mga miyembro ng klase ang Exodo 3:11–18; 4:1–17, na inaalam ang mga problema ni Moises at ang mga tugon ng Panginoon sa bawat isa sa mga problemang iyon. Paano maaaring makatulong sa atin ang mga tugon ng Panginoon kapag mayroon tayong mga pagdududa tungkol sa mga kakayahan nating gawin ang Kanyang gawain?

Exodo 3:5

Dapat tayong magpakita ng pagpipitagan para sa mga banal na bagay at lugar.

  • Paano mo magagamit ang halimbawa ni Moises para makahikayat ng talakayan kung paano natin dapat tratuhin ang mga sagradong bagay? Halimbawa, matapos basahin nang magkakasama ang Exodo 3:5, maaari kang magpakita ng mga sagradong bagay o mga larawan ng mga sagradong bagay (tulad ng mga banal na kasulatan o mga templo) at mga karaniwang bagay o mga larawan ng mga karaniwang bagay (tulad ng mga sekular na aklat o mga regular na gusali). Maaaring pag-usapan ng mga miyembro ng klase ang iba pang mga bagay na ipinalalagay nilang sagrado at ibahagi kung paano sila nagpapakita ng pagpipitagan para sa mga bagay na iyon (tingnan din sa Levitico 19:30; Doktrina at mga Tipan 6:10–12). Bakit nais ng Tagapagligtas na tratuhin natin ang mga sagradong bagay nang may pagpipitagan?

Exodo 5:4–9, 20–23; 6:1–13

Ang mga layunin ng Panginoon ay matutupad sa Kanyang sariling panahon.

  • Maaaring nakapanghihina ng loob kapag tila hindi epektibo ang ating mga tapat na pagsisikap—marahil ay hindi tumutugon ang isang kaibigan sa ating mga pagsisikap na maglingkod o parang hindi sinasagot ang ating mga dalangin para sa isang suwail na anak. Para malaman ang isang karanasang katulad ng kay Moises, maaaring basahin ng mga miyembro ng klase ang Exodo 5:4–9, 20–23. Paano tinulungan ng Panginoon si Moises na madaig ang panghihina ng kanyang loob? (tingnan sa Exodo 6:1–13). Maaaring magbahagi ng mga karanasan ang mga miyembro ng klase kung kailan hindi nila nakita kaagad ang mga resulta ng kanilang mga pagsisikap na maglingkod sa Panginoon. Ano ang itinuturo sa atin ng karanasan ni Moises sa mga kabanatang ito kung paano tayo makatutugon sa gayong mga sitwasyon? (Tingnan din sa “Karagdagang Resources.”)

Larawan
icon ng karagdagang resources

Karagdagang Resources

Pinaglilingkuran natin ang iba para sa Panginoon.

Ikinuwento ni Pangulong Joy D. Jones kung paanong silang mag-asawa ay tapat na naglingkod sa isang ministering assignment ngunit hindi naging matagumpay ang kanilang mga pagsisikap. Nagnilay-nilay ang mag-asawa at nanalangin para sa patnubay. Sa pagsasalaysay ng sagot sa kanilang mga dalangin, sinabi ni Pangulong Jones:

“Natanto namin na tapat naming sinisikap noon na paglingkuran ang pamilyang ito at ang aming bishop, ngunit kinailangan naming itanong sa aming sarili kung talaga bang naglilingkod kami dahil mahal namin ang Panginoon. Nilinaw ni Haring Benjamin ang pagkakaibang ito sa pagsasabing, ‘Masdan, sinasabi ko sa inyo na dahil sa sinabi ko sa inyo na ginugol ko ang aking panahon sa paglilingkod sa inyo, hindi ko ninanais na magmalaki, sapagkat ako ay nasa paglilingkod lamang ng Diyos’ [Mosias 2:16; idinagdag ang pagbibigay-diin].

“Kung gayon kanino talaga naglilingkod noon si Haring Benjamin? Sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas. Ang pagkaalam kung kanino at bakit tayo naglilingkod ay nagpapaunawa sa atin na ang pinakadakilang pagpapakita ng pagmamahal ay katapatan sa Diyos” (“Para sa Kanya,” Liahona, Nob. 2018, 50).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magbahagi ng mga espirituwal na karanasan. Ang isang paraan para maanyayahan ang impluwensya ng Espiritu sa klase mo ay hikayatin ang mga miyembro ng klase na ibahagi kung ano ang itinuro sa kanila ng Espiritu Santo nang pag-aralan nila ang mga banal na kasulatan sa linggong ito.

Print