Lumang Tipan 2022
Agosto 15–21. Mga Awit 49–51; 61–66; 69–72; 77–78; 85–86: “Ipahahayag Ko Kung Ano ang Kanyang Ginawa para sa Aking Kaluluwa”


Agosto 15–21. Mga Awit 49–51; 61–66; 69–72; 77–78; 85–86: ‘Ipahahayag Ko Kung Ano ang Kanyang Ginawa para sa Aking Kaluluwa,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Agosto 15–21. Mga Awit 49–51; 61–66; 69–72; 77–78; 85–86,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2022

Larawan
si Jesus na may hawak na ilawan

Saving That Which Was Lost [Pagliligtas sa Nawala], ni Michael T. Malm

Agosto 15–21

Mga Awit 49–51; 61–66; 69–72; 77–78; 85–86

“Ipahahayag Ko Kung Ano ang Kanyang Ginawa para sa Aking Kaluluwa”

Isipin ang payo ni Elder David A. Bednar habang naghahanda kang magturo: “Ang pagsasalita at pagsasabi lamang ay hindi pagtuturo. Kasama sa pangangaral ng ebanghelyo sa pamamaraan ng Panginoon ang pagmamasid at pakikinig at paghiwatig bago ang pagsasalita” (Pagiging Isang Missionary na Nagtuturo ng Ayon sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo,” New Era, Okt. 2013, 50).

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Ang isang paraan para maanyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng isang bagay na nabasa nila sa linggong ito ay ang isulat sa pisara ang “Sisigaw sa kagalakan ang mga labi ko” o “Ang dila ko ay magsasalita ng iyong katuwiran” (Awit 71:23, 24). Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase ang natuklasan nila na tumutulong sa kanila na “sumigaw sa kagalakan” o “magsalita ng katuwiran [ng Panginoon].”

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Mga Awit 51; 85–86

“Ikaw, Panginoon, ay mabuti at mapagpatawad.”

  • Inilalarawan sa Awit 51 ang nadarama ng marami sa atin kapag naghahangad tayong magsisi at mapatawad. Para mas maipaunawa sa mga miyembro ng klase ang pagsisisi at mahikayat silang magsisi nang madalas, maaari mong imungkahi na saliksikin nila ang Awit 51 na nasasaisip ang tanong na ito: Ano ang kahulugan ng magsisi? Pagkatapos ay hayaang magbahagi sila ng mga posibleng sagot. (“Karagdagang Resources” ay may makakatulong na mga kabatiran.) Bakit tila hindi kanais-nais magsisi kung minsan? Ano ang nakikita natin sa awit na ito na magpapadama na masaya ang magsisi?

  • Paano natin ilalarawan ang pakiramdam ng mapatawad sa kasalanan sa pamamagitan ng nagbabayad-salang kapangyarihan ni Jesucristo? Anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang kanilang mga iniisip, at hikayatin silang maghanap ng mga talata sa Mga Awit 51; 85–86 na naglalarawan sa epekto ng Kanyang naglilinis na pagpapatawad sa ating buhay (halimbawa, tingnan sa Mga Awit 51:1–2, 7–12; 85:2–9). Isiping magdispley ng mga larawan o bagay na makakatulong sa mga miyembro ng klase na mailarawan sa kanilang isipan ang mga katagang ito. Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase ang kanilang damdamin tungkol sa Tagapagligtas na si Jesucristo at sa Kanyang kahandaang magbayad-sala para sa ating mga kasalanan upang mapatawad tayo. Maaari din ninyong sama-samang kantahin ang isang himno tungkol sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas, tulad ng “Ako ay Namangha” (Mga Himno, blg. 115).

  • Upang makapagsisi, kailangan nating manampalataya na hindi lamang tayo maaaring linisin ni Jesucristo kundi Kanya rin tayong lilinisin. Maaaring nakatuklas ng mga sipi ang mga miyembro ng klase sa Mga Awit 51; 85–86 sa linggong ito na nagpalakas sa kanilang pananampalataya sa kahandaan ng Panginoon na magpatawad. Hikayatin silang ibahagi ang kanilang natuklasan. Maaari mo rin silang ituro sa Awit 86:5, 13, 15 at tanungin kung ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa Panginoon. Ano ang ibig sabihin ng siya ay “sagana sa tapat na pag-ibig at katapatan”? (talata 15). Bakit mahalaga na malaman natin ito?

Awit 66:5–20

Ang ating patotoo kay Jesucristo ay makakatulong sa iba na lumapit sa Kanya.

  • Ang isa sa malalaking pagpapala ng pagkikita-kita sa Sunday School ay ang pagkakataong magkaroon ng lakas mula sa pananampalataya at mga patotoo ng iba pang mga tagasunod ni Jesucristo. Para maibigay ang pagkakataong ito sa klase mo, maaari mong hilingin sa mga miyembro ng klase na basahin ang Awit 66:16 at pagnilayan ang tanong na ito: Kung inyong “ipahahayag kung ano ang ginawa [ng Panginoon] para sa [inyong] kaluluwa,” ano ang sasabihin ninyo? Habang nagninilay sila, maaari nilang basahin ang mga talata 5–20 para sa mga ideya. Hayaan mong isulat nila ang kanilang mga sagot. Pagkatapos ay anyayahan silang “ipahayag” sa isa’t isa—sa maliliit na grupo o sa buong klase—kung ano ang nagawa ni Jesucristo para sa kanilang kaluluwa.

    Larawan
    dalawang binatang nag-uusap

    Maibabahagi natin sa iba ang ating patotoo tungkol sa nagawa ng Panginoon para sa atin.

Larawan
icon ng karagdagang resources

Karagdagang Resources

Ang ibig sabihin ng pagsisisi ay pagbabago.

Inilarawan ni Pangulong Russell M. Nelson ang pagsisisi sa ganitong paraan:

“Kaya, sa pag-uutos ni Jesus sa inyo at sa akin na “mangagsisi,”6 inaanyayahan Niya tayo na baguhin ang ating pag-iisip, kaalaman, espiritu—maging ang paraan ng paghinga natin. Iniuutos Niya sa atin na baguhin natin kung paano tayo magmahal, mag-isip, maglingkod, gumugol ng ating oras, makitungo sa ating asawa, magturo sa ating mga anak, at maging ang pangangalaga natin sa ating katawan.

“Wala nang mas nagpapalaya, mas nagpapabanal, o mas mahalaga sa ating indibiduwal na pag-unlad kaysa sa regular at araw-araw na pagtutuon sa pagsisisi. Ang pagsisisi ay hindi ginagawa nang isang beses lang, ito ay isang proseso. Ito ay susi sa kaligayahan at kapayapaan ng isipan. Kapag nilakipan ng pananampalataya, ang pagsisisi ay nagiging daan para magamit natin ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. …

“Kapag pinipili nating magsisi, pinipili nating magbago! Tinutulutan natin ang Tagapagligtas na baguhin tayo at gawin tayong pinakamabuting bersyon ng ating sarili. Pinipili nating umunlad sa espirituwal at magkaroon ng kagalakan—ang kagalakan na matubos Niya. Kapag pinipili nating magsisi, pinipili nating maging higit na katulad ni Jesucristo!” (“Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging Mas Mahusay,” Liahona, Mayo 2019, 67).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magtanong ng mga bagay na umaantig sa puso at isipan. “Maaari mong ipabahagi sa mga mag-aaral ang nadarama nila tungkol sa isang talata sa banal na kasulatan, kung ano ang maaaring nadama ng mga taong binanggit sa mga banal na kasulatan, o kung paano nauugnay ang mga katotohanan sa talata sa ating buhay” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 31).

Print