Lumang Tipan 2022
Agosto 8–14. Mga Awit 1–2; 8; 19–33; 40; 46: “Ang Panginoon ay Aking Pastol”


“Agosto 8–14. Mga Awit 1–2; 8; 19–33; 40; 46: ‘Ang Panginoon ay Aking Pastol,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Agosto 8–14. Mga Awit 1–2; 8; 19–33; 40; 46,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2022

Larawan
si Jesus na naglalakad na may kasamang mga tupa

The Lord Is My Shepherd [Ang Panginoon ay Aking Pastol], ni Yongsung Kim, havenlight.com

Agosto 8–14

Mga Awit 1–2; 8; 19–33; 4046

“Ang Panginoon ay Aking Pastol”

Magplano ng mga paraan para hayaang magbahagi ang mga miyembro ng klase ng mga espirituwal na karanasan nila habang binabasa nila ang Mga Awit.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Ang pag-anyaya sa mga miyembro ng klase na ibahagi ang natuklasan nila sa Mga Awit ay maaaring kasingsimple ng pagtatanong na tulad nito: Ano ang itinuro sa inyo ng Espiritu nang basahin ninyo ang Mga Awit sa linggong ito? Aling mga awit ang nakatulong sa inyo na lalong mapalapit sa Panginoon?

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Mga Awit 1; 23; 26–2846

Tinuturuan tayo ng Mga Awit na magtiwala sa Panginoon.

  • Iminumungkahi sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya na basahin ang Mga Awit 1; 23; 26–2846 at hanapin ang mga sumusunod:

    • Mga paanyayang magtiwala sa Panginoon

    • Mga salitang naglalarawan sa Panginoon

    • Mga salitang naglalarawan sa kapayapaan, lakas, at iba pang mga pagpapalang ibinibigay Niya

    • Mga salitang naglalarawan sa mga taong nagtitiwala sa Kanya

    Maaari mong isulat sa pisara ang mga pariralang ito at anyayahan ang mga miyembro ng klase na isulat, sa tabi ng bawat parirala, ang isang bagay na natagpuan nila sa Mga Awit 1; 23; 26–28; o 46. Kung kailangan nila ng tulong, maaari mo silang ituro sa mga talatang ito: Mga Awit 1:1–4; 23:1–6; 26:1, 6–8, 12; 27:1, 3, 8, 14; 28:1, 7; 46:1–3, 10. Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase ang naging damdamin nila tungkol sa Tagapagligtas nang basahin nila ang mga awit na ito.

  • Dahil ang Mga Awit ay parang mga himno para sa mga Israelita, maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na magmungkahi ng mga himno na nagpapaalala sa kanila ng mga awit na nabasa nila sa linggong ito. Maaari silang sumangguni sa indeks na “Mga Banal na Kasulatan” sa dulo ng himnaryo para sa mga ideya (tingnan din ang listahan sa “Karagdagang Resources”). Maaaring kantahin ng mga miyembro ng klase ang ilan sa mga himnong ito at tukuyin ang mga temang karaniwan sa mga himno at sa mga awit. Anong mga mensahe ng kapayapaan at pananampalataya kay Jesucristo ang nakikita natin?

Mga Awit 2; 22; 31:5

Itinuturo ng Mga Awit ang ating isipan sa buhay at ministeryo ni Jesucristo.

  • Ang pagbabasa ng Mga Awit—lalo na ang mga nakaturo sa buhay ng Tagapagligtas—ay maaaring magandang paraan para mapalakas ang pananampalataya kay Jesucristo. Maaari mong hatiin ang klase sa mga grupo na tigdadalawa o mahigit pa at bigyan ang bawat grupo ng isa sa sumusunod na mga pares ng mga reperensya: Awit 2:1–3 at Mga Gawa 4:24–28; Awit 2:7 at Mga Gawa 13:30–33; Awit 22:1 at Mateo 27:45–46; Awit 22:7–8 at Mateo 27:39–43; Awit 22:16 at Lucas 23:32–33; Awit 22:18 at Mateo 27:35; Awit 31:5 at Lucas 23:46. Hilingin sa bawat grupo na alamin kung paano natupad ang isang propesiya sa Mga Awit sa buhay ng Tagapagligtas at talakayin kung paano pinalakas ng mga talatang ito ang kanilang patotoo sa Tagapagligtas.

    O maaari mong isulat sa pisara ang mga reperensya sa banal na kasulatan at anyayahan ang mga miyembro ng klase na itugma ang isang sipi mula sa Mga Awit sa kaukulang kaganapan sa Bagong Tipan.

    Maaari mo ring anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng iba pang mga reperensya sa Tagapagligtas na natagpuan nila sa kanilang pag-aaral ng Mga Awit (tulad ng Mga Awit 34:20; 41:9; tingnan din sa Lucas 24:44).

    Matapos talakayin ng mga miyembro ng klase ang mga talatang ito, maaari nilang pag-usapan kung bakit naging makabuluhan sana ang mga awit na ito sa mga Judio na nakakilala sa Tagapagligtas. Bakit makabuluhan ang mga ito sa atin?

Awit 23

“Ang Panginoon ay aking pastol.”

  • Para matulungan ang mga miyembro ng klase na talakayin ang paglalarawan at simbolismo sa Awit 23, isiping magpakita ng mga larawang may kaugnayan sa mga ideya sa awit, tulad ng mga nasa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya. Pagkatapos ay maaari mong hilingin sa mga miyembro ng klase na tukuyin ang makabuluhang mga salita o kataga sa awit at talakayin kung ano ang maaaring katawanin ng mga ito. Halimbawa, ano ang ipinapaalala ng mga katagang tulad ng “pinahihiga sa luntiang pastulan” o “mga tubig na pahingahan”? Ano kaya ang isinisimbolo ng nakapapanatag na “pamalo” at “tungkod”? Ano kaya ang ibig sabihin ng pag-apaw ng ating “saro”? Ano ang itinuturo sa atin ng mga simbolong ito tungkol kay Jesucristo? Maaari mong imungkahi na muling bigkasin ng mga miyembro ng klase ang awit, na pinapalitan ang ilan sa mga simbolo ng mga posibleng kahulugang tinalakay ng klase.

Larawan
icon ng karagdagang resources

Karagdagang Resources

Mga himnong may kaugnayan sa Mga Awit.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Gumamit ng musika. “Ang mga himno ay nag-aanyaya sa Espiritu ng Panginoon, nagdadala ng mapitagang pakiramdam, napagkakaisa tayo bilang mga miyembro, at nagiging daan para makapag-alay tayo ng mga papuri sa Panginoon. Ang mga himno ay naghihimok sa atin na magsisi at gumawa ng mabuti, nagpapalakas ng patotoo at pananampalataya, nagpapaginhawa sa mga nahahapo, nag-aaliw sa mga nagluluksa, at nagbibigay-inspirasyon sa atin na magtiis hanggang sa wakas” (Mga Himno, vii).

Print