Lumang Tipan 2022
Nobyembre 7–13. Oseas 1–6; 10–14; Joel: “Malaya Ko Silang Iibigin”


“Nobyembre 7–13. Oseas 1–6; 10–14; Joel: ‘Malaya Ko Silang Iibigin,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Nobyembre 7–13. Oseas 1–6; 10–14; Joel,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2022

Larawan
magnobyong ikakasal na nasa bakuran ng templo

Nobyembre 7–13

Oseas 1–6; 10–14; Joel

“Malaya Ko Silang Iibigin”

Habang nag-aaral at naghahanda ka sa linggong ito, isipin kung alin sa magaganda at nagbibigay-inspirasyong mga mensahe mula sa mga aklat nina Oseas at Joel ang maaaring makatulong sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga tinuturuan mo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Para matulungan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang natutuhan nila sa linggong ito, maaari mo silang anyayahang isulat sa pisara ang isang salita o parirala na nagbigay-inspirasyon sa kanila sa kanilang pag-aaral. Pagkatapos ay maaari nilang ibahagi kung bakit makabuluhan sa kanila ang salita o katagang iyon. Ang mga salita at katagang ito ay maaaring gumabay sa inyong talakayan.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Oseas 1–3; 14

Lagi tayong inaanyayahan ng Panginoon na bumalik sa Kanya.

  • Maaari mong simulan ang isang talakayan tungkol sa Oseas 1–3 sa pagsulat ng kasal sa pisara at paghiling sa mga miyembro ng klase na ilista ang mga salitang iniuugnay nila sa kasal. Paano naging kagaya ng pagpapakasal ang pakikipagtipan sa Panginoon? Paano naging kagaya ng pagtataksil sa asawa ang paglabag sa tipang iyon? (tingnan sa Oseas 2:5–7, 13). Sa gayon ay maaaring talakayin ng klase kung paano isinisimbolo ng kaugnayan sa pagitan nina Oseas at Gomer ang kaugnayan sa pagitan ng Panginoon at ng Kanyang mga tao. Ano ang itinuturo sa atin ng Oseas 2:14–23 at Oseas 14 tungkol sa pagmamahal at awa ng Panginoon? Paano natin ipinapakita sa Panginoon ang ating pagmamahal at katapatan sa Kanya?

  • Inilarawan sa Oseas 14 ang maraming magagandang pangako ng Panginoon sa sambahayan ni Israel kung babalik sila sa Kanya. Marahil ay maaaring saliksikin ng mga miyembro ng klase ang kabanatang ito na hinahanap ang mga pangakong ito. Ano ang sinabi ng Panginoon na gagawin Niya? Ano kaya ang ibig sabihin ng katagang “malaya ko silang iibigin”? (talata 4). Ano ang itinuturo sa atin ng mga talinghaga sa mga talata 5–8 tungkol sa mga pagpapala ng Panginoon sa atin, kabilang na ang mga pagpapala ng pagsisisi?

    Larawan
    babaeng nakaupo sa lupa kasama ang isang lalaking nakapatong ang kamay sa kanyang ulo

    Ang makasalanang si Gomer, na kumakatawan sa Israel, ay inalok ng pagtubos ng Panginoon. Paglalarawan ni Deb Minnard, lisensyado mula sa goodsalt.com

Oseas 6:6; Joel 2:12–13

Ang katapatan sa Diyos ay kailangang madama sa kalooban, hindi lang sa panlabas na anyo.

  • Ang Oseas 6:6 at Joel 2:12–13 ay tumutukoy sa pag-aalay ng hayop at pagpunit sa damit bilang mga tanda ng pagsisisi. Bagama’t ang gayong mga gawi ay maaaring hindi pamilyar ngayon, ang mga talatang ito ay maaaring humantong sa talakayan tungkol sa kung ano ang pinakamahalaga sa Panginoon. Maaari ninyong sama-samang basahin ang Oseas 6:6 at talakayin ang kahulugan ng talatang ito. Anyayahan ang ilang miyembro ng klase na basahin ang Mateo 9:10–13 at basahin ng iba pa ang Mateo 12:1–8. Pagkatapos ay maaaring turuan ng mga miyembro ng klase ang isa’t isa kung paano naipauunawa sa atin ng mga pangyayaring ito sa ministeryo ng Tagapagligtas ang alituntuning itinuro sa Oseas 6:6. Paano natin maipamumuhay ang alituntuning ito sa ating panahon?

    Maaari din ninyong sama-samang basahin ang Joel 2:12–13 at talakayin ang ibig sabihin ng punitin ang ating puso at hindi lang ang ating kasuotan. Ano ang natututuhan natin sa mga talatang ito tungkol sa kahulugan ng maging tunay na mga disipulo ni Jesucristo?

Joel 2

“Ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng laman.”

  • Para masimulan ang talakayan tungkol sa Joel 2, maaari mong ibahagi sa klase ang sinabi ni Moroni tungkol sa propesiyang ito nang bisitahin niya si Joseph Smith noong 1823 (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:41). Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase kung paano nila nadarama na natutupad ang mga propesiya sa Joel 2:28–32 sa ating panahon. Maaari mo ring talakayin kung paano nauugnay ang mga salita ni Elder David A. Bednar sa “Karagdagang Resources” sa propesiya ni Joel. Maaaring talakayin ng mga miyembro ng klase kung ano ang kahulugan sa kanila ng madama ang pagbuhos ng Espiritu Santo sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Ano ang magagawa natin kung pakiramdam natin ay hindi natin natatanggap ang pagbuhos na iyon? Paano natin matutulungan “ang [ating] mga anak na lalaki at mga anak na babae” na matanggap ito? (talata 28).

Larawan
icon ng karagdagang resources

Karagdagang Resources

“Makakaasa tayo na gagabayan tayo ng Espiritu Santo.”

Itinuro ni Elder David A. Bednar:

“Kadalasa’y pinahihirapan natin ang ating sarili na matanggap ng personal na paghahayag. Ibig kong sabihin, ang pangako ng tipan ay na kapag iginalang natin ang ating mga tipan, maaari tayong patnubayan palagi ng Espiritu Santo. Ngunit pinag-uusapan at itinuturing natin ito na para bang bihirang mangyari na marinig ang tinig ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu. … Ang [Espiritu] ang dapat nating makasama sa lahat ng oras. Hindi bawat pinakamaikling segundo, kundi kung ginagawa ng isang tao ang kanyang makakaya—hindi ninyo kailangang maging perpekto—ngunit kung ginagawa natin ang ating makakaya at hindi tayo gumagawa ng mabigat na kasalanan, makakaasa tayo na gagabayan tayo ng Espiritu Santo.…

“…Tila naniniwala tayo na ang Espiritu Santo ay napakalaking bagay at biglaan, samantalang ito ay marahan at banayad at paunti-unti sa paglipas ng oras. Hindi ninyo kailangang mapansin na tumatanggap kayo ng paghahayag sa sandaling natatanggap ninyo ang paghahayag” (“Elder David A. Bednar Discussion” [gabi kasama ang isang General Authority, Peb.7, 2020], broadcasts.ChurchofJesusChrist.org).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Maging magiliw. Kailangang malaman ng mga mag-aaral na nagmamalasakit ka sa kanila at sa kanilang espirituwal na paglago. Ang isang magandang paraan para maipakita ito sa kanila ay masaya silang batiin pagdating nila sa klase. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 15.)

Print