Lumang Tipan 2022
Oktubre 31–Nobyembre 6. Daniel 1–6: “Walang Ibang Diyos na Makapagliligtas”


“Oktubre 31–Nobyembre 6. Daniel 1–6: ‘Walang Ibang Diyos na Makapagliligtas,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Oktubre 31–Nobyembre 6. Daniel 1–6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2022

Larawan
si Daniel na binibigyang-kahulugan ang panaginip ni Nebukadnezar

Binibigyang-kahulugan ni Daniel ang Panaginip ni Nebukadnezar, ni Grant Romney Clawson

Oktubre 31–Nobyembre 6

Daniel 1–6

“Walang Ibang Diyos na Makapagliligtas”

Maraming miyembro ng klase ang magiging pamilyar sa ilan sa mga kuwento sa aklat ni Daniel. Habang nag-aaral ka at naghahandang magturo, humingi ng patnubay mula sa Espiritu kung paano mo matutulungan ang mga miyembro ng klase na makahanap ng personal na kahulugan mula sa mga kabanatang ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Maaaring makatulong na anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi kung ano na ang lagay ng kanilang personal na pag-aaral at pag-aaral ng kanilang pamilya ng mga banal na kasulatan. Kapag nagbahagi ng kabatiran ang mga miyembro ng klase tungkol sa isang bagay na itinuro sa kanila ng Espiritu sa linggong ito, maaari mong itanong sa kanila kung ano ang ginawa nila na humantong sa mga kabatirang iyon.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Daniel 1; 3; 6

Maaari tayong magtiwala sa Panginoon kapag sinubok ang ating pananampalataya.

  • Para masimulan ang talakayan kung paano nagpakita ng pananampalataya sina Daniel, Shadrac, Meshac, at Abednego sa Panginoon, maaari mong hilingin sa ilang miyembro ng klase na ibuod ang mga hamong nakaharap ng apat na lalaking ito, na inilarawan sa Daniel 1, 3, at6. Bakit naging mahirap sana ang maging tapat sa mga sitwasyong ito? Anong mga sitwasyon ang kinakaharap natin ngayon na humahamon sa ating pananampalataya? Maaaring saliksikin ng mga miyembro ng klase ang Daniel 1:10–13; 3:15–18; 6:10, na hinahanap kung paano tumugon ang apat na lalaking ito sa kanilang mga hamon. Paano tayo matutulungan ng kanilang mga halimbawa sa ating mga pagsisikap na maging matatapat na disipulo ni Jesucristo?

  • Marami sa atin, gaya ni Daniel at ng kanyang mga kaibigan, ang napilitan nang ikompromiso ang ating mga pamantayan. Ano ang ilan sa mga pinagmumulan ng pressure o pamimilit na ito sa ating buhay? Para matulungan ang mga miyembro ng klase na matuto mula sa halimbawa ni Daniel at ng kanyang mga kaibigan, maaari mong hatiin ang klase sa tatlong grupo at iparebyu sa bawat grupo ang isa sa sumusunod na mga kabanata: Daniel 1, 3, o 6. Paano pinagpala ng Panginoon sina Daniel, Shadrac, Meshac, at Abednego nang piliin nilang maging tapat sa kabila ng pressure o pamimilit na kanilang nakaharap? Maaaring ibahagi ng bawat grupo sa klase ang natuklasan nila. Pagkatapos ay maaaring mag-usap-usap ang mga miyembro ng klase kung paano mananatiling tapat sa kabila ng pressure o pamimilit ng lipunan o iba pang mga klase ng pamimilit. Maaari din nilang talakayin ang kahalagahan ng paghahanap ng mabubuting kaibigan na susuporta sa atin sa ating mga pamantayan.

Daniel 2

Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kaharian ng Diyos sa lupa.

  • Ang pagtalakay sa Daniel 2 ay maaaring magpaunawa sa klase mo kung paano tinutupad ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang tadhana nito bilang ipinropesiyang bato na “natibag mula sa bundok” (talata 45). Para makapagsimula, maaari ninyong rebyuhin bilang isang klase ang paglalarawan at pakahulugan ni Daniel sa panaginip ni Nebukadnezar, na matatagpuan sa Daniel 2:31–45. Pagkatapos ay maaari kang magpakita ng larawan ng isang bato (o magdrowing ng isa sa pisara). Anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang natututuhan nila tungkol sa kaharian ng Diyos sa pagkukumpara nito sa mga paglalarawan ng bato sa Daniel 2:34–35, 44–45. Marahil ay maaaring may kaunting alam ang mga miyembro ng klase tungkol sa kasaysayan ng Simbahan sa inyong lugar na maibabahagi nila. Paano natin nakitang natupad ang mga propesiya ni Daniel sa kani-kanya nating buhay?

Daniel 2:1–30

Ang pagtanggap ng paghahayag ay nangangailangan ng espirituwal na paghahanda.

  • Marahil ay makikinabang ang mga miyembro ng klase sa pag-aaral kung paano inihanda ni Daniel ang kanyang sarili sa pagtanggap ng paghahayag na kailangan para ilarawan at bigyang-kahulugan ang panaginip ni Nebukadnezar. Maaari kang magsimula sa paghiling sa mga miyembro ng klase na rebyuhin ang Daniel 2:1–15 at pagkatapos ay ibahagi kung ano ang madarama nila kung matagpuan nila ang kanilang sarili sa katayuan ni Daniel. Anyayahan silang saliksikin ang Daniel 2:16–18 para malaman kung ano ang ginawa ni Daniel. Ano ang natututuhan natin mula sa Daniel 1:17 kung paano inihanda ng Diyos si Daniel? Ano ang matututuhan natin mula kay Daniel na makatutulong sa atin kapag naghahangad tayo ng personal na paghahayag? Ano ang matututuhan natin mula sa mga salita at kilos ni Daniel matapos niyang matanggap ang tulong ng Panginoon? (tingnan sa Daniel 2:20–30).

Larawan
apat na batang lalaki sa isang mesa na tinatanggihan ang karneng inialok ng lalaki

Paglalarawan kay Daniel at sa kanyang mga kaibigan na tinatanggihan ang pagkain ng hari, ni Brian Call

Daniel 3

Kapag hindi tiyak ang kalalabasan, mapipili pa rin nating sumampalataya.

  • Ang karanasan nina Shadrac, Meshac, at Abednego na matatagpuan sa Daniel 3 ay mas lubos na magpapaunawa sa mga miyembro ng klase mo kung ano ang kahulugan ng manampalataya kay Jesucristo. Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibuod ang hamon nina Shadrac, Meshac, at Abednego (tingnan sa Daniel 3:1–12) at pagkatapos ay talakayin kung paano sila tumugon (tingnan sa Daniel 3:13–18). Ano ang natututuhan natin tungkol sa pananampalataya mula sa tugon ng mga lalaking ito? Maaari mong isulat sa pisara ang mga pariralang Ang ating Diyos ay kayang… at Ngunit kung hindi… mula sa mga talata 17–18. Maaaring imungkahi ng mga miyembro ng klase kung paano nila maaaring punan ang mga patlang ng mga sitwasyon na maaari nilang kaharapin. Halimbawa, maaari nilang imungkahi na “Ang ating Diyos ay kayang sagutin ang lahat ng tanong ko” at “Ngunit kung hindi, matiyaga akong magtitiwala sa Kanya.” Habang nagbabahagi ng mga halimbawa ang mga miyembro ng klase, hikayatin silang talakayin kung paano tayo sinusuportahan at pinalalakas ng Tagapagligtas kahit hindi natin alam kung ano ang mangyayari.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Gumamit ng mga visual aid. “Ang sining, pati na ang mga larawan, video, at dula, ay makatatawag ng pansin ng mga mag-aaral—lalo na ang mga visual learner—at lalo nilang hindi malilimutan ang mga salaysay sa mga banal na kasulatan” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 22).

Print