Lumang Tipan 2022
Nobyembre 21–27. Jonas; Mikas: “Siya’y Nalulugod sa [Awa]”


“Nobyembre 21–27. Jonas; Mikas: ‘Siya’y Nalulugod sa [Awa],’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Nobyembre 21–27. Jonas; Mikas,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School

Larawan
lalaking gumagapang sa dalampasigan at may balyena sa dagat sa kanyang likuran

Jonah on the Beach at Nineveh [Si Jonas sa Dalampasigan ng Ninive], ni Daniel A. Lewis

Nobyembre 21–27

Jonas; Mikas

“Siya’y Nalulugod sa [Awa]”

Ang nagtatagal na pagbabalik-loob ay nangangailangan ng higit pa sa isang nagbibigay-inspirasyong Sunday School lesson kada ikalawang linggo. Hikayatin ang mga miyembro ng klase na maghangad ng personal na espirituwal na mga karanasan sa buong buhay nila.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Isiping isulat sa pisara ang mga katagang gaya ng mga sumusunod: Isang katotohanang naalala ko, Isang bagay na natutuhan ko, at Isang bagay na gusto kong pag-aralan pa. Bigyan ng oras ang mga miyembro ng klase na rebyuhin ang pinag-aralan nila sa Jonas at Mikas na may kaugnayan sa isa sa mga pariralang nasa pisara.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Jonas 1–4; Mikas 7:18–19

Ang Panginoon ay maawain sa lahat ng bumabaling sa Kanya.

Ang pagpapaalala sa klase mo tungkol sa awa ng Panginoon ay magpapadama sa kanila ng Kanyang pagmamahal sa kanila at maghihikayat sa kanila na magsisi. Maaari mong anyayahan ang klase na basahin ang Mikas 7:18–19 at ilista sa pisara ang ilang pangyayari mula sa Jonas 1–4 na nagpapakita na nalulugod ang Panginoon sa awa. Anong iba pang mga karanasan tungkol sa awa ng Diyos ang maibabahagi natin—mula sa mga banal na kasulatan o sa sarili nating buhay?

Ang pagdanas ng awa ng Panginoon ay maaaring magbigay-inspirasyon sa atin na maging mas maawain. Narito ang isang ideya na maaaring makatulong sa mga miyembro ng klase na matuto tungkol sa awa mula sa aklat ni Jonas. Maaari mong isulat sa pisara ang isang tanong na gaya nito: Ano ang maituturo sa akin ng awa ng Diyos, tulad ng ipinamalas sa Jonas 1–4, tungkol sa pagiging mas maawain? Bawat miyembro ng klase ay maaaring pumili ng isang kabanatang rerebyuhin at hanapin ang mga sagot sa tanong. Bigyan ng oras ang mga miyembro ng klase na pagbulayan ang mga pagkakataon nilang palitan ng awa ang mapanghusgang ugali sa kanilang sarili o sa iba.

Larawan
dalawang taong nag-uusap sa may tabing-ilog

Maibabahagi natin ang ebanghelyo sa mga anak ng Diyos.

Jonas 1; 3–4

Kailangang marinig ng lahat ng anak ng Diyos ang ebanghelyo.

  • Ang isang paraan para matutuhan ang mga aral mula sa kuwento ni Jonas ay ikumpara ito sa mga salaysay tungkol sa mga missionary sa Aklat ni Mormon. Isiping lumikha ng dalawang column sa pisara na may mga heading na Jonas at Alma at mga Anak ni Mosias. Anyayahan ang klase na ihambing ang saloobin ni Jonas tungkol sa pagtuturo sa mga tao ng Ninive (tingnan sa Jonas 1; 3–4) sa saloobin ng mga anak ni Mosias tungkol sa pagtuturo sa mga Lamanita (tingnan sa Mosias 28:1–5; Alma 17:23–25). Ano ang natututuhan natin mula sa pagsasanay na ito tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa lahat ng anak ng Diyos?

  • Gaya ni Jonas, maaaring nag-aalangan ang marami sa atin na anyayahan ang iba na lumapit sa Panginoon. Ano ang ilang posibleng dahilan ng pagtakas ni Jonas sa kanyang tungkuling bigyan ng babala ang mga tao ng Ninive? Bakit kaya tayo nag-aalangan kung minsan na ibahagi ang ebanghelyo? Maaaring magbahagi ang mga miyembro ng klase ng mga paraan na natulungan sila ng Panginoon na madaig ang kanilang pag-aalangan. Ang payo ni Pangulong Henry B. Eyring sa “Karagdagang Resources” ay maaaring makatulong sa mga miyembro ng klase na matukoy ang mga alituntuning magpapalakas sa ating mga pagsisikap na ibahagi ang ebanghelyo.

Mikas 6:6–8

“Ano ang itinatakda ng Panginoon sa iyo?”

  • Binabanggit sa Mikas 6:6–7 ang ilang elemento ng mga sinaunang ritwal ng mga Judio. Ngunit ang ilang bagay ay mas mahalaga sa Diyos kaysa mga panlabas na ritwal. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na hanapin ang mahahalagang bagay na iyon sa talata 8. Marahil ay matutukoy ng mga miyembro ng klase ang mahahalagang parirala sa talatang ito at talakayin kung ano ang kahulugan ng bawat kataga. Pagkatapos ay maaari nilang piliin ang mga paborito nilang kataga, hanapin ang kaugnay na mga talata sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan o sa isang kaugnay na himno sa himnaryo, at ibahagi ang kanilang natututuhan. Bakit mahalaga ang mga alituntuning ito sa Panginoon?

Larawan
icon ng karagdagang resources

Karagdagang Resources

Pagmamahal, halimbawa, at patotoo.

Matapos talakayin ang babala ni Jonas sa mga tao ng Ninive, ibinahagi ni Pangulong Henry B. Eyring ang isang karanasan kung saan binalaan siya ng kanyang ina:

“Naaalala ko pa nang mahinahon akong kausapin ng nanay ko isang Sabado ng hapon noong bata pa ako nang magpaalam akong gawin ang isang bagay na akala ko ay makatwiran pero alam niyang mapanganib. Mangha pa rin ako sa kapangyarihang ipinagkaloob sa kanya, na alam kong nagmula sa Panginoon, para baguhin ang isip ko sa iilang salita. Ang naaalala ko, sabi niya: ‘Ah, palagay ko kaya mo ngang gawin iyan. Pero nasa iyo ang pagpapasiya.’ Ang tanging babala ay ang pagbibigay-diin niya sa mga salitang kaya at pagpapasiya. Subalit sapat na iyon sa akin.

“Ang kapangyarihan niyang magbabala sa iilang salita ay nagmula sa tatlong bagay na alam ko tungkol sa kanya. Una, alam kong mahal niya ako. Ikalawa, alam ko na nagawa na niya ang nais niyang ipagawa sa akin at napagpala roon. At ikatlo, nabanggit na niya sa akin ang tiyak niyang patotoo na napakahalaga ng pagpapasiyang kailangan kong gawin kaya sasabihin sa akin ng Panginoon ang dapat kong gawin kung magtatanong ako sa Kanya. Pagmamahal, halimbawa, at patotoo: mahalaga ang mga iyon noong araw na iyon” (”A Voice of Warning,” Ensign, Nob. 1998, 32).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Ihanda ang Iyong Sarili Ang mabisang pagtuturo ng ebanghelyo ay nagsisimula sa paghahanda sa ating sarili. Bago mo ihanda ang iyong lesson, puspusin ng Espiritu Santo ang puso mo sa pamamagitan ng makabuluhang pag-aaral at panalangin. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 12.)

Print