Lumang Tipan 2022
Nobyembre 28–Disyembre 4. Nahum, Habakuk, Sefanias: “Ang Kanyang mga Pamamaraan ay Walang Hanggan”


“Nobyembre 28–Disyembre 4. Nahum; Habakuk; Sefanias: ‘Ang Kanyang mga Pamamaraan ay Walang Hanggan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Nobyembre 28–Disyembre 4. Nahum; Habakuk; Sefanias,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2022

Larawan
si Jesus na nakatingala sa mga bituin

“Ang Kanyang mga Pamamaraan ay Walang Hanggan” (Habakuk 3:6). In the Beginning Was the Word [Sa Simula ay ang Salita], ni Eva Timothy

Nobyembre 28–Disyembre 4

Nahum; Habakuk; Sefanias

“Ang Kanyang mga Pamamaraan ay Walang Hanggan”

Ang halimbawa mo bilang isang mag-aaral ng ebanghelyo ay maaaring magpala sa mga miyembro ng klase mo. Ibahagi sa kanila kung paano ka tinutulungan ng Espiritu Santo na maunawaan ang mga banal na kasulatan, at ipahayag ang tiwala mo na tutulungan din Niya sila.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Para mabigyan ng pagkakataon ang mga miyembro ng klase na magbahagi ng mga kabatiran mula sa pag-aaral nila ng mga banal na kasulatan, maaari mong isulat sa pisara ang Nahum, Habakuk, at Sefanias bilang mga heading. Pagkatapos ay maaaring isulat ng mga miyembro ng klase sa ilalim ng mga heading ang isang salita o katagang nakakuha ng kanilang pansin at ang kabanata at talata kung saan nila iyon natagpuan. Bigyan sila ng panahong ipaliwanag kung bakit makabuluhan ang mga salita o katagang ito at kung ano ang itinuro ng Espiritu Santo sa kanila.

Ituro ang Doktrina

Nahum 1

Ang Panginoon ay kapwa makapangyarihan at maawain.

  • Iminumungkahi sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya na saliksikin ang Nahum 1 para sa mga talatang naglalarawan sa mga katangian ni Panginoon. Maaari mong tanungin ang mga miyembro ng klase kung ano ang natutuhan nila tungkol sa Panginoon mula sa kanilang personal na pag-aaral. Halimbawa, ano ang natututuhan natin tungkol sa Kanya mula sa mga talata 1–9? Maaari mong ipaliwanag na ipinropesiya ni Nahum ang mga kahatulan ng Panginoon laban sa Ninive, ang kabisera ng Asiria, at na inapi ng Asiria ang mga Israelita sa loob ng maraming taon. Bakit mahalagang marinig ng mga Israelita ang mensahe ni Nahum tungkol sa Diyos? Bakit ito mahalaga para sa atin ngayon?

    Larawan
    kutang-bato o muog

    “Ang Panginoon ay mabuti, isang muog sa araw ng kaguluhan” (Nahum 1:7).

Habakuk 1:1–4; 2:1–4;3

Maaari tayong magtiwala sa kalooban ng Panginoon at sa Kanyang takdang panahon.

  • Maaaring makatulong sa mga miyembro ng klase na malaman na, gaya ng marami sa atin, naligalig si Habakuk sa nakita niya sa mundo sa kanyang paligid. Marahil ay maaaring basahin ng mga miyembro ng klase ang Habakuk 1:1–4 at ibuod ang mga alalahanin ni Habakuk. Maaari din nilang ikumpara ang kanyang mga tanong sa iba sa mga banal na kasulatan, tulad ng mga matatagpuan sa Marcos 4:37–38 at Doktrina at mga Tipan 121:1–6. Anong mga bagay na katulad nito ang itinatanong ng mga tao tungkol sa Diyos ngayon? Anong payo ang ibinigay ng Panginoon sa Habakuk 2:1–4 na tumutulong sa inyo na magtiwala sa Kanyang kalooban at takdang panahon? (tingnan din sa Marcos 4:39–40; Doktrina at mga Tipan 121:7–8). Maaaring makakita ang mga miyembro ng klase ng iba pang kabatiran sa “Karagdagang Resources.” Maaari din nilang ibahagi kung paano sila natulungan ng Tagapagligtas na “[mabuhay] sa pamamagitan ng [kanilang] pananampalataya” kahit may mga tanong sila na hindi nasasagot.

  • Para masimulan ang isang talakayan tungkol sa Habakuk 3, maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase na rebyuhin ang kabanata at magbahagi ng mga pahayag ng papuri at pananampalataya na matatagpuan nila. Para matulungan silang iangkop ang mga salitang ito sa kanilang sarili, maaari mong anyayahan ang bawat miyembro ng klase na ilista ang mga pagpapalang ibinigay sa kanya ng Diyos. Sabihin sa kanila na pagnilayan kung ano ang mangyayari kung nawala sa kanila ang ilan sa kanilang temporal na mga pagpapala. Sama-samang basahin ang Habakuk 3:17–19, at talakayin kung bakit maaaring mahirap na “[magalak] sa Panginoon” (talata 18) sa mga panahon ng paghihirap gaya ng mga inilarawan sa talata 17. Paano tayo magkakaroon ng pananampalataya na gaya ni Habakuk?

Sefanias 3:14–20

Magagalak ang Panginoon sa Kanyang mga tao sa Sion.

  • Para matulungan ang mga miyembro ng klase na makasumpong ng pag-asa para sa hinaharap sa Sefanias 3:14–20, maaari mong isulat sa pisara ang “Matuwa at magalak nang buong puso” dahil… Pagkatapos ay maaaring saliksikin ng mga miyembro ng klase ang mga talatang ito para sa mga pagpapalang ipinangako para sa hinaharap na makatutulong sa kanila na magalak ngayon. Paano tayo natutulungan ng mga pangakong ito sa mahihirap na panahon?

Larawan
icon ng karagdagang resources

Karagdagang Resources

Ang ibig sabihin ng pananampalataya ay pagtitiwala sa karunungan, habag, at takdang-oras ng Diyos.

Sabi ni Elder Jeffrey R. Holland:

“Gaano ba tayo katagal maghihintay ng kaginhawaan mula sa mga paghihirap na dumarating sa atin? O magtitiis sa mga personal na pagsubok habang naghihintay nang napakatagal para sa tulong? Bakit ba kailangang patagalin gayong tila hindi na natin makayanan ang mga pasanin?…

“…May mga pagkakataon sa ating buhay kung saan maging ang ating pinakamatinding pagsisikap sa espirituwal at pinakataimtim na panalangin ay hindi humahantong sa inaasam nating tagumpay, hinggil man ito sa malalaking pandaigdigang isyu o maliliit na personal na problema. Kaya habang sama-sama tayong nagsisikap at naghihintay para sa mga sagot sa ilan sa ating mga panalangin, ibinibigay ko sa inyo ang aking pangako bilang apostol na ang mga ito ay dinirinig at sinasagot, bagaman maaaring hindi sa panahon o paraang nais natin. Ngunit ang mga ito ay palaging sinasagot sa panahon at paraang dapat sagutin ang mga ito ng isang magulang na nakaaalam ng lahat at mahabagin magpakailanman.…

“…Ang ibig sabihin ng pananampalataya ay pagtitiwala sa Diyos sa hirap at ginhawa, kahit na kabilang doon ang ilang pagdurusa hanggang sa ang Kanyang bisig ay maipahayag alang-alang sa atin” (“Paghihintay sa Panginoon,” Ensign o Liahona, Nob. 2020, 115–16).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magtanong ng mga bagay na nangangailangan ng detalyadong sagot. Kapag tinatanong mo ang mga miyembro ng klase tungkol sa kanilang mga karanasan sa mga banal na kasulatan, “ipaalam mo sa kanila na hindi ka naghahanap ng partikular na sagot kundi interesado ka talaga sa natututuhan nila” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 29). Para sa ilang halimbawa ng mga tanong na nangangailangan ng detalyadong sagot, tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 31–32.

Print