Lumang Tipan 2022
Disyembre 5–11. Hagai; Zacarias 1–3; 7–14: “Banal sa Panginoon”


“Disyembre 5–11. Hagai; Zacarias 1–3; 7–14: ‘Banal sa Panginoon,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Disyembre 5–11. Hagai; Zacarias 1–3; 7–14,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2022

Larawan
Laie Hawaii Temple

Laie Hawaii Temple

Disyembre 5–11

Hagai; Zacarias 1–3; 7–14

“Banal sa Panginoon”

Habang pinag-aaralan mo ang Hagai at Zacarias, pagnilayan kung paano mo matutulungan ang mga miyembro ng klase na makahanap ng kabuluhan sa mga propesiyang ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase ang mga talata mula sa Hagai at Zacarias na pinagnilayan o tinalakay nila sa iba sa linggong ito at talakayin kung paano nakatulong sa kanila ang mga talatang ito na mas mapalapit sa Panginoon.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Hagai 1; 2:1–9

“Pag-isipan ninyo ang inyong mga lakad.”

  • Ang payo sa Hagai 1 ay makatutulong sa mga miyembro ng klase na pag-isipan ang kanilang mga prayoridad. Maaari mo silang anyayahang basahin ang Hagai 1:1–7 at tukuyin kung paano nabibigo ang mga tao sa Jerusalem noon na unahin ang nais ng Panginoon na gawin nila. Ano ang ilang bagay na hiniling sa atin ng Panginoon na bigyan ng matataas na prayoridad sa ating buhay? Ano ang makagagambala sa atin mula sa pagtutuon sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas at sa Kanilang mga prayoridad? Marahil ay maaaring magbahagi ng mga karanasan ang mga miyembro ng klase na nakatulong sa kanila na “pag-isipan ang [kanilang] mga lakad” at ang kanilang mga prayoridad.

  • Para matulungan ang mga miyembro ng klase na pag-isipan kung paano sila mas ganap na makapagtutuon sa mga prayoridad ng Panginoon, maaari mong hilingin sa kanla na rebyuhin ang Hagai 2:1–9. Anong payo ang ibinigay ng Panginoon na makatutulong sa atin na gawin ang Kanyang gawain? Maibabahagi ng mga miyembro ng klase kung paano nila nagagawang unahin ang mga prayoridad ng Panginoon sa kanilang buhay habang nahaharap sila sa maraming iba pang mahalagang responsibilidad. Ano ang itinuturo sa atin ng Hagai 2:1–9 kung paano tayo pinagpapala ng Panginoon kapag inuuna natin Siya sa ating buhay? (tingnan din sa “Karagdagang Resources”). Bigyan ng oras ang mga miyembro ng klase na ilista kung ano ang nahihikayat silang gawin dahil sa talakayang ito.

Zacarias 1–3; 7–8;14

Magagawa tayong banal ng Panginoon.

  • Para masimulan ang isang talakayan tungkol sa kabanalan, maaari ninyong sama-samang basahin ang Zacarias 14:20–21. Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase kung ano ang kahulugan ng pariralang “Banal sa Panginoon” para sa kanila. Ano ang maaaring maging impluwensya nito sa mga tao kung nakita nila ang katagang “Banal sa Panginoon” na nakaukit sa araw-araw na mga bagay? Paano nakakaapekto sa atin ang katagang ito kapag nakikita natin ito sa mga templo ngayon? Pagkatapos ay maaaring basahin ng mga miyembro ng klase ang Zacarias 1:1–6; 3:1–7; 7:8–10; 8:16–17 at talakayin ang natututuhan nila kung ano ang kahulugan ng maging banal. Bakit mahalaga sa Panginoon ang ating personal na kabanalan? Paano Niya tayo tinutulungang maging banal?

  • Maaaring rebyuhin ng mga miyembro ng klase ang Zacarias 2:10–11; 8:1–8; 14:9–11, 20–21 at ibahagi ang kanilang mga impresyon tungkol sa pakiramdam ng makapiling ang Tagapagligtas sa isang kalagayan ng kabanalan. Paano tayo inihahanda ng Panginoon na mamuhay sa mga kundisyong inilarawan ni Zacarias? Paano natin magagamit ang Kanyang kapangyarihan para tulungan tayong maging mas banal?

Larawan
ang matagumpay na pagpasok ni Jesus sa Jerusalem

“Narito, ang iyong hari ay dumarating sa iyo; siya’y matuwid at matagumpay, mapagpakumbaba at nakasakay sa isang asno” (Zacarias 9:9). Triumphal Entry [Matagumpay na Pagpasok], ni Harry Anderson

Zacarias 9:9–11; 11:12–13; 12:10; 13:6–7

Si Jesucristo ang ipinangakong Mesiyas.

  • Para maipakita sa mga miyembro ng klase ang mga koneksyon sa pagitan ng mga salita ni Zacarias at ng buhay ng Tagapagligtas, tulad ng ginawa ng mga tao noong panahon ni Jesus, maaari mong hatiin ang klase sa dalawang grupo. Ibigay sa mga miyembro ng klase sa unang grupo ang isa sa mga siping ito: Zacarias 9:9–11; 11:12–13; 12:10; 13:6–7. Ibigay sa mga miyembro ng klase sa kabilang grupo ang isa sa mga siping ito: Mateo 21:1–11; 26:14–16; 26:31; Juan 19:37. Maaaring subukan ng bawat miyembro ng klase na maghanap ng isang tao mula sa kabilang grupo na may isang sipi sa banal na kasulatan na tumutugma sa kanilang sipi. Ano ang natututuhan natin tungkol sa Tagapagligtas mula sa mga talatang ito?

  • Para matulungan ang mga miyembro ng klase na pagnilayan ang Zacarias 9:9–11, maaari mong ipakita ang isang larawan ng matagumpay na pagpasok ng Tagapagligtas sa Jerusalem (tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Maaaring talakayin ng mga miyembro ng klase kung ano kaya ang pakiramdam ng makasama ang mga tao na malugod na tumanggap kay Jesus sa lungsod. Paano natin Siya tinatanggap sa ating buhay, sa mga ating tahanan, at sa ating komunidad?

Larawan
icon ng karagdagang resources

Karagdagang Resources

“Pag-isipan ninyo ang inyong mga lakad.”

Matapos banggitin ang Hagai 1:4–7, itinuro ni Elder Terence M. Vinson:

“Madarama natin ang walang-hanggang kagalakan kapag itinatag natin ang ating buhay sa Tagapagligtas at sa istruktura ng Kanyang ebanghelyo. Gayunman, napakadaling maging pinakamahalaga ang mga makamundong bagay sa paggawa ng mga desisyon sa buhay, kung saan ang ebanghelyo ay isang opsiyon o pagsisimba lamang nang dalawang oras tuwing Linggo. Kapag nangyari ito, para na rin nating inilagay ang suweldo natin sa “supot na may butas.”

“Sinasabi sa atin ni Hagai na maging tapat sa pangako.…

“Walang kayamanan, ni anumang libangan, ni anumang katayuan, ni anumang social media, ni anumang mga video game, ni anumang sport, ni anumang kaugnayan sa isang tanyag na tao, ni anumang bagay sa lupa na mas mahalaga kaysa sa buhay na walang-hanggan. Kaya ang payo ng Panginoon sa lahat ng tao ay “[pag-isipan] ninyo ang inyong mga lakad’” (“Tunay na mga Disipulo ng Tagapagligtas,” Ensign o Liahona, Nob. 2019, 9,11).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Makinig. Ang pakikinig ay pagpapakita ng pagmamahal. Ang isang paraan para makinig nang epektibo ay tingnan ang taong nagsasalita. Tinutulutan ka nitong mapansin ang anumang komunikasyon na hindi ginagamitan ng salita. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 34.)

Print