Lumang Tipan 2022
Disyembre 19–25. Pasko: “Hinintay Natin Siya at Ililigtas Niya Tayo”


“Disyembre 19–25. Pasko: ‘Hinintay Natin Siya at Ililigtas Niya Tayo,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Disyembre 19–25. Pasko,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School: 2022

Larawan
ang sanggol na si Jesus na nakabalot sa puting lampin at nakahiga sa dayami

For unto Us a Child Is Born [Sapagkat sa Atin ay Ipinanganak ang Isang Bata], ni Simon Dewey

Disyembre 19–25

Pasko

Pasko: “Hinintay Natin Siya at Ililigtas Niya Tayo”

Sa iyong personal na pag-aaral at paghahandang magturo, isipin kung paano mo matutulungan ang mga miyembro ng klase na madama ang matinding kagalakan sa pagsilang ng Tagapagligtas. Anyayahan ang Espiritu na magpatotoo sa kanila tungkol sa mapagtubos na pagmamahal ni Jesucristo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Larawan
icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Ang Kapaskuhan ay maaaring isang magandang pagkakataon para anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi kung paano napalakas ng pag-aaral ng Lumang Tipan ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo.

Larawan
icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina

Nagagalak tayo sa ating Manunubos.

  • Kahit kilala ang Pasko bilang panahon ng kagalakan, marami ang nasa sitwasyon na mahirap makasumpong ng kagalakan, kahit sa panahong ito ng taon. Ang isang mahalagang mensahe ng Pasko ay na mapapagaan ng Tagapagligtas ang ating mga pasanin at matutulungan tayong makasumpong ng kapayapaan at maging ng kagalakan. Para maibahagi ang mensaheng ito, maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na mga reperensya sa banal na kasulatan: Mga Awit 35:9; Isaias 25:8–9; 44:21–24; 51:11; Sefanias 3:14–20; Moises 5:5–11. Pagkatapos ay maaari mong isulat sa pisara ang isang tanong na pagninilayan ng mga miyembro ng klase habang binabasa nila ang mga sipi, gaya ng Anong mga dahilan ang ibinibigay ng mga siping ito sa banal na kasulatan para magalak? Hilingin na ibahagi nila ang mapag-aalaman nila. Marahil ay maaari mo ring bigyan ng oras ang mga miyembro ng klase na sumulat tungkol sa kanilang sariling kagalakan sa Tagapagligtas. Maaari silang makakita ng karagdagang mga kabatiran mula sa mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson sa “Karagdagang Resources.”

  • Ang Pasko ay nagbibigay ng mga pagkakataong ipalaganap ang kagalakan ni Cristo sa paglilingkod sa iba. Bago magklase, maaari mong anyayahan ang isang miyembro ng klase na rebyuhin ang mensahe ni Elder Ulisses Soares na “A Modern Angelic Host” (Pamaskong debosyonal ng Unang Panguluhan, Dis.8, 2019, broadcasts.ChurchofJesusChrist.org) at pumasok na handang ibahagi kung paano nakatulong ang isang paglilingkod kay Elder Soares at sa kanyang pamilya na madama ang kagalakan ng Pasko. Maaari mo ring ibahagi sa klase ang ilang bahagi ng kanyang mensahe. Maaaring magbahagi ang mga miyembro ng klase ng sarili nilang mga karanasan sa pagbibigay o pagtanggap ng paglilingkod sa Kapaskuhan. Paano tayo makakakilos sa paanyaya ni Elder Soares na sundin ang “sakdal na halimbawa ng pagmamahal at kabutihan ng Tagapagligtas sa mga tao”?

Ang mga simbolo ay makatutulong sa atin na maalaala si Jesucristo.

  • Nakalista sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ang ilang simbolo sa Lumang Tipan na nagtuturo tungkol kay Jesucristo. Maaaring ibahagi ng mga miyembro ng klase ang natutuhan nila tungkol sa Tagapagligtas mula rito at sa iba pang mga simbolong natagpuan nila sa kanilang pag-aaral. Ano ang natutuhan natin tungkol sa paghahanap sa Tagapagligtas sa mga banal na kasulatan? Anong mga karanasan ang nagturo sa atin na “lahat ng bagay ay nilalang at nilikha upang magpatotoo sa [Kanya]”? (Moises 6:63).

Iniregalo sa atin ng Diyos ang Kanyang anak.

  • Ang pagbibigay ng regalo ay tradisyon sa Pasko sa halos lahat ng kultura. Maaari mong pamunuan ang isang talakayan sa mga miyembro ng klase tungkol sa mga regalong ibinigay sa atin ng Diyos, lalo na ang regalo na Kanyang Anak na si Jesucristo. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi kung ano ang kabuluhan sa kanila ng regalo na Tagapagligtas. Paano natin maipapakita sa Ama sa Langit ang ating pasasalamat para sa kaloob na ito?

Isaias 7:14; 9:6

“Ang kanyang pangalan ay tatawaging Kamanghamangha.”

  • Gumamit ng maraming pangalan at titulo ang propetang si Isaias para ilarawan ang Mesiyas, na isisilang sa Bet-lehem (tingnan, halimbawa, sa Isaias 7:14; 9:6). Marahil ay masisiyahan ang mga miyembro ng klase na matutuhan ang iba pa tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang misyon sa pamamagitan ng pag-aaral tungkol sa mga titulong ito. Maaari silang pumili ng isang titulo at humanap ng iba pang mga sipi sa banal na kasulatan na magpapaunawa sa kanila sa kahulugan nito. Halimbawa, maaari nilang matutuhan ang iba pa tungkol sa titulong “Prinsipe ng Kapayapaan” (Isaias 9:6) sa pagbasa sa Mga Awit 85:8; Isaias 52:7; Lucas 2:14; o Juan 16:33. Para matulungan ang mga miyembro ng klase na mahanap ang iba pang mga talata sa banal na kasulatan, imungkahi na tumingin sila sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Ano ang iminumungkahi ng mga titulong ito tungkol sa Tagapagligtas at sa ginagawa Niya para sa atin?

Larawan
icon ng karagdagang resources

Karagdagang Resources

Si Jesucristo ay nag-aalok ng kapayapaan at kagalakan.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:

“Kapag nakatuon ang ating buhay sa plano ng kaligtasan ng Diyos … at kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, makadarama tayo ng kagalakan anuman ang nangyayari—o hindi nangyayari—sa ating buhay. Ang kagalakan ay nagmumula sa at dahil sa Kanya. Siya ang pinagmumulan ng lahat ng kagalakan. Nadarama natin ito tuwing Kapaskuhan kapag inaawit natin ang, ‘O magsaya, ’sinilang na’ [Mga Himno, blg. 121]. At buong taon natin itong nadarama. Para sa mga Banal sa mga Huling Araw, si Jesucristo ang kagalakan!…

“Kung paanong nag-aalok ng kapayapaan ang Tagapagligtas na ‘di masayod ng pagiisip’ [Filipos 4:7], gayundin naman na nag-aalok Siya ng matindi, malalim, at malawak na kagalakan na hindi masayod ng isipan ng tao” (“Kagalakan at Espirituwal na Kaligtasan,” Ensign o Liahona, Nob. 2016, 82).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Maghanda na nasasaisip ang mga tao. “Hayaang ang pag-unawa mo sa mga tinuturuan mo ang gumabay sa iyong mga plano. … Ang mga guro na katulad ni Cristo ay hindi nakatuon sa isang partikular na estilo o pamamaraan; nakatuon sila sa pagtulong sa mga tao na mapatibay ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 7).

Print