Seminary
Lesson 55—Doktrina at mga Tipan 41:1—12: Nalulugod ang Panginoon na Pagpalain Tayo


“Lesson 55—Doktrina at mga Tipan 41:1—12 Nalulugod ang Panginoon na Pagpalain Tayo,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Doktrina at mga Tipan 41:1—12,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 55: Doktrina at mga Tipan 41–44

Doktrina at mga Tipan 41

Nalulugod ang Panginoon na Pagpalain Tayo

Binati ni Jesucristo ang lalaking bulag

Nang makiisa ang Propeta sa nahihirapang mga Banal sa Ohio, nagpatotoo ang Panginoon na nalulugod Siya na pagpalain ang mga taong nakikinig sa Kanya. Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan ang mga estudyante na magtiwala na pagpapalain sila ng Panginoon kapag pinakikinggan at sinusunod nila Siya.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Gaano ka nagtitiwala na … ?

Magdrowing sa pisara ng graphic tulad ng sumusunod:

Scale para sa pagtitiwala

Ituro ang kanang bahagi ng scale. Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng isang bagay na tiwala sila at bakit.

Isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag: Pagpapalain tayo ng Panginoon kung pakikinggan at susundin natin Siya. Sabihin sa mga estudyante na gamitin ang scale para i-rank ang kanilang tiwala sa pahayag na ito sa scale na 1 hanggang 5 (1 = walang tiwala, at 5 = lubos na nagtitiwala). Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung bakit ganoon ang rank nila sa kanilang tiwala.

  • Anong kaibhan ang magagawa ng pagiging lubos na nagtitiwala na pagpapalain ka ng Panginoon?

Sabihin sa mga estudyante na humingi ng tulong sa Panginoon upang madagdagan ang kanilang tiwala na pagpapalain Niya sila habang sinisikap nilang pakinggan at sundin Siya.

Ang saloobin ng Panginoon sa pagpapala sa atin

Noong Disyembre 1830, iniutos ng Panginoon sa mga Banal na lumipat sa Ohio (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 37:3). Hindi nagtagal, noong Enero at Pebrero 1831, si Propetang Joseph Smith at ang kanyang asawang si Emma ay naglakbay nang daan-daang milya patungong Kirtland, Ohio. Pagkatapos ay tumanggap ang Propeta ng paghahayag na nagbibigay ng ilang tagubilin habang nagsisimulang manirahan sa Kirtland ang mga Banal mula sa iba pang mga lugar.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 41:1, at alamin ang saloobin ng Panginoon tungkol sa pagpapala sa mga nakikinig sa Kanya.

icon ng trainingTulungan ang mga mag-aaral na makilala ang impluwensya ng Panginoon: Para sa karagdagang training para matulungan ang mga mag-aaral na makilala ang impluwensya ng Panginoon sa mga banal na kasulatan at sa sarili nilang buhay, tingnan ang kasanayang “Magtanong ng mga tanong na nakatuon sa pag-ugnay ng pagmamahal, kapangyarihan, at awa ng Panginoon sa mga katotohanang itinuturo,” sa training na pinamagatang, “Tulungan ang mga mag-aaral na madama ang pagmamahal, kapangyarihan, at awa ng Panginoon sa kanilang buhay” na matatagpuan sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro: Magtuon kay Jesucristo. Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Nalulugod ang Panginoon na pagpalain ang mga nakikinig sa Kanya. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na markahan ang katotohanang ito sa kanilang mga banal na kasulatan.

  • Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng malugod sa isang bagay?

  • Sa iyong palagay, ano ang ilan sa “pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos”? (Doktrina at mga Tipan 14:7).

  • Ano ang ilang paraan na mapapakinggan natin Siya?

Pakinggan ang mga sagot ng mga estudyante. Kung makatutulong, sabihin sa mga estudyante na basahin ang sumusunod na pahayag, at alamin ang mga paraan na mapapakinggan natin ang Panginoon.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:

Pangulong Russell M. Nelson

Kailangan ng kusa at tuluy-tuloy na pagsisikap na punuin ang bawat araw ng ating buhay ng Kanyang mga salita, Kanyang mga turo, Kanyang mga katotohanan. …

Maaari tayong magbasa ng mga banal na kasulatan. Nagtuturo ito sa atin tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, ang kalawakan ng Kanyang Pagbabayad-sala, at ang dakilang plano ng kaligayahan at pagtubos ng ating Ama. … Kapag nagpapakabusog tayo sa mga salita ni Cristo araw-araw, ang mga salita ni Cristo ay magsasabi sa atin kung paano tumugon sa mga paghihirap na hindi natin inakalang dadanasin natin.

Maaari din nating pakinggan Siya sa templo. Ang bahay ng Panginoon ay isang bahay ng pagkakatuto. Doon, nagtuturo ang Panginoon sa Kanyang sariling paraan. …

… Pinapakinggan natin Siya kapag binibigyang-pansin natin ang mga salita ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Ang mga inordenang Apostol ni Jesucristo ay laging nagpapatotoo sa Kanya. Itinuturo nila ang daan habang dinaranas natin ang masalimuot at napakalungkot na [mga mortal nating karanasan]. (Russell M. Nelson, “Pakinggan Siya,” Liahona, Mayo 2020, 89–90)

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na balikan ang talata 1 para makita kung ano ang mangyayari sa mga taong ayaw makinig sa Panginoon. Maaaring makatulong na ipaliwanag na ang salitang “sumpa” na ginamit sa talatang ito ay tumutukoy sa mga paghatol o ibubunga.

  • Bakit mahalagang malaman na ang hindi pakikinig sa Panginoon ay maaaring humantong sa mga negatibong resulta?

Mga halimbawa ng pagpapala ng Panginoon sa mga taong nakikinig sa Kanya

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa mga sumusunod na tanong. Ang pagbabahagi ng kanilang pananabik at pagmamahal ay maaaring makatulong sa kanila na makaugnay sa kaluguran ng Panginoon. Maaari din itong maging magandang pagkakataon para mas makilala ang iyong mga estudyante.

  • Ano ang minamahal o kinalulugdan ninyo?

Ipaliwanag na maraming halimbawa ng tungkol sa Panginoon na nalulugod na pagpalain ang mga taong nakikinig sa Kanya.

Basahin ang mga sumusunod na talata at alamin kung paano pinagpapala ng Panginoon ang Kanyang mga Banal kapag pinakikingan nila Siya.

Maaari mong hatiin ang klase sa mga grupo para basahin ang mga talata at sagutin ang mga kaakibat na tanong. Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng mga estudyante sa isa’t isa ang kanilang natutuhan.

Doktrina at mga Tipan 41:2–5

  • Paano nagiging pagpapala ang pagtanggap ng batas o tagubilin ng Panginoon? (Tingnan sa talata 3.)

  • Paano makatutulong sa atin ang pagsunod sa batas ng Panginoon at pagiging mas mabubuting disipulo ni Cristo? (Tingnan sa talata 5.)

Para sa makabagong halimbawa, panoorin ang pagbabahagi ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) kung paano pinagpala ng Panginoon ang isang taong nakinig at sumunod sa Kanya, sa video na “We Walk by Faith,” na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 7:30 hanggang 12:39.

2:3

We Walk by Faith

We reach toward the unknown, but faith lights the way. If we will cultivate that faith, we shall never walk in darkness.

Mga karagdagang halimbawa

Sabihin sa mga estudyante na maghanap o mag-isip ng kahit dalawang dagdag na halimbawa na nagpapalakas ng kanilang tiwala na pagpapalain ng Panginoon ang mga nakikinig sa Kanya. Hikayatin sila na hingin ang patnubay ng Panginoon upang makahanap ng mga halimbawa na magpapala sa kanila at sa klase.

  1. Maghanap ng isang halimbawa mula sa mga banal na kasulatan. Ito ay maaaring:

    1. Isang salaysay tungkol sa pagpapala ng Panginoon sa mga nakinig at sumunod sa Kanya. (Ang ilang halimbawa ay tulad ng sumusunod: Ang paggawa ni Noe sa arka at pagkaligtas mula sa Baha [tingnan sa Genesis 6–8]; pagsunod ni Debora sa utos ng Panginoon na palayain ang Israel mula sa pagkabihag [Mga Hukom 4:1–8, 13–15]; pagtanggap ni Maria sa tungkuling maging ina ng Tagapagligtas at madama ang mga pagpapala ng Panginoon [Lucas 1:38, 46–49]; pagkuha ni Nephi sa mga laminang tanso [tingnan sa 1 Nephi 3–5]; pagprotekta ni Joseph Smith sa mga lamina [tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:46, 60]; pagbibinyag nina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa isa’t isa matapos matanggap ang Aaronic Priesthood at pagkatapos nito ay natanggap ang manipestasyon ng Espiritu Santo [tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:68–74].)

    2. Isang talata o mga talata na nagpapatotoo na pagpapalain tayo ng Panginoon kapag pinakikinggan at sinusunod natin Siya. (Ang ilang halimbawa ay Malakias 3:10; 1 Juan 3:22; Jarom 1:9; Mosias 2:41; Doktrina at mga Tipan 19:38; 82:10; 89:1, 18–21; 130:21.)

  2. Mag-isip ng karagdagang halimbawa. Ito ay maaaring:

    1. Isang personal na karanasan kung saan pinagpala ka ng Panginoon.

    2. Isang karanasan mula sa isang kaibigan o mahal sa buhay.

    3. Isang mensahe mula sa pangkalahatang kumperensya.

    4. Isang video sa ChurchofJesusChrist.org.

Sabihin sa mga estudyante na isulat ang kanilang mga halimbawa sa magkakahiwalay na papel. Sabihin sa mga estudyante na maaaring ibahagi sa klase ang isinulat nila. Tipunin ang mga papel, paghalu-haluin ang mga ito, at pagkatapos ay pumili ng ilan o sabihin sa isang estudyante na pumili. Maaari kang magbasa ng halimbawa nang paisa-isa at itanong sa estudyanteng nagsulat nito kung handa siyang ibahagi ang dahilan kung bakit niya pinili ang halimbawang iyon. Itanong kung paano mapapalaki ng halimbawa ang tiwala ng estudyante na pagpapalain siya ng Panginoon kapag pinakikinggan niya Siya. Sa pagbabahagi ng mga estudyante, pasalamatan sila sa kanilang pagsisikap at sikaping tulungan sila na madama ang kahalagahan ng pagbabahagi sa klase ng kanilang mga iniisip at karanasan.

Para tapusin ang lesson na ito, isulat ang iyong mga naiisip at nadarama tungkol sa pagpapala sa atin ng Panginoon kapag pinakikinggan natin Siya. Tiwala ka ba na pagpapalain ka Niya? Ano ang ginagawa mo sa kasalukuyan para madagdagan ang iyong pagtitiwala?

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang natutuhan at nadama nila sa klase ngayon. Ibahagi ang sarili mong patotoo at tiwala na pagpapalain tayo ng Panginoon kapag pinakikinggan natin Siya.