Sa Doktrina at mga Tipan 42, tinupad ng Panginoon ang Kanyang pangako sa mga Banal na ibibigay Niya sa kanila ang Kanyang batas matapos silang lumipat sa Ohio. Nagbigay Siya ng mga pangkalahatang batas ng pag-uugali para sa mga miyembro ng Simbahan. Ang lesson na ito ay tutulong sa mga estudyante na maipakita ang kanilang pagmamahal sa Panginoon sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga kautusan.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Dalawang magkaibang pananaw
Sa nakikita mo sa mundo ngayon, bakit kaya kailangan natin ng mga kautusan mula sa Diyos?
Sa pag-aaral mo ngayon, hingin ang patnubay ng Espiritu Santo para matulungan kang mas maunawaan kung bakit nagbibigay ang Panginoon ng mga kautusan at kung paano mo maipagpapatuloy, o mapapahusay, ang iyong pagsunod.
Ang batas ng Panginoon
Ipinangako ng Panginoon sa mga Banal na ibibigay Niya sa kanila ang Kanyang batas kapag nagtipon sila sa Ohio (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 38:32). Hindi nagtagal matapos dumating sa Ohio, pinagkaisa ni Propetang Joseph Smith at ng 12 elder ang kanilang pananampalataya sa taimtim na panalangin (Doktrina at mga Tipan 41:3) at hiniling nila sa Panginoon na ihayag ang Kanyang batas.
Ayon sa talata 29, bakit dapat nating sundin ang mga kautusan ng Panginoon?
Itinuturo ng Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili:
Para matulungan kayong gumawa ng mabubuting pagpili, nagbibigay ng mga utos ang Diyos. Ginagawa Niya ito dahil mahal Niya kayo. At ang pinakamainam na dahilan para sundin ang mga utos ng Diyos ay na mahal ninyo Siya. Pagmamahal ang nasa sentro ng mga utos ng Diyos. (Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili [2022], 11)
Paano ipinapakita ng mga kautusan ng Diyos ang Kanyang pagmamahal?
Paano ipinapakita ng ating pagsunod sa mga kautusan ng Diyos na mahal natin Siya?
Ang Kanyang mga kautusan
Pumili ng isang kautusan mula sa bahagi 42 na gusto mo pang matutuhan o pag-isipan.
Habang nag-aaral ka, maghandang ibahagi ang sumusunod tungkol sa kautusang pinili mo. Maaari mong isulat ang mga naisip mo sa iyong study journal.
Iba pang mga talata sa banal na kasulatan, mga pahayag sa pangkalahatang kumperensya, o Para sa Lakas ng mga Kabataan (buklet) na nagpapalalim sa iyong pag-unawa sa kautusang ito
Mga dahilan kung bakit sa palagay mo ay ibibigay sa atin ang kautusang ito ng mapagmahal na Ama sa Langit na pinakamarunong sa lahat
Sa iyong palagay, paano nakatutulong sa atin ang pagsunod sa kautusang ito na sundin ang Tagapagligtas, ipakita ang ating pagmamahal sa Kanya, at maging higit na katulad Niya
Mga karanasan mo sa pagsunod sa kautusang ito (opsiyonal; ibahagi lamang kung hindi masyadong sagrado o personal)
Ang pagsunod ko sa mga kautusan ng Diyos
Habang inaalala ang natutuhan at nadama mo sa lesson na ito, pumili ng isang kautusan na sa palagay mo ay nais ng Panginoon na pagtuunan mo ng pansin. Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong study journal:
Paano mapagpapala ng pagsunod sa kautusang ito ang aking buhay?
Paano ako natutulungan ng kautusang ito na ipakita ang aking pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at sundin Sila?
Ano ang isang partikular na bagay na gusto kong gawin para maipakita ang aking pagmamahal sa Panginoon at sundin ang kautusang ito?