Seminary
Lesson 57—Doktrina at mga Tipan 42:29–39: Inilaan sa Panginoon


“Lesson 57—Doktrina at mga Tipan 42:29–39: Inilaan sa Panginoon,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Doktrina at mga Tipan 42:29–39,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 57: Doktrina at mga Tipan 41–44

Doktrina at mga Tipan 42:29–39

Inilaan sa Panginoon

ang mga kamay ng Tagapagligtas

Isang grupo ng mga miyembro ng Simbahan na nakatira sa sakahan nina Isaac at Lucy Morley ang nagkaroon ng malaking hangaring ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo at pangalagaan ang isa’t isa. Sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, inihayag ng Panginoon ang batas ng paglalaan upang tulungan ang mga Banal na pangalagaan ang mga maralita. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na madagdagan ang kanilang hangaring ipamuhay ang batas ng paglalaan.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

“Kayo ang aking mga kamay”

Ibinahagi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay kabilang sa Unang Panguluhan, ang sumusunod:

2:3

“You Are My Hands”

As disciples of Jesus Christ, our Master, we are called to support and heal rather than condemn.

Elder Dieter F. Uchtdorf

May isang kuwentong nagsabi na nang bombahin ang isang lungsod noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nasira nang husto ang isang malaking estatwa ni Jesucristo. Nang matagpuan ng mga tao ang estatwa sa mga guho, nalungkot sila dahil pinakamahalagang simbolo ito ng kanilang pananampalataya at presensya ng Diyos sa mga buhay nila.

Nabuong muli ng mga eksperto ang halos buong estatwa, pero sirang-sira na ang mga kamay nito kaya hindi na ito maibalik. Iminungkahi ng ilan na umupa sila ng iskultor na gagawa ng bagong mga kamay, pero gusto ng iba na hayaan na lang ito—isang permanenteng alaala ng trahedya ng digmaan. Sa huli, nanatiling walang mga kamay ang estatwa. Gayunpaman, idinagdag ng mga mamamayan ng lungsod sa patungan ng estatwa ni Jesucristo ang isang karatula na may mga salitang ito: “Kayo ang aking mga kamay.” (Dieter F. Uchtdorf, “Kayo ang Aking mga Kamay,” Liahona, Mayo 2010, 68)

  • Ano ang pinakanapansin mo sa kuwentong ito?

  • Sa anong mga paraan tayo maaaring maging mga kamay ni Jesucristo?

Sabihin sa mga estudyante na isulat ang “Kanyang mga kamay” o bakatin ang isa sa kanilang mga kamay sa kanilang journal. Sabihin sa kanila na pagnilayan ang sarili nilang hangarin na maging mga kamay ng Panginoon. Sa katapusan ng lesson, magkakaroon sila ng pagkakataong isulat ang mga naisip at nadarama nila.

Ang batas ng paglalaan

Noong unang bahagi ng 1831, ang mga miyembro ng Simbahan na naninirahan sa New York ay lumipat sa Ohio. Marami sa mga Banal na ito ang maralita at iniwan ang marami sa kanilang mga ari-arian. Sa Ohio, isang malaking grupo ng mga bagong miyembro ang nanirahan sa sakahan nina Isaac at Lucy Morley. Bumuo sila ng isang grupong komunal na tinawag nilang “ang Pamilya.” Ang isang paniniwalang karaniwan sa kanila ay lahat ng personal na pag-aari ng isang tao ay pag-aari ng lahat sa grupo. Tinalakay ng Panginoon ang kanilang mga gawain nang ihayag Niya ang Kanyang batas kay Joseph Smith. Kabilang sa iba pang mga batas, inihayag ng Panginoon ang mga alituntunin ng batas ng paglalaan. Ang pag-aaral at pagsasabuhay ng mga alituntuning ito ay isang paraan na maaaring maging mga kamay ng Panginoon ang mga Banal.

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang narinig nila tungkol sa batas ng paglalaan o itanong ang mga katanungan nila. Maaaring maghanap ang mga estudyante ng kahulugan ng paglalaan, o maaari mong ibigay ang kahulugang ito mula kay Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol.

Elder D. Todd Christofferson

Ang paglalaan ay pagtatalaga sa isang bagay bilang sagrado, na inilaan para sa mga banal na layunin. (D. Todd Christofferson, “Larawan ng Isang Buhay na Inilaan,” Liahona, Nob. 2010, 16)

Hiniling ng Panginoon sa mga Banal sa Ohio na ilaan ang kanilang mga ari-arian sa Kanya sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga ito sa Kanyang Simbahan.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 42:29–38, at alamin kung bakit hiniling ng Panginoon na gawin nila ito.

Maaaring matukoy ng mga estudyante ang mga sumusunod na dahilan: maipakita sa Panginoon na mahal natin Siya (talata 29), pangalagaan ang mga maralita (mga talata 30–31, 34), bumili ng lupain kung saan maaaring magtipon ang mga Banal kapag bumalik ang Tagapagligtas (mga talata 35–36), at magtayo ng mga meetinghouse at templo (talata 35). Makatutulong na ipaliwanag na ang Bagong Jerusalem na binanggit sa talata 35 ay tumutukoy sa “lugar kung saan ang mga Banal ay magtitipun-tipon at si Cristo mismo ang maghahari kasama nila sa panahon ng Milenyo” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Bagong Jerusalem,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org).

  • Sa iyong palagay, bakit inanyayahan ng Panginoon ang mga Banal na alalahanin at pangalagaan ang mga maralita?

  • Anong mga katotohanan ang matututuhan natin sa mga talatang ito?

    Bukod pa sa mga katotohanang natukoy ng mga estudyante, tulungan silang makita na naglilingkod tayo sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng paglilingkod sa mga maralita at iniuutos sa atin ng Panginoon na ilaan sa Kanya ang anumang mayroon tayo para pangalagaan ang mga maralita at itayo ang Kanyang kaharian.

    Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang nabasa nila, maaari mong sabihin sa kanila na isadula kung ano ang ipinagawa sa mga naunang miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon. Isaayos ang mga estudyante sa mga grupo na may iba’t ibang laki, tulad ng mga pamilya. Mamahagi ng maliliit na bagay, tulad ng kendi o barya sa mga grupo, ngunit huwag ipamahagi ang mga bagay na ito nang pantay-pantay. Bigyan ng mas marami ang ilang grupo kaysa sa iba pang mga grupo. Maaari mo ring ipamahagi ang mga bagay upang hindi makakuha ang ilang grupo. Sabihin sa mga estudyante na ipakita kung ano ang dapat mangyari batay sa mga tagubilin ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 42:29–35. Tulungan ang mga estudyante na isipin ang mga pangangailangan ng “mga pamilya” at kung paano tutugunan ang mga pangangailangang iyon. Maaari kang magbigay ng ilang posibleng sitwasyon na nararanasan ng kanilang pamilya at kung paano matutukoy niyon ang kanilang mga pangangailangan. Kung makatutulong, maaaring gumamit ng isang mangkok bilang kamalig o storehouse ng Panginoon. Maaari ding gampanan ng isa o dalawang estudyante ang bahagi ng kapulungan na inilarawan sa mga talata 31 at 34, na tinawag ng Panginoon upang matiyak na natatanggap ng lahat ang kailangan nila.

    Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang kanilang mga sagot sa mga sumusunod na tanong, maghanap ng mga paraan para matulungan sila na maunawaan na ang mga alituntunin ng paglalaan ay pareho para sa lahat ng pinagtipanang anak ng Diyos sa lahat ng dispensasyon. Gayunman, maaaring magkakaiba ang mga partikular na paraan na iniutos ng Diyos sa Kanyang mga tao para isagawa ang batas ng paglalaan.

  • Sa anong mga paraan iniuutos sa atin ng Panginoon na ilaan ang anumang mayroon tayo ngayon?

  • Ano ang ilang halimbawa ng paggamit ng iyong oras, mga talento, at mga pagpapala mula sa Diyos para tulungan ang iba?

  • Ano ang ilang paraan na matutugunan natin ang mga pangangailangan ng mga maralita?

    Para sa mga makabagong halimbawa ng mga miyembro ng Simbahan na naglalaan ng kanilang oras, mga talento, at pera, maaari mong ipapanood ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na video: “Fast Offerings: A Simple Commandment with a Marvelous Promise” (3:01); “Syrian Refugee—‘The Moment I Was Shot I Knew I Would Never Walk Again’” (2:39); “A Thousand Days” (4:32).

    3:1

    Fast Offerings: A Simple Commandment with a Marvelous Promise

    Excerpt from President Henry B. Erying’s talk “Is Not This the Fast That I Have Chosen?” He discusses the blessings of the fast and the story of a humble woman who pays a generous fast offering.

    2:3

    Syrian Refugee - “The moment I was shot I knew I would never walk again”

    With millions impacted by the Syrian civil war that broke out in 2011 many have fled for safety and refuge. Watch and listen to Nadia’s story; A 12 year old Syrian refugee child, who while fleeing Syria, was shot in the back and paralyzed.

    4:32

    A Thousand Days

    By digging wells and boreholes in drought-stricken countries of Africa, The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints helps provide health and happiness to entire villages.

  • Ano ang nalalaman mo tungkol kay Jesucristo na makahihikayat sa iyo na ilaan ang iyong panahon, mga talento, at kabuhayan o mga ari-arian sa Kanya?

  • Sa iyong palagay, bakit nais ng Tagapagligtas na paglingkuran natin Siya sa pamamagitan ng paglilingkod sa mga taong nangangailangan? (Para sa mga karagdagang kaalaman, maaari mong tingnan ang isa o mahigit pa sa mga scripture passage na ito: Jacob 2:17–19; Mosias 4:21–25; Doktrina at mga Tipan 38:24–27; 104:14–17.)

  • Sa iyong palagay, paano nakatutulong sa atin ang pagtulong sa ibang taong nangangailangan na maging higit na katulad ni Cristo?

Maaaring makatulong na ipaalam sa mga estudyante na sa endowment sa templo, ang mga miyembro ay nakikipagtipan na susundin ang batas ng paglalaan sa pamamagitan ng paglalaan ng “kanilang oras, mga talento, at lahat ng ipinagkaloob sa kanila ng Panginoon para sa pagtatayo ng Simbahan ni Jesucristo sa mundo” (Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 27.2, ChurchofJesusChrist.org).

Kung binakat ng mga estudyante ang kanilang kamay sa kanilang study journal, maaari mong sabihin sa kanila na punan ito sa sumusunod na aktibidad.

Suriin sandali ang iyong hangaring maging mga kamay ng Panginoon. Ang pagninilay at pagsusulat sa journal ay isang paraan para sikapin mong marinig ang tinig ng Tagapagligtas at kung ano ang paanyaya Niya na gawin mo. Maaari mong pagnilayan at isulat ang tungkol sa isa o mahigit pa sa mga sumusunod:

Maaari mong i-display ang mga sumusunod na prompt o pahiwatig para pag-isipan at isulat ng mga estudyante.

  • Mga salitang naglalarawan sa nadarama mo tungkol sa pagsunod sa batas ng paglalaan

  • Mga paraan na gusto mong ibahagi ang ibinigay sa iyo ng Panginoon para tulungan ang iba

  • Anumang alalahanin mo tungkol sa pagsunod sa batas ng paglalaan at kung paano ka makakabaling sa Panginoon para madaig ang mga ito

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa klase at sa kanilang pamilya sa bahay ang kanilang mga saloobin. Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong mga saloobin at patotoo.