Seminary
Lesson 134—Pagtatatag ng Nauvoo: Ang Magandang Lunsod


“Lesson 134—Pagtatatag ng Nauvoo: Ang Magandang Lunsod,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Pagtatatag ng Nauvoo,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 134: Doktrina at mga Tipan 124

Pagtatatag ng Nauvoo

Ang Magandang Lunsod

ipinintang larawan ng Nauvoo

Matapos ang pagpapalayas sa mga Banal mula sa Missouri, nagawa nila na maging isang maunlad na lunsod ang dating latian sa gilid ng Ilog Mississippi. Ang Nauvoo, Illinois, ay naging isang magandang lugar at naging headquarters ng Simbahan mula 1839 hanggang 1846. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maihalintulad sa kanilang sarili ang mga banal na kasulatan at salaysay sa kasaysayan ng Simbahan.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ihalintulad sa atin

Anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan kung gaano kadalas sila natututo ng mga katotohanan sa Doktrina at mga Tipan at sa kasaysayan ng Simbahan na nauugnay sa kanila.

Sa isang bahagi ng silid, maaari kang magdispley ng kopya ng Doktrina at mga Tipan o larawan ni Propetang Joseph Smith para kumatawan sa panahon ng mga naunang Banal. Anyayahan ang isang estudyante na tumayo sa kabilang bahagi ng silid para kumatawan sa ating panahon. Bigyang-diin ang pagitan ng panahon ni Joseph Smith at panahon ngayon, at itanong ang mga sumusunod.

  • Sa anong mga paraan maaaring maging mahirap para sa atin na makaugnay kay Joseph Smith at sa mga naunang Banal?

  • Habang pinag-aaralan ninyo ang Doktrina at mga Tipan at ang kasaysayan ng Simbahan, ano ang ilang bagay na ginagawa ninyo para makaugnay kay Joseph Smith at sa mga naunang Banal o maihalintulad ang pinag-aaralan ninyo sa inyong sarili?

Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante sa huling tanong. Kung hindi mababanggit ng mga estudyante ang apat na alituntuning ito, maaari mo ring isulat ang mga ito sa pisara. Gagamitin ng mga estudyante ang mga ito sa buong lesson.

  1. Maghanap ng mahahalagang detalye.

  2. Ikumpara sa iyong buhay.

  3. Tumuklas ng mahahalagang aral.

  4. Tukuyin kung paano personal na ipamumuhay ang mga aral.

Anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan kung saan nila lubos na kailangan ngayon ang tulong ng Panginoon sa kanilang buhay.

Hikayatin silang humingi ng patnubay at tulong mula sa Diyos tungkol sa bagay na ito habang pinag-aaralan nila ang tungkol sa mga Banal sa Nauvoo. Magpatotoo na masasagot sila ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Ang sumusunod na materyal ay naglalayong gabayan ang mga estudyante sa kasanayan sa paghahalintulad at ihanda silang gawin ito nang mag-isa.

Hakbang 1: Maghanap ng mahahalagang detalye

Para sanayin ang hakbang na ito, anyayahan ang mga estudyante na pakinggan ang mahahalagang detalye habang binabasa mo nang malakas o ng isang estudyante ang sumusunod na impormasyon:

Habang nasa Liberty Jail si Propetang Joseph Smith, libu-libong Banal ang itinaboy mula sa kanilang mga tahanan sa Missouri. Pagkatapos ng kanyang paglaya, muling nakasama ni Joseph ang kanyang pamilya at ang halos 5,000 iba pang refugee mula sa Missouri na kinupkop ng mababait na tao sa Quincy, Illinois.

Iniutos ng Panginoon sa mga Banal na bumili at magtipon sa murang latian malapit sa gilid ng Ilog Missouri. Tumira sila sa mga tolda at bagon habang nagsisimula silang magtayo ng isang lunsod na kalaunan ay tatawagin nilang Nauvoo. Maraming Banal ang nagkasakit ng Malaria dahil sa mga lamok, na nagdulot ng matitinding lagnat, panginginig, at marami ang namatay.

  • Anong mga detalye ng salaysay na ito ang tila mahalaga sa inyo?

Hakbang 2: Ikumpara sa iyong buhay

Anyayahan ang mga estudyante na sanayin ang pangalawang hakbang sa pamamagitan ng pagsagot sa sumusunod na tanong, nang isinasaisip ang mahahalagang detalye mula sa hakbang 1.

  • Bagama’t maaaring magkaiba ang ating mga sitwasyon, sa anong mga paraan natin maiuugnay ang nangyayari noon sa mga Banal sa ating mga buhay ngayon?

    Maaaring kabilang sa ilang sagot ang pakiramdam na nalampasan natin ang isang pagsubok para lang humarap sa isa pang pagsubok, paglipat sa isang bagong lugar o pagsisimulang muli, pamumuhay sa mahihirap na kalagayan, o pagkakaroon ng malubhang karamdaman.

  • Ano ang ginagawa ninyo upang maipakita ang pananampalataya sa Panginoon sa ganitong mga uri ng mga sitwasyon?

Hakbang 3: Tumuklas ng mahahalagang aral

Anyayahan ang mga estudyante na maghanap ng mahahalagang aral habang ginagawa nila ang sumusunod: Panoorin ang ”Joseph Smith: Prophet of the Restoration (2002 version)” mula sa time code na 47:39 hanggang 50:54, o ipaliwanag na noong Hulyo 22, 1839, si Joseph Smith ay nagtungo sa bawat bahay at bawat tolda upang magpagaling ng maysakit. Pagkatapos ay ipaliwanag na ang isang taong binisita nila ay si Elijah Fordham. Sa sobrang lubha ng kanyang sakit, ang kanyang asawang si Anna ay tumatangis at inihahanda na ang kanyang mga damit pamburol. Anyayahan ang isang estudyante na basahin ang sumusunod:

69:35

Nilapitan ni Joseph si Elijah at hinawakan ang kanyang kamay. “Brother Fordham,” itinanong niya, “wala ka bang pananampalataya upang gumaling?”

“Palagay ko ay huli na ang lahat,” sabi niya.

“Hindi ka ba naniniwala na si Jesus ang Cristo?”

“Naniniwala ako, Brother Joseph.”

“Elijah,” paghahayag ng propeta, “inuutusan kita, sa pangalan ni Jesus ng Nazaret, na bumangon at ikaw ay gagaling.”

Tila niyugyog ng mga salita ang bahay. Bumangon si Elijah mula sa pagkakahiga na may mukhang namumula ang kulay. Nagbihis siya, humingi ng makakain, at sinundan si Joseph sa labas upang tumulong na maglingkod sa marami pang iba. (Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo. 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 [2018], 458–59)

Magbasa ng kahit dalawa sa mga sumusunod na passage, at alamin ang mga pagkakatulad sa pagitan ng ginawa o inihayag ng Tagapagligtas at ng kuwento sa itaas: Mateo 4:23; 1 Nephi 11:31; Doktrina at mga Tipan 42:44; 66:9; 84:68.

  • Anong mga aral ang natutuhan ninyo mula sa mga banal na kasulatang ito at mula sa mga Banal sa Nauvoo?

Ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante. Ang isang halimbawa ay sa pamamagitan ng ating pananampalataya kay Jesucristo at ng kapangyarihan ng Kanyang priesthood, mapagpapala at mapalalakas tayo ng Diyos.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang alituntuning ito, maaari kang magtanong ng mga follow-up na tanong na tulad ng “Ano ang itinuturo sa atin ng katotohanang ito tungkol sa Panginoon?” “Ano ang mga naranasan ninyo na nagpapatibay sa alituntuning ito sa inyong buhay?” at “Bukod sa pagpapagaling sa atin, sa ano pang mga paraan tayo mapalalakas at mapagpapala ng Panginoon?” Maaari mong itanong kung may mga tanong ang mga estudyante tungkol sa alituntuning ito. Kung mayroon, talakayin ang mga ito sa klase.

Ipaliwanag ang mga sumusunod:

Sa kabila ng araw ng pagpapagaling, patuloy pa ring nagkasakit ang mga Banal sa sumunod na ilang buwan. Gayunman, nagpatuloy sila sa pag-aalaga sa isa’t isa at pagsampalataya sa Panginoon. Naghukay sila ng kanal para matuyo ang tubig mula sa latian sa pag-agos nito papuntang ilog, upang mas mapakinabangan ang lupain at mabawasan ang problema sa lamok. Nakapagtayo sila ng maunlad na pamayanan at kalaunan ay itinayo ang Nauvoo Temple.

Hakbang 4: Tukuyin kung paano personal na ipamumuhay

Para sa hakbang na ito, anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng ilang paraan kung paano nila maipamumuhay ang mga katotohanang natutuhan nila. Maaaring kabilang sa kanilang mga sagot ang mga paraan kung paano nila maipapakita ang pagsampalataya sa Panginoon, kabilang na ang paghingi ng mga basbas ng priesthood.

Mga karagdagang lesson

icon ng handoutUpang patuloy na masanay ang paghahalintulad ng mga banal na kasulatan at kasaysayan ng Simbahan sa kanilang sarili, maaaring gawin ng mga estudyante ang mga aktibidad sa handout na ”Paghahalintulad ng Kasaysayan ng Simbahan sa Ating Sarili.” Maaaring tapusin ng mga estudyante ang mga aktibidad nang mag-isa o sa maliliit na grupo. Anyayahan ang mga estudyante na isulat ang ginawa nila para sa bawat isa sa apat na hakbang.

Paghahalintulad ng Kasaysayan ng Simbahan sa Ating Sarili

Aktibidad A

Pangangaral ng ebanghelyo

Isinulat ni Propetang Joseph Smith, “Hindi nahadlangan ng pag-uusig ang paglaganap ng katotohanan” (History of the Church, 4:540). Ang Panginoon ay tumawag noon ng maraming miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol upang magmisyon sa ibang bansa. Sa kabila ng karamdaman at paghihirap, ang mga determinadong kapatid na ito ay masunuring umalis sa Nauvoo upang maglingkod. Dahil dito, libu-libong tao—lalo na mula sa England—ang tumanggap ng patotoo mula sa Diyos, sumapi sa Simbahan, at naglakbay patungong Nauvoo. Naging malaking kalakasan sila sa Simbahan.

Basahin ang 1 Nephi 3:7 at Doktrina at mga Tipan 3:1, at pag-isipan kung paano maaaring nauugnay ang mga talatang ito sa halimbawang ito ng gawaing misyonero.

Aktibidad B

Pagtatatag ng Relief Society

Habang itinatayo ng mga Banal ang Nauvoo Temple, napansin ng ilang kababaihan na marami sa mga lalaking nagtatrabaho sa templo ang walang sapat na sapatos, pantalon, at polo. Dahil nabigyang-inspirasyon ng Panginoon, bumuo sila ng isang grupo ng kababaihan at nagsimulang magtulungan upang maibigay ang mga damit na ito. Gaya ng mga katulad na grupo noong panahong iyon, nagbalangkas sila ng isang saligang-batas. Ipinakita nila ang dokumento kay Joseph Smith para sa kanyang pagsang-ayon.

[Nang makita ito ni Joseph],sinabi ni Joseph na ito ang pinakamahusay na saligang-batas sa lahat ng uri nito. “Ngunit hindi ito ang gusto ninyo,” sabi niya. “Sabihin sa mga kapatid na babae na tinatanggap ng Panginoon ang kanilang mga handog, at Siya ay may inilalaang mas mainam para sa kanila. … Aking isasaayos ang kababaihan sa ilalim ng priesthood, ayon sa kaayusan ng priesthood.” (Mga Banal, 1:512)

Noong Marso 17, 1842, inatasan ng Diyos si Joseph Smith na itatag ang Relief Society. Patuloy na binibigyang-inspirasyon ng Diyos ang mga lider ng Relief Society ngayon upang paglingkuran at palakasin ang mga miyembro ng Simbahan at ang napakaraming iba pa.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 58:26–28, at alamin kung paano maiuugnay ang mga talatang ito sa mga inspiradong kababaihan na ang mga ginawa ay humantong sa pagtatatag ng Relief Society.

Matapos makumpleto ng mga estudyante ang kanilang pag-aaral, anyayahan silang ibahagi kung paano nila inihalintulad ang natutuhan nila sa kanilang buhay.

Kabilang sa ilang halimbawa ng mga katotohanang maaaring matukoy nila ang sumusunod: Naghahanda ang Panginoon ng paraan para maisakatuparan natin ang iniuutos Niya. Ang gawain ng Diyos ay hindi mabibigo. Ginagantimpalaan ng Diyos ang mga masigasig na naghahangad na maisakatuparan ang kabutihan.

  • Ano ang natutuhan ninyo sa karanasang ito?

  • Paano makatutulong sa inyo ang paghahalintulad ng mga banal na kasulatan at kasaysayan ng Simbahan sa inyong buhay sa hinaharap?