Lesson 135—Doktrina at mga Tipan 124: “Ang Bahay na Ito ay Itayo … Upang Aking Maihayag ang Aking mga Ordenansa”
“Lesson 135—Doktrina at mga Tipan 124: ‘Ang Bahay na Ito ay Itayo … Upang Aking Maihayag ang Aking mga Ordenansa,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
“Doktrina at mga Tipan 124,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan
“Ang Bahay na Ito ay Itayo … Upang Aking Maihayag ang Aking mga Ordenansa”
Nang itayo ng mga Banal ang lunsod ng Nauvoo, iniutos sa kanila ng Panginoon na magtayo ng templo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 124:26–27). Sa Doktrina at mga Tipan 124, naghayag ang Panginoon ng iba pang detalye tungkol sa layunin ng mga templo bilang isang lugar kung saan matatanggap ang mga sagradong ordenansa. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng templo ng Panginoon at ang mga ordenansang isinasagawa roon, kabilang ang endowment.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ang layunin ng mga templo
Isipin na kunwari ay nakakita ang isang kaibigan ng larawan ng isang templo sa social media o may nadaanan siyang templo at tapat na nagtanong sa iyo ng, “Ano ang templo? Ano ang ginagawa ng mga tao sa templo?”
Gamit ang mga kulay ng ilaw trapiko (pula = walang kumpiyansa; dilaw = medyo may kumpiyansa; berde = talagang may kumpiyansa), pumili ng kulay na pinakanagpapahayag ng iyong sagot sa mga sumusunod na tanong:
Gaano kalaki ang kumpiyansa mo na maipapaliwanag mo nang malinaw sa iyong kaibigan ang templo at ang mga ordenansa nito?
Gaano kalaki ang kumpiyansa mo na maipapaliwanag mo ang mga ito sa paraang makatutulong sa kaibigan mo na malaman kung paano ipinapakita ng Panginoon ang Kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng templo?
Ang Nauvoo Temple
Nang manirahan sa Nauvoo, Illinois ang mga Banal, iniutos sa kanila ng Panginoon na magtayo ng templo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 124:31) gaya ng dati Niyang ginawa sa Kirtland, Ohio; Jackson County, Missouri; at Far West, Missouri (tingnan sa 88:119; 97:10; 115:7–8). Noong panahong iniutos ng Panginoon na itayo ang Nauvoo Temple, naihayag na Niya kay Propetang Joseph Smith ang doktrina ng pagbibinyag para sa mga patay (tingnan sa Mga Paksa at Mga Tanong, “Pagbibinyag para sa mga Patay,” topics.ChurchofJesusChrist.org).
Alin sa mga layunin o pangako ng Panginoon sa pagtatayo ng mga templo ang pinakamakabuluhan sa inyo? Bakit?
Tinulungan tayo ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na maunawaan ang layunin ng Panginoon sa pagbibigay sa atin ng mga ordenansa sa templo.
Hindi tayo nagtatayo ng mga banal na templo o pumapasok dito para lamang magkaroon tayo o ang ating pamilya ng di-malilimutang karanasan. Sa halip, ang mga tipang natatanggap at ang mga ordenansang isinasagawa sa mga templo ay mahalaga sa pagpapabanal ng ating mga puso at sa kadakilaan ng mga anak ng Diyos sa huli. (David A. Bednar, “Ang Bahay na Ito ay Itayo sa Aking Pangalan,” Liahona, Mayo 2020, 85)
Ano ang natutuhan ninyo mula kay Elder Bednar?
Ano na ang natutuhan ninyo na makatutulong sa inyo na maipaliwanag ang mga templo sa isang kaibigan?
Sa Kirtland Temple, nagpakita ang Tagapagligtas at ang iba pang sugo ng langit (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110). Ang Kirtland Temple ay isa ring lugar ng inspirasyon at pagkatuto. Sa Nauvoo, inihayag ng Panginoon ang mga karagdagang ordenansa na isinasagawa sa mga templo ngayon. Sa mga templo ngayon, nagsasagawa ang matatapat na miyembro ng Simbahan ng mga pagbibinyag para sa mga patay, tumatanggap ng mga endowment (kabilang ang paghuhugas at pagpapahid ng langis), at nakikibahagi sa mga pagbubuklod sa templo.