Resources para sa Pamilya
Pagtupad ng mga Responsibilidad sa Mag-anak


Pagtupad ng mga Responsibilidad sa Mag-anak

Ang misyon ng Simbahan ng Panginoon ay tulungan ang lahat ng tao na lumapit kay Cristo. Makakatulong ang mga mag-anak na maisakatuparan ang misyong ito kapag:

  1. Nailalaan nila ang sarili nilang espirituwal at pisikal na mga pangangailangan at tumutulong silang tugunan ang mga pangangailangan ng iba.

  2. Naibabahagi nila ang ebanghelyo sa iba.

  3. Tinitiyak nila na matatanggap ng mga miyembro ng mag-anak ang mga ordenansa sa templo at tumutulong silang mailaan ang mga pagpapalang ito sa namatay nilang mga ninuno.

Espirituwal at Pisikal na mga Pangangailangan

Espirituwal na mga Pangangailangan

Ang naunang bahagi ng gabay na aklat na ito, ang “Pagtuturo ng Ebanghelyo sa Tahanan,” ay naglalaman ng impormasyon kung paano mapaglalaanan ng mag-anak ang mga espirituwal nilang pangangailangan.

Mga Pisikal na Pangangailangan

Dapat matutong tumayo sa sariling paa ang mga mag-anak upang makapaglaan sila para sa sarili nilang pisikal na mga pangangailangan at matulungan ang iba. Para makatayo sa sariling paa, dapat magkusang magtrabaho ang mga miyembro ng mag-anak. Ang pagtatrabaho ay pisikal, mental, o espirituwal na gawain. Dito nagmumula ang tagumpay, kaligayahan, pagpapahalaga sa sarili, at kasaganaan. Dapat magsikap ang mga magulang na makatayo sa sariling paa at ituro din ang gayon sa kanilang mga anak. Kapag marunong silang tumayo sa sariling paa matutulungan nila ang mga nangangailangan.

Responsibilidad ng mga ama na ilaan ang mga pangangailangan sa buhay at pangalagaan ang kanilang mga maganak. Pangunahing responsibilidad ng mga ina na arugain ang kanilang mga anak. Tinitiyak ng mga magulang na ang mag-anak ay malinis ang tahanan, masustansya ang pagkain, may pananamit, malusog ang katawan at mga ngipin, makapag-aral, matutong mamahala ng kabuhayan, at, kung maaari, maturuang magtanim ng ilang pagkain nila. Dapat turuan ng mga magulang ang kanilang mga anak ng paghahanda ng kanilang pagkain at pagpepreserba nito para magamit sa hinaharap.

Dapat handang magpakasipag sa trabaho ang mga magulang para mailaan ang pisikal na mga pangangailangang ito. “At hindi ninyo pahihintulutan ang inyong mga anak na sila ay magutom, o maging hubad” (Mosias 4:14). Dapat magplano at maghanda ang mga magulang para mailaan ang mga pangangailangan ng mag-anak sa oras ng pagkakasakit, kapahamakan, kawalan ng trabaho, o iba pang suliranin. Kung nahihirapan ang ama na ilaan ang pisikal na mga pangangailangan ng kanyang mag-anak at hindi makatulong ang iba pang miyembro ng mag-anak, maaari siyang humingi ng tulong sa mga lider ng priesthood.

Makakatulong ang mga anak sa paglalaan ng pisikal na mga pangangailangan ng kanilang mag-anak sa pagtulong sa kanilang mga magulang sa kanilang gawain, pag-aaral nang mabuti sa paaralan, pag-aasikaso sa kanilang pananamit at iba pang mga pag-aari, pagpapanatiling malinis at maayos ng kanilang sarili at ng tahanan, at pananatiling malusog.

Dapat pag-ibayuhin ng mga miyembro ng mag-anak ang kakayahan nilang bumasa, sumulat, at gumawa ng simpleng pagsusuma at samantalahin ang bawat pagkakataong magtamo ng kaalaman at mapaghusay ang mga kasanayan. Dapat nilang sundin ang Word of Wisdom at kumain ng masusustansyang pagkain. Kung posible, dapat mag-imbak ng pagkain ang mga maganak para sa isang buong taon, o hangga’t maaari, ay mag-imbak ng mga pangunahing bagay na kinakailangan para mabuhay. Dapat iwasan ng mga miyembro ng mag-anak ang dikailangang pag-utang, mag-ipon para sa hinaharap, tuparin ang lahat ng kanilang obligasyon, at buong talinong gamitin ang kanilang kabuhayan, na iniiwasan ang pag-aaksaya.

Dapat turuan ng mga magulang ang kanilang mga anak na magbahagi sa iba. Halos lahat ay may maibibigay, gaano man kakaunti ang makakaya 15 16 nilang ibigay. Ang isang paraan para makatulong sa mga nangangailangang iyon ay mag-ayuno bawat buwan at magbigay ng mga handog-ayuno, na ginagamit para mapakain ang gutom, makanlungan ang walang bahay, madamitan ang hubad, at mapaginhawa ang naghihirap. Naipapakita natin ang ating pagmamahal sa Panginoon sa pagtulong natin sa iba. Sabi Niya, “Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa” (Mateo 25:40).

Pagbabahagi ng Ebanghelyo

Itinuro ng Panginoon, sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta sa mga huling araw, na bawat miyembro ng Simbahan ay may responsibilidad na ibahagi ang ebanghelyo sa iba. “Nababagay lamang sa bawat tao na nabigyang-babala na balaan ang kanyang kapwa” (D at T 88:81). Ipinaliwanag ni Alma, isang propeta sa Aklat ni Mormon, na kapag nabinyagan tayo dapat ay handa tayong “tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay at sa lahat ng lugar” (Mosias 18:9).

Dapat gawin ng lahat ng miyembro ng mag-anak ang lahat para matulungan ang kanilang mga kamag-anak, kaibigan, at kapitbahay na malaman ang ebanghelyo ni Jesucristo at ang mga pagpapalang idudulot nito sa kanilang buhay. Sa pagbabahagi ng ebanghelyo, mapapalakas ng mga magulang at anak ang sarili nilang patotoo at maihahatid ang mga pagpapala ng ebanghelyo sa iba. Ang mga mag-anak ay maaaring:

  • Maging mabuting halimbawa sa pagsunod sa lahat ng utos (tingnan sa Mateo 5:16).

  • Magpasalamat sa pagiging miyembro nila ng Simbahan (tingnan sa Mga Taga Roma 1:16) at ipaalam sa ibang tao na sila ay mga miyembro.

  • Magtanong sa mga kakilala kung gusto nilang makaalam pa tungkol sa Simbahan.

  • Humingi ng tulong sa Panginoon sa pagpili ng isang mag-anak o taong handang makinig sa ebanghelyo.

  • Ipakilala ang mag-anak o taong iyon sa Simbahan sa anumang paraan, tulad ng pag-anyaya sa kanila sa family home evening o sa isang miting o aktibidad sa Simbahan, pagbibigay sa kanila ng mababasang mga aklat o polyeto ng Simbahan, o pakikipag-usap sa 17 kanila tungkol sa mga pagpapala ng ebanghelyo.

  • Anyayahan ang mag-anak o taong ito sa kanilang tahanan para maturuan ng mga misyonero.

Responsibilidad ng mga magulang na ihanda ang kanilang sarili at kanilang mga anak sa pagmimisyon nang full-time. Para maihanda ang mga anak, lalo na ang mga anak na lalaki, dapat ituro ng mga magulang ang ebanghelyo sa tahanan, dapat silang magkaroon ng pansarili at pangmaganak na pag-aaral ng mga banal na kasulatan at panalangin, at banggiting madalas ang mga responsibilidad at pagpapala sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Matuturuan nila ang kanilang mga anak na mag-impok para sa misyon, magsipag, tumayo sa sariling paa, at mahalin at paglingkuran ang ibang tao.

Mga Ordenansa sa Templo para sa Buhay at Patay

Sa mga templo, ang mga karapatdapat na miyembro ng Simbahan ay tumatanggap ng mga sagradong ordenansa at nakikipagtipan sa Diyos. Nakikilahok din sila sa pagsasagawa ng ordenansa para sa namatay nilang mga ninuno. Kung posible, dapat kumuha ang ama at ina ng kanikanyang rekomend sa templo mula sa kanilang mga lider ng priesthood at pumunta sa templo para matanggap ang sarili nilang mga ordenansa sa templo. Kung hindi sila makakapunta sa templo, dapat silang mamuhay nang karapat-dapat para sa rekomend sa templo.

May sagradong responsibilidad ang mga mag-anak na tiyaking naisagawa ang mga ordenansa sa templo para sa mga ninuno nilang namatay nang hindi nakatanggap nito. Ang mga miyembro ng Simbahan na nakatanggap na ng sarili nilang mga ordenansa ay dapat bumalik sa templo nang madalas kung may oras, pera, at bukas ang templo para magsagawa ng mga ordenansa para sa kanilang mga ninuno.

Dapat tipunin ng mga ama at ina ang nakatalang mahahalagang pangyayari sa kanilang buhay at sa buhay ng kanilang mga anak, pati na mga katibayan ng basbas, binyag, ordenasyon, kasal, at kamatayan; mahahalagang liham; mga larawan; ginupit na mga balita sa pahayagan; at mga bagay na katulad nito. Dapat nilang isulat ang sarili nilang kasaysayan at hikayatin ang bawat miyembro ng mag-anak na mag-ingat ng sarili nilang kasaysayan. Dapat nilang tulungang magsimula ng sariling kasaysayan ang nakababata nilang mga anak.

Dapat tipunin ng mga mag-anak ang impormasyon tungkol sa kanilang mga ninuno at gawin itong aklat ng mga kasaysayan ng mag-anak. Dapat nila itong simulan sa pagtitipon ng impormasyon tungkol sa pinakahuli nilang apat na henerasyon.