“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”
Noong 1995, inilabas ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.” Ang pagpapahayag na ito ay isang deklarasyon at muling pagpapatibay ng mga doktrina at gawi na paulit-ulit na ipinahayag ng mga propeta sa buong kasaysayan ng Simbahan. Naglalaman ito ng mga alituntuning mahalaga sa kaligayahan at kapakanan ng bawat mag-anak. Dapat pag-aralan ng mga miyembro ng mag-anak ang pagpapahayag at ipamuhay ang mga panuntunan nito.
“Kami, ang Unang Panguluhan at ang Kapulungan ng Labindalawang Apostol ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ay taimtim na nagpapahayag na ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at ng isang babae ay inordena ng Diyos at ang mag-anak ang sentro ng plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak.
“Lahat ng tao—lalaki at babae—ay nilalang sa wangis ng Diyos. Bawat isa ay minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit, at, bilang gayon, bawat isa ay may banal na katangian at tadhana. Ang kasarian ay isang mahalagang katangian ng pagkakakilanlan at layunin ng isang tao sa kanyang buhay bago pa ang buhay niya sa mundo, sa buhay niyang mortal, at sa walang hanggan.
“Sa buhay bago pa ang buhay sa mundo, kilala at sinamba ng mga espiritung anak na lalaki at anak na babae ang Diyos bilang kanilang Ama at tinanggap ang Kanyang plano na naglaan sa Kanyang mga anak na magkamit ng pisikal na katawan at magtamo iv ng karanasan sa mundo upang umunlad patungo sa kaganapan at sa huli ay makamtan ang kanilang banal na tadhana bilang tagapagmana ng buhay na walang hanggan. Ang banal na plano ng kaligayahan ng Diyos ang nagpapahintulot sa mga ugnayan ng mag-anak na magpatuloy sa kabilang buhay. Ang mga sagradong ordenansa at tipan na makukuha sa mga banal na templo ang nagbibigay ng pagkakataon sa mga tao upang makabalik sa kinaroroonan ng Diyos at upang ang mga mag-anak ay magkasama-sama sa walang hanggan.
“Ang unang kautusan na ibinigay ng Diyos kina Adan at Eva ay tungkol sa kanilang posibilidad bilang magasawa na maging mga magulang. Ipinahahayag namin na ang kautusan ng Diyos na magpakarami at kalatan ang lupa ay nananatiling may bisa. Amin pang karagdagang ipinahahayag na ang banal na kapangyarihang lumikha ng bata ay nararapat lamang gawin ng lalaki at babae, na ikinasal bilang mag-asawa ayon sa batas.
“Ipinahahayag namin na ang paraan ng paglikha ng buhay na mortal ay itinakda ng Diyos. Pinagtitibay namin ang kabanalan ng buhay at ang kahalagahan nito sa walang hanggang plano ng Diyos.
“Ang mag-asawa ay may banal na tungkuling mahalin at kalingain ang bawat isa at ang kanilang mga anak. ‘Ang mga anak ay mana na mula sa Panginoon’ (Mga Awit 127:3). Ang mga magulang ay may banal na tungkuling palakihin ang kanilang mga anak sa pagmamahal at kabutihan, maglaan para sa kanilang pisikal at espirituwal na mga pangangailangan, turuan silang magmahal at maglingkod sa isa’t isa, sundin ang mga kautusan ng Diyos at maging masunurin sa batas saanman sila naninirahan. Ang mga mag-asawa—ang mga ina at ama—ay papananagutin sa harap ng Diyos sa kanilang pagtupad sa mga tungkuling ito.
“Ang mag-anak ay inordena ng Diyos. Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at babae ay mahalaga sa Kanyang walang hanggang plano. Ang mga anak ay may karapatang isilang sa loob ng bigkis ng kasal at palakihin ng isang ama at isang ina na gumagalang nang buong katapatan sa pangakong kanilang ginawa nang sila ay ikasal. Ang kaligayahan sa buhay ng mag-anak ay lalong higit na makakamit kapag isinalig sa mga turo ng Panginoong Jesucristo. Ang mga matagumpay na buhay magasawa at mag-anak ay itinatatag at pinananatili sa mga alituntunin ng pananampalataya, panalangin, pagsisisi, pagpapatawad, paggalang, pagmamahalan, awa, gawa, at mga kapaki-pakinabang na gawaing panlibangan. Sa plano ng Diyos, ang mga ama ang mangungulo sa kanilang mga mag-anak sa pagmamahal at kabutihan at ang may tungkuling maglaan ng mga pangangailangan sa buhay at kaligtasan ng kanilang mga mag-anak. Ang mga ina ang may pangunahing tungkulin na mag-aruga ng kanilang mga anak. Sa mga banal na tungkuling ito, ang mga ama at ina ay may pananagutang magtulungan bilang magkasama na may pantay na pananagutan. Ang pagkakaroon ng kapansanan, kamatayan, o iba pang kalagayan ay maaaring magpabago sa mga takdang tungkulin ng bawat isa sa pagkalinga sa mag-anak. Ang mga kamag-anak ay dapat magbigay ng tulong kung kinakailangan.
“Kami ay nagbababala sa mga taong lumalabag sa mga tipan ng kalinisangpuri, nagmamalabis sa asawa o anak, o bigo sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin sa mag-anak, na balang araw sila ay papananagutin sa harap ng Diyos. At gayon din, kami ay nagbababala na ang pagkakawatak-watak ng mag-anak ay magdudulot sa mga tao, mga komunidad, at mga bansa ng mga kapahamakang sinabi na noon pa ng mga sinauna at makabagong propeta.
“Kami ay nananawagan sa mga maypananagutang mamamayan at mga pinuno ng gobyerno sa lahat ng dako na magtatag ng mga pamamaraan upang mapanatili at mapalakas ang mag-anak bilang pangunahing yunit ng lipunan“ (Liahona, Okt. 2004).