Resources para sa Pamilya
Pagdaraos ng Samba sa Tahanan (Para sa mga Mag-anak na nasa Liblib na Pook)


Pagdaraos ng Samba sa Tahanan (Para sa mga Mag-anak na nasa Liblib na Pook)

Ang ilang mag-anak ay nakatira sa liblib na pook at hindi regular na makadadalo sa mga miting ng ward o branch. Sa pahintulot ng stake, mission, o district president, dapat magdaos ng samba sa tahanan nila ang mga maganak na iyon sa araw ng Linggo. Sa mga pook na walang itinatag na mga yunit ng Simbahan, kailangan ng mga mag-anak ang pahintulot ng Area President.

Maaaring ihanda at basbasan ng ama o ng isa pang maytaglay ng priesthood ang sakrament kung siya ay karapat-dapat, isang priest sa Aaronic Priesthood o maytaglay ng Melchizedek Priesthood, at may pahintulot ng kanyang mga lider ng priesthood. Maaaring magpasa ng sakrament ang sinumang maytaglay ng priesthood. Ang mga tagubilin sa pangangasiwa ng sakrament ay nasa mga pahina 25–26 ng gabay na aklat na ito.

Ang samba sa araw ng Linggo ay dapat maging simple, mapitagan, at marangal. Maaari itong kapalooban ng:

  1. Pambungad na himno

  2. Pambungad na panalangin

  3. Pagbabasbas at pagpapasa ng sakrament

  4. Isa o mahigit pa sa mga sumusunod:

    • Isa o dalawang maiikling pananalita o patotoo

    • Pagbabasa at pagtalakay ng mga banal na kasulatan bilang mag-anak

    • Isang lesson ng isang miyembro ng mag-anak

  5. Pangwakas na himno

  6. Pangwakas na panalangin

Sa pagpaplano ng samba sa araw ng Linggo, dapat hangarin at sundin ng mga magulang ang patnubay ng Espiritu ng Panginoon. Nagbigay ng halimbawa ng uri ng sambang ito ang mga tao sa Aklat ni Mormon: “At ang kanilang mga pagpupulong ay pinamunuan . . . alinsunod sa pamamaraan ng pamamatnubay ng Espiritu, at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo; sapagkat ang kapangyarihan ng Espiritu Santo ang umaakay sa kanila kung mangangaral, o magpapayo, o mananalangin, o magsusumamo, o aawit, maging sa gayon ito naganap” (Moroni 6:9).

Dapat gamitin ng mag-anak ang mga banal na kasulatan bilang pangunahin nilang gabay. Dagdag pa rito, maaari nilang gamitin ang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya, Gospel Fundamentals, Mga Alituntunin ng Ebanghelyo, Tapat sa Pananampalataya, Para sa Lakas ng mga Kabataan, mga polyeto ng misyonero, mga magasin ng Simbahan, at iba pang mga lathalain at kagamitang audiovisual ng Simbahan.

Kung walang sinuman sa mag-anak ang may angkop na priesthood, maaaring tipunin ng ama o ina ang mga miyembro ng mag-anak upang umawit ng mga himno, pag-aralan ang mga banal na kasulatan, manalangin, at higit na mapalapit sa isa’t isa at sa Ama sa Langit. Isasaayos ng itinalagang lider ng priesthood sa mag-anak ang regular na mga oportunidad na makatanggap sila ng sakrament.

Dapat magkaroon ng mga lingguhang aktibidad ang mga magulang, tulad ng mga paglalakad, piknik, panonood ng magagandang pelikula, pagbisita sa mga kamag-anak, isports, mga programang musikal, at paglangoy.

Dapat magbigay ng ikapu, mga handog-ayuno, at iba pang mga kontribusyon ang mag-anak sa nakatalaga nilang lider ng priesthood.

Walang isusumiteng nakasulat na ulat ang mag-anak sa Simbahan, ngunit regular na iinterbyuhin ng nakatalaga nilang lider ng priesthood ang ama, at pag-uulatin siya tungkol sa sitwasyon ng mag-anak. Kung kailangan, maaaring idaos ng mga lider ang mga interbyung ito sa telepono.