Organisasyon at Layunin ng Mag-anak
Organisasyon
Ang mag-anak ay sagrado sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at siyang pinakamahalagang yunit ng lipunan sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. Itinatag ng Diyos ang mga mag-anak upang magdulot ng kaligayahan sa Kanyang mga anak, tulutan silang matuto ng mga tamang alituntunin sa kapaligirang may pagmamahalan, at ihanda sila sa buhay na walang hanggan.
Ang tahanan ang pinakamainam na lugar upang ituro, pag-aralan, at ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Dito natututo ang mga tao na maglaan ng pagkain, damit, tirahan, at iba pa nilang pangangailangan. Dapat tulungan ng ama at ina, na may pantay na pananagutan, ang bawat miyembro ng mag-anak na:
-
Mahanap ang katotohanan at magkaroon ng pananampalataya sa Diyos.
-
Magsisi sa mga kasalanan, mabinyagan para sa kapatawaran ng mga kasalanan, maging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at tumanggap ng Espiritu Santo.
-
Sundin ang mga utos ng Diyos, masigasig na pag-aralan ang mga banal na kasulatan, mag-alay ng pansariling panalangin araw-araw, at maglingkod sa iba.
-
Magbahagi ng ebanghelyo sa iba.
-
Magpa-endow at magpakasal sa templo sa isang karapat-dapat na tao para sa kawalang-hanggan, lumikha ng masayang tahanan para sa maganak, at itaguyod ang mag-anak sa pagmamahal at pagsasakripisyo.
-
Magsaliksik ng impormasyon tungkol sa mga namatay na ninuno at magsagawa ng mga ordenansa sa templo para sa kanila.
-
Magbigay ng lakas na kailangan para sa espirituwal, sosyal, pisikal, at emosyonal na katatagan.
Ang ama ang nangungulo sa maganak at may pananagutang turuan ang mga anak at maglaan ng mga pangangailangan sa buhay ng maganak. Ang karapat-dapat na ama sa Simbahan ay may oportunidad na magtaglay ng priesthood, na siyang kapangyarihan at awtoridad na kumilos sa pangalan ng Diyos. Sa kapangyarihan at awtoridad na ito, nagiging lider ng priesthood ang ama sa kanyang mag-anak. Pinamumunuan niya ang kanyang mag-anak sa paghahandang makabalik sa piling ng ating Ama sa Langit. Ang kanyang maybahay ang pinakamahalaga niyang kasama, kapareha, at tagapayo. Dapat pag-usapan ng mag-asawa ang lahat ng bagay na nakakaapekto sa maganak at tahanan.
Dapat maglaan ang ama ng mga espirituwal na pangangailangan ng kanyang mag-anak. Dapat niyang tiyakin na naituturo sa kanila ang ebanghelyo ni Jesucristo at gawin ang lahat ng makakaya niya para hikayatin at tulungan silang sundin ang mga utos ng Panginoon.
Maaaring basbasan ng amang maytaglay ng priesthood ang mga miyembro ng kanyang mag-anak at maglaan para sa kanilang mga espirituwal na pangangailangan. Sa pamamagitan ng awtoridad ng angkop na priesthood at sa pahintulot ng kanyang lider ng priesthood, ang ama ay maaaring:
-
Pangalanan at basbasan ang mga anak.
-
Binyagan ang mga anak (at iba pa).
-
Kumpirmahan ang mga anak (at iba pa) bilang mga miyembro ng Simbahan at gawaran sila ng Espiritu Santo.
-
Gawaran ng priesthood ang kanyang mga anak na lalaki (at iba pa) at iorden sila sa mga katungkulan sa priesthood.
-
Basbasan at ipasa ang sakrament.
-
Ilaan ang mga libingan.
Kahit walang pahintulot ng kanyang lider ng priesthood, ang amang maytaglay ng Melchizedek Priesthood ay maaaring maglaan ng langis at basbasan ang mga miyembro ng kanyang mag-anak at iba pang maysakit at bigyan sila ng mga natatanging basbas kapag kinakailangan. (Tingnan sa mga pahina 21–29 sa gabay na aklat na ito ang mga tagubilin sa pagsasagawa ng mga ordenansa at basbas ng priesthood.)
Dapat tiyakin ng ama na aktibong nakikibahagi ang kanyang mag-anak sa tatlong pangunahing responsibilidad:
-
Espirituwal at temporal na kahandaan ng sarili at ng pamilya.
-
Pagbabahagi ng ebanghelyo.
-
Family history at mga ordenansa sa templo para sa buhay at patay.
Ang ina ay kapantay sa pananagutan at nagpapayo sa kanyang asawa. Tinutulungan niya ito sa pagtuturo ng mga batas ng Diyos sa kanilang mga anak. Kung walang ama sa tahanan, ang ina ang nangungulo sa mag-anak.
Ang ama at ina ay dapat magkaisa sa layunin. Dapat nilang mithiing ihanda ang lahat ng miyembro ng pamilya sa pagbalik sa ating Ama sa Langit. Dapat silang magkaisa sa pagsasakatuparan ng mithiing ito. Itinatag ng Panginoon ang Simbahan upang tulungan ang mga ama at ina sa pagtuturo at pangangalaga sa kanilang mag-anak.
Kapag isinilang na ang mga anak sa mag-anak, dapat silang mahalin ng mga magulang, turuan ng mga katotohanan ng ebanghelyo, at maging halimbawa ng matwid na pamumuhay. Dapat matutuhan at tuparin ng mga anak ang mga utos ng Diyos. Dapat nilang igalang at sundin ang kanilang mga magulang.
Ang lakas ng Simbahan ay nakasalalay sa mga mag-anak at sa bawat taong ipinamumuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo. Ang lawak ng mga pagpapala ng ebanghelyo na tinatamasa ng pamilya ay nakasalalay nang malaki sa pag-unawa at pagganap sa mga pangunahing tungkulin ng ama at ina bilang mga magulang. Hindi kailanman nilayon ng Simbahan na magbigay ng mga programa o responsibilidad sa mga ama at ina na makakabigat sa kanila o magpapahina ng kanilang loob o magiging dahilan para makaligtaan nila ang mga pinakamahahalagang tungkuling ito.
Layunin
Dahil mahal tayo ng ating Ama sa Langit, nais Niya tayong maging dakila katulad Niya. Para matulungan tayo, binigyan Niya tayo ng planong susundin ayon sa mga dakilang batas ng katotohanan. Yaong mga natututo tungkol sa plano at tapat itong sinusunod ay maaaring maging katulad ng ating Ama sa Langit balang araw at matamasa ang uri ng Kanyang pamumuhay.
Bahagi ng plano na lisanin natin ang langit at bumaba sa lupa. Dito’y nagkakaroon tayo ng pisikal na katawan, natututo sa mga karanasan, at napapatunayan natin na karapat-dapat tayong makapiling na muli ang Diyos. Pinatutunayan natin na tayo ay karapat-dapat sa pamamagitan ng malayang pagpiling tuparin ang Kanyang mga batas. (Tingnan sa Abraham 3:23–25; 2 Nephi 2:27.)
Para matulungan tayong ihanda ang ating sarili na makapiling Siya, inorganisa tayo ng ating Ama sa Langit sa mga pamilya. Sa tulong ng mga sagradong ordenansa at tipan, maaaring mabuklod ang ating pamilya magpasawalang-hanggan.