Resources para sa Pamilya
Mga Ordenansa at Basbas ng Priesthood


Mga Ordenansa at Basbas ng Priesthood

Ang mga ordenansa ng priesthood ay mga sagradong gawaing ibinigay ng Panginoon at isinasagawa sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood. Ang mga basbas ng priesthood ay ibinibigay sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood para magpagaling, umaliw, at maghikayat. Dapat ihanda ng mga kapatid na nagsasagawa ng mga ordenansa at basbas ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo at pagpupunyaging magabayan ng Banal na Espiritu. Dapat nilang isagawa ang bawat ordenansa at basbas sa marangal na paraan at ayon sa sumusunod na mga kinakailangan; ang ordenansa ay dapat:

  1. Isagawa sa pangalan ni Jesucristo.

  2. Isagawa sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood.

  3. Isagawa ayon sa anumang kinakailangang pamamaraan, tulad ng paggamit ng mga natatanging kataga o ng inilaang langis.

  4. May pahintulot ng nakatalagang lider ng priesthood na mayhawak ng wastong mga susi, kung kinakailangan.

Ang mga ordenansang nangangailangan ng pahintulot ng lider ng priesthood ay ang pagpapangalan at pagbabasbas sa mga bata, pagbibinyag at pagkumpirma, paggagawad ng priesthood at pag-oorden sa isang katungkulan sa priesthood, pagbabasbas at pagpapasa ng sakrament, at paglalaan ng mga libingan.

Kapag may ilang kapatid na kasali sa isang ordenansa o basbas, ipapatong nang magaan ng bawat isa ang kaliwang kamay sa balikat ng kapatid na nasa kaliwa niya. Pinatitigil na ang nakagawiang pagpapatulong sa maraming maytaglay ng priesthood.

Ang mga ordenansa at basbas na ipinaliwanag sa bahaging ito ay makakatulong sa mga ama sa paglilingkod bilang patriarch sa kanilang mag-anak.

Pagpapangalan at Pagbabasbas sa mga Bata

“Bawat kasapi ng simbahan ni Cristo na may mga anak ay dapat dalhin ang mga anak sa mga elder sa harapan ng simbahan, na siyang magpapatong ng kanilang mga kamay sa kanila sa pangalan ni Jesucristo, at babasbasan sila sa kanyang pangalan” (D at T 20:70). Para masunod ang paghahayag na ito, tanging mga karapat-dapat na kalalakihan lamang na maytaglay ng Melchizedek Priesthood ang maaaring makilahok sa pagpapangalan at pagbabasbas sa mga bata. Ang ordenansa ng pagpapangalan at pagbabasbas sa mga bata ay nangangailangan ng pahintulot ng namumunong awtoridad.

Kapag nagbabasbas ng sanggol, palilibutan at hahawakan ng kalalakihang maytaglay ng Melchizedek Priesthood ang sanggol. Kapag mas nakatatandang bata ang babasbasan, ipapatong nang magaan ng kalalakihan ang kanilang mga kamay sa ulo ng bata. Ang taong nagbabasbas ay:

  1. Mananawagan sa Ama sa Langit.

  2. Sasabihin na ang basbas ay ibinibigay sa pamamagitan ng awtoridad ng Melchizedek Priesthood.

  3. Papangalanan ang bata.

  4. Ibibigay ang basbas ng priesthood ayon sa dikta ng Espiritu.

  5. Magtatapos sa pangalan ni Jesucristo.

Binyag

Sa ilalim na pamamahala ng namumunong awtoridad, maaaring magbinyag ang isang karapat-dapat na priest o lalaking maytaglay ng Melchizedek Priesthood. Para magawa ito:

  1. Lulusong siya sa tubig kasama ang taong bibinyagan.

  2. Para madali at ligtas, hahawakan ng kaliwang kamay niya ang kanang pulso ng binibinyagan; hahawakan naman ng kaliwang kamay ng taong binibinyagan ang kanyang kaliwang pulso.

  3. Itataas niya nang paparisukat ang kanyang kanang braso.

  4. Babanggitin niya ang buong pangalan ng binibinyagan at sasabihing, “Bilang naatasan ni Jesucristo, binibinyagan kita sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen” (D at T 20:73).

  5. Pahahawakan niya sa kanang kamay ng tao ang ilong nito para hindi ito pasukan ng tubig; ilalagay naman ng taong nagbibinyag ang kanyang kanang kamay sa bandang itaas ng likod ng tao at ilulubog ito nang lubusan sa tubig, kasama ang kasuotan nito.

  6. Tutulungan niyang umahon sa tubig ang tao.

Dalawang priest o kalalakihang maytaglay ng Melchizedek Priesthood ang sumasaksi sa bawat binyag upang tiyakin na maayos itong naisagawa. Dapat ulitin ang pagbibinyag kung hindi tugma sa nakasaad sa Doktrina at mga Tipan 20:73 ang binanggit na mga salita o kung may bahagi ng katawan o kasuotan ng tao na hindi nailubog nang lubusan sa tubig. Ang taong binibinyagan at ang taong nagsasagawa ng ordenansa ay dapat magsuot ng puting damit na hindi aninaw ang katawan kapag nabasa ito.

Kumpirmasyon

Ang mga nabinyagan na siyam na taong gulang pataas at yaong mga walong taong gulang na hindi miyembro ang mga magulang ay kinukumpirma sa sakrament miting (tingnan sa D at T 20:41). Maaaring makumpirma kaagad ang mga batang walong taong gulang pagkatapos ng binyag sa lugar na pinagbinyagan kung miyembro ng Simbahan ang kahit isa man lamang na magulang at may pahintulot ang mga magulang sa binyag at kumpirmasyon. Sa ilalim ng pamamahala ng bishop o branch president, maaaring isagawa ng isa o mahigit pang kalalakihang maytaglay ng Melchizedek Priesthood ang ordenansang ito. Bahagya nilang ipapatong ang kanilang mga kamay sa ulo ng tao. Ang nagsasagawa ng ordenansa ay:

  1. Babanggitin ang buong pangalan ng tao.

  2. Sasabihin na ang ordenansa ay isinasagawa sa pamamagitan ng awtoridad ng Melchizedek Priesthood.

  3. Ikukumpirma ang tao bilang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

  4. Igagawad ang kaloob na Espiritu Santo sa pagsasabing, “Tanggapin mo ang Espiritu Santo.”

  5. Ibibigay ang basbas ng priesthood ayon sa dikta ng Espiritu.

  6. Magtatapos sa pangalan ni Jesucristo.

Paggawad ng Priesthood at Pag-orden sa mga Katungkulan sa Priesthood

Ang bishop o branch president ang namamahala sa paggawad ng Aaronic Priesthood at mga ordenasyon sa mga katungkulan ng deacon, teacher, at priest. Bago maorden ang isang tao sa isang katungkulan sa Aaronic Priesthood, dapat siyang mainterbyu ng bishop o branch president at makitang karapat- dapat. Dapat din siyang sangayunan sa sakrament miting. Sa pahintulot ng bishop o branch president, maaaring igawad ng isang priest ang Aaronic Priesthood sa ibang tao at iorden ito sa isang katungkulan sa Aaronic Priesthood.

Ang stake o mission president ang namamahala sa paggagawad ng Melchizedek Priesthood at ordenasyon sa mga katungkulan ng elder at high priest.

Para maigawad ang priesthood o iorden ang isang tao sa isang katungkulan sa priesthood, ipapatong nang magaan ng isa o higit pang kalalakihang maytaglay ng kailangang priesthood para dito at pinahintulutan ng namumunong awtoridad ang kanilang mga kamay sa ulo ng tao. Ang nagsasagawa ng ordenansa ay:

  1. Babanggitin ang buong pangalan ng tao.

  2. Babanggitin ang awtoridad (Aaronic o Melchizedek Priesthood) ng nagsasagawa ng ordenasyon.

  3. Igagawad ang Aaronic o Melchizedek Priesthood, maliban kung ito ay dati nang naigawad.

  4. Ioorden ang tao sa isang katungkulan sa Aaronic o Melchizedek Priesthood at ipagkakaloob ang mga karapatan, kapangyarihan, at awtoridad ng katungkulang ito.

  5. Ibibigay ang basbas ng priesthood ayon sa dikta ng Espiritu.

  6. Magtatapos sa pangalan ni Jesucristo.

Sakrament

Ang sakrament ay isang napakasagradong ordenansa. Ang pagtanggap ng sakrament ay nagbibigay ng pagkakataong alalahanin ang buhay, mga turo, at Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ito ang pagkakataon upang mapanibago ang mga tipan natin sa Panginoon nang tayo ay binyagan (tingnan sa Mosias 18:8–10).

Maaaring ihanda ng mga teacher at priest ang sakrament; maaari itong basbasan ng mga priest; at maaari itong ipasa ng mga deacon, teacher, at priest. Maaaring ihanda, basbasan, at ipasa ng kalalakihang maytaglay ng Melchizedek Priesthood ang sakrament ngunit karaniwang nangyayari ito kapag kakaunti lang ang kalalakihan ng Aaronic Priesthood. Kung nakagawa ng mabigat na kasalanan ang isang tao, hindi siya dapat maghanda, magbasbas, o magpasa ng sakrament hangga’t hindi siya nagsisisi at naipagtatapat ang bagay na ito sa kanyang bishop o branch president.

Pinangangasiwaan ng mga naghahanda, nagbabasbas, o nagpapasa ng sakrament ang ordenansang ito sa iba para sa Panginoon. Dapat gampanan ng bawat maytaglay ng priesthood ang tungkuling ito nang taimtim at mapitagan. Dapat ay maayos ang kanyang hitsura, malinis, at nakadamit nang disente. Dapat mabanaag sa kanyang anyo ang kasagraduhan ng ordenansa.

Dapat ihanda ng mga kalalakihan ang sakrament bago magsimula ang miting. Maglalagay sila ng buong tinapay sa malilinis na trey at maglalagay ng mga trey na may maliliit na kopa ng sakrament na may sariwang tubig sa mesa ng sakrament. Tatakpan nila ng malinis at puting tela ang tinapay at tubig.

Habang kinakanta ang himno sa sakrament, aalisin ng mga nasa mesa ng sakrament ang takip sa mga trey ng tinapay at puputul-putulin nang maliliit ang tinapay. Pagkatapos ng himno, luluhod at uusalin ng taong magbabasbas ng tinapay ang panalangin sa sakrament para sa tinapay. Pagkatapos ay ipapasa ng mga kalalakihan ang tinapay sa mga naroon sa mapitagan at maayos na paraan. Ang namumunong awtoridad sa miting ang unang tatanggap ng sakrament. Kapag nakatanggap na ng tinapay ang lahat ng naroon, ibabalik ng mga nagpasa nito ang kanilang trey sa mesa ng sakrament. Muling tatakpan ng mga nagbabasbas ng sakrament ang mga trey matapos ipasa ang tinapay.

Aalisin ng mga nasa mesa ng sakrament ang takip sa mga trey ng tubig. Luluhod at uusalin ng taong magbabasbas ng tubig ang panalangin sa sakrament para sa tubig. Pagkatapos ay ipapasa ng mga kalalakihan ang tubig sa mga naroon. Ibabalik ang mga trey sa mesa ng sakrament at muling tatakpan. Pagkatapos ay uupo na sa kongregasyon ang mga nagbasbas at nagpasa ng sakrament.

Ang sakrament ay para sa mga miyembro ng Simbahan, pati na sa mga bata. Hindi dapat ipahayag ng taong nangangasiwa sa miting na sa mga miyembro lamang ito ipapasa; walang dapat gawin para hadlangan ang mga hindi miyembro sa pagtanggap nito.

Ang mga panalangin sa sakrament ay dapat bigkasin nang malinaw, tumpak, at may dangal. Kung magkamali sa pagbigkas ng mga salita ang nagbabasbas ng sakrament at hindi niya ito itinama, hihilingin ng bishop o branch president na ulitin niya ang panalangin at usalin ito nang wasto.

Narito ang panalangin sa pagbabasbas ng tinapay:

“O Diyos, ang Amang Walang Hanggan, kami ay humihiling sa inyo sa pangalan ng inyong Anak, na si Jesucristo, na basbasan at gawing banal ang tinapay na ito sa mga kaluluwa ng lahat nila na kakain nito, nang sila ay makakain bilang pagalaala sa katawan ng inyong Anak, at patunayan sa inyo, O Diyos, ang Amang Walang Hanggan, na sila ay pumapayag na taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ng inyong Anak, at lagi siyang alalahanin at susundin ang kanyang mga kautusan na ibinigay niya sa kanila; nang sa tuwina ay mapasakanila ang kanyang Espiritu upang makasama nila. Amen” (D at T 20:77 at Moroni 4).

Narito ang panalangin sa pagbabasbas ng tubig:

“O Diyos, ang Amang Walang Hanggan, kami ay humihiling sa inyo sa pangalan ng inyong Anak, na si Jesucristo, na basbasan at gawing banal ang [tubig] na ito sa mga kaluluwa ng lahat nila na iinom nito, nang ito ay kanilang magawa bilang pag-alaala sa dugo ng inyong Anak, na nabuhos alang-alang sa kanila; nang kanilang mapatunayan sa inyo, O Diyos, ang Amang Walang Hanggan, na sila sa tuwina ay aalalahanin siya, nang mapasakanila ang kanyang Espiritu upang makasama nila. Amen” (D at T 20:79 at Moroni 5).

Dapat alisin kaagad sa mesa ang sakrament pagkatapos na pagkatapos ng miting. Anumang tinapay na natira ay maaaring kainin.

Ang pagbabasbas at pagpapasa ng sakrament ay kailangang may pahintulot ng namumunong awtoridad.

Paglalaan ng Langis

Inilalaan ng isang lalaki (o mahigit pa sa isa) na maytaglay ng Melchizedek Priesthood ang purong langis ng olibo para sa banal na layuning maipahid ito sa maysakit o may dinaramdam. Ang taong naglalaan ng langis ay:

  1. Hahawak ng isang bukas na sisidlan ng langis ng olibo.

  2. Sasamo sa ating Ama sa Langit.

  3. Sasabihin na kumikilos siya sa pamamagitan ng awtoridad ng Melchizedek Priesthood.

  4. Ilalaan ang langis (hindi ang sisidlan) at itatalaga ito para ipahid sa maysakit at may dinaramdam.

  5. Magtatapos sa pangalan ni Jesucristo.

Pangangasiwa sa Maysakit

Tanging mga kalalakihan lamang na maytaglay ng Melchizedek Priesthood ang maaaring mangasiwa sa maysakit o may dinaramdam. Karaniwan, dalawa o mahigit pa ang magkasamang nangangasiwa, ngunit maaari itong gawing mag-isa. Kung walang makuhang inilaang langis, maaaring magbasbas ang isang maytaglay ng Melchizedek Priesthood sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood.

Isang amang maytaglay ng Melchizedek Priesthood ang dapat mangasiwa sa mga miyembro ng kanyang maganak na maysakit. Maaari siyang magpatulong sa isa pang maytaglay ng Melchizedek Priesthood.

May dalawang bahagi ang pangangasiwa sa maysakit: (1) pagpapahid ng langis at (2) pagpapatibay sa pagpapahid ng langis.

Pagpapahid ng Langis

Pinapahiran ng langis ng isang maytaglay ng Melchizedek Priesthood ang taong maysakit. Para magawa ito:

  1. Lalagyan niya ng isang patak ng inilaang langis ang ulo ng tao.

  2. Ipapatong niya nang magaan ang kanyang mga kamay sa ulo ng tao at babanggitin ang buong pangalan nito.

  3. Sasabihin niya na pinapahiran niya ng langis ang tao sa pamamagitan ng awtoridad ng Melchizedek Priesthood.

  4. Sasabihin niya na nagpapahid siya ng langis na inilaan para sa pagpapahid at pagbabasbas sa maysakit at may dinaramdam.

  5. Magtatapos siya sa pangalan ni Jesucristo.

Pagpapatibay sa Pagpapahid ng Langis

Karaniwan, dalawa o mahigit pang kalalakihang maytaglay ng Melchizedek Priesthood ang nagpapatong nang magaan ng kanilang mga kamay sa ulo ng taong maysakit. Pagtitibayin ng isa sa mga kalalakihan ang pagpapahid ng langis. Para magawa ito:

  1. Babanggitin niya ang buong pangalan ng tao.

  2. Sasabihin niya na pinagtitibay niya ang pagpapahid ng langis sa pamamagitan ng awtoridad ng Melchizedek Priesthood.

  3. Magbibigay siya ng basbas ayon sa dikta ng Espiritu.

  4. Magtatapos siya sa pangalan ni Jesucristo.

Mga Basbas ng Ama at Iba pang mga Basbas ng Pag-aliw at Pagpapayo

Ang mga basbas ng ama at iba pang mga basbas ng priesthood ay ibinibigay upang maglaan ng direksyon at aliw ayon sa patnubay ng Espiritu.

Maaaring basbasan ng isang amang maytaglay ng Melchizedek Priesthood ang kanyang mga anak. Ang gayong mga basbas ay makakatulong lalo na kapag umalis ng bahay ang mga anak, tulad ng para pumasok sa paaralan o magmisyon, o pumasok sa trabaho, mag-asawa, magsundalo, o humarap sa kakaibang personal na mga pagsubok. Maaaring maging malaking kalakasan sa mag-anak ang mga basbas na ito. Maaaring itala ng mag-anak ang mga basbas ng ama para sa mga talaan ng mag-anak, ngunit hindi ito iingatan sa mga talaan ng Simbahan. Dapat hikayatin ng mga magulang ang mga anak na hingin ang basbas ng ama sa mga oras ng pangangailangan.

Maaari ding magbasbas ng pag-aliw at pagpapayo ang karapat-dapat na kalalakihang maytaglay ng Melchizedek Priesthood sa kanilang asawa, at sa iba pang humihiling nito sa kanila.

Para maibigay ang basbas ng ama o iba pang mga basbas ng pag-aliw at pagpapayo, ang isang maytaglay ng Melchizedek Priesthood, mag-isa man o may kasamang isa o mahigit pang karapat-dapat na maytaglay ng Melchizedek Priesthood, ay ipapatong nang magaan ang kanyang mga kamay sa ulo ng taong tumatanggap ng basbas. Hindi kailangan ang langis para sa gayong mga basbas. Ang taong nagbabasbas ay:

  1. Babanggitin ang buong pangalan ng tao.

  2. Sasabihing nagbabasbas siya sa pamamagitan ng awtoridad ng Melchizedek Priesthood.

  3. Magbabasbas ayon sa dikta ng Espiritu.

  4. Magtatapos sa pangalan ni Jesucristo.

Paglalaan ng mga Libingan

Dapat ay maytaglay ng Melchizedek Priesthood ang taong naglalaan ng libingan at may pahintulot ng lider ng priesthood na nangangasiwa sa paglalaan ng libingan.

Para mailaan ang libingan:

  1. Sasamo siya sa Ama sa Langit.

  2. Sasabihin niya na inilalaan niya ang libingan sa pamamagitan ng awtoridad ng Melchizedek Priesthood.

  3. Ilalaan at itatalaga niya ang lupang pinaglibingan bilang himlayan ng katawan ng namatay.

  4. Kapag naaangkop, ipagdarasal niya na pabanalin at protektahan ang lugar hanggang sa Pagkabuhay na Mag-uli.

  5. Hihilingin niya sa Panginoon na aliwin ang mag-anak nito at ipapahayag ang iba pang bagay ayon sa dikta ng Espiritu.

  6. Magtatapos siya sa pangalan ni Jesucristo.

Kung mas gusto ng mag-anak, maaaring mag-alay ng panalangin sa tabi ng puntod ang isang tao (na hangga’t maaari ay isang maytaglay ng Melchizedek Priesthood) sa halip na panalangin sa paglalaan.