Pagtuturo ng Ebanghelyo sa Tahanan
Pagtuturo sa mga Anak nang may Kabaitan at Pagmamahal
Inutusan ng Panginoon ang mga magulang na ituro ang ebanghelyo sa kanilang mga anak. Sabi niya:
“Yayamang ang mga magulang ay may mga anak sa Sion, o sa alinman sa kanyang mga istaka na naitatag, na hindi nagtuturo sa kanila na maunawaan ang doktrina ng pagsisisi, pananampalataya kay Cristo ang Anak ng buhay na Diyos, at ang pagbibinyag at ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, pagsapit ng walong taong gulang, ang kasalanan ay nasa ulo ng mga magulang.
“Sapagkat ito ay magiging batas sa mga naninirahan sa Sion, o sa alinman sa kanyang mga istaka na naitatag.
“At ang kanilang mga anak ay bibinyagan para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan pagsapit ng walong taong gulang, at tatanggapin ang pagpapatong ng kamay.
“At tuturuan din nila ang kanilang mga anak na manalangin, at magsilakad nang matwid sa harapan ng Panginoon” (D at T 68:25–28).
Ang mga magulang ay dapat magturo nang may kabaitan at pagmamahal, na inaalala ang payo ni Apostol Pablo na “turuan [ang kanilang mga anak] ayon sa saway at aral ng Panginoon” (Efeso 6:4).
Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Mag-anak
Maaari tayong maging katulad ng ating Ama sa Langit at matamasa ang uri ng Kanyang pamumuhay sa pamamagitan lamang ng pagsunod sa mga batas kung saan nakasalalay ang pagpapalang iyon (tingnan sa D at T 130:20–21). Bago natin maipamuhay ang mga batas na iyon, dapat nating malaman kung ano ang mga ito. “Hindi maaari para sa isang tao na maligtas dahil sa kamangmangan” (D at T 131:6).
Si Jesucristo ang ating pinuno at tagapagbigay ng batas. Alam Niya ang daan at mga batas na dapat nating sundin, at inanyayahan Niya ang bawat isa sa atin na sundin Siya. Sabi niya, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko” (Juan 14:6). Para maging katulad ng ating Ama sa Langit at makabalik sa Kanya, dapat nating malaman ang mga turo ni Jesus at sundin ang mga ito. Mayroon tayong mga banal na kasulatan na tutulong sa atin upang malaman ang buhay, mga turo, at mga utos ni Jesucristo.
Ang apat na aklat na tinatanggap ng Simbahan bilang mga banal na kasulatan ay ang Biblia, Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, at Mahalagang Perlas. Ipinaliliwanag nito ang mga batas ng ebanghelyo at mga pamantayang siyang sukatan natin ng lahat ng kaisipan, kilos, at turo. Tinutulungan tayo nitong malaman ang buhay at mga turo ni Jesucristo at nagbibigay ng mga halimbawa ng mga taong sumampalataya sa Diyos at sumunod sa Kanyang mga utos.
Itinuro sa atin ni Jesus na saliksikin at pag-aralan ang mga banal na kasulatan (tingnan sa Juan 5:39; 3 Nephi 23:1; D at T 88:118).
Dapat ay sama-sama at regular na pag-aralan ng mga mag-anak ang mga banal na kasulatan para matutuhan at masunod ang mga turo ng Panginoon. Dapat tipunin ng mga magulang ang kanilang mag-anak sa regular na oras bawat araw para basahin at talakayin ang mga banal na kasulatan. Bawat miyembro ng maganak na marunong bumasa ay dapat bigyan ng pagkakataong bumasa sa mga banal na kasulatan.
Maaaring manalangin ang isang miyembro ng mag-anak bago basahin ang mga banal na kasulatan at hilingin sa Ama sa Langit na basbasan ang bawat isa upang maunawaan ang binabasa at magkaroon ng patotoo tungkol dito. Maaaring manalangin ang mga mag-anak pagkatapos magbasa ng mga banal na kasulatan.
Kapag binabasa at pinagninilay-nilay ng mga mag-anak ang mga banal na kasulatan, nanaisin nilang higit na maging katulad ng Tagapagligtas at higit silang liligaya at mapapayapa sa buhay.
Mga Panalanging Pansarili at Pangmag-anak
Dapat matuto ang bawat isa sa atin na makipag-usap sa ating Ama sa Langit sa pamamagitan ng panalangin. Mahal Niya tayo at nais Niya tayong makipagusap sa Kanya. Nais Niyang pasalamatan natin Siya para sa ating mga pagpapala at humingi ng Kanyang tulong at patnubay. Tutulungan Niya tayo kapag hiniling natin. Karamihan sa mga panalangin ay iniaalay natin nang nakayuko at nakapikit habang tayo ay nakaluhod, nakaupo, o nakatayo.
Kailangan nating tandaan ang apat na mahahalagang alituntunin kapag nagdarasal tayo:
-
Sinisimulan natin ang ating mga panalangin sa pagkausap sa ating Ama sa Langit: “Ama namin sa Langit …”
-
Nagpapasalamat tayo sa ating Ama sa Langit sa mga bagay na ibinigay Niya sa atin: “Nagpapasalamat kami …”
-
Humihiling tayo sa Kanya ng tulong na kailangan natin: “Hinihiling namin …”
-
Tinatapos natin ang ating panalangin sa pangalan ng Tagapagligtas: “Sa pangalan ni Jesucristo, amen.”
Hindi natin kailangang sundin palagi sa ating pagdarasal ang lahat ng apat na hakbang na ito, ngunit ang pagalala dito ay makakatulong para matuto tayong manalangin. Dapat nating laging simulan at tapusin ang ating mga panalangin sa una at huling hakbang ngunit ang sasabihin natin sa bandang gitna ay nababatay sa inaakala nating mahalaga. Kung minsan nanaisin nating iukol ang ating panalangin sa pasasalamat sa ating Ama sa Langit. Kung minsan naman nanaisin nating iukol ang ating panalangin sa paghingi ng tulong sa Kanya.
Mga Panalanging Pansarili
Bawat tao ay dapat manalanging mag-isa kahit minsan tuwing umaga at gabi. Dapat turuan ng mga magulang ang mga anak na manalanging mag-isa sa sandaling matuto silang magsalita. Matuturuan ng mga magulang ng pagdarasal ang mga anak sa pagluhod na kasama sila at paisaisang ipaulit sa kanila ang mga pangungusap. Di magtatagal at matututo ring magdasal nang mag-isa ang mga anak.
Mga Panalanging Pangmag-anak
Bawat mag-anak ay dapat magkaroon ng panalanging pangmag-anak arawaraw. Sama-samang luluhod ang buong mag-anak, at magdarasal ang pinuno ng mag-anak o pagdarasalin nito ang isang kapamilya. Dapat magkaroon ng regular na pagkakataon ang bawat isa para manalangin. Ang mga musmos na anak ay maaaring magsalitan sa pagdarasal sa tulong ng kanilang mga magulang. Magandang pagkakataon ang panalanging pangmag- anak para maturuang manalangin ang mga anak at maituro ang mga alituntuning tulad ng pananampalataya sa Diyos, pagpapakumbaba, at pagmamahal.
Mga Espesyal na Panalangin
Dapat ituro ng mga magulang sa kanilang mga anak na laging handa ang Diyos na dinggin ang kanilang mga panalangin. Dagdag pa sa regular nilang mga panalanging pansarili at pangmag-anak, makapagdarasal sila anumang oras na kailanganin nila ng espesyal na tulong o kung nais nilang magpasalamat.
Pagbabasbas ng Pagkain
Dapat tiyakin ng mga magulang na matutong magpasalamat sa Diyos ang mga miyembro ng mag-anak para sa kanilang pagkain at humiling sa Kanya na basbasan ito bago sila kumain. Bawat tao, pati na mga batang musmos, ay dapat magsalitan sa pagbabasbas. Ang pagdarasal para mabasbasan ang pagkain ay nakakatulong sa mga magulang at anak na matutong magpasalamat sa ating Ama sa Langit.
Family Home Evening
Ang family home evening ay para sa lahat, pati na sa mga bagong kasal, ama at ina kasama ang mga anak, nag-iisang magulang kasama ang mga anak, magulang na walang anak sa bahay, dalaga’t binata sa mga grupo ng home evening, at nag-iisa sa bahay o may kasamang umuupa. Lahat, anuman ang kanilang kalagayan, ay pagpapalain sa pagdaraos ng mga family home evening. Pinananatiling libre ng Simbahan ang Lunes ng gabi sa iba pang mga gawain para magkasamasama ang mga mag-anak sa family home evening.
Sabi ng Unang Panguluhan: “Nangangako kami sa inyo ng mga dakilang pagpapala kung susundin ninyo ang payo ng Panginoon at magdaraos ng regular na family home evening. Lagi naming dinarasal na nawa’y tanggapin ng mga magulang sa Simbahan ang responsibilidad nilang magturo at maging halimbawa sila ng mga alituntunin ng ebanghelyo sa kanilang mga anak. Pagpalain nawa kayo ng Diyos na maging masigasig sa napakahalagang responsibilidad na ito” (“Message from the First Presidency,” Family Home Evening Resource Book [1983], iv).
Bilang patriarch ng kanyang maganak, ang ama ang nangungulo sa family home evening. Kapag wala ang ama, ang ina ang nangungulo. Mga magulang ang nangangasiwa o pumipili ng isang miyembro ng mag-anak para mangasiwa sa home evening. Sila ang nagtuturo ng lesson o pinagtuturo nila ang mga batang nasa wastong edad para magturo. Lahat ng nasa wastong edad ay dapat magkaroon ng pagkakataong makilahok. Makakatulong ang mga musmos na anak sa pagkumpas sa musika, pagbanggit ng mga sipi sa banal na kasulatan, pagsagot sa mga tanong, paghawak ng mga larawan, pamimigay ng meryenda, at pagdarasal.
Narito ang isang mungkahing balangkas para sa family home evening:
-
Pambungad na awitin (ng mag-anak)
-
Pambungad na panalangin (ng isang miyembro ng mag-anak)
-
Pagbabasa ng tula o banal na kasulatan (ng isang miyembro ng maganak)
-
Lesson (ng ama, ina, o nakatatandang anak)
-
Aktibidad (pinamunuan ng isang miyembro ng mag-anak at kasali ang buong mag-anak)
-
Pangwakas na awitin (ng mag-anak)
-
Pangwakas na panalangin (ng isang miyembro ng mag-anak)
-
Meryenda
Ang isang mag-anak ay makapagdaraos ng home evening sa maraming paraan. Anumang aktibidad na samasama ang mag-anak, nagpapatatag sa kanilang pagmamahalan, tumutulong na mapalapit sila sa Ama sa Langit, at hinihikayat silang mamuhay nang matwid ay maaaring maging family home evening. Kabilang sa mga halimbawa ng gayong mga aktibidad ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pag-uusap tungkol sa ebanghelyo, pagpapatotoo, paggawa ng proyektong paglilingkod, samasamang pag-awit, pagpipiknik, paglalaro ng mag-anak, at paglalakad. Lahat ng family home evening ay dapat samahan ng panalangin.
Ang mga lesson sa family home evening ay maaaring ibatay sa mga banal na kasulatan; mga salita ng mga propeta sa mga huling araw, lalo na sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya; at mga personal na karanasan at patotoo. Maraming lesson ang dapat isentro sa pagsilang, buhay, mga turo, at Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Ang Mga Alituntunin ng Ebanghelyo, Gospel Fundamentals, Tapat sa Pananampalataya, Para sa Lakas ng mga Kabataan, at mga magasin ng Simbahan ay naglalaman ng mga artikulo at iba pang impormasyon sa maraming paksang maaaring gawing bahagi ng mga lesson sa family home evening.
Narito ang mga mungkahing paksang tatalakayin para sa home evening:
-
Ang plano ng kaligtasan
-
Ang buhay at mga turo ni Jesus
-
Pagsisisi
-
Panalangin
-
Pag-aayuno
-
Ang Word of Wisdom
-
Ang pamantayan ng Panginoon tungkol sa moralidad
-
Ang kahulugan ng sakrament
-
Ikapu
-
Pasasalamat
-
Katapatan
-
Pagpipitagan sa Diyos at paggalang sa Kanyang mga likha
-
Paghahanda para sa binyag, ordenasyon sa priesthood, o pag-aasawa
-
Paghahandang makapasok sa templo
-
Pagbabasa ng mga banal na kasulatan
-
Pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath
-
Pagpapatawad sa iba
-
Pagtatamo at pagbabahagi ng patotoo
-
Pagbabahagi ng ebanghelyo sa iba
-
Pagtitipon ng mga family history
-
Pag-unawa at pagtanggap sa kamatayan
-
Paglutas sa mga problema ng mag-anak
-
Pamamahala sa pananalapi ng mag-anak
-
Pakikibahagi sa gawaing-bahay ng mag-anak
-
Pagpapahalaga at kasiyahan sa musika
Mga Pista Opisyal at Espesyal na Okasyon
Ang mga pista opisyal at espesyal na okasyon, tulad ng Pasko; Easter; anibersaryo ng panunumbalik ng priesthood; mga kumperensya; pag-alis ng isang miyembro ng mag-anak para magmisyon; o pagsilang, binyag, o ordenasyon ng isang miyembro ng mag-anak, ay magagandang pagkakataon para maituro ang mga katotohanan ng ebanghelyo.
Ikapu at mga Handog
Inutusan ng Panginoon ang Kanyang mga tao na ipamuhay ang batas ng ikapu at maging marapat sa ipinangakong mga pagpapala (tingnan sa Malakias 3:8–11).
Ang isang magandang pagkakataon para maituro ng mga magulang ang batas ng ikapu at mga handog ay kapag nagbabayad sila ng kanilang ikapu. Ang mga anak ay naiimpluwensyahan ng nakikita nilang ginagawa ng kanilang mga magulang. Ang mga batang pinagbabaon ng pera ay dapat magbayad ng ikapu para dito. Bawat anak ay maaaring magkaroon ng tatlong sisidlan ng pera: isa para sa ikapu, isa para sa misyon, isa para sa panggastos. Tuwing tatanggap ng pera ang mga anak, dapat silang matutong ilagay muna ang 10 porsiyento sa sisidlan ng ikapu, pagkatapos ay kaunting halaga sa sisidlan ng pangmisyon, at ang matitira ay sa sisidlan ng panggastos.
Kapag nagbabayad ng ikapu ang mga anak, dapat silang turuan ng mga magulang na punan ang tithing slip, ilagay ito sa sobre kasama ang pera, at ibigay ito o ipadala sa isang miyembro ng kanilang bishopric o branch presidency. Ang mga maganak na naninirahan sa liblib na pook ay dapat magbigay ng ikapu sa itinalagang lider ng priesthood sa kanila.
Mga Talakayan sa Oras ng Pagkain
Magandang pagkakataon ang mga oras ng kainan para pag-usapan ang ebanghelyo. Mahilig magtanong at sumagot ang mga batang musmos tungkol sa ebanghelyo. Kapag hindi nila alam ang mga sagot, maaaring magbigay ng maiikling sagot at magturo ng ebanghelyo ang ama o ina. Hindi kailangang talakayin ang ebanghelyo sa bawat kainan, ngunit ang dalawa o tatlong beses na gayong talakayan sa loob ng isang linggo ay makakatulong sa mag-anak na matutuhan ang ebanghelyo.
Mga Kuwento Bago Matulog
Dahil mahilig sa kuwento ang karamihan sa mga bata bago matulog, magandang pagkakataon ito para ituro ang ebanghelyo sa pagkukuwento o pagbabasa ng mga kuwento mula sa mga banal na kasulatan, lathalain ng Simbahan, o personal na karanasan. Ang mga kuwento tungkol sa katapatan, pagbabahagi, at kabaitan ay nagtuturo ng mahahalagang alituntunin ng ebanghelyo.
Sama-samang Pagtatrabaho
Maraming pagkakataong maituro ang ebanghelyo kapag sama-samang nagtatrabaho sa bahay ang mga maganak. Halimbawa, habang naglilinis ng bahay o nagtatrabaho sa bakuran o hardin, dapat maging maagap ang mga magulang sa mga pagkakataong bumanggit tungkol sa ebanghelyo. Magtatanong nang madalas ang bata. Dapat ay laging pag-ukulan ng oras ng mga magulang ang pagsagot nang simple. Ang mga punang tulad ng “Mahusay kang magtrabaho. Tiyak kong ipinagmamalaki ka ng Ama sa Langit” o “Tingnan mo ang magagandang ulap na likha ng Ama sa Langit” ay magpapadama sa mga bata ng pasasalamat sa ating Ama sa Langit at ng katiyakan na Siya ay totoo.
Mga Pagpupulong ng Mag-anak
Maaaring pulungin ng mga magulang ang mga miyembro ng mag-anak. Maaaring gamitin ng mga mag-anak ang mga pagpupulong na ito para magtakda ng mga mithiin ng maganak, lutasin ang mga problema, pagusapan ang mga gastusin, magplano, suportahan at palakasin ang bawat isa, magpatotoo, at ipagdasal ang bawat isa. Maaaring magpulong anumang oras kailanganin. Maaaring pulungin ng mga magulang ang maganak tuwing Linggo o kaugnay ng family home evening. Ang paggalang sa mga opinyon at damdamin ng iba ay mahalaga sa ikatatagumpay ng mga pagpupulong ng pamilya.
Mga Sarilinang Interbyu
Natuklasan ng maraming magulang na sa regular at sarilinang interbyu sa bawat anak, mapapalapit sila sa kanilang mga anak, mahihikayat ang mga ito, at matuturuan ang mga ito ng ebanghelyo. Ang gayong mga interbyu ay maaaring gawing pormal o di-pormal at maaaring dalasan.
Dapat magpahayag ng pagmamahal at tiwala sa anak ang magulang, at dapat magkaroon ng pagkakataon ang anak na magpahayag ng damdamin tungkol sa anumang paksa, problema, o karanasan. Dapat pakinggang mabuti at seryosohin ng magulang ang mga problema at ipinagtatapat ng anak. Maaaring magsabay sa pagdarasal ang magulang at anak. Ang mga problemang malalaman sa interbyu na kasangkot ang iba pang miyembro ng mag-anak ay maaaring lutasin sa susunod na family home evening.
Mga Aktibidad ng Mag-anak
Dapat planuhin nang madalas ng mga magulang na magkasama-sama ang buong mag-anak. Ilan sa maraming aktibidad na maaaring magkasama- sama ang mga mag-anak ay sa piknik, kamping, proyekto ng maganak, trabaho sa bahay at sa bakuran, paglangoy, paglalakad, panonood ng magagandang pelikula at iba pang libangan.
Ang mag-anak na masayang nagsasama- sama sa mga gawain ay higit na magmamahalan at magkakasundo. Mas handang makinig ang mga anak sa kanilang mga magulang at susunod sa payo ng mga ito kapag malapit ang damdamin nila rito. Mas epektibong maituturo ng mga magulang ang ebanghelyo.