“2. Pagsuporta sa mga Indibiduwal at Pamilya sa Gawain ng Kaligtasan at Kadakilaan ng Diyos,” Mga Seleksiyon mula sa Pangkalahatang Hanbuk (2023).
“2. Pagsuporta sa mga Indibiduwal at Pamilya,” Mga Seleksiyon mula sa Pangkalahatang Hanbuk
2.
Pagsuporta sa mga Indibiduwal at Pamilya sa Gawain ng Kaligtasan at Kadakilaan ng Diyos
2.0
Pambungad
Bilang lider sa Simbahan ni Jesucristo, sinusuportahan mo ang mga indibiduwal at pamilya sa pagsasakatuparan ng gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos (tingnan sa 1.2). Ang tunay na layunin ng gawaing ito ay tulungan ang lahat ng mga anak ng Diyos na matanggap ang mga pagpapala ng buhay na walang hanggan at ganap na kagalakan.
Malaking bahagi ng gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos ay naisasagawa sa pamamagitan ng pamilya. Para sa lahat ng miyembro ng Simbahan, ang gawaing ito ay nakasentro sa tahanan.
2.1
Ang Papel na Ginagampanan ng Pamilya sa Plano ng Diyos
Bilang bahagi ng Kanyang plano, itinatag ng Ama sa Langit ang mga pamilya sa mundo. Nilayon Niya ang mga pamilya na magdala sa atin ng kaligayahan. Ang mga pamilya ay nagbibigay ng mga pagkakataong matuto, umunlad, maglingkod, magsisi, at magpatawad. Matutulungan nila tayong maghanda para sa buhay na walang hanggan.
Kasama sa pangako ng Diyos na buhay na walang hanggan ang kasal na walang hanggan, mga anak, at lahat ng iba pang mga pagpapala ng walang-hanggang pamilya. Ang pangakong ito ay angkop sa mga hindi pa kasal o walang pamilya sa Simbahan.
2.1.1
Mga Walang-Hanggang Pamilya
Ang mga walang-hanggang pamilya ay nabubuo kapag gumagawa ng mga tipan ang mga miyembro ng Simbahan sa pagtanggap nila ng mga ordenansa ng pagbubuklod sa templo. Ang mga pagpapala ng walang-hanggang pamilya ay natatamo kapag tumutupad sa mga tipan ang mga miyembro at nagsisisi kapag sila ay nagkakamali. Ang mga lider ng Simbahan ay tinutulungan ang mga miyembro na maghandang tanggapin ang mga ordenansang ito at tuparin ang kanilang mga tipan.
Isang karagdagang aspekto ng pagtatatag ng mga walang-hanggang pamilya ay ang pagsasagawa ng mga ordenansa sa templo na nagtutulot sa mga miyembro na mabuklod sa kanilang mga yumaong ninuno.
2.1.2
Mag-asawa
Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay inorden ng Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 49:15). Ang mag-asawang lalaki at babae ay nilayong umunlad nang magkasama tungo sa buhay na walang hanggan (tingnan sa 1 Corinto 11:11).
Isa sa mga kailangan upang matamo ang buhay na walang hanggan ay ang pagpasok ng isang lalaki at isang babae sa tipan ng selestiyal na kasal (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 131:1–4). Ginagawa ng mag-asawa ang tipang ito kapag tinanggap nila ang ordenansa ng pagbubuklod sa templo. Ang tipang ito ang saligan ng walang-hanggang pamilya. Kapag tapat na sinunod, tinutulutan nito ang kanilang kasal na magtagal magpakailanman.
Ang pisikal na intimasiya sa pagitan ng mag-asawa ay nilayong maging maganda at sagrado. Ito ay inorden ng Diyos para sa paglikha ng mga anak at sa pagpapadama ng pagmamahalan ng mag-asawa. Paggiliw at paggalang—hindi kasakiman—ang dapat gumabay sa kanilang matalik na ugnayan.
Iniutos ng Diyos na ang seksuwal na intimasiya ay dapat gawin lamang sa loob ng kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae.
Ang mag-asawa ay pantay sa paningin ng Diyos. Hindi dapat mangibabaw ang isa sa isa pa. Ang kanilang mga desisyon ay dapat gawin nang may pagkakaisa at pagmamahal, na may buong pakikibahagi ng kapwa mag-asawa.
2.1.3
Mga Magulang at mga Anak
Itinuro ng mga propeta sa mga huling araw na “ang kautusan ng Diyos sa Kanyang mga anak na magpakarami at kalatan ang lupa ay nananatiling may bisa” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 49:16–17).
Ang mapagmahal na mag-asawa ay magkasamang makapagbibigay ng pinakamabuting kapaligiran para sa pagpapalaki at pag-aaruga ng mga anak. Ang indibiduwal na mga kalagayan ay maaaring pigilan ang mga magulang na magkasamang palakihin ang kanilang mga anak. Gayunman, pagpapalain sila ng Panginoon habang hinihingi nila ang Kanyang tulong at nagsisikap na sundin ang kanilang mga tipan sa Kanya.
Mayroong mahalagang responsibilidad ang mga magulang na tulungan ang kanilang mga anak na maghanda na tanggapin ang mga pagpapala ng buhay na walang hanggan. Tinuturuan nila ang kanilang mga anak na mahalin at paglingkuran ang Diyos at ang iba (tingnan sa Mateo 22:36–40).
“Ang mga ama ang mangungulo sa kanilang mga mag-anak sa pagmamahal at kabutihan at ang may tungkuling maglaan ng mga pangangailangan sa buhay at kaligtasan ng kanilang mga mag-anak” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”). Kung walang asawang lalaki o ama sa tahanan, ang ina ang mamumuno sa pamilya.
Ang pamumuno sa pamilya ay ang responsibilidad na tulungang gabayan ang mga miyembro ng pamilya na makabalik at manirahang muli sa piling ng Diyos. Ito ay naisasagawa sa pamamagitan ng paglilingkod at pagtuturo nang may kahinahunan, kaamuan, at dalisay na pagmamahal, na sinusunod ang halimbawa ni Jesucristo (tingnan sa Mateo 20:26–28). Kasama sa pamumuno sa pamilya ang pangunguna sa regular na panalangin ng pamilya, pag-aaral ng ebanghelyo, at iba pang mga aspekto ng pagsamba. Ang mga magulang ay magkasamang nagsisikap na magampanan ang mga responsibilidad na ito.
“Ang mga ina ang may pangunahing tungkulin na mag-aruga ng kanilang mga anak” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”). Ang ibig sabihin ng pag-aruga ay pangangalaga, pagtuturo, at pagsuporta, na sinusunod ang halimbawa ng Tagapagligtas (tingnan sa 3 Nephi 10:4). Kaisa ng kanyang asawa, ang isang ina ay tumutulong sa kanyang pamilya na matutuhan ang mga katotohanan ng ebanghelyo at magkaroon ng pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Magkasama silang lumilikha ng isang kapaligiran ng pagmamahalan sa pamilya.
“Sa mga banal na tungkuling ito, ang mga ama at ina ay may pananagutang magtulungan bilang magkasama na may pantay na pananagutan” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”). Mapanalangin silang nagpapayuhan nang magkasama at kasama ang Panginoon.
2.2
Ang Gawain ng Kaligtasan at Kadakilaan ng Diyos sa Tahanan
Sinabi ng Unang Panguluhan, “Ang tahanan ang batayan ng matwid na pamumuhay” (liham ng Unang Panguluhan, Peb. 11, 1999).
Upang masuportahan ang mga miyembro sa paggawa ng gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos sa tahanan, hinihikayat sila ng mga lider ng Simbahan na magtatag ng isang tahanan kung saan naroon ang Espiritu. Hinihikayat din nila ang mga miyembro na igalang ang araw ng Sabbath, pag-aralan at matutuhan ang ebanghelyo sa tahanan, at magdaos ng lingguhang home evening.
2.2.3
Pag-aaral at Pagkatuto ng Ebanghelyo sa Tahanan
Ang pagtuturo at pag-aaral ng ebanghelyo ay nakasentro sa tahanan at sinusuportahan ng Simbahan. Hinihikayat ng mga lider ng Simbahan ang lahat ng miyembro na pag-aralan ang ebanghelyo sa tahanan sa araw ng Sabbath at sa buong linggo.
Ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan gaya ng nakasaad sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ang iminumungkahing paraan ng pag-aaral ng ebanghelyo sa tahanan.
2.2.4
Home Evening at Iba Pang mga Aktibidad
Pinayuhan ng mga propeta sa mga huling araw ang mga miyembro ng Simbahan na magdaos ng lingguhang home evening. Ito ay sagradong oras para sa mga indibiduwal at pamilya na matutuhan ang ebanghelyo, mapalakas ang patotoo, magkaroon ng pagkakaisa, at masiyahan sa isa’t isa.
Ang home evening ay maiaangkop ayon sa mga kalagayan ng mga miyembro. Ito ay maaaring gawin sa araw ng Sabbath o sa iba pang mga araw at oras. Maaari itong kapalooban ng:
-
Pag-aaral at patuturo ng ebanghelyo (maaaring gamitin ang mga materyal ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin kung nais).
-
Paglilingkod sa iba.
-
Pag-awit o pagtugtog ng mga himno at awitin sa Primary (tingnan sa kabanata 19).
-
Pagsuporta sa mga miyembro ng pamilya sa pag-unlad sa Mga Bata at Kabataan.
-
Family council upang magtakda ng mga mithiin, lutasin ang mga problema, at pagtugmain ang mga iskedyul.
-
Mga gawaing panlibangan.
Ang mga miyembrong walang asawa at iba pa ay maaaring magtipon sa mga grupo sa labas ng karaniwang oras ng pagsamba sa araw ng Sabbath upang makibahagi sa home evening at palakasin ang isa’t isa sa pamamagitan ng pag-aaral ng ebanghelyo.
2.2.5
Pagsuporta sa mga Indibiduwal
Tinutulungan ng mga lider ng Simbahan ang mga miyembro na nangangailangan ng karagdagang suporta. Tinutulungan ng mga lider ang mga miyembrong ito at ang kanilang pamilya na magkaroon ng mga pagkakataon para sa pakikipagkaibigan, makabuluhang mga karanasan sa pakikipagkapwa, at espirituwal na pag-unlad.
2.3
Ang Ugnayan sa pagitan ng Tahanan at Simbahan
Ang gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos ay nakasentro sa tahanan at sinusuportahan ng Simbahan. Ang sumusunod na mga alituntunin ay angkop sa ugnayan sa pagitan ng tahanan at Simbahan.
-
Ang mga lider at guro ay iginagalang ang papel na ginagampanan ng mga magulang at tinutulungan sila.
-
Ang ilang miting sa Simbahan ay lubos na mahalaga sa bawat ward o branch. Kabilang dito ang sacrament meeting at mga klase at mga quorum meeting na idinaraos sa araw ng Sabbath. Maraming iba pang mga miting, aktibidad, at programa ang hindi gaanong mahalaga.
-
Pagpapalain ng Panginoon ang mga miyembro habang sila ay naglilingkod at nagsasakripisyo sa Kanyang Simbahan. Gayunman, ang oras na ibinibigay sa paglilingkod sa Simbahan ay hindi dapat humadlang sa kakayahan ng mga miyembro na gampanan ang kanilang mga responsibilidad sa tahanan, sa trabaho, at iba pa.