Mga Hanbuk at Calling
3. Mga Alituntunin ng Priesthood


“3. Mga Alituntunin ng Priesthood,” Mga Seleksyon mula sa Pangkalahatang Hanbuk (2023).

“3. Mga Alituntunin ng Priesthood,” Mga Seleksyon mula sa Pangkalahatang Hanbuk

pamilyang naglalakad malapit sa templo

3.

Mga Alituntunin ng Priesthood

3.0

Pambungad

Ang priesthood ay ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos. Sa pamamagitan ng priesthood, isinasakatuparan ng Ama sa Langit ang Kanyang gawain na “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Binibigyan ng Diyos ang Kanyang mga anak na lalaki at babae dito sa mundo ng awtoridad at kapangyarihan upang makatulong sa pagsasakatuparan ng gawaing ito (tingnan sa kabanata 1).

3.2

Mga Pagpapala ng Priesthood

Sa pamamagitan ng mga tipan at mga ordenansa ng priesthood, nagkakaloob ang Diyos ng mga dakilang pagpapala para sa lahat ng Kanyang mga anak. Kabilang sa mga pagpapalang ito ang:

  • Binyag at pagiging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

  • Kaloob na Espiritu Santo.

  • Pagtanggap ng sakramento.

  • Awtoridad at kakayahang maglingkod sa mga calling at takdang-gawain sa Simbahan.

  • Pagtanggap ng mga patriarchal blessing at iba pang mga basbas ng priesthood para sa pagpapagaling, kapanatagan, at patnubay.

  • Pagkalooban ng kapangyarihan ng Diyos sa templo.

  • Pagkabuklod sa mga kapamilya sa walang hanggan.

  • Pangako ng buhay na walang hanggan.

3.3

Melchizedek Priesthood at Aaronic Priesthood

Sa Simbahan, ang priesthood ay may dalawang bahagi: ang Melchizedek Priesthood at ang Aaronic Priesthood (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:1).

3.3.1

Melchizedek Priesthood

Ang Melchizedek Priesthood ay ang “Banal na Pagkasaserdote, alinsunod sa Orden ng Anak ng Diyos.” (Doktrina at mga Tipan 107:3). Ito ang kapangyarihan kung saan ang mga anak na lalaki at babae ng Diyos ay maaaring maging katulad Niya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:19–21; 132:19–20).

Sa pamamagitan ng awtoridad na ito, pinamumunuan at pinangangasiwaan ng mga lider ng Simbahan ang lahat ng espirituwal na gawain ng Simbahan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:18).

Ang stake president ang namumunong high priest sa stake (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:8, 10; tingnan din sa kabanata 6 ng hanbuk na ito). Ang bishop ang namumunong high priest sa ward (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:17; tingnan din sa Kabanata 7 ng hanbuk na ito).

Para sa impormasyon tungkol sa mga katungkulan at responsibilidad ng Melchizedek Priesthood, tingnan ang 8.1.

3.3.2

Aaronic Priesthood

Ang Aaronic Priesthood ay “kaakibat sa … Pagkasaserdoteng Melquisedec” (Doktrina at mga Tipan 107:14). Kabilang dito ang mga susi ng:

  • Paglilingkod ng mga anghel.

  • Ebanghelyo ng pagsisisi.

  • Pangangasiwa sa mga panlabas na ordenansa, kabilang na ang binyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan.

(Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 13:1; 84:26–27; 107:20.)

Ang bishop ang pangulo ng Aaronic Priesthood sa ward (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:15).

Para sa impormasyon tungkol sa mga katungkulan at responsibilidad ng Aaronic Priesthood, tingnan ang 10.1.3.

3.4

Awtoridad ng Priesthood

Ang awtoridad ng priesthood ay ang awtorisasyon na kumatawan sa Diyos at kumilos sa Kanyang pangalan. Sa Simbahan, ang lahat ng awtoridad ng priesthood ay ginagamit sa ilalim ng pamamahala ng mga maytaglay ng mga susi ng priesthood.

3.4.1

Mga Susi ng Priesthood

Ang mga susi ng priesthood ay ang awtoridad na pamahalaan ang paggamit ng priesthood para sa mga anak ng Diyos.

3.4.1.1

Mga Maytaglay ng mga Susi ng Priesthood

Iginawad ng Diyos sa Kanyang mga Apostol ang lahat ng mga susi na nauukol sa kaharian ng Diyos sa mundo. Ang buhay na senior na Apostol, ang Pangulo ng Simbahan, ang tanging tao sa mundo na awtorisadong gamitin ang lahat ng mga susing iyon ng priesthood (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 81:1–2; 107:64–67, 91–92; 132:7).

Sa ilalim ng pamamahala ng Pangulo ng Simbahan, binibigyan ang sumusunod na mga priesthood leader ng mga susi upang sila ay makapamuno sa kanilang mga nasasakupan:

  • Mga stake at district president.

  • Mga bishop at branch president.

  • Mga Melchizedek at Aaronic Priesthood quorum president.

  • Mga temple president.

  • Mga mission president at mga missionary training center president.

Ang mga lider na ito ay tumatanggap ng mga susi ng priesthood kapag sila ay na-set apart sa kanilang mga calling.

Ang mga susi ng priesthood ay hindi ibinibigay sa iba, pati na sa mga counselor ng mga lokal na priesthood leader o mga pangulo ng mga organisasyon ng Simbahan. Ang mga pangulo ng organisasyon ng Simbahan ay namumuno sa ilalim ng pamamahala ng mga maytaglay ng mga susi ng priesthood (tingnan sa 4.2.4).

3.4.1.2

Kaayusan sa Gawain ng Panginoon

Tinitiyak ng mga susi ng priesthood na ang gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Panginoon ay naisasakatuparan sa maayos na paraan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 42:11; 132:8). Pinamamahalaan ng mga maytaglay ng mga susi ng priesthood ang gawain ng Panginoon sa kanilang mga nasasakupan. Ang awtoridad na ito na mamuno ay may bisa lamang sa partikular na mga responsibilidad sa calling ng lider. Kapag ang mga priesthood leader ay ini-release mula sa kanilang mga calling, hindi na nila taglay pa ang mga susing ito.

3.4.2

Paggawad ng Priesthood at Ordinasyon sa Priesthood

Sa ilalim ng pamamahala ng mga maytaglay ng mga susi ng priesthood, ang Aaronic Priesthood at Melchizedek Priesthood ay iginagawad sa karapat-dapat na mga lalaking miyembro ng Simbahan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:14–17). Matapos igawad ang angkop na priesthood, ang tao ay inoorden sa isang katungkulan sa priesthood na iyon, tulad ng deacon o elder. Ang isang mayhawak ng priesthood ay ginagamit ang priesthood ayon sa mga karapatan at tungkulin ng katungkulang iyon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:99).

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa paggawad ng priesthood at ordinasyon sa priesthood, tingnan ang 8.1.1 at 18.10.

3.4.3

Pagtatalaga ng Awtoridad ng Priesthood upang Makapaglingkod sa Simbahan

3.4.3.1

Pagse-set Apart

Kapag ang mga miyembro ng Simbahan ay sine-set apart sa ilalim ng pamamahala ng mga maytaglay ng mga susi ng priesthood, sila ay binibigyan ng awtoridad mula sa Diyos na kumilos sa calling na iyon. Halimbawa:

  • Ang isang babae na tinawag at na-set apart ng bishop bilang ward Relief Society president ay binibigyan ng awtoridad na pamunuan ang gawain ng Relief Society sa ward.

Lahat ng mga tinawag at na-set apart ay naglilingkod sa ilalim ng pamamahala ng mga taong namumuno sa kanila (tingnan sa 3.4.1.2).

Kapag sila ay ini-release mula sa isang calling, nawawala na sa kanila ang awtoridad na kaugnay nito.

3.4.3.2

Takdang-gawain

Ang mga namumunong lider sa Simbahan ay maaaring magtalaga ng awtoridad sa pamamagitan ng pagbibigay ng takdang-gawain. Kapag ang mga kalalakihan at kababaihan ay tumanggap ng mga takdang-gawaing ito, sila ay binibigyan ng awtoridad mula sa Diyos na kumilos. Halimbawa:

  • Ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ay nagtatalaga ng awtoridad sa mga Pitumpu na inatasan para mangasiwa sa mga area at mamuno sa mga stake conference.

  • May awtoridad na itinatalaga sa mga miyembro ng Simbahan para maglingkod bilang mga ministering brother at ministering sister.

Ang awtoridad na itinatalaga sa pamamagitan ng pagbibigay ng takdang-gawain ay limitado lamang sa partikular na mga responsibilidad at panahong saklaw ng gawain.

3.4.4

Matwid na Paggamit ng Awtoridad ng Priesthood

Ang awtoridad na ito ay magagamit lamang sa kabutihan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:36). Ito ay ginagamit sa pamamagitan ng paghihikayat, mahabang pagtitiis, kahinahunan, kaamuan, pagmamahal, at kabaitan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:41–42).

Ang mga gumagamit ng awtoridad ng priesthood ay hindi ipinipilit ang kanilang mga kagustuhan sa iba. Hindi nila ito ginagamit para sa makasariling mga layunin.

3.5

Kapangyarihan ng Priesthood

Ang kapangyarihan ng priesthood ay kapangyarihan ng Diyos, na ginagamit Niya para pagpalain ang Kanyang mga anak. Ang kapangyarihan ng priesthood ng Diyos ay dumadaloy patungo sa lahat ng miyembro ng Simbahan—babae at lalaki—habang tinutupad nila ang mga tipang ginawa nila sa Kanya. Ginagawa ng mga miyembro ang mga tipang ito kapag tumatanggap sila ng mga ordenansa ng priesthood. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:19–20.)

Ang mga pagpapala ng kapangyarihan ng priesthood na matatanggap ng mga miyembro ay kinabibilangan ng:

  • Patnubay para sa kanilang buhay.

  • Paghahayag upang malaman kung paano gagampanan ang gawain na inorden, isinet-apart, o inatasan silang gawin.

  • Tulong at lakas na maging higit na katulad ni Jesucristo at ng Ama sa Langit.

3.5.1

Mga Tipan

Ang tipan ay isang sagradong pangako sa pagitan ng Diyos at ng Kanyang mga anak. Ibinibigay ng Diyos ang mga kondisyon ng tipan, at ang Kanyang mga anak ay sumasang-ayon na susundin ang mga kundisyong iyon. Ipinapangako ng Diyos na pagpapalain Niya ang Kanyang mga anak kapag tinupad nila ang tipan.

Ang lahat ng magtitiis hanggang wakas sa pagtupad sa kanilang mga tipan ay tatanggap ng buhay na walang hanggan (tingnan sa 2 Nephi 31:17–20; Doktrina at mga Tipan 14:7).

Tinutulungan ng mga magulang, lider ng Simbahan, at iba pa ang mga indibiduwal na maghandang gumawa ng mga tipan kapag tumanggap sila ng mga ordenansa ng ebanghelyo. Tinitiyak nila na nauunawaan ng tao ang mga tipan na kanyang gagawin. Matapos gumawa ng tipan ang isang tao, tinutulungan nila siya na tuparin ito. (Tingnan sa Mosias 18:8–11, 23–26.)

3.5.2

Mga Ordenansa

Ang ordenansa ay isang sagradong gawain na isinasagawa sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood.

Sa maraming ordenansa, gumagawa ang mga indibiduwal ng mga tipan sa Diyos. Kabilang sa mga halimbawa ang binyag, sakramento, endowment, at ordenansa ng pagbubuklod ng kasal.

Ang mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan ay mahalaga para sa buhay na walang hanggan. Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang 18.1.

3.6

Ang Priesthood at ang Tahanan

Lahat ng miyembro na tumutupad sa kanilang mga tipan—babae, lalaki, at mga bata—ay binibiyayaan ng kapangyarihan ng priesthood ng Diyos sa kanilang mga tahanan upang mapalakas sila at ang kanilang mga pamilya (tingnan sa 3.5). Ang kapangyarihang ito ay tutulong sa mga miyembro sa pagsasakatuparan ng gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos sa kanilang personal na buhay at sa kanilang pamilya (tingnan sa 2.2).

Ang mga kalalakihang mayhawak ng Melchizedek Priesthood ay maaaring magbigay ng mga basbas ng priesthood sa mga kapamilya upang magbigay ng gabay, pagpapagaling, at kapanatagan. Kung kailangan, ang mga miyembro ng Simbahan ay maaari ding hilingin ang mga basbas na ito mula sa mga kamag-anak, mga ministering brother, o mga lokal na lider ng Simbahan.