“4. Pamumuno at mga Council sa Simbahan ni Jesucristo,” Mga Seleksiyon mula sa Pangkalahatang Hanbuk (2023).
“4. Pamumuno at mga Council sa Simbahan ni Jesucristo,” Mga Seleksiyon mula sa Pangkalahatang Hanbuk
4.
Pamumuno at mga Council sa Simbahan ni Jesucristo
4.0
Pambungad
Bilang lider sa Simbahan, ikaw ay tinawag sa pamamagitan ng inspirasyon sa mga awtorisadong lingkod ng Panginoon. Ikaw ay mayroong pribilehiyong tumulong sa gawain ng Ama sa Langit na “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39).
4.2
Mga Alituntunin ng Pamumuno sa Simbahan
Sa Kanyang ministeryo sa lupa, ipinakita ng Tagapagligtas ang halimbawa kung paano pamumunuan ang Kanyang Simbahan. Ang Kanyang pangunahing layunin ay ang gawin ang kalooban ng Kanyang Ama sa Langit at tulungan ang iba na maunawaan at ipamuhay ang Kanyang ebanghelyo (tingnan sa Juan 5:30; Mosias 15:7).
4.2.1
Maghanda sa Espirituwal
Inihanda ni Jesus ang Kanyang sarili sa espirituwal para sa Kanyang misyon sa lupa (tingnan sa Lucas 4:1–2). Ikaw rin ay naghahanda sa espirituwal sa paglapit sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng panalangin, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at pagsunod sa Kanyang mga utos.
Maghangad ng paghahayag upang maunawaan ang mga pangangailangan ng mga pinamumunuan mo at kung paano mo matutupad ang gawain na ibinigay sa iyo ng Diyos.
Nangako rin ang Panginoon na pagkakalooban ng mga espirituwal na kaloob ang mga yaong maghahangad nito (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 46:8).
4.2.2
Paglingkuran ang Lahat ng Anak ng Diyos
Mahalin ang mga taong pinaglilingkuran mo tulad ng ginawa ni Jesus. Manalangin “nang buong lakas ng puso” upang mapuspos ng Kanyang pag-ibig (Moroni 7:48).
Tulungan ang mga indibiduwal na palalimin ang kanilang pagbabalik-loob at patibayin ang kanilang pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Tulungan silang maghanda na gumawa ng mga tipan kapag tinanggap nila ang kanilang susunod na ordenansa. Hikayatin sila na tuparin ang mga tipang ginawa nila at tanggapin ang mga pagpapala ng pagsisisi.
4.2.3
Ituro ang Ebanghelyo ni Jesucristo
Lahat ng lider ay mga guro. Sikaping sundin ang halimbawa ng Tagapagligtas bilang isang guro (tingnan sa kabanata 17; Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas). Ituro ang doktrina ni Jesucristo at ang mga alituntunin ng Kanyang ebanghelyo sa pamamagitan ng iyong mga salita at gawa (tingnan sa 3 Nephi 11:32–33; Doktrina at mga Tipan 42:12–14).
Magturo mula sa mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta sa mga huling araw (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 52:9).
Kung ikaw ay tinawag o inatasang mamuno sa isang miting o aktibidad ng Simbahan, tiyakin na ang itinuturo dito ay nakapagpapatibay at tama ayon sa doktrina (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 50:21–23).
4.2.4
Mamuno sa Kabutihan
Ang bawat namumunong opisyal ay naglilingkod sa ilalim ng pamamahala ng isang taong maytaglay ng mga susi ng priesthood (tingnan sa 3.4.1). Ang ganitong sistema ay naglalaan ng kaayusan at malinaw na linya ng responsibilidad at pananagutan sa paggawa sa gawain ng Panginoon.
Maaaring pansamantalang italaga ng namumunong opisyal sa isang tao ang gawain ng pamumuno.
Tinitiyak ng isang lider na namumuno sa isang organisasyon, miting, o aktibidad ng Simbahan na naisasakatuparan ang mga layunin ng Panginoon. Sa paggawa nito, sinusunod ng lider ang mga alituntunin ng ebanghelyo, mga patakaran ng Simbahan, at ang patnubay ng Espiritu Santo.
Ang isang taong mayroong calling o takdang-gawain na mamuno ay hindi mas mahalaga kaysa sa iba (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:109–10).
Hindi nararapat ang paghahangad na mamuno sa alinmang organisasyon sa Simbahan ng Panginoon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:34–37).
4.2.5
Magtalaga ng Responsibilidad at Tiyakin ang Pananagutan
Binigyan ng Tagapagligtas ang kanyang mga disipulo ng makabuluhang mga takdang-gawain at responsibilidad (tingnan sa Lucas 10:1). Binigyan din Niya sila ng pagkakataong magbigay ng ulat tungkol sa gawaing ibinigay sa kanila (tingnan sa Lucas 9:10).
Bilang lider, matutulungan mo ang iba na umunlad sa pamamagitan ng pagtatalaga sa kanila ng mga takdang-gawain. Sikaping hikayatin ang lahat ng miyembro na gawin ang gawain ng Diyos.
Ang pagtatalaga ay tutulong din na maging mas mabisa ang iyong paglilingkod. Hangarin ang patnubay ng Espiritu tungkol sa kung anong gawain ang itatalaga sa iba upang ikaw ay makatuon sa iyong pinakamahahalagang prayoridad.
4.2.6
Ihanda ang Iba na Maging mga Lider at Guro
Maging mapanalangin kapag pinag-iisipan kung sino ang maaaring maglingkod sa mga calling at takdang-gawain sa Simbahan. Tandaan na gagawing marapat ng Panginoon ang mga tinatawag Niya. Ang pinakamahalaga ay na sila ay handang maglingkod, mapagkumbabang hinahangad ang tulong ng Panginoon, at nagsisikap na maging karapat-dapat.
4.2.7
Magplano ng mga Miting, Aralin, at mga Aktibidad nang May Malinaw na mga Layunin
Hangarin ang patnubay ng espiritu sa pagpaplano ng mga miting, aralin, at aktibidad nang may malinaw na mga layunin. Ang mga layuning ito ay dapat magpalakas sa mga indibiduwal at pamilya, maglapit sa kanila kay Cristo, at matulungan silang isakatuparan ang gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos (tingnan sa mga kabanata 1 at 2).
4.2.8
Pagsusuri ng Inyong mga Pagsisikap
Regular na rebyuhin ang iyong mga responsibilidad at espirituwal na pag-unlad bilang isang lider. Isipin din ang pag-unlad ng mga pinamumunuan mo.
Ang tagumpay mo bilang isang lider ay pangunahing nasusukat sa iyong pangakong tulungan ang mga anak ng Diyos na maging matatapat na disipulo ni Jesucristo. Malalaman mong nalulugod ang Panginoon sa ginagawa mo kapag nadarama mo ang Espiritu.
4.3
Mga Council sa Simbahan
Iniutos ng Panginoon sa mga lider ng Kanyang Simbahan na magkakasamang magsanggunian sa paggawa ng Kanyang gawain (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 41: 2-3). Ang mga council ay nagbibigay ng mga pagkakataon sa mga miyembro ng council na makatanggap ng paghahayag habang hinahangad nilang maunawaan ang mga pangangailangan ng mga anak ng Diyos at gumagawa sila ng plano upang makatulong na matugunan ang mga pangangailangang ito.
4.4
Mga Alituntunin ng mga Epektibong Council
4.4.1
Mga Layunin ng mga Council
Binibigyan ng mga council ng espesyal na pansin ang pagtulong sa mga miyembro na makatanggap ng mga ordenansa at matupad ang mga kaugnay na tipan.
4.4.2
Paghahanda para sa mga Council Meeting
Ang mga presidency at mga council ay inaasahang regular na magpupulong. Hinahangad ng mga lider ang patnubay ng Panginoon sa pagpaplano ng mga council meeting. Humihingi din sila ng mungkahi mula sa mga miyembro ng council sa pagpapasiya kung ano ang tatalakayin.
Maagang ipinaaalam ng mga lider sa mga miyembro ng council ang mga bagay na kanilang tatalakayin. Ang mga miyembro ng council ay naghahandang magbahagi ng mga ideya tungkol sa mga bagay na ito.
4.4.3
Mga Talakayan at mga Desisyon
Sa isang council meeting, ipinapaliwanag ng lider (o isang taong inatasan ng lider) ang bagay na tatalakayin. Pagkatapos ay hihikayatin ng lider ang mga miyembro ng council na talakayin ang bagay na ito, habang nagtatanong at naghahangad ng mga ideya.
Ang mga miyembro ng council ay nagbabahagi ng mga mungkahi at nakikinig sa isa’t isa nang may paggalang. Habang hinahangad nilang malaman ang kalooban ng Panginoon, mananaig ang diwa ng inspirasyon at pagkakaisa.
Sa isang council na kinabibilangan ng mga kababaihan at kalalakihan, ang lider ay naghahangad ng mga ideya mula sa parehong kasarian. Ang mga kababaihan at kalalakihan ay kadalasang may magkaibang pananaw na nagbibigay ng kinakailangang balanse.
Ang lider ang gumagabay sa mga talakayan ng council. Gayunman, dapat siyang higit na makinig kaysa magsalita.
Pagkatapos ng talakayan, maaaring magpasiya ang lider sa isang gagawing aksyon o ipagpaliban ang paggawa ng desisyon habang naghahangad ng karagdagang impormasyon at patnubay.
4.4.4
Pagkakaisa
Hinahangad ng mga miyembro ng council na maging isa sa hangarin at layunin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Nagsisikap silang magkaisa sa kanilang mga talakayan at desisyon.
4.4.5
Pagkilos at Pananagutan
Ginagawa ng mga miyembro ng council ang karamihan sa kanilang gawain bago at pagkatapos ng mga council meeting. Sa mga council miting, naghahangad sila ng inspirasyon sa pagbuo ng mga plano para ipatupad ang mga desisyon. Inaanyayahan ng lider ng council ang mga miyembro ng council na gampanan ang mga takdang-gawain na may kaugnayan sa mga planong ito.
Ang mga miyembro ng council ay nagbibigay ng ulat tungkol sa kanilang mga takdang-gawain. Ang progreso ay karaniwang nangangailangan ng patuloy na pagbibigay-pansin at pag-follow-up sa mga takdang-gawain.
4.4.6
Kumpidensyalidad
Ang mga lider ay gumagamit ng mabuting pagpapasiya kapag nagbabahagi ng mga personal na impormasyon sa isang council. Karaniwang hinihingi nila ang pahintulot ng miyembro bago ibahagi ang impormasyong ito.
Ang mga miyembro ng council ay hindi nagbabahagi ng personal na impormasyon sa labas ng council maliban na lamang kung ito ay kailangan sa pagtupad sa isang takdang-gawain mula sa lider ng council.
Ang ilang bagay ay masyadong sensitibo para pag-usapan ng buong council.