“18. Pagsasagawa ng mga Ordenansa at Basbas ng Priesthood,” Mga Seleksyon mula sa Pangkalahatang Hanbuk (2023).
“18. Pagsasagawa ng mga Ordenansa at Basbas ng Priesthood,” Mga Seleksyon mula sa Pangkalahatang Hanbuk
18.
Pagsasagawa ng mga Ordenansa at Basbas ng Priesthood
18.0
Pambungad
Ang mga ordenansa at basbas ay mga sagradong gawaing isinasagawa sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood at sa pangalan ni Jesucristo. Ang mga ordenansa at basbas ng priesthood ay nagbibigay ng paraan na matanggap ang kapangyarihan ng Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:20).
Ang mga ordenansa at basbas ay kailangang isagawa nang may pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at ayon sa patnubay ng Espiritu Santo. Tinitiyak ng mga lider na isinasagawa ang mga ito nang may wastong pahintulot (kung kailangan), nang may kinakailangang awtoridad ng priesthood, sa angkop na paraan, at ng karapat-dapat na mga tao (tingnan sa 18.3).
18.1
Mga Ordenansa ng Kaligtasan at Kadakilaan
Kabilang sa priesthood ang awtoridad na pangasiwaan ang mga ordenansa ng ebanghelyo na kailangan para sa kaligtasan at kadakilaan. Gumagawa ang mga tao ng mga sagradong tipan sa Diyos kapag tinatanggap nila ng mga ordenansang ito. Ang mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan ay nakalista sa ibaba:
-
Binyag
-
Kumpirmasyon at kaloob na Espiritu Santo
-
Paggawad ng Melchizedek Priesthood at pag-orden sa isang katungkulan (para sa kalalakihan)
-
Endowment sa templo
-
Pagbubuklod sa templo
Kung ang isang batang isinilang sa loob ng tipan ay namatay bago umabot sa edad na 8, walang nang kailangan o isasagawang ordenansa para sa kanya. Kung ang bata ay hindi isinilang sa loob ng tipan, ang tanging ordenansang kailangan niya ay ang pagbubuklod sa mga magulang. Dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, lahat ng batang namatay bago umabot sa edad na 8 ay “ligtas sa kahariang selestiyal ng langit” (Doktrina at mga Tipan 137:10; tingnan din sa Moroni 8:8–12).
18.3
Pakikibahagi sa Isang Ordenansa o Basbas
Ang mga nagsasagawa o nakikibahagi sa isang ordenansa o basbas ay dapat may kinakailangang awtoridad ng priesthood at karapat-dapat. Sa pangkalahatan, ang pamantayan ng pagkamarapat ay nauugnay sa pagkakaroon ng temple recommend. Gayunman, ayon sa patnubay ng Espiritu at mga tagubilin sa kabanatang ito, maaaring pahintulutan ng mga bishop at stake president ang mga ama at asawa na mayhawak ng kinakailangang katungkulan sa priesthood na magsagawa ng o makibahagi sa ilang ordenansa at basbas kahit na sila ay hindi lubusang karapat-dapat sa templo. Hindi dapat makibahagi ang mayhawak ng priesthood na may hindi pa nareresolbang mabibigat na kasalanan.
Ang pagsasagawa o pagtanggap ng ilang ordenansa at basbas ay nangangailangan ng pahintulot mula sa namumunong lider na maytaglay ng mga kinakailangang susi ng priesthood (tingnan sa 3.4.1). Kung kinakailangan, ang pahintulot ay maaaring ibigay ng isang counselor na binigyan niya ng awtorisasyon. Tingnan ang sumusunod na mga chart. Ang mga pagtukoy sa mga stake president ay angkop din sa mga mission president. Ang pagtukoy sa mga bishop ay angkop din sa mga branch president.
Sinu-sinong mga Lider ang Maytaglay ng mga Susi para Makapagbigay ng Pahintulot na Magsagawa o Tumanggap ng mga Ordenansa ng Kaligtasan at Kadakilaan?
Ordenansa |
Sino ang Maytaglay ng mga Susi |
---|---|
Ordenansa Binyag | Sino ang Maytaglay ng mga Susi Bishop (para sa mga batang 8 taong gulang at para sa mga member of record na edad 9 pataas na naantala ang binyag dahil sa mga kapansanan sa pag-iisip) Mission president (para sa mga convert) |
Ordenansa Kumpirmasyon at kaloob na Espiritu Santo | Sino ang Maytaglay ng mga Susi Bishop (para sa mga batang 8 taong gulang at para sa mga member of record na edad 9 pataas na naantala ang binyag dahil sa mga kapansanan sa pag-iisip) Mission president (para sa mga convert) |
Ordenansa Paggawad ng Melchizedek Priesthood at pag-orden sa isang katungkulan (para sa kalalakihan) | Sino ang Maytaglay ng mga Susi Stake president |
Ordenansa Endowment sa templo | Sino ang Maytaglay ng mga Susi Bishop at stake president |
Ordenansa Pagbubuklod sa templo | Sino ang Maytaglay ng mga Susi Bishop at stake president |
Sinu-sinong mga Lider ang Maytaglay ng mga Susi para Makapagbigay ng Pahintulot na Magsagawa o Tumanggap ng Iba Pang mga Ordenansa at Basbas?
Ordenansa o Basbas |
Sino ang Maytaglay ng mga Susi |
---|---|
Ordenansa o Basbas Pagbibigay ng pangalan at basbas sa mga bata | Sino ang Maytaglay ng mga Susi Bishop |
Ordenansa o Basbas Ang sakramento | Sino ang Maytaglay ng mga Susi Bishop |
Ordenansa o Basbas Paggawad ng Aaronic Priesthood at pag-orden sa isang katungkulan (para sa mga kabataang lalaki at kalalakihan) | Sino ang Maytaglay ng mga Susi Bishop |
Ordenansa o Basbas Pag-set apart sa mga miyembro upang maglingkod sa mga calling | Sino ang Maytaglay ng mga Susi Tingnan sa 30.8 |
Ordenansa o Basbas Paglalaan ng langis | Sino ang Maytaglay ng mga Susi Hindi kailangan ng pahintulot |
Ordenansa o Basbas Pagbabasbas sa maysakit | Sino ang Maytaglay ng mga Susi Hindi kailangan ng pahintulot |
Ordenansa o Basbas Mga basbas ng kapanatagan at pagpapayo, kabilang ang mga basbas ng ama | Sino ang Maytaglay ng mga Susi Hindi kailangan ng pahintulot |
Ordenansa o Basbas Paglalaan ng mga tahanan | Sino ang Maytaglay ng mga Susi Hindi kailangan ng pahintulot |
Ordenansa o Basbas Paglalaan ng mga libingan | Sino ang Maytaglay ng mga Susi Ang priesthood leader na namumuno sa serbisyo |
Ordenansa o Basbas Mga patriarchal blessing | Sino ang Maytaglay ng mga Susi Bishop |
18.4
Mga Ordenansa para sa mga Menor-de-Edad
Ang isang menor-de-edad ay maaari lamang tumanggap ng mga ordenansa at basbas kapag ang mga magulang o mga legal na tagapag-alaga ay nagbigay ng pahintulot. Ang pahintulot mula sa isang magulang o tagapag-alaga ay hindi kailangan kung wala siyang legal na batayan para tutulan ang aksyon.
18.6
Pagbibigay ng Pangalan at Basbas sa mga Bata
Ang mga bata ay karaniwang binibigyan ng pangalan at binabasbasan kapag fast and testimony meeting sa ward kung saan nakatira ang kanilang mga magulang.
18.6.1
Sino ang Nagbibigay ng Basbas
Ang ordenansa ng pagbibigay ng pangalan at basbas sa bata ay isinasagawa ng mga mayhawak ng Melchizedek Priesthood, ayon sa Doktrina at mga Tipan 20:70.
Ang isang tao o pamilya na nagnanais na mabigyan ng pangalan at basbas ang isang bata ay nakikipag-ugnayan sa bishop. Taglay niya ang mga susi ng priesthood para sa pagbibigay ng pangalan at basbas sa mga bata sa ward.
Maaaring pahintulutan ng bishop ang isang ama na mayhawak ng Melchizedek Priesthood na magbigay ng pangalan at basbas sa kanyang anak kahit hindi pa lubos na karapat-dapat ang ama sa templo (tingnan sa 18.3). Hinihikayat ng mga bishop ang mga ama na ihanda ang kanilang sarili upang basbasan ang kanilang sariling mga anak.
18.6.2
Mga Tagubilin
Sa ilalim ng pamamahala ng bishopric, nagtitipon ang mga mayhawak ng Melchizedek Priesthood nang pabilog upang bigyan ng pangalan at basbas ang isang bata. Inilalagay nila ang kanilang mga kamay sa ilalim ng isang sanggol, o magaan na ipapatong ang kanilang mga kamay sa ulo ng isang nakatatandang bata. Pagkatapos ang nagsisilbing tinig ay:
-
Tatawag sa Ama sa Langit tulad ng sa panalangin.
-
Sasabihin na isinasagawa ang basbas sa pamamagitan ng awtoridad ng Melchizedek Priesthood.
-
Bibigyan ng pangalan ang bata.
-
Tatawagin ang bata sa kanyang pangalan.
-
Bibigyan ng basbas ang bata ayon sa patnubay ng Espiritu.
-
Magtatapos sa pangalan ni Jesucristo.
18.6.3
Child Record Form at Sertipiko ng Pagbabasbas
Bago basbasan ang bata, ginagamit ng clerk ang Leader and Clerk Resources (LCR) para maghanda ng isang Child Record Form. Pagkatapos ng pagbabasbas, lumilikha siya ng membership record sa system na iyon at naghahanda ng isang Blessing Certificate [Sertipiko ng Pagbabasbas]. Ang sertipikong ito ay nilalagdaan ng bishop at ibinibigay sa mga magulang o tagapag-alaga ng bata.
Ang pangalan sa membership record at sertipiko ay dapat tumugma sa birth certificate, civil birth registry, o kasalukuyang legal na pangalan.
18.7
Binyag
Ang pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig ng isang may awtoridad ay kinakailangan para sa isang tao na maging miyembro ng Simbahan at tanggapin ang Espiritu Santo. Lahat ng naghahangad ng kadakilaan ay dapat sundin ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga ordenansang ito.
18.7.1
Pagbibigay ng Pahintulot para Binyagan at Kumpirmahin ang Isang Tao
18.7.1.1
Mga Bata na mga Member of Record
Taglay ng bishop ang mga susi ng priesthood para sa pagbibinyag ng mga 8 taong gulang na member of record sa isang ward. Ang mga batang ito ay dapat mabinyagan at makumpirma pagsapit ng kanilang ika-8 kaarawan o sa lalong madaling panahon pagkatapos nito (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 68:27). Ang mga batang ito ay dati nang may mga membership record sa Simbahan (tingnan sa 33.6.2). Kapag tumuntong sila sa edad na 8 taong gulang, tinitiyak ng bishop na magkakaroon sila ng lahat ng pagkakataon na tanggapin ang ebanghelyo at mabinyagan at makumpirma.
Iniinterbyu ng bishop o ng inatasang counselor ang bawat child of record para sa binyag at kumpirmasyon. Ang mga tagubilin ay nasa 31.2.3.1.
Para sa impormasyon tungkol sa pagkumpleto ng Baptism and Confirmation Record, tingnan ang 18.8.3.
18.7.1.2
Mga Convert
Taglay ng mission president ang mga susi ng priesthood para magbinyag ng mga convert sa isang mission. Dahil dito, ang mga full-time missionary ang nag-iinterbyu sa mga convert para sa binyag at kumpirmasyon.
18.7.2
Mga Serbisyo sa Binyag
Ang isang serbisyo sa binyag ay dapat simple, maikli, at nagpapasigla sa espirituwal. Ito ay maaaring kabilangan ng mga sumusunod:
-
Pambungad na saliw ng musika
-
Isang maikling pagbati mula sa lalaki na nangangasiwa sa serbisyo
-
Isang pambungad na himno at panalangin
-
Isa o dalawang maiikling mensahe tungkol sa mga paksa ng ebanghelyo, tulad ng binyag at kaloob na Espiritu Santo
-
Isang piling musika
-
Ang binyag
-
Sandali ng pagpipitagan habang nagpapalit ng tuyong damit ang mga nakibahagi sa binyag (ang mga himno o awitin sa Primary ay maaaring patugtugin o kantahin sa oras na ito)
-
Kumpirmasyon ng 8 taong gulang na mga member of record; kumpirmasyon ng mga convert kung napagpasiyahan ng bishop (tingnan sa 18.8)
-
Pagbabahagi ng patotoo ng mga bagong miyembro, kung nais
-
Isang pangwakas na himno at panalangin
-
Pangwakas na saliw ng musika
Kapag ang isang child or record ay naghahandang mabinyagan, ang isang miyembro ng bishopric at Primary presidency ay sasangguni sa pamilya para planuhin at i-iskedyul ang serbisyo sa binyag. Isang miyembro ng bishopric ang nangangasiwa sa serbisyo. Kung mahigit sa isang bata ang mabibinyagan sa iisang buwan, maaari silang binyagan sa iisang serbisyo sa binyag.
Sa mga stake na mayroong maraming child of record, ang mga bata mula sa magkakaibang ward ay maaaring binyagan sa iisang serbisyo sa binyag. Isang miyembro ng stake presidency o isang inatasang high councilor ang nangangasiwa sa serbisyo.
Ang binyag ng isang kapamilya ay hindi dapat ipagpaliban hanggang sa matanggap ng ama ang priesthood at siya mismo ang magbinyag sa kanyang pamilya.
Sa ilalim ng patnubay ng bishopric, ang ward mission leader (kung may tinawag) o miyembro ng elders quorum presidency na namumuno sa gawaing misyonero sa ward ang nagpaplano at nangangasiwa sa serbisyo sa binyag ng mga convert. Nakikipag-ugnayan sila sa mga full-time missionary.
18.7.3
Sino ang Nagsasagawa ng Ordenansa
Ang ordenansa ng binyag ay isinasagawa ng isang priest o mayhawak ng Melchizedek Priesthood. Ang taong nagsasagawa ng binyag ay dapat aprubado ng bishop (o mission president kung full-time missionary ang nagbibinyag).
Maaaring pahintulutan ng bishop ang isang ama na priest o mayhawak ng Melchizedek Priesthood na binyagan ang kanyang anak kahit na hindi siya lubos na karapat-dapat sa templo (tingnan sa 18.3). Hinihikayat ng mga bishop ang mga ama na ihanda ang kanilang sarili upang binyagan ang kanilang sariling mga anak.
18.7.4
Saan Isinasagawa ang Ordenansa
Ang binyag ay dapat gawin sa baptismal font kung mayroon nito. Kung walang baptismal font, anumang ligtas na lugar na may tubig ay maaaring gamitin.
Para sa kaligtasan, isang responsableng adult ang dapat naroon habang pinupuno ang font at nananatili hanggang sa ito ay matanggalan ng tubig, malinis, at makandado. Dapat alisan ng tubig kaagad ang font pagkatapos ng bawat serbisyo sa binyag. Ang mga pinto ng font ay dapat na nakakandado kapag hindi ginagamit ang font.
18.7.5
Kasuotan
Ang taong magbibinyag at ang taong bibinyagan ay nakabihis ng puting kasuotan na hindi maaaninag ang katawan o magiging transparent kapag nabasa. Ang isang taong tumanggap na ng endowment ay nakasuot ng temple garment sa ilalim ng kasuotang ito habang nagsasagawa ng binyag. Ang mga lokal na unit ay bumibili ng kasuotang pambinyag gamit ang pondo ng budget at hindi naniningil para sa paggamit nito.
18.7.6
Mga Saksi
Dalawang saksi, na inaprubahan ng namumunong lider, ay sinasaksihan ang bawat binyag upang masiguro na ito ay nagawa nang maayos. Ang sinumang nabinyagang miyembro ng Simbahan, kabilang ang mga bata at kabataan, ay maaaring maging saksi.
Dapat ulitin ang isang binyag kung ang mga salita ay hindi nabigkas nang eksakto ayon sa ibinigay sa Doktrina at mga Tipan 20:73. Dapat din itong ulitin kung ang bahagi ng katawan, buhok, o damit ng tao ay hindi lubos na nailubog sa tubig.
18.7.7
Mga Tagubilin
Upang isagawa ang ordenansa ng binyag, ang isang priest o mayhawak ng Melchizedek Priesthood ay:
-
Tatayo sa tubig na kasama ang taong bibinyagan.
-
Hahawakan ang kanang pulso ng tao gamit ang kanyang kaliwang kamay (para sa kaginhawaan at kaligtasan). Ang taong binibinyagan ay hahawakan ang kaliwang pulso ng mayhawak ng priesthood gamit ang kanyang kaliwang kamay.
-
Itataas ang kanyang kanang kamay nang paparisukat.
-
Babanggitin ang buong pangalan ng tao at sasabihin, “Bilang naatasan ni Jesucristo, binibinyagan kita sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen” (Doktrina at mga Tipan 20:73).
-
Pahahawakan sa bibinyagan ang kanyang ilong gamit ang kanang kamay nito (para sa kaginhawaan); pagkatapos ay ilalagay niya ang kanyang kanang kamay sa bandang itaas ng likod ng bibinyagan at buong-buo itong ilulubog sa tubig, kasama ang kasuotan.
-
Tutulungang umahon ang bininyagan mula sa tubig.
18.8
Kumpirmasyon at Kaloob na Espiritu Santo
Matapos mabinyagan ang isang tao, siya ay kukumpirmahing miyembro ng Simbahan at tatanggap ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:41; Mga Gawa 19:1-6). Ang isang tao ay magiging miyembro ng Simbahan matapos isagawa at itala nang wasto ang dalawang ordenansang ito (tingnan sa Juan 3:5; Doktrina at mga Tipan 33:11; 3 Nephi 27:20).
Ang bishop ang namamahala sa pagsasagawa ng mga kumpirmasyon. Ang mga walong taong gulang na bata ay karaniwang kinukumpirma sa araw na sila ay bininyagan. Karaniwang kinukumpirma ang mga convert sa alinmang sacrament meeting sa ward na kinabibilangan nila, hangga’t maaari sa araw ng Linggo na kasunod ng kanilang binyag.
Sinusunod ng isang miyembro ng bishopric ang mga tuntunin sa 29.2.1.1 kapag ipinakikilala ang mga bagong miyembro.
18.8.1
Sino ang Nagsasagawa ng Ordenansa
Tanging isang mayhawak ng Melchizedek Priesthood na karapat-dapat sa templo ang maaaring magsilbing tinig para sa kumpirmasyon. Gayunman, maaaring pahintulutan ng bishop ang isang amang maytaglay ng Melchizedek Priesthood na tumayo sa bilog para sa kumpirmasyon ng kanyang anak kahit na ang ama ay hindi lubos na karapat-dapat sa templo (tingnan sa 18.3).
Nakikibahagi sa ordenansang ito ang kahit isang miyembro ng bishopric. Kapag mga elder missionary ang nagturo sa convert, maaari silang anyayahan ng bishop na makibahagi sa kumpirmasyon.
18.8.2
Mga Tagubilin
Sa ilalim ng pamamahala ng bishopric, maaaring makibahagi ang isa o higit pang mayhawak ng Melchizedek Priesthood sa isang kumpirmasyon. Magaan na ipinapatong nila ang kanilang mga kamay sa ulo ng tao. Pagkatapos ang nagsisilbing tinig ay:
-
Tatawagin ang tao sa kanyang buong pangalan.
-
Sasabihin na isinasagawa ang ordenansa sa pamamagitan ng awtoridad ng Melchizedek Priesthood.
-
Kukumpirmahin ang tao na miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
-
Sasabihin ang mga salitang “tanggapin mo ang Espiritu Santo” (hindi “tanggapin mo ang kaloob na Espiritu Santo”).
-
Magbibigay ng basbas ayon sa patnubay ng Espiritu.
-
Magtatapos sa pangalan ni Jesucristo.
18.8.3
Sertipiko at Rekord ng Binyag at Kumpirmasyon
Bago interbyuhin ang isang bata na member of record para sa binyag, gagamitin ng clerk ang LCR upang maghanda ng Baptism and Confirmation Form [Form ng Binyag at Kumpirmasyon]. Ang bishop o isang inatasang counselor ang nangangasiwa sa interbyu at lumalagda sa form. Pagkatapos ng binyag at kumpirmasyon, ginagamit ng clerk ang form na ito upang i-update ang membership record ng bata sa LCR.
Kapag nag-iinterbyu ang isang full-time missionary ng isang convert para sa binyag, kukumpletuhin niya ang Baptism and Confirmation Record gamit ang Area Book Planner (ABP) app. Pagkatapos ng binyag at kumpirmasyon, itinatala ng mga missionary ang impormasyon sa ABP at isinusumite ito sa ward clerk sa pamamagitan ng internet. Nirerebyu ng ward clerk ang impormasyon sa LCR at lilikha ng membership record.
Matapos malikha ang membership record, naghahanda ang clerk ng Baptism and Confirmation Certificate [Sertipiko ng Binyag at Kumpirmasyon]. Ang sertipikong ito ay nilalagdaan ng bishop at ibinibigay sa bagong miyembro.
Ang pangalan sa membership record at sertipiko ay dapat tumugma sa birth certificate, civil birth registry, o kasalukuyang legal na pangalan.
18.9
Ang Sakramento
Nagtitipon ang mga miyembro ng Simbahan sa araw ng Sabbath upang sumamba sa Diyos at makibahagi sa sakramento (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:75; 59:9; Moroni 6:5–6). Sa ordenansang ito, sila ay kumakain ng tinapay at umiinom ng tubig upang alalahanin ang sakripisyo ng Tagapagligtas ng Kanyang laman at dugo at mapanibago ang kanilang mga banal na tipan (tingnan sa Mateo 26:26–28; Pagsasalin ni Joseph Smith, Marcos 14:20–25; Lucas 22:15–20; 3 Nephi 18; Moroni 6:6).
18.9.1
Pahintulot na Mangasiwa sa Sakramento
Taglay ng bishop ang mga susi ng priesthood para sa pangangasiwa ng sakramento sa ward. Lahat ng nakikibahagi sa paghahanda, pagbabasbas, at pagpapasa ng sakramento ay dapat tumanggap ng pahintulot mula sa kanya o sa isang tao sa ilalim ng kanyang pamamahala.
18.9.2
Sino ang Nagsasagawa ng Ordenansa
-
Ang mga teacher, priest, at mayhawak ng Melchizedek Priesthood ang maaaring maghanda ng sakramento.
-
Ang mga priest at mayhawak ng Melchizedek Priesthood ang maaaring magbasbas ng sakramento.
-
Ang mga deacon, teacher, priest, at mayhawak ng Melchizedek Priesthood ang maaaring magpasa ng sakramento.
18.9.3
Mga Tuntunin para sa Sakramento
Dahil sa likas na kasagraduhan ng sakramento, ang mga priesthood leader ay dapat maingat na maghanda upang ito ay maging maayos at mapitagan.
Ang mga taong nangangasiwa sa sakramento ay dapat gawin ito nang may pagpipitagan, batid na sila ay kumakatawan sa Panginoon.
Ang pagpapasa ng sakramento ay dapat natural at hindi masyadong pormal.
Bagamat ang sakramento ay para sa mga miyembro ng Simbahan, wala dapat gawin upang pigilan ang iba na makibahagi nito.
18.9.4
Mga Tagubilin
-
Ang mga naghahanda, nagbabasbas, o nagpapasa ng sakramento ay dapat munang maghugas ng mga kamay nila gamit ang sabon o ibang cleanser.
-
Tinitiyak ng mga teacher, priest, o mayhawak ng Melchizedek Priesthood na ang mga tray ng tinapay na may tinapay na hindi pa napagpira-piraso, tray ng tubig na may mga cup na may malinis na tubig, at malinis na mga tela sa mesa ay nasa tamang lugar bago ang miting.
-
Habang inaawit ng mga miyembro ng ward ang himno ng sakramento, ang mga mayhawak ng priesthood na magbabasbas sa sakramento ay mapitagang tumatayo, inaalis ang telang tumatakip sa mga tray ng tinapay, at pinipira-piraso ang tinapay sa laking pang isang kagat.
-
Pagkatapos ng himno, lumuluhod ang taong magbabasbas sa tinapay at inaalay ang panalangin ng sakramento para sa tinapay (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:77).
-
Tinitiyak ng bishop na malinaw, tama, at may dignidad ang pagkakabigkas sa mga panalangin ng sakramento. Kung ang isang tao ay nakagawa ng pagkakamali sa pagsasalita at kusa nang itinama ito, walang karagdagang pagwawasto ang kinakailangan. Kung hindi itinama ng tao ang pagkakamali niya, mabait na hinihiling ng bishop na ulitin niya nang tama ang panalangin.
-
Pagkatapos ng panalangin, mapitagang ipinapasa ng mga mayhawak ng priesthood ang tinapay sa mga miyembro. Ang namumunong lider ang unang tumatanggap nito, at pagkatapos niya ay wala nang nakatakdang pagkakasunud-sunod. Kapag ang tray ay ibinigay na sa mga miyembro, maaari na nila itong ipasa sa isa’t isa.
-
Ginagamit ng mga miyembro ang kanilang kanang kamay sa pagkain hangga’t maaari.
-
Kapag naipasa na ang tinapay sa lahat ng miyembro, ibinabalik ng mga nagpapasa ng sakramento ang mga tray sa sacrament table. Tinatakpan ng mga nagbabasbas ng sakramento ng tela ang mga tray ng tinapay at tinatanggal ang taklob sa mga tray ng tubig.
-
Lumuluhod ang taong magbabasbas ng tubig at inaalay ang panalangin ng sakramento para sa tubig (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:79). Ginagamit niya ang salitang tubig sa halip na alak.
-
Pagkatapos ng panalangin, mapitagang ipinapasa ng mga mayhawak ng priesthood ang tubig sa mga miyembro. Ang namumunong lider ang unang tumatanggap nito, at pagkatapos niya ay wala nang nakatakdang pagkakasunud-sunod.
-
Kapag naipasa na ang tubig sa lahat ng miyembro, ibinabalik ng mga nagpapasa ng sakramento ang mga tray sa sacrament table. Tinatakpan ng mga nagbabasbas ng sakramento ng tela ang mga tray, at ang mga nagbasbas at nagpasa ng sakramento ay tahimik na uupo sa upuan nila.
-
Pagkatapos ng miting, ang mga naghanda ng sakramento ang naglilinis, nagtitiklop ng mga mantel, at nagtatanggal ng anumang hindi nakain na tinapay.
18.10
Paggawad ng Priesthood at Pag-orden sa Isang Katungkulan
Mayroong dalawang pangkat ang priesthood: ang Aaronic at Melchizedek (tingnan sa 3.3; Doktrina at mga Tipan 107:1, 6). Kapag ang priesthood ay iginagawad sa isang tao, siya ay inoorden din sa isang katungkulan sa priesthood na iyon. Matapos maigawad ang alinman sa mga priesthood na ito, kailangan na lang i-orden ang tao sa iba pang mga katungkulan sa priesthood na iyon.
18.10.1
Melchizedek Priesthood
Taglay ng stake president ang mga susi para sa paggawad ng Melchizedek Priesthood at pag-orden sa mga katungkulan ng elder at high priest. Gayunman, ang bishop ang karaniwang nagbibigay ng mga rekomendasyon para sa mga ordinasyong ito.
18.10.1.1
Mga Elder
Ang mga karapat-dapat na lalaki ay maaaring tumanggap ng Melchizedek Priesthood at maordenang mga elder kapag sila ay 18 taon gulang pataas. Batay sa sitwasyon ng bawat indibiduwal, ang bishop ang nagpapasiya kung ang isang kabataang lalaki ay dapat irekomendang maordenan bilang isang elder pagkatapos ng kanyang ika-18 taong kaarawan o mananatili pa sa priests quorum.
Sa paggawa ng desisyong ito, ang bishop ay sumasangguni muna sa kabataang lalaki at sa kanyang mga magulang o tagapag-alaga. Ang mga karapat-dapat na kalalakihan ay dapat maordenan bilang mga elder sa edad na 19 o bago umalis ng tahanan para mag-aral sa kolehiyo, maglingkod ng full-time mission, maglingkod sa military, o magtrabaho nang full-time.
Ang mga lalaking nabinyagan kamakailan na edad 18 pataas ay inoorden bilang mga elder pagkatapos nilang:
-
Tanggapin ang Aaronic Priesthood at maglingkod bilang mga priest.
-
Magkaroon ng sapat na pang-unawa sa ebanghelyo.
-
Maipakita ang kanilang pagkamarapat.
Walang nakatakdang pamantayan sa kung gaano na katagal na miyembro ng Simbahan ang isang lalaki bago siya i-orden.
18.10.1.2
Mga High Priest
Ang kalalakihan ay inoorden bilang high priest kapag sila ay tinawag na maglingkod sa stake presidency, high council, o bishopric.
18.10.1.3
Pag-interbyu at Pagsang-ayon
Sa pag-apruba ng stake presidency, iniinterbyu ng bishop ang lalaking miyembro ayon sa tagubilin sa Melchizedek Priesthood Ordination Record [Rekord ng Ordinasyon sa Melchizedek Priesthood]. Pagkatapos ay iinterbyuhin din siya ng isang miyembro ng stake presidency. Sa pag-apruba ng mission president, maaaring interbyuhin ng district president ang isang lalaki na i-oorden bilang elder (tingnan sa 6.3).
18.10.2
Aaronic Priesthood
Taglay ng bishop ang mga susi para sa paggagawad ng Aaronic Priesthood at pag-orden sa mga katungkulan ng deacon, teacher, at priest. Ang mga karapat-dapat na lalaki ay karaniwang inoorden sa mga katungkulan sa sumusunod na edad, ngunit hindi bago ito:
-
Mga deacon sa simula ng taong magiging 12 taong gulang sila
-
Mga teacher sa simula ng taong magiging 14 na taong gulang sila
-
Mga priest sa simula ng taong magiging 16 na taong gulang sila
Iniinterbyu ng bishop o ng isang inatasang counselor ang mga lalaking i-oorden bilang mga deacon o teacher para malaman kung sila ay handa sa espirituwal. Iniinterbyu ng bishop ang mga lalaking ioorden bilang mga priest.
Bago interbyuhin ang isang kabataang lalaki para sa ordinasyon sa priesthood, ang bishop ay humihingi ng pasalitang pahintulot mula sa mga magulang o tagapag-alaga. Ang pahintulot mula sa isang magulang o tagapag-alaga ay hindi kailangan kung wala siyang legal na batayan para tutulan ang aksyon.
18.10.3
Pagpapakilala sa Isang Miyembro na Sasang-ayunan bago Siya Maordenan
Pagkatapos mainterbyu ang isang miyembrong lalaki at napag-alaman na siya ay karapat-dapat na maordenan sa isang katungkulan sa priesthood, siya ay ipinakikilala para sa pagsang-ayon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:65, 67). Ang mga lalaki na ioorden bilang mga elder o high priest ay ipinakikilala ng isang miyembro ng stake presidency sa pangkalahatang sesyon ng stake conference (tingnan sa 6.3 para sa mga tagubilin para sa mga district president). Ang mga lalaki na i-oorden bilang mga deacon, teacher, o priest ay ipinakikilala ng isang miyembro ng bishopric sa sacrament meeting.
Ang taong nangangasiwa sa pagsang-ayon ay hinihiling sa lalaking ipinakikilala na tumayo. Sinasabi niya ang mungkahing igawad ang Aaronic o Melchizedek Priesthood (kung kinakailangan) at i-orden ang lalaki sa katungkulan sa priesthood. Pagkatapos ay aanyayahan niya ang mga miyembro na sang-ayunan ang mungkahi. Halimbawa, para ipakilala ang isang lalaki para maordenan bilang elder, maaari niyang gamitin ang mga salitang gaya nito:
“Iminumungkahi naming matanggap ni [pangalan] ang Melchizedek Priesthood at maordenan bilang elder. Ang mga sumasang-ayon ay maaari itong ipakita sa pagtataas ng kamay. [Huminto sandali.] Ang mga hindi sang-ayon, kung mayroon, ay ipakita lamang. [Huminto sandali.]”
Kung ang isang miyembrong nasa mabuting katayuan ay hindi sumang-ayon sa ordinasyon, kakausapin siya nang pribado ng namumunong lider o ng isang inatasang priesthood leader pagkatapos ng miting. Uunawain ng lider kung bakit hindi sang-ayon ang miyembro. Tinatanong niya kung may alam ang miyembro na ginawa ng tao na gagawin itong hindi karapat-dapat maordenan sa katungkulang iyon sa priesthood.
Sa ilang pagkakataon, ang isang lalaki ay maaaring kailanganing i-orden bilang elder o high priest bago siya maipakilala sa stake conference. Kapag nangyari ito, siya ay ipakikilala sa sacrament meeting ng kanyang ward para sa pagsang-ayon. Pagkatapos ay ipakikilala siya sa susunod na stake conference upang pagtibayin ang ordinasyon (inaakma sa proseso ng pagsang-ayon na inilarawan sa itaas).
18.10.4
Sino ang Nagsasagawa ng Ordenansa
Ang stake president o sinomang mayhawak ng Melchizedek Priesthood sa ilalim ng kanyang pamamahala ay maaaring iorden ang isang lalaki sa katungkulan ng elder. Sa pag-apruba ng mission president, maaaring isagawa ng district president o ng isang tao sa ilalim ng kanyang pamamahala ang ordinasyon (tingnan sa 6.3). Mga mayhawak ng Melchizedek Priesthood lamang ang maaaring tumayo sa bilog.
Ang stake president o isang high priest sa ilalim ng kanyang pamamahala ay maaaring iorden ang isang lalaki sa katungkulan ng high priest. Mga high priest lamang ang maaaring tumayo sa bilog.
Ang taong nag-oorden sa isang tao sa isang katungkulan sa Melchizedek Priesthood ay dapat karapat-dapat sa templo. Ang stake president o ang isang taong inatasan niya ay dapat naroroon.
Ang isang priest o mayhawak ng Melchizedek Priesthood ay maaaring iorden ang isang lalaki sa katungkulan ng deacon, teacher, o priest. Siya ay kailangang bigyang-pahintulot ng bishop. Ang bishop o isang taong inatasan niya ay dapat naroroon.
Upang makibahagi sa ordinasyon sa Aaronic Priesthood, ang isang tao ay dapat isang priest o mayhawak ng Melchizedek Priesthood.
Ang bishop ay maaaring magpahintulot sa isang ama na isang priest o mayhawak ng Melchizedek Priesthood na iorden ang kanyang anak na lalaki sa katungkulan ng deacon, teacher, o priest kahit na ang ama ay hindi lubos na karapat-dapat sa templo (tingnan sa 18.3). Hinihikayat ng bishop ang mga ama na ihanda ang kanilang sarili upang iorden ang sarili nilang mga anak na lalaki.
18.10.5
Mga Tagubilin
Upang maigawad ang priesthood at maorden ang isang tao sa isang katungkulan sa priesthood, isa o higit pang awtorisadong mayhawak ng priesthood ang magaan na ipapatong ang kanilang kamay sa ulo ng tao. Pagkatapos ang nagsisilbing tinig ay:
-
Tatawagin ang tao sa kanyang buong pangalan.
-
Sasabihin kung sa aling awtoridad isinasagawa ang ordinasyon (Aaronic o Melchizedek Priesthood).
-
Igagawaad ang Aaronic o Melchizedek Priesthood, maliban kung ito ay naigawad na.
-
I-oorden ang tao sa isang katungkulan sa Aaronic o Melchizedek Priesthood at ipagkakaloob ang mga karapatan, kapangyarihan, at awtoridad ng katungkulang iyon.
-
Magbibigay ng basbas ayon sa patnubay ng Espiritu.
-
Magtatapos sa pangalan ni Jesucristo.
Upang iorden ang isang tao sa isang katungkulan sa priesthood matapos na siya ay magawaran ng angkop na priesthood, ang taong nagsasagawa ng ordinasyon ay hindi na ginagawa ang ika-3 hakbang.
18.10.6
Rekord at Sertipiko ng Ordinasyon
Bago interbyuhin ang isang lalaki para maorden sa isang katungkulan sa Aaronic Priesthood, ang isang clerk ay ginagamit ang LCR upang maghanda ng isang Aaronic Priesthood Ordination Record. Ang bishop o isang inatasang counselor ang nag-iinterbyu at lumalagda sa form kung natugunan ang lahat ng kundisyon ng pagkamarapat.
Matapos ang ordinasyon, ang bishop o isang inatasang counselor ay kinukumpleto ang form at ibibigay ito sa isang clerk. Itinatala niya ang ordinasyon sa LCR at naghahanda ng isang sertipiko ng ordinasyon.
Ang kasalukuyang legal na pangalan ng tao ang dapat gamitin sa rekord at sertipiko ng ordinasyon.
18.11
Pag-set Apart sa mga Miyembro upang Maglingkod sa mga Calling
Ang mga miyembro na tinatawag at sinasang-ayunan sa karamihan sa mga calling sa Simbahan ay dapat ma-set apart para makapaglingkod sa posisyong iyon (tingnan sa Juan 15:16; Doktrina at mga Tipan 42:11; tingnan din sa 3.4.3.1 ng hanbuk na ito). Sa pagset apart, ang tao ay binibigyan ng (1) awtoridad na kumilos sa calling at (2) basbas ayon sa patnubay ng Espiritu.
Tumatanggap ang mga stake president, mga bishop, at mga quorum president ng mga susi ng presidency kapag sila ay naset apart (tingnan sa 3.4.1.1). Gayunman, ang katagang mga susi ay hindi dapat gamitin kapag nagse-set apart ng mga miyembro para maglingkod sa iba pang mga calling, kabilang na ang mga counselor sa mga presidency.
18.11.1
Sino ang Nagse-set Apart
Ang pag-set apart ay isinasagawa ng isang mayhawak ng Melchizedek Priesthood. Kailangan niyang tumanggap ng pahintulot mula sa lider na maytaglay ng mga angkop na susi ng priesthood. Nakasaad sa 30.8 kung sinu-sino ang mga taong awtorisadong mag-set apart. Ang isang elder ay hindi dapat magsilbing tinig o tumayo sa bilog kapag ang isang lalaki ay sine-set apart para sa isang calling kung saan kailangan na siya ay isang high priest.
Sa ilalim ng pamamahala ng namumunong lider, maaaring makibahagi ang isa o higit pang mayhawak ng Melchizedek Priesthood sa isang pag-set apart. Ang mga president ay sine-set apart bago ang kanilang mga counselor.
Ang isang namumunong lider ay maaaring magpahintulot sa isang asawa o ama na mayhawak ng Melchizedek Priesthood na tumayo sa bilog para sa pag-set apart ng kanyang asawa o mga anak kahit na siya ay hindi lubos na karapat-dapat sa templo (tingnan sa 18.3).
18.11.2
Mga Tagubilin
Ang isa o higit pang awtorisadong mayhawak ng Melchizedek Priesthood ay magaan na ipinapatong ang kanilang mga kamay sa ulo ng tao. Pagkatapos ang nagsisilbing tinig ay:
-
Tatawagin ang tao sa kanyang buong pangalan.
-
Sasabihin na kumikilos siya sa pamamagitan ng awtoridad ng Melchizedek Priesthood.
-
Ise-set apart ang tao sa calling sa stake, ward, korum, o class.
-
Ipagkakaloob ang mga susi kung dapat tanggapin ng tao ang mga ito.
-
Magbibigay ng basbas ayon sa patnubay ng Espiritu.
-
Magtatapos sa pangalan ni Jesucristo.
18.12
Paglalaan ng Langis
Dapat ilaan ng mga mayhawak ng Melchizedek Priesthood ang langis ng olibo bago ito gamitin sa pagpapahid ng langis sa maysakit o nahihirapan (tingnan Santiago 5:14). Hindi maaaring gumamit ng ibang langis.
Hindi dapat inumin ng mga miyembro ang inilaang langis o ipahid ito sa mga bahagi ng katawan na masakit.
18.12.1
Sino ang Nagsasagawa ng Ordenansa
Ang isa o higit pang mayhawak ng Melchizedek Priesthood ay maaaring maglaan ng langis. Hindi nila kailangang humingi ng pahintulot mula sa mga priesthood leader.
18.12.2
Mga Tagubilin
Sa paglalaan ng langis, ang isang mayhawak ng Melchizedek priesthood ay:
-
Hahawakan ang isang bukas na lalagyan ng langis ng olibo.
-
Tatawag sa Ama sa Langit tulad ng sa panalangin.
-
Sasabihin na kumikilos siya sa pamamagitan ng awtoridad ng Melchizedek Priesthood.
-
Ilalaan ang langis (hindi ang lalagyan) at itinatalaga ito para sa pagpapahid ng langis at pagbabasbas sa maysakit at nahihirapan.
-
Magtatapos sa pangalan ni Jesucristo.
18.13
Pagbabasbas sa Maysakit
Ang pagbabasbas sa maysakit “sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay” ay may dalawang bahagi: ang pagpapahid ng langis at pagpapatibay ng pagpapahid na may kasamang basbas. Gayunman, kung walang makuhang inilaang langis, maaari pa ring magbigay ng basbas sa pamamagitan ng awtoridad ng Melchizedek Priesthood nang walang pagpapahid ng langis.
18.13.1
Sino ang Nagbibigay ng Basbas
Tanging mga karapat-dapat na mayhawak ng Melchizedek Priesthood lamang ang maaaring magbasbas sa maysakit o nahihirapan. Hindi nila kailangang humingi ng pahintulot mula sa mga priesthood leader. Kung posible, ang isang ama na mayhawak ng Melchizedek Priesthood ang nagbabasbas sa maysakit na miyembro ng kanyang pamilya.
Karaniwang dalawa o higit pang mayhawak ng Melchizedek Priesthood ang nagbabasbas sa maysakit. Gayunman, maaaring isagawa ng isang tao ang pagpapahid ng langis at ang pagpapatibay.
18.13.2
Mga Tagubilin
Ang pagpapahid ng langis ay ginagawa ng isang mayhawak ng Melchizedek Priesthood. Siya ay:
-
Maglalagay ng isang patak ng inilaang langis sa ulo ng tao.
-
Magaan na ipapatong ang kanyang mga kamay sa ulo ng tao at tatawagin ang tao sa kanyang buong pangalan.
-
Sasabihin na kumikilos siya sa pamamagitan ng awtoridad ng Melchizedek Priesthood.
-
Sasabihin na nagpapahid siya ng langis na inilaan para sa pagpapahid at pagbabasbas sa maysakit at nahihirapan.
-
Magtatapos sa pangalan ni Jesucristo.
Upang pagtibayin ang pagpapahid ng langis, isa o higit pang mayhawak ng Melchizedek Priesthood ang magaan na magpapatong ng kanilang mga kamay sa ulo ng tao. Pagkatapos ang taong magpapatibay ng pagpapahid ng langis ay:
-
Tatawagin ang tao sa kanyang buong pangalan.
-
Sasabihin na pinagtitibay niya ang pagpapahid ng langis sa pamamagitan ng awtoridad ng Melchizedek Priesthood.
-
Magbibigay ng basbas ayon sa patnubay ng Espiritu.
-
Magtatapos sa pangalan ni Jesucristo.
18.14
Mga Basbas ng Kapanatagan at Pagpapayo, Kabilang ang mga Basbas ng Ama
18.14.1
Sino ang Nagbibigay ng Basbas
Maaaring magbigay ng mga basbas ng kapanatagan at pagpapayo ang mga mayhawak ng Melchizedek Priesthood sa mga kapamilya at sa iba pang humihingi nito.
Ang isang ama na mayhawak ng Melchizedek Priesthood ay maaaring magbigay ng mga basbas ng ama sa kanyang mga anak. Hinihikayat ng mga magulang ang kanilang mga anak na humingi ng mga basbas ng ama sa mga oras ng pangangailangan. Maaaring itala ang mga basbas ng ama para sa personal na paggamit.
Hindi kailangang humingi ng pahintulot ng isang mayhawak ng Melchizedek Priesthood mula sa mga priesthood leader upang makapagbigay ng mga basbas ng kapanatagan at pagpapayo o basbas ng ama.
18.14.2
Mga Tagubilin
Sa pagbibigay ng basbas ng kapanatagan at pagpapayo o basbas ng ama, ang isa o higit pang mayhawak ng Melchizedek Priesthood ay magaan na ipapatong ang kanilang mga kamay sa ulo ng tao. Pagkatapos ang nagsisilbing tinig ay:
-
Tatawagin ang tao sa kanyang buong pangalan.
-
Sasabihin na isinasagawa ang basbas sa pamamagitan ng awtoridad ng Melchizedek Priesthood.
-
Magbibigay ng basbas, mga salita ng kapanatagan, at mga pagpapayo ayon sa patnubay ng Espiritu.
-
Magtatapos sa pangalan ni Jesucristo.
18.15
Paglalaan ng mga Tahanan
Maaaring ilaan ng mga miyembro ng Simbahan ang kanilang mga tahanan sa pamamagitan ng awtoridad ng Melchizedek Priesthood.
18.15.2
Mga Tagubilin
Upang maglaan ng isang tahanan, ang isang mayhawak ng Melchizedek Priesthood ay:
-
Tatawag sa Ama sa Langit tulad ng sa panalangin.
-
Sasabihin na kumikilos siya sa pamamagitan ng awtoridad ng Melchizedek Priesthood.
-
Ilalaan ang tahanan bilang sagradong lugar kung saan makakatahan ang banal na Espiritu at nagbibigay ng iba pang mga basbas ayon sa patnubay ng Espiritu.
-
Magtatapos sa pangalan ni Jesucristo.
18.16
Paglalaan ng mga Libingan
18.16.1
Sino ang Naglalaan ng Libingan
Ang taong naglalaan ng libingan ay dapat nagtataglay ng Melchizedek Priesthood at awtorisado ng namumunong priesthood leader na nangangasiwa sa serbisyo.
18.16.2
Mga Tagubilin
Upang maglaan ng isang libingan, ang isang mayhawak ng Melchizedek Priesthood ay:
-
Tatawag sa Ama sa Langit tulad ng sa panalangin.
-
Sasabihin na kumikilos siya sa pamamagitan ng awtoridad ng Melchizedek Priesthood.
-
Ilalaan at pababanalin ang loteng paglilibingan bilang lugar na paglalagakan ng katawan ng namatay.
-
Ipapanalangin na ang lugar ay gawing sagrado at protektahan hanggang sa Pagkabuhay na Mag-uli (kung naaangkop).
-
Hihilingin sa Ama sa Langit na panatagin ang pamilya at nagpapahayag ng mga kaisipan ayon sa patnubay ng Espiritu.
-
Magtatapos sa pangalan ni Jesucristo.
Kung ipina-cremate ang bangkay ng isang miyembro ng Simbahan, nagpapasiya ang namumunong lider kung ilalaan ang lugar kung saan itinatabi ang mga abo.
18.17
Mga Patriarchal Blessing
Bawat karapat-dapat at nabinyagang miyembro ay may karapatang tumanggap ng patriarchal blessing, na nagbibigay ng payo mula sa Ama sa Langit (tingnan sa Genesis 48: 14–16; 49; 2 Nephi 4:3–11).
Iniinterbyu ng bishop o ng isang inatasang counselor ang miyembrong nais tumanggap ng patriarchal blessing. Kapag ang miyembro ay karapat-dapat, ang nag-iinterbyu ay naghahanda ng isang Patriarchal Blessing Recommend. Isinusumite niya ito sa pamamagitan ng Patriarchal Blessing System sa ChurchofJesusChrist.org.
Titiyakin ng taong nagbibigay ng Patriarchal Blessing Recommend na sapat ang antas ng kaalaman at pag-unawa ng miyembro para maunawaan ang kahalagahan at kasagraduhan ng basbas.
18.17.1
Pagtanggap ng Patriarchal Blessing
Matapos makatanggap ng recommend, kokontakin ng miyembro ang patriarch upang iiskedyul ang pagtanggap ng patriarchal blessing. Sa araw ng appointment, ang miyembro ay dapat makipagkita sa patriarch nang may mapanalanging saloobin at nakasuot ng kasuotang pang-simba.
Bawat patriarchal blessing ay sagrado, kumpidensyal, at personal. Kaya nga, ito ay ipinagkakaloob nang pribado maliban sa limitadong bilang ng mga miyembro ng pamilya na maaaring makasaksi.
Ang isang taong tumanggap ng patriarchal blessing ay dapat pahalagahan ang mga titik nito, pagnilayan ang mga ito, at mamuhay nang karapat-dapat upang matanggap ang ipinangakong mga pagpapala sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.
Hindi dapat paghambingin ng mga miyembro ng Simbahan ang mga basbas at hindi dapat ibahagi ang mga ito maliban sa malalapit na kapamilya. Hindi dapat basahin ang mga patriarchal blessing sa mga pulong ng Simbahan o sa iba pang pampublikong pagtitipon.