Mga Hanbuk at Calling
22. Paglalaan para sa Temporal na mga Pangangailangan at Pag-asa sa Sariling Kakayahan


“22. Paglalaan para sa Temporal na mga Pangangailangan at Pag-asa sa Sariling Kakayahan,” Mga Seleksiyon mula sa Pangkalahatang Hanbuk (2023).

“22. Paglalaan para sa Temporal na mga Pangangailangan at Pag-asa sa Sariling Kakayahan,” Mga Seleksiyon mula sa Pangkalahatang Hanbuk

Team worker

22.

Paglalaan para sa Temporal na mga Pangangailangan at Pag-asa sa Sariling Kakayahan

22.0

Pambungad

Ang mga miyembro ng Simbahan ay gumawa ng tipan na “magpasan ng pasanin ng isa’t isa, … makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati … , at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw,” (Mosias 18:8–9).

Ang mga miyembro ng Simbahan ay pinapayuhan na patatagin ang kanilang pag-asa sa kanilang sariling kakayahan sa pamamagitan ng masigasig na pagtatrabaho at ng tulong ng Panginoon. Ang pag-asa sa sariling kakayahan ay ang kakayahan, tapat na pangako, at pagsisikap na tustusan ang espirituwal at temporal na mga pangangailangan sa buhay para sa sarili at sa pamilya.


MGA PAGSISIKAP NG MGA INDIBIDUWAL AT PAMILYA


22.1

Pag-asa sa Sariling Kakayahan

Sa tulong ng Panginoon, ang mga miyembro ay nakaka-asa sa kanilang sariling kakayahan sa pamamagitan ng mga sumusunod na paraan:

  • Pagkakaroon ng espirituwal, pisikal, at emosyonal na lakas.

  • Pagkakaroon ng edukasyon at trabaho.

  • Pagpapahusay ng kahandaan sa temporal na aspekto ng buhay.

22.1.4

Pagiging Handa sa Temporal na Aspekto ng Buhay

Itinuturo ng mga banal na kasulatan ang kahalagahan ng pagiging handa (tingnan sa Ezekiel 38:7; Doktrina at mga Tipan 38:30). Ang mga miyembro ay pinapayuhan na maging handa upang magkaroon sila ng kakayahang pangalagaan ang kanilang mga sarili, kanilang mga pamilya, at ang ibang tao sa oras ng pangangailangan.

Pinag-iibayo ng mga miyembro ang pagiging handa nila sa pinansiyal na aspekto ng buhay sa pamamagitan ng:

  • Pagbabayad ng ikapu at mga handog (tingnan sa Malakias 3:8–12).

  • Pagbabayad ng utang at pag-iwas sa pangungutang hangga’t maaari.

  • Paggawa ng budget at pamumuhay ayon dito.

  • Pag-iimpok para sa hinaharap.

  • Pagkuha ng naaangkop na edukasyon para matulungan sila na matustusan ang kanilang mga sarili at kanilang mga pamilya (tingnan sa 22.3.3).

Kasama rin sa pagiging handa ang pagbuo ng isang plano kung paano matutustusan ang mga pangunahing pangangailangan sa oras ng emergency. Ang mga miyembro ay hinihikayat na bumuo ng panandalian at pangmatagalang supply ng pagkain, tubig, at iba pang mga pangangailangan.

22.2

Magminister sa mga Taong may Temporal at Emosyonal na mga Pangangailangan

Ang mga disipulo ng Panginoon ay tinuruan na “mahalin … at paglingkuran ang isa’t isa” at na “[tulungan ang mga] nangangailangan ng … tulong” (Mosias 4:15–16). Sinisikap ng mga miyembro na makita ang iba na tulad ng pagkakita sa kanila ng Tagapagligtas, na inuunawa ang kanilang mga natatanging kakayahan at pangangailangan. Maaaring kabilang sa mga pangangailangang ito ang pagkain, damit, tirahan, edukasyon, trabaho, pisikal na kalusugan, at emosyonal na kasulugan.

22.2.1

Ang Storehouse o Kamalig ng Panginoon

Ang lahat ng resources na magagamit ng Simbahan para matulungan ang mga taong may mga pangangailangan sa temporal na aspekto ng buhay ay tinatawag na storehouse o kamalig ng Panginoon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 82:18–19). Kabilang dito ang handog ng mga miyembro na oras, talento, pakikiramay, kagamitan, at pera para matulungan ang mga nangangailangan.

Mayroong kamalig ng Panginoon sa bawat ward at stake. Ang mga lider ay kadalasang tinutulungan ang mga indibiduwal at pamilya na makahanap ng mga solusyon sa kanilang mga pangangailangan sa pamamagitan ng paggamit sa kaalaman, kakayahan, at paglilingkod na ibinibigay ng mga miyembro ng ward at stake.

22.2.2

Ang Batas ng Ayuno at mga Handog-ayuno

Itinatag ng Panginoon ang batas ng ayuno at mga handog-ayuno upang pagpalain ang Kanyang mga tao at maglaan ng paraan para mapaglingkuran nila ang mga nangangailangan. Ang mga miyembro ay mas mapapalapit sa Panginoon at mapagtitibay ang kanilang espirituwal na lakas kapag ipinamuhay nila ang batas ng ayuno. (Tingnan sa Isaias 58:6–12; Malakias 3:8–12.)

Ang pag-aayuno ay maaaring gawin anumang oras. Gayunman, karaniwang itinatalaga ng mga miyembro bilang araw ng pag-aayuno ang unang Sabbath ng bawat buwan. Ang araw ng pag-aayuno ay karaniwang kinabibilangan ng sumusunod:

  • Pagdarasal

  • Ang hindi pagkain at pag-inom sa loob ng 24 na oras (kung kaya ng katawan)

  • Pagbibigay ng bukas-palad na handog-ayuno

Ang handog-ayuno ay isang donasyon para matulungan ang mga nangangailangan. Kapag nag-aayuno ang mga miyembro, inaanyayahan silang magbigay ng handog na kahit na katumbas ng halaga ng pagkaing hindi kinain.

Ibinibigay ng mga miyembro ang kanilang handog-ayuno at isang nakumpletong Tithing and Other Offerings form sa bishop o sa isa sa kanyang mga counselor. Sa ilang lugar, maaari din nilang ibigay ang kanilang donasyon online.


MGA PAGSISIKAP NG MGA LIDER


22.3

Huwaran ng Pag-asa sa Sariling Kakayahan at Pagmiminister sa mga Nangangailangan

22.3.1

Hanapin ang mga Nangangailangan

Ang bishop ay may sagradong responsibilidad na hanapin at pangalagaan ang mga nangangailangan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:112). Ang iba pa na may mahalagang papel sa pagtulong sa bishop na magampanan ang responsibilidad na ito ay kinabibilangan ng:

  • Mga ministering brother at mga ministering sister.

  • Relief Society presidency at elders quorum presidency.

  • Mga counselor ng bishop.

  • Iba pang miyembro ng ward council.

22.3.2

Tulungan ang mga Miyembro na Suriin at Tugunan ang mga Panandaliang Pangangailangan

Sinisikap ng mga miyembro na matugunan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan sa pamamagitan ng kanilang sariling pagsisikap at tulong mula sa mga kamag-anak. Kapag hindi ito sapat, maaaring kailanganin ng mga miyembro ng tulong mula sa iba pang mapagkukunan tulad ng:

  • Resources ng pamahalaan at komunidad (tingnan sa 22.12).

  • Tulong ng simbahan.

Ang tulong ng Simbahan ay maaaring kabilangan ng tulong para sa mga panandaliang pangangailangan na tulad ng pagkain, gamit para sa personal na kalinisan (hygiene items), damit, tirahan, at iba pang mga pangunahing bilihin. Maaaring gamitin ng mga bishop ang mga handog-ayuno para matugunan ang mga pangangailangang ito. Kung saan mayroong bishops’ order, karaniwan itong ginagamit ng mga bishop para makapagbigay ng pagkain at mga pangunahing bilihin (tingnan sa “Bishops’ Orders and Referrals” sa Leader and Clerk Resources [LCR]).

22.3.3

Tulungan ang mga Miyembro na Umasa sa Kanilang Sariling Kakayahan sa Pangmatagalan

Ang mga miyembro ay maaaring mangailangan ng patuloy na suporta para matugunan ang mga pangmatagalang hamon. Ang edukasyon, vocational training, o iba pang resources ay makatutulong sa kanila na makaasa sa kanilang sariling kakayahan at matugunan ang kanilang mga pangmatagalang pangangailangan.

Ang Self-Reliance Plan ay tutulong sa mga miyembro na matukoy ang kanilang mga kakayahan at mga pangangailangan. Tutulungan din sila nito na matukoy ang mga kapaki-pakinabang na resources. Dapat gamitin ang planong ito tuwing isinasaalang-alang ang pagbibigay ng tulong ng Simbahan.

22.3.4

Magminister sa mga may Emosyonal na mga Pangangailangan

Maraming miyembro ang mayroong mga emosyonal na hamon. Ang mga ministering brother at mga ministering sister at mga lider ng ward ay maaaring makatulong nang malaki sa mga miyembrong may ganitong mga hamon.

22.4

Mga Alituntunin sa Pagbigay ng Tulong ng Simbahan

Sa tulong ng Panginoon, sinisikap ng mga miyembro na maglaan para sa kanilang sarili at sa kanilang mga pamilya.

Ang layunin ng tulong ng Simbahan ay tulungan ang mga miyembro na matutong tumayo sa kanilang sariling paa, at hindi umasa sa iba. Ang anumang tulong na ibibigay ay dapat na makatulong sa mga pagsisikap ng mga miyembro na makaasa sa kanilang sariling kakayahan.

22:59

22.4.1

Hikayatin ang Pagtanggap ng mga Responsibilidad sa Sarili at Pamilya

Itinuturo ng mga lider na ang mga indibiduwal at pamilya ang may pangunahing responsibilidad para sa kanilang sariling temporal, emosyonal, at espirituwal na kapakanan.

Bago magbigay ng tulong ng Simbahan, nirerebyu ng bishop (o ng isa pang lider o miyembro na inatasan niya) kasama ang mga miyembro kung anong resources ang ginagamit nila para matugunan ang kanilang sariling mga pangangailangan.

22.4.2

Magbigay ng Pansamantalang Tulong para sa Mahahalagang Pangangailangan

Ang layunin ng tulong ng Simbahan ay pansamantalang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga miyembro habang sila ay nagsisikap na tuluyang makaasa sa kanilang sariling kakayahan.

Ang mga bishop ay dapat na gumamit ng mabuting paghatol at maghangad ng espirituwal na patnubay kapag isinasaalang-alang nila ang halaga at tagal ng tulong na ibibigay. Dapat silang maging mahabagin at maging bukas-palad habang iniiwasan ang paghikayat ng lubusang pag-asa sa paghingi ng tulong.

22.4.3

Magbigay ng mga Bilihin o Serbisyo sa Halip na Pera

Kung maaari, dapat iwasan ng bishop ang pagbibigay ng pera. Sa halip, dapat niyang gamitin ang mga handog-ayuno o bishops’ order para bigyan ang mga miyembro ng mga grocery o serbisyo. At pagkatapos ay maaaring gamitin ng mga miyembro ang sarili nilang pera para mabayaran ang iba pang mga pangangailangan.

Kapag hindi ito sapat, maaaring tumulong ang bishop sa pamamagitan ng paggamit ng mga handog-ayuno para pansamantalang bayaran ang mahahalagang bayarin (tingnan sa 22.5.2).

22.4.4

Magbigay ng mga Pagkakataong Magtrabaho o Maglingkod

Inaanyayahan ng mga bishop ang mga tumatanggap ng tulong na magtrabaho o maglingkod sa abot ng kanilang makakaya. Nakatutulong ito na mapanatili ng mga miyembro ang kanilang dignidad. Pinag-iibayo rin nito ang kakayahan nilang umasa sa kanilang sariling kakayahan.

22.4.5

Panatilihing Kumpidensyal ang Impormasyon tungkol sa Tulong ng Simbahan

Pinananatiling kumpidensyal ng bishop at ng iba pang mga lider ng ward ang anumang impormasyon tungkol sa mga miyembrong nangangailangan ng tulong ng Simbahan. Pinoprotektahan nito ang privacy at dignidad ng mga miyembro.

22.5

Mga Patakaran sa Pagbibigay ng Tulong ng Simbahan

Dapat sundin ng mga lider ng Simbahan ang mga patakarang nakabalangkas sa bahaging ito kapag nagbibigay ng tulong sa pamamagitan ng mga handog-ayuno o bishops’ order para sa pagkain at iba pang mga pangunahing bilihin.

22.5.1

Mga Patakaran Hinggil sa mga Tatanggap ng Tulong ng Simbahan

22.5.1.1

Tulong sa mga Miyembro ng Ward

Karaniwan na ang mga miyembrong tumatanggap ng tulong ng Simbahan ay dapat nakatira sa loob ng ward at nasa ward ang kanilang membership record. Ang miyembro man ay regular na nagsisimba o hindi, o sinusunod man niya ang mga pamantayan ng Simbahan o hindi, siya ay maaaring bigyan ng tulong.

22.5.1.2

Tulong sa mga Bishop at Stake President

Kailangan ang nakasulat na pag-apruba ng stake president bago maaaring gamitin ng bishop ang mga handog-ayuno o aprubahan ang bishop’s order para sa kanyang sarili o kanyang pamilya.

22.5.1.4

Tulong sa mga Taong Hindi Miyembro ng Simbahan

Ang mga taong hindi miyembro ng Simbahan ay karaniwang pinapupunta sa mga lokal na resources ng komunidad para makahingi ng tulong. Sa pambihirang mga pagkakataon, ayon sa patnubay ng Espiritu, maaari silang tulungan ng bishop gamit ang mga handog-ayuno o bishops’ order.

22.5.2

Mga Patakaran sa Paggamit ng mga Handog-ayuno

22.5.2.1

Pangangalagang Medikal o Iba Pang Pangangalagang Pangkalusugan

Bawat area ng Simbahan ay nagtakda ng mga approval limit o limitasyon sa pag-apruba sa paggamit ng mga handog-ayuno para bayaran ang mga gastusin sa pangangalagang medikal, dental, o sa kalusugan sa pag-iisip.

Para sa mga halaga at tuntunin sa pag-apruba, tingnan ang “Use of Fast Offerings for Medical Expenses.”

22.5.2.3

Pagsasauli ng mga Handog-ayuno

Hindi kailangang isauli ng mga miyembro ang tulong mula sa handog-ayuno na natatanggap nila mula sa Simbahan.

22.5.2.4

Halagang Ginagastos ng Ward Mula sa mga Handog-ayuno

Hindi kailangang limitahan ng mga bishop ang tulong mula sa handog-ayuno para sa mga miyembro ng ward batay sa nakokolektang donasyon sa ward.

22.5.3

Mga Patakaran sa Pagbabayad

Kung maaari, dapat direktang bayaran ang mga negosyong pinagmulan ng mga bilihin o serbisyo.

22.5.4

Mga Patakaran sa mga Pagbabayad Kung Saan Makikinabang ang Bishop o Stake President

Kapag nagbibigay ng tulong sa mga miyembro mula sa handog-ayuno, hindi maaaring gamitin ng bishop ang pondo para bayaran ang mga bilihin o serbisyo kapag siya ang personal na makikinabang dito.

Kung makikinabang ang stake president o ang negosyong pagmamay-ari niya sa pagbabayad mula sa mga handog-ayuno, kailangan ang pag-apruba ng Area Presidency.

22.6

Mga Papel na Ginagampanan ng mga Lider ng Ward

22.6.1

Bishop at Kanyang mga Counselor

Ang bishop ay may mandato mula sa Diyos na hanapin at alagaan ang mga may pangangailangan sa temporal na aspekto ng buhay (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:112). Itinatalaga niya ang malaking bahagi ng gawaing ito sa Relief Society presidency at elders quorum presidency. Gayunman, ang ilang tungkulin ay maaari lamang gawin ng bishop. Halimbawa, ang bishop ang:

  • Tumutukoy sa uri, halaga, at tagal ng anumang temporal na tulong na ibibigay.

  • Nag-aapruba ng pagbibigay ng tulong mula sa handog-ayuno (tingnan sa 22.4 at 22.5) at mga bishops’ order para sa pagkain at iba pang mga pangunahing bilihin (tingnan sa 22.13).

  • Personal na nagrerebyu ng mga self-reliance plan ng mga miyembro. Inaatasan niya ang ibang mga lider ng ward na mag-follow up sa mga planong ito kung kailangan.

Ang bishop at kanyang mga counselor ay may sumusunod na mga responsibilidad:

  • Ituro ang mga alituntunin at mga pagpapalang nauugnay sa (1) pangangalaga sa mga taong may temporal at emosyonal na mga pangangailangan at sa (2) higit na pag-asa sa sariling kakayahan (tingnan sa 22.1).

  • Ituro ang batas ng ayuno at hikayatin ang mga miyembro na magbigay ng bukas-palad na handog-ayuno (tingnan sa 22.2.2).

  • Pamahalaan ang pagtitipon at pagsusulit ng mga handog-ayuno (tingnan sa 34.3.2).

22.6.2

Relief Society Presidency at Elders Quorum Presidency

Sa ilalim ng pamamahala ng bishop, ang Relief Society presidency at elders quorum presidency ay may mahalagang papel na ginagampanan sa pangangalaga sa mga nangangailangan sa ward (tingnan sa 8.2.2 at 9.2.2). Tinuturuan ng mga lider na ito ang mga miyembro ng ward na:

  • Magminister sa mga nangangailangan.

  • Sundin ang batas ng ayuno.

  • Matutong umasa sa kanilang sariling kakayahan.

  • Pag-ibayuhin ang pagiging handa ng sarili at ng pamilya.

22.6.3

Mga Ministering Brother at mga Ministering Sister

Ang pabibigay ng tulong sa espirituwal at temporal na mga pangangailangan ay kadalasang nagsisimula sa mga ministering brother at mga ministering sister (tingnan sa 21.1). Inirereport nila ang mga pangangailangan ng mga pinaglilingkuran nila sa kanilang elders quorum presidency o Relief Society presidency sa mga ministering interview at iba pang mga pagkakataon. Maaari nilang direktang sabihin sa bishop ang mga kumpidensyal na pangangailangan.

22.7

Papel na Ginagampanan ng Ward Council

Ang isang mahalagang tungkulin ng ward council ay ang pagpaplano kung paano pangangalagaan ang mga nangangailangan at tutulungan ang mga taong ito na umasa sa kanilang sariling kakayahan (tingnan sa 4.4). Ibinabatay ng mga miyembro ng council ang kanilang mga plano sa mga impormasyong mula sa mga ministering interview at sa kanilang mga personal na pakikipag-ugnayan sa mga nangangailangan. Sa pagtalakay sa mga pangangailangan ng mga miyembro, iginagalang ng council ang kahilingan ng sinuman na panatilihing kumpidensyal ang kanilang impormasyon.

22.8

Papel na Ginagampanan ng Ward Youth Council

Ang isang layunin ng ward youth council ay tulungan ang mga kabataan na maging mga tagasunod ni Jesucristo (tingnan sa 29.2.6).

Sa ilalim ng patnubay ng bishopric, ang ward youth council ay gumagawa ng mga plano para mapaglingkuran ang mga nangangailangan sa kanilang ward at sa komunidad.