Mga Hanbuk at Calling
27. Mga Ordenansa sa Templo para sa mga Buhay


“27. Mga Ordenansa sa Templo para sa mga Buhay,” Mga Seleksyon mula sa Pangkalahatang Hanbuk (2023).

“27. Mga Ordenansa sa Templo para sa mga Buhay,” Mga Seleksyon mula sa Pangkalahatang Hanbuk

magkasintahang ikakasal

27.

Mga Ordenansa sa Templo para sa mga Buhay

27.0

Pambungad

Ang templo ang bahay ng Panginoon. Inaakay tayo nito sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Sa mga templo, tayo ay nakikibahagi sa mga sagradong ordenansa at gumagawa ng mga tipan sa Ama sa Langit na nagbibigkis sa atin sa Kanya at sa ating Tagapagligtas. Inihahanda tayo ng mga tipan at mga ordenansang ito na bumalik sa piling ng Ama sa Langit at mabuklod sa ating pamilya sa walang-hanggan.

Sa mga tipan at mga ordenansa sa templo, “ang kapangyarihan ng kabanalan ay makikita” (Doktrina at mga Tipan 84:20).

Ang mga tipan at mga ordenansa sa templo ay sagrado. Ang mga simbolong kaugnay ng mga tipan sa templo ay hindi dapat pag-usapan sa labas ng templo. Hindi rin natin dapat pag-usapan ang mga banal na impormasyon na ipinangako natin sa templo na hindi natin ipapaalam sa iba. Gayunman, maaari nating pag-usapan ang mga pangunahing layunin at doktrina ng mga tipan at mga ordenansa sa templo at ang mga espirituwal na damdaming nadarama natin sa loob ng templo.

Tinatalakay ng mga lider ng ward at stake ang impormasyon na matatagpuan sa kabanatang ito sa mga miyembrong naghahandang tumanggap ng ordenansa ng endowment o pagbubuklod.

27.1

Pagtanggap ng mga Ordenansa sa Templo

27.1.1

Paghahanda sa Pagtanggap ng mga Ordenansa sa Templo

Dapat ihanda ng mga miyembro ang kanilang mga sarili sa espirituwal para tumanggap ng mga ordenansa sa templo at para gumawa at tumupad ng mga tipan sa templo.

Ang mga magulang ang may pangunahing responsibilidad na tulungan ang kanilang mga anak na maghandang tumanggap ng mga ordenansa sa templo. Ang mga magulang ay sinusuportahan ng mga lider ng stake at ward, mga ministering brother at mga ministering sister, at mga kamag-anak sa tungkuling ito.

Ang mga materyal na makatutulong sa mga miyembro na maghandang tumanggap ng mga ordenansa sa templo ay makukuha sa temples.ChurchofJesusChrist.org.

Ang mga miyembrong naghahandang tumanggap ng sarili nilang endowment o naghahandang mabuklod sa kanilang asawa ay hinihikayat na dumalo sa isang temple preparation course (tingnan sa 25.2.8).

27.1.3

Mga Miyembrong May mga Pisikal na Kapansanan

Ang mga karapat-dapat na miyembrong may mga pisikal na kapansanan ay maaaring tanggapin ang lahat ng mga ordenansa sa templo. Ang mga miyembrong ito ay hinihikayat na dumalo sa templo kasama ang kanilang mga kamag-anak o kaibigan na nakatanggap na ng endowment na katulad nila ng kasarian na makatutulong sa kanila. Kung ang mga miyembro ay hindi masasamahan ng isang kapamilya o kaibigan, maaari silang tumawag sa templo nang maaga para malaman kung anong mga paghahanda ang maaaring gawin.

27.1.4

Tulong sa Pagsasalin o Interpretasyon

Kung kailangan ng mga miyembro ng tulong sa pagsasalin o interpretasyon, dapat nilang kontakin nang maaga ang templo para alamin kung mayroon nito.

27.1.5

Damit na Isusuot sa Pagpunta sa Templo

Kapag pupunta sa templo, ang mga miyembro ay dapat magsuot ng damit na karaniwang isinusuot nila sa sacrament meeting.

Tingnan ang 27.3.2.6 para sa impormasyon tungkol sa mga damit na isusuot para sa kasal o pagbubuklod sa templo.

Tingnan ang 38.5 para sa impormasyon tungkol sa:

  • Damit na isusuot sa mga ordenansa ng endowment at pagbubuklod.

  • Pagkuha, pagsusuot, at pangangalaga ng mga ceremonial temple clothing at temple garments.

27.1.6

Pag-aalaga sa mga Bata

Ang mga bata ay dapat sinusubaybayan ng adult kapag sila ay nasa bakuran ng templo. May mga temple worker na maaaring sumubaybay sa mga bata sa mga sumusunod na sitwasyon lamang:

  • Kung ibubuklod sila sa kanilang mga magulang

  • Kung manonood sila ng pagbubuklod ng kanilang mga kapatid o kinakapatid (stepsibling o half sibling) sa kanilang mga magulang

27.1.7

Pakikipag-usap sa mga Miyembro Pagkatapos Nilang Tumanggap ng mga Ordenansa sa Templo

Ang mga miyembro ay kadalasang may mga tanong pakatapos nilang tumanggap ng mga ordenansa sa templo. Ang mga kapamilyang nakatanggap na ng endowment, bishop, iba pang mga lider ng ward, at mga ministering brother at mga ministering sister ay maaaring makipagkita sa mga miyembro para pag-usapan ang kanilang karanasan sa templo.

Ang mga materyal na makatutulong sa pagsagot sa mga tanong ay makukuha sa temples.ChurchofJesusChrist.org.

27.2

Ang Endowment

Ang salitang endowment ay nangangahulugang “isang kaloob.” Ang endowment sa templo ay literal na kaloob mula sa Diyos na paraan para mapagpala Niya ang Kanyang mga anak. Ang ilan sa mga kaloob na natatanggap ng mga miyembro sa pamamagitan ng endowment sa templo ay kinabibilangan ng:

  • Higit na kaalaman tungkol sa mga layunin at mga turo ng Panginoon.

  • Kakayahang gawin ang lahat ng nais ng Ama sa Langit na gawin ng Kanyang mga anak.

  • Banal na patnubay habang naglilingkod sa Panginoon, sa kanilang mga pamilya, at sa iba pa.

  • Karagdagang pag-asa, kapanatagan, at kapayapaan.

Ang katuparan ng mga pagpapalang ito ay nakasalalay sa katapatan sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Ang pagtanggap ng endowment ay mayroong dalawang bahagi. Sa unang bahagi, tinatanggap ng tao ang paunang ordenansa na tinatawag na initiatory. Ang initiatory ay binubuo ng tatlong ordenansa: paghuhugas, pagpapahid ng langis, at pagkakaloob ng kasuotan (tingnan sa Exodo 29:4–9). Kabilang dito ang mga espesyal na pagpapala na nauugnay sa banal na pamana at potensyal ng tao.

Sa initiatory, ang miyembro ay gumagawa ng tipan na magsuot ng temple garment. Ang garment ay sumasagisag sa kanyang personal na kaugnayan sa Diyos at sa kanyang pangako na tutuparin ang mga tipang ginawa sa templo. Kapag ang mga miyembro ay naging tapat sa kanilang mga tipan at maayos na isinuot ang garment sa buong buhay nila, ito ay magsisilbi ring proteksyon sa kanila. Para sa impormasyon tungkol sa pagsusuot ng at pangangalaga sa garment, tingnan ang 38.5.5.

Sa pangalawang bahagi ng endowment, itinuturo ang plano ng kaligtasan, pati na ang Paglikha, ang Pagkahulog nina Adan at Eva, ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang Apostasiya, at ang Panunumbalik. Ang mga miyembro ay tumatanggap din ng mga tagubilin kung paano makabalik sa piling ng Panginoon.

Sa endowment, ang mga miyembro ay inaanyayahang gumawa ng mga sumusunod na sagradong tipan:

  • Ipamuhay ang batas ng pagsunod at sikaping sundin ang mga kautusan ng Ama sa Langit.

  • Sundin ang batas ng pagsasakripisyo, na ang ibig sabihin ay pagsasakripisyo upang suportahan ang gawain ng Panginoon at magsisi nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu.

  • Sundin ang batas ng ebanghelyo ni Jesucristo.

  • Sundin ang batas ng kalinisang puri, na ang ibig sabihin ay hindi pagkakaroon ng seksuwal na relasyon sa labas ng legal na kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae, na ayon sa batas ng Diyos.

  • Sundin ang batas ng paglalaan, na ang ibig sabihin ay ilalaan ng mga miyembro ang kanilang oras, mga talento, at lahat ng ipinagkaloob sa kanila ng Panginoon para sa pagtatayo ng Simbahan ni Jesucristo sa mundo.

Bilang kapalit, nangangako ang Ama sa Langit na yaong mananatiling tapat sa kanilang mga tipan sa templo ay pagkakalooban ng “kapangyarihan mula sa kaitaasan” (Doktrina at mga tipan 38:32, 38; tingnan din sa Lucas 24:49; Doktrina at mga tipan 43:16).

27.2.1

Sino ang Maaaring Tumanggap ng Endowment

Lahat ng adult na miyembro ng Simbahan na may pananagutan ay inaanyayahang maghanda para sa at tanggapin ang kanilang sariling endowment. Lahat ng paunang kinakailangang mga ordenansa ay dapat naisagawa at naitala na bago maaaring tanggapin ng mga miyembro ang endowment (tingnan sa 26.3.1).

27.2.1.1

Bagong Binyag na mga Miyembro

Ang mga karapat-dapat na adult na bagong miyembro ay maaaring tanggapin ang kanilang endowment makalipas ang hindi bababa sa isang buong taon mula sa petsa ng kanilang kumpirmasyon.

27.2.1.2

Mga Miyembrong ang Asawa ay Hindi pa Nakatanggap ng Endowment

Ang isang karapat-dapat na miyembro, na ang asawa ay hindi pa nakatanggap ng endowment, ay maaaring tanggapin ang sarili niyang endowment kapag natugunan ang sumusunod na mga kondisyon:

  • Ang asawang hindi pa nakatanggap ng endowment ay nagbigay ng pahintulot.

  • Ang miyembro, bishop, at stake president ay panatag na ang mga tatanggaping responsibilidad na kaakibat ng mga tipan sa templo ay hindi magiging sagabal sa pagsasama nilang mag-asawa.

Naaangkop ang mga kondisyong ito miyembro man ng Simbahan ang asawa o hindi.

27.2.1.3

Mga Miyembrong May mga Kapansanan sa Pag-iisip

Ang mga miyembrong mayroong mga kapansanan sa pag-iisip ay maaaring tumanggap ng sarili nilang endowment kapag:

  • Natanggap nila ang lahat ng paunang kinakailangang mga ordenansa (tingnan sa 26.3.1).

  • May kakayahan sila sa pag-iisip na maunawaan, gawin, at tuparin ang kaugnay na mga tipan.

Kakausapin ng bishop ang miyembro at, kung angkop, ang kanyang mga magulang. Hinahangad niya rin ang patnubay ng Espiritu. Maaari siyang sumangguni sa stake president.

27.2.2

Pagpapasiya kung Kailan Tatanggapin ang Endowment

Ang desisyong tanggapin ang endowment ay personal at dapat gawin nang may panalangin. Ang endowment ay isang pagpapalang may hatid na kapangyarihan at paghahayag para sa lahat ng maghahandang tanggapin ito. Maaaring piliin ng mga miyembro na tanggapin ang sarili nilang endowment kapag natugunan nila ang lahat ng sumusunod na mga kondisyon:

  • Sila ay hindi bababa sa 18 taong gulang.

  • Nakapagtapos na o hindi na sila dumadalo ng high school, secondary school, o ng katumbas nito.

  • Nakalipas na ang isang buong taon mula noong sila ay nakumpirma.

  • Mayroon silang hangaring tanggapin at tuparin ang mga sagradong tipan sa templo sa buong buhay nila.

Ang mga miyembrong nakatanggap na ng mission call o naghahandang mabuklod sa templo ay dapat tanggapin ang endowment.

Bago magbigay ng temple recommend para sa miyembro na tatanggap ng endowment, dapat madama muna ng bishop at stake president na ang tao ay handa para maunawaan at tuparin ang mga sagradong tipan sa templo. Ang pagpapasiya para sa pagiging karapat-dapat na ito ay ginagawa para sa bawat tao.

27.2.3

Pagpaplano at Pag-iiskedyul ng Endowment

27.2.3.1

Pagtanggap ng Recommend para sa mga Ordenansa para sa Buhay

Ang isang miyembro ay dapat tumanggap ng recommend para sa mga ordenansa para sa buhay upang makapasok sa templo at matanggap ang endowment. Para sa impormasyon tungkol sa mga recommend na ito, tingnan ang 26.5.1.

27.2.3.2

Pagkontak sa Templo

Ang mga miyembrong nagpaplanong tumanggap ng endowment ay dapat kontakin nang maaga ang templo upang ipa-iskedyul ang ordenansa.

27.2.3.3

Mga Escort para sa mga Miyembrong Tatanggap ng Endowment

Ang mga miyembrong tatanggap ng sarili nilang endowment ay maaaring anyayahan ang isang miyembrong nakatanggap na ng endowment para gumanap bilang escort at tumulong sa kanila sa sesyon ng endowment. Ang escort ay dapat mayroong current temple recommend. Ang templo ay maaaring magbigay ng isang escort kung kinakailangan.

27.3

Pagbubuklod ng Mag-asawa

Ang pagbubuklod sa templo ay nagbubuklod sa mag-asawa sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan. Matatanggap nila ang mga pagpapalang ito kung sila ay magiging tapat sa mga tipang ginagawa nila sa templo. Sa pamamagitan ng ordenansang ito, ang kanilang mga anak ay maaari ding maging bahagi ng kanilang walang hanggang pamilya.

Hinihikayat ng mga lider ng Simbahan ang mga miyembro na maghandang maikasal at mabuklod sa templo. Sa mga lugar na hindi kinikilala ng batas ang kasal sa templo, ang mga awtorisadong lider o iba pang awtorisadong tao ay maaaring magsagawa ng kasal na sibil na susundan naman ng pagbubuklod sa templo (tingnan sa 38.3). Maaari din itong gawin kung ang kasal sa templo ay magiging dahilan para madama ng mga magulang o malalapit na kapamilya na hindi sila kabilang dahil hindi sila makadadalo sa seremonya sa templo.

27.3.1

Sino ang Maaaring Mabuklod sa Templo

Lahat ng miyembrong may pananagutan na walang asawa ay inaanyayahang maghanda para sa pagbubuklod sa templo. Ang mga ikinasal sa sibil na seremonya ay hinihikayat na mabuklod para sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan sa templo sa sandaling maging handa na sila. Ang mga miyembro ay kailangang tumanggap muna ng endowment bago sila mabuklod (tingnan sa 27.2).

Ang mga ibubuklod sa templo ay dapat na (1) ikinasal na sa sibil na seremonya bago mabuklod o (2) sabay na ikakasal at ibubuklod sa templo. Tingnan sa 27.3.2.

27.3.1.2

Mga Miyembrong May mga Kapansanan sa Pag-iisip

Ang mga miyembrong may kapansanan sa pag-iisip ay maaaring ibuklod sa kanilang asawa, nobyo, o nobya kung:

  • Natanggap na nila ang lahat ng paunang kinakailangang mga ordenansa, kabilang na ang endowment (tingnan sa 27.2.1.3).

  • May kakayahan sila sa pag-iisip na maunawaan, gawin, at tuparin ang kaugnay na mga tipan.

Kakausapin ng bishop ang miyembro at ang kanyang asawa, nobyo, o nobya. Hinahangad niya rin ang patnubay ng Espiritu. Maaari siyang sumangguni sa stake president.

27.3.2

Pagpaplano at Pag-iiskedyul ng Kasal o Pagbubuklod sa Templo

27.3.2.1

Pagtanggap ng Recommend para sa mga Ordenansa para sa Buhay

Ang isang miyembro ay dapat makatanggap ng recommend para sa mga ordenansa para sa buhay upang maibuklod sa kanyang asawa. Para sa impormasyon tungkol sa mga recommend na ito, tingnan ang 26.3.

27.3.2.2

Pagkontak sa Templo

Ang mga miyembrong nagpaplanong maikasal o mabuklod sa asawa ay dapat kontakin nang maaga ang templo upang ipa-iskedyul ang ordenansa.

27.3.2.3

Pagkuha ng Marriage License

Bago ikasal, dapat munang kumuha ang magkasintahan ng legal na marriage license na balido sa lugar kung saan isasagawa ang kasal. Kung plano ng magkasintahan na ikasal at ibuklod sa iisang seremonya, dapat nilang dalhin ang balidong marriage license sa templo.

Hindi na kailangang magdala ng marriage license sa templo kung sila ay ibubuklod pagkatapos ng kasal na sibil. Sa halip ay ibinibigay nila ang petsa at lugar ng kanilang kasal na sibil bilang bahagi ng record verification process.

27.3.2.4

Mga Escort para sa mga Ikakasal

Ang ikakasal na babae ay maaaring samahan ng isang babaeng nakatanggap na ng endowment na tutulong sa kanya sa dressing room. Maaari din itong gawin ng isang lalaking nakatanggap na ng endowment para sa ikakasal na lalaki. Ang escort ay dapat mayroong current temple recommend. Ang templo ay maaaring magbigay ng isang escort kung kinakailangan.

27.3.2.5

Sino ang Nagsasagawa ng Kasal o Pagbubuklod sa Templo

Ang kasal o pagbubuklod sa templo ay karaniwang isinasagawa ng isang sealer na nakatalagang maglingkod sa templo kung saan ikakasal ang magkasintahan o ibubuklod ang mag-asawa. Kung ang isang kapamilya o kaibigan ay mayhawak ng awtoridad na magbuklod at nakatalagang maglingkod sa templo kung saan ikakasal ang magkasintahan o ibubuklod ang mag-asawa, maaari nila siyang anyayahan na isagawa ang kasal o pagbubuklod.

27.3.2.6

Angkop na Kasuotan para sa Kasal o Pagbubuklod sa Templo

Damit ng Babae na Ikakasal. Ang damit na isusuot ng ikakasal na babae sa loob ng templo ay dapat kulay puti, disente ang disensyo at tela, at walang maraming palamuti. Dapat din nitong matakpan ang temple garment. Ang maninipis na tela (sheer fabric) ay dapat lagyan ng karagdagang tela sa ilalim nito.

Upang tumugma sa iba pang mga damit na isinusuot sa loob ng templo, ang damit ng ikakasal na babae ay dapat may mahabang manggas o manggas na abot hanggang sa may pagitan ng siko at kamay. Ang mga damit ay dapat walang mahabang buntot (train) maliban kung maaari itong tanggalin para sa seremonya ng pagbubuklod.

Ang templo ay maaaring magpahiram ng damit kung kailangan o gusto.

Damit ng Lalaki na Ikakasal. Sa sermonya ng kasal o pagbubuklod, ang ikakasal na lalaki ay nagsusuot ng karaniwang kasuotan sa templo (tingnan sa 38.5.1 at 38.5.2).

Damit ng mga Bisita. Ang mga dumadalo sa seremonya ng kasal o pagbubuklod ay dapat magsuot ng damit na katulad ng isusuot nila sa sacrament meeting. Ang mga miyembrong dadalo sa isang pagbubuklod nang diretso mula sa isang endowment session ay maaaring magsuot ng ceremonial temple clothing.

Mga bulaklak. Ang mga ikakasal at mga bisita nila ay dapat walang dala o suot na mga bulaklak sa seremonya ng kasal o pagbubuklod.

27.3.2.7

Pagpapalitan ng mga Singsing Pagkatapos ng Kasal o Pagbubuklod sa Templo

Ang pagpapalitan ng mga singsing ay hindi bahagi ng seremonya ng pagbubuklod sa templo. Gayunman, ang mga mag-asawa ay maaaring magpalitan ng mga singsing pagkatapos ng seremonya sa sealing room. Ang mga mag-asawa ay hindi dapat magpalitan ng mga singsing sa ibang oras o lugar sa loob ng templo o sa bakuran ng templo.

Ang mga mag-asawang ikinasal at ibinuklod sa iisang seremonya ay maaaring magpalitan ng mga singsing sa ibang oras para sa mga kapamilya na hindi nakadalo sa kasal sa templo. Hindi dapat gayahin sa pagpapalitan ng mga singsing ang anumang bahagi ng seremonya ng kasal o pagbubuklod sa templo. Ang mag-asawa ay hindi dapat magpalitan ng mga pangako pagkatapos maikasal o mabuklod sa templo.

Ang mga mag-asawang ikinasal sa sibil na seremonya bago ang kanilang pagbubuklod sa templo ay maaaring magpalitan ng mga singsing sa sibil na seremonya, sa kanilang pagbubuklod sa templo, o sa parehong seremonya.

27.3.4

Sino ang Maaaring Dumalo sa Kasal o Pagbubuklod sa Templo

Ang kanilang malalapit na kapamilya at kaibigan lamang ang dapat anyayahan ng mga magkasintahan o mag-asawa sa kanilang kasal o pagbubuklod sa templo. Ang mga miyembrong may pananagutan ay dapat nakatanggap na ng endowment at mayroong current temple recommend para makadalo.

Ang isang taong hindi pa nabibinyagan o hindi pa nakakatanggap ng endowment dahil sa kapansanan sa pag-iisip ay maaaring iawtorisa ng stake president na mapanood ang kasal o pagbubuklod sa templo ng kanyang nabubuhay na mga kapatid. Ang tao ay dapat:

  • Edad 18 pataas.

  • May kakayahang manatiling mapitagan habang isinasagawa ang seremonya.

Ang stake president ay susulat ng isang liham na nagsasabi na ang tao ay awtorisadong mapanood ang pagbubuklod. Ang sulat na ito ay ipakikita sa templo.

27.4

Pagbubuklod ng mga Nabubuhay na Anak sa mga Magulang

Ang mga anak na isinilang matapos mabuklod ang kanilang ina sa isang asawang lalaki sa loob ng templo ay isinilang sa loob ng tipan ng pagbubuklod na iyon. Hindi nila kailangang matanggap ang ordenansa ng pagbubuklod sa mga magulang.

Ang mga anak na hindi isinilang sa loob ng tipan ay maaaring maging bahagi ng isang walang-hanggang pamilya sa pamamagitan ng pagbubuklod sa kanilang tunay na mga magulang o mga magulang na umampon sa kanila. Ang mga anak na ito ay may karapatan sa kaparehong mga pagpapala na para bang sila ay isinilang sa loob ng tipan.

27.4.2

Pagkontak sa Templo

Ang mga mag-asawang nagnanais na maibuklod sa kanila ang kanilang mga anak, o ang mga anak na nagnanais na maibuklod sa kanilang mga yumaong magulang, ay dapat kontakin nang maaga ang templo upang ipa-iskedyul ang ordenansa.