Mga Hanbuk at Calling
38. Mga Patakaran at Tuntunin ng Simbahan


“38. Mga Patakaran at Tuntunin ng Simbahan,” Mga Seleksyon mula sa Pangkalahatang Hanbuk (2023).

“38. Mga Patakaran at Tuntunin ng Simbahan,” Mga Seleksyon mula sa Pangkalahatang Hanbuk

38.

Mga Patakaran at Tuntunin ng Simbahan

38.1

Pakikibahagi sa Simbahan

Mahal ng ating Ama sa Langit ang Kanyang mga anak. “Pantay-pantay ang lahat sa Diyos,” at inaanyayahan Niya ang lahat na “lumapit sa kanya at makibahagi sa kanyang kabutihan” (2 Nephi 26:33).

38.1.1

Pagdalo sa mga Miting sa Simbahan

Lahat ay malugod na tinatanggap na dumalo sa sacrament meeting, sa iba pang mga miting sa araw ng Linggo, at sa mga pagtitipon ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang namumunong awtoridad ang may responsibilidad na tiyakin na lahat ng dumadalo ay iginagalang ang sagradong pagtitipon na iyon.

Dapat iwasan ng mga dumadalo ang mga pang-aabala o panggagambala na salungat sa pagsamba o sa iba pang mga layunin ng miting. Dapat na igalang ang lahat ng panuntunan sa edad at pag-uugali sa iba’t ibang miting at pagtitipon sa Simbahan. Kabilang dito ang hindi pagpapakita ng hayagang paglalambingan at pananamit o pag-aayos ng sarili na nakagagambala. Kabilang din dito ang hindi pagsasalita tungkol sa pulitika o pagsasalita tungkol sa seksuwal na oryentasyon o iba pang personal na mga katangian sa paraang malilihis ang pagtutuon ng mga miting sa Tagapagligtas.

Kung mayroong hindi angkop na pag-uugali, ang bishop o stake president ay magbibigay ng personal na payo sa diwa ng pagmamahal. Hinihikayat niya ang mga taong may hindi angkop na pag-uugali sa kaganapang iyon na magtuon sa pagtulong sa pagpapanatili ng isang sagradong lugar para sa mga naroroon, na binibigyan ng espesyal na diin ang pagsamba sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas.

Ang mga meetinghouse ng Simbahan ay nananatiling pribadong pag-aari na sakop ng mga patakaran ng Simbahan. Ang mga taong ayaw sumunod sa mga tuntuning ito ay hihilingan sa magalang na paraan na huwag dumalo sa mga miting at pagtitipon sa Simbahan.

38.2

Mga Patakaran Para sa mga Ordenansa at mga Basbas

Nasa kabanata 18 ang pangkalahatang impormasyon tungkol sa mga ordenansa at mga basbas. Ang impormasyon tungkol sa mga ordenansa sa templo ay nasa kabanata 27 at 28. Maaaring kontakin ng mga bishop ang stake president kung mayroon silang mga katanungan. Maaaring kontakin ng mga stake president ang Area Presidency kung mayroon silang mga katanungan.

38.3

Kasal na Sibil

Hinihikayat ng mga lider ng Simbahan ang mga miyembro na maging karapat-dapat na maikasal at mabuklod sa templo. Gayunman, kung pinahihintulutan ng mga lokal na batas, ang mga lider ng Simbahan ay maaaring magsagawa ng mga kasal na sibil.

Ang mga kasal na sibil ay dapat isagawa ayon sa mga batas ng lugar kung saan isasagawa ang seremonya ng kasal.

38.3.1

Sino ang Maaaring Magsagawa ng Isang Kasal na Sibil

Kapag pinahihintulutan ng lokal na batas, ang sumusunod na kasalukuyang naglilingkod na mga opisyal ng Simbahan ay maaaring kumilos sa kanilang calling para magsagawa ng seremonya ng kasal na sibil:

  • Mission president

  • Stake president

  • District president

  • Bishop

  • Branch president

Ang mga opisyal na ito ay maaari lamang magsagawa ng kasal na sibil para sa isang lalaki at isang babae. Dapat ding matugunan ang lahat ng sumusunod na kondisyon:

  • Ang ikakasal na babae o ikakasal na lalaki ay miyembro ng Simbahan o may nakatakdang petsa ng binyag.

  • Ang membership record ng ikakasal na babae o ikakasal na lalaki ay nasa unit ng Simbahan na pinamumunuan ng opisyal, o iingatan sa unit na ito pagkatapos ng binyag.

  • Ang opisyal ng Simbahan ay awtorisado ng batas na mangasiwa ng kasal na sibil sa lugar kung saan gagawin ang kasal.

38.3.4

Mga Kasal na Sibil na Ginagawa sa mga Gusali ng Simbahan

Ang seremonya ng kasal ay maaaring idaos sa isang gusali ng Simbahan kung hindi ito nakasasagabal sa iskedyul ng regular na mga gawain ng Simbahan. Ang mga kasalan ay hindi dapat idaos sa araw ng Sabbath o sa gabi ng Lunes. Ang mga kasalan na isinasagawa sa mga gusali ng Simbahan ay dapat na simple at kagalang-galang. Ang musika ay dapat sagrado, mapitagan, at masaya.

Ang mga kasalan ay maaaring isagawa sa sacrament hall, sa cultural hall, o sa iba pang silid na angkop para dito. Ang mga kasalan ay dapat sumunod sa mga tuntunin sa wastong paggamit ng meetinghouse.

38.3.6

Seremonya ng Kasal na Sibil

Upang makapagsagawa ng kasal na sibil, tatawagin ng opisyal ng Simbahan ang magkasintahan at magsasabing, “Pakihawakan ninyo ang kanang kamay ng isa’t isa.” Pagkatapos ay sasabihin niyang, “[Buong pangalan ng ikakasal na lalaki] at [buong pangalan ng ikakasal na babae], hawak ninyo ang kanang kamay ng isa’t isa bilang tanda ng mga tipan na ginagawa ninyo ngayon sa harap ng Diyos at ng mga saksing ito.” (Maaaring piliin o imungkahi ng magkasintahan ang mga saksing ito nang maaga.)

Pagkatapos ay babaling ang opisyal sa ikakasal na lalaki at itatanong, “[Buong pangalan ng ikakasal na lalaki], tinatanggap mo ba si [buong pangalan ng ikakasal na babae] bilang iyong asawa sang-ayon sa batas, at pinili mo ba at kusang-loob ka bang nangangako bilang kanyang makakasama at asawa sang-ayon sa batas, na pipisan sa kanya at wala nang iba pa; na susundin mo ang lahat ng mga batas, responsibilidad, at obligasyon na nauukol sa banal na matrimonyo, at mamahalin, igagalang, at kakalingain siya habang kapwa kayo nabubuhay?”

Ang ikakasal na lalaki ay sasagot, “Opo” o “Gagawin ko po.”

Pagkatapos ay babaling ang opisyal ng Simbahan sa ikakasal na babae at itatanong, “[Buong pangalan ng ikakasal na babae], tinatanggap mo ba si [buong pangalan ng ikakasal na lalaki] bilang iyong asawa sang-ayon sa batas, at pinili mo ba at kusang-loob ka bang nangangako bilang kanyang makakasama at asawa sang-ayon sa batas, na pipisan sa kanya at wala nang iba pa; na susundin mo ang lahat ng mga batas, responsibilidad, at obligasyon na nauukol sa banal na matrimonyo, at mamahalin, igagalang, at kakalingain siya habang kapwa kayo nabubuhay?”

Ang ikakasal na babae ay sasagot ng “Opo” o “Gagawin ko po.”

Pagkatapos ay tatawagin ng opisyal ng Simbahan ang magkasintahan at sasabihing, “Sa bisa ng kapangyarihang legal na ipinagkaloob sa akin bilang isang elder ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ipinapahayag ko kayo, [pangalan ng ikakasal na lalaki] at [pangalan ng ikakasal na babae], na mag-asawa, kasal sang-ayon sa batas para sa kahabaan ng inyong mga buhay sa mundo.”

[Alternatibong mga salita para sa isang chaplain na hindi naglilingkod bilang namumunong opisyal ng Simbahan: “Sa bisa ng kapangyarihang legal na ipinagkaloob sa akin bilang isang chaplain sa [sangay ng militar o organisasyong sibilyan], ipinapahayag ko kayo, [pangalan ng ikakasal na lalaki] at [pangalan ng ikakasal na babae], na mag-asawa, kasal sang-ayon sa batas para sa kahabaan ng inyong mga buhay sa mundo.”]

“Nawa’y pagpalain ng Diyos ang inyong pagsasama nang may kagalakan sa inyong mga inapo at ng mahabang buhay ng kaligayahan sa inyong pagsasama, at nawa’y pagpalain Niya kayong matupad ang sagradong mga pangako na inyong ginawa. Ang mga pagpapalang ito ay ipagkakaloob ko sa inyo sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.”

Ang paanyayang halikan ang bawat isa bilang mag-asawa ay opsiyonal, batay sa kaugalian sa kultura.

38.4

Mga Patakaran sa Pagbubuklod

Ang mga ordenansa ng pagbubuklod sa templo ay nagiging daan upang magkasama-sama sa walang-hanggang ang mga pamilya kapag sinisikap ng mga miyembro na tuparin ang mga tipan na ginawa nila noong tinanggap nila ang ordenansa. Kabilang sa mga ordenansa ng pagbubuklod ang:

  • Pagbubuklod ng mag-asawa.

  • Pagbubuklod ng mga anak sa mga magulang.

Ang mga tumutupad sa kanilang mga tipan ay mapapanatili sa kanilang sarili ang indibiduwal na mga pagpapalang ibinibigay ng pagbubuklod. Mapapanatili pa rin ng isang tao ang mga pagpapalang ito sa kanyang sarili kahit na ang kanyang asawa ay lumabag sa mga tipan o nakipaghiwalay.

Ang matatapat na mga anak na ibinuklod sa mga magulang o ipinanganak sa loob ng tipan ay mapapanatili sa kanilang sarili ang mga pagpapala ng pagkakaroon ng mga magulang sa kawalang-hanggan. Matatanggap pa rin ng mga anak ang pagpapalang ito kahit na ang kanilang mga magulang ay ipinakansela ang kanilang pagbubuklod sa kasal, binawian ng pagkamiyembro sa Simbahan, o nagbitiw sa pagkamiyembro sa Simbahan.

Dapat sumangguni ang mga miyembro sa kanilang bishop kung may mga tanong sila tungkol sa mga patakaran sa pagbubuklod. Kokontakin ng bishop ang stake president kung may mga tanong siya. Maaaring kontakin ng mga stake president ang temple presidency sa kanilang temple district, ang Area Presidency, o ang Office of the First Presidency kung may mga tanong sila.

38.5

Kasuotan sa Templo at mga Garment

38.5.1

Kasuotan sa Templo

Sa mga ordenansa ng endowment at pagbubuklod sa templo, ang mga miyembro ng Simbahan ay nakasuot ng puting damit. Suot ng mga kababaihan ang sumusunod na puting kasuotan: puting bestida na may mahabang manggas o manggas na abot hanggang sa may pagitan ng siko at kamay (o palda at blusa na may mahabang manggas o manggas na abot hanggang sa may pagitan ng siko at kamay), medyas o stockings, at sapatos o sandalyas.

Suot ng mga kalalakihan ang sumusunod na puting kasuotan: kamiseta na may mahabang manggas, kurbata o bow tie, pantalon, medyas, at sapatos o sandalyas.

Sa mga ordenansa ng endowment at pagbubuklod, ang mga miyembro ay nagsusuot ng karagdagang ceremonial clothing na ipinapatong sa kanilang puting kasuotan.

38.5.2

Pagkakaroon ng Kasuotan sa Templo at mga Garment

Hinihikayat ng mga lider ng ward at stake ang mga miyembrong tumanggap na ng endowment na magkaroon ng sarili nilang kasuotan sa templo. Ang mga kasuotan sa templo at mga garment ay mabibili sa isang Church Distribution store o sa store.ChurchofJesusChrist.org. Maaaring tulungan ng mga stake at ward clerk ang mga miyembro sa pag-order ng mga kasuotang ito.

38.5.5

Pagsusuot at Pangangalaga ng Garment

Ang mga miyembrong tumatanggap na ng endowment ay gumagawa ng tipan na magsusuot ng temple garment sa buong buhay nila.

Ang temple garment ay paalala ng mga tipang ginawa sa templo at, kapag isinusuot nang wasto habang nabubuhay, ito ay magsisilbing proteksyon laban sa tukso at kasamaan. Ang garment ay dapat isuot sa ilalim ng panlabas na damit. Hindi ito dapat hubarin para sa mga aktibidad na maaari namang gawin habang suot ang garment, at hindi ito dapat baguhin para bumagay sa iba’t ibang estilo ng damit. Dapat hingin ng mga miyembrong tumanggap na ng endowment ang patnubay ng Banal na Espiritu upang masagot ang mga personal na tanong tungkol sa pagsusuot ng garment.

Isang sagradong pribilehiyo ang magsuot ng garment at ang pagsusuot nito ay panlabas na pagpapakita ng personal na pangako na susundin ang Tagapagligtas na si Jesucristo.

Ang pagsusuot ng iba pang damit panloob sa ibabaw o ilalim ng temple garment ay nakadepende sa kagustuhan ng tao.

Tingnan sa 26.3.3.

38.5.7

Pagtatapon ng mga Garment at Ceremonial Temple Clothing

Upang maitapon ang luma o sirang mga garment, dapat gupitin at sirain ng mga miyembro ang mga marka. Pagkatapos ay gugupit-gupitin ng mga miyembro ang natitirang tela upang hindi ito magmukhang garment. Ang natitirang tela ay maaaring itapon.

Maaaring magbigay ang mga miyembro ng mga garment at kasuotan sa templo na nasa maayos na kondisyon sa iba pang mga miyembro na tumanggap na ng endowment.

38.5.8

Temple Burial Clothing

Kung maaari, ang mga yumaong miyembro na nakatanggap na ng endowment ay dapat ilibing o i-cremate na suot ang kasuotan sa templo. Kung hindi ito angkop o mahirap gawin dahil sa tradisyon ng kultura o kaugalian sa paglilibing, ang kasuotan ay maaaring itupi at ilagay sa tabi ng bangkay.

Ang bangkay ng isang lalaki ay susuotan ng temple garments at ng sumusunod na puting damit: kamiseta na may mahabang manggas, kurbata o bow tie, pantalon, medyas, at sapatos o sandalyas. Ang bangkay ng isang babae ay susuotan ng temple garments at ng sumusunod na puting damit: puting bestida na may mahabang manggas o manggas na abot hanggang sa may pagitan ng siko at kamay (o palda at blusa na may mahabang manggas o manggas na abot hanggang sa may pagitan ng siko at kamay), medyas o stockings, at sapatos o sandalyas.

Isinusuot sa bangkay ang ceremonial temple clothing ayon sa tagubilin sa endowment. Ang bata o robe ay inilalagay sa kanang balikat at itinatali sa kaliwang baywang. Ang apron inilalagay sa baywang. Ang laso o sash ay inilalagay paikot sa baywang at itinatali sa kaliwang baywang. Ang sombrero ng lalaki ay kadalasang inilalagay sa tabi ng bangkay hanggang sa isara ang kabaong. Kapag isasara na ang kabaong, isusuot ang sombrero na ang laso ay nasa ibabaw ng kaliwang tainga. Ang belo o veil ng babae ay maaaring nakalatag sa unan sa likod ng kanyang ulo. Ang paglalagay ng belo o veil sa mukha ng babae bago ilibig o i-cremate ay opsiyonal, ayon sa pasiya ng pamilya.

38.6

Mga Patakaran sa mga Isyung Moral

38.6.1

Aborsiyon o Pagpapalaglag

Iniutos ng Panginoon, “Huwag kayong … pumatay, ni gumawa ng anumang bagay na tulad nito” (Doktrina at mga Tipan 59:6). Ang Simbahan ay hindi sumasang-ayon sa pagpapalaglag para sa personal o panlipunan na kaginhawaan. Ang mga miyembro ay hindi dapat sumailalim, magsagawa, gumawa ng paraan para magkaroon, magbayad, pumayag, o maghikayat ng pagpapalaglag. Ang tanging posibleng eksepsyon ay kapag:

  • Ang pagbubuntis ay bunga ng sapilitang panggagahasa (forcible rape) o pagtatalik ng malapit na magkamag-anak (incest).

  • Nasuri ng mapagkakatiwalaang doktor na nanganganib ang buhay o kalusugan ng ina.

  • Nasuri ng mapagkakatiwalaang doktor na may malulubhang depekto ang sanggol sa sinapupunan kaya hindi rin mabubuhay ang sanggol matapos isilang.

Ang mga eksepyong ito ay hindi kaagad magbibigay-katwiran sa pagpapalaglag. Ang pagpapalaglag ay isang napakaseryosong bagay. Ito ay dapat isaalang-alang lamang matapos makatanggap ng kumpirmasyon sa pamamagitan ng panalangin ang mga taong responsable sa desisyong ito. Ang mga miyembro ay maaaring sumangguni sa kanilang bishop bilang bahagi ng prosesong ito.

38.6.2

Pang-aabuso

Ang pang-aabuso ay ang maling pagtrato o kapabayaan ng ibang tao na nagdudulot ng pisikal, seksuwal, emosyonal, o pinansiyal na pinsala. Ang paninindigan ng Simbahan ay hindi nito mapahihintulutan ang anumang uri ng pang-aabuso. Ang mga taong nang-aabuso sa kanilang mga asawa, mga anak, iba pang mga miyembro ng pamilya, o sinuman ay lumalabag sa mga batas ng Diyos at ng tao.

Lahat ng miyembro, lalo na ang mga magulang at lider, ay hinihikayat na maging alerto at masigasig at gawin ang lahat upang maprotektahan ang mga bata at iba pa laban sa pang-aabuso. Kapag ang mga miyembro ay may nalamang naganap na pang-aabuso, isinusumbong nila ito sa mga awtoridad at sumasangguni sila sa bishop. Dapat seryosohin ng mga lider ng Simbahan ang mga ulat tungkol sa pang-aabuso at hindi nila dapat balewalain ito.

Ang lahat ng adult na naglilingkod sa mga bata o kabataan ay dapat kumpletuhin ang children and youth protection training sa loob ng isang buwan mula nang sila ay sang-ayunan (tingnan sa ProtectingChildren.ChurchofJesusChrist.org). Inuulit nila ang training kada tatlong taon.

Kapag may nangyaring pang-aabuso, ang una at kaagad na responsibilidad ng mga lider ng Simbahan ay tulungan ang mga naabuso at protektahan ang mga maaaring maging biktima ng pang-aabuso sa hinaharap. Hindi dapat hikayatin ng mga lider ang isang tao na manatili sa isang tahanan o sitwasyon na may pang-aabuso o hindi ligtas.

38.6.2.1

Abuse Help Line

Sa ilang mga bansa, ang Simbahan ay nagtatag ng isang confidential abuse help line para tumulong sa mga stake president at bishop. Dapat tawagan kaagad ng mga lider na ito ang help line sa bawat sitwasyon kung saan maaaring naabuso ang isang tao—o nanganganib na maabuso. Dapat din nila itong tawagan kung nalaman nila na ang isang miyembro ay nanonood, bumibili, o namamahagi ng pornograpiyang gumagamit ng mga bata.

Sa mga bansang walang help line, kapag nalaman ng bishop na mayroong naganap na pang-aabuso, dapat niyang kontakin ang kanyang stake president. Ang stake president ay hihingi ng patnubay mula sa area legal counsel sa area office.

38.6.2.2

Pagpapayo para sa mga Kaso ng Pang-aabuso

Ang mga biktima ng pang-aabuso ay kadalasang dumaranas ng matinding trauma. Ang mga stake president at bishop ay tumutugon nang may taos-pusong pagkahabag at pagdamay. Sila ay nagbibigay ng espirituwal na pagpapayo at suporta upang matulungan ang mga biktima na madaig ang mga nakapipinsalang epekto ng pang-aabuso.

Kung minsan, ang mga biktima ay nakadarama ng kahihiyan o nadaramang sila ang maysala. Ang mga biktima ay walang kasalanan. Sila at ang kanilang mga pamilya ay tinutulungan ng mga lider na maunawaan ang pagmamahal ng Diyos at na ang pagpapagaling ay darating sa pamamagitan ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala (tingnan sa Alma 15:8; 3 Nephi 17:9).

Dapat tulungan ng mga stake president at bishop ang mga nang-abuso na magsisi at itigil ang kanilang mapang-abusong gawain. Kung ang isang adult ay nakagawa ng seksuwal na kasalanan laban sa isang bata, maaaring maging napakahirap na baguhin ang pag-uugaling ito. Ang proseso ng pagsisisi ay maaaring maging napakahaba. Tingnan sa 38.6.2.3.

Dagdag pa sa pagtanggap ng inspiradong tulong mula sa mga lider ng Simbahan, maaaring mangailangan ng professional counseling ang mga biktima, ang nang-abuso, at kanilang mga pamilya. Para sa impormasyon, tingnan ang 31.3.6.

38.6.2.3

Pang-aabuso sa Bata o Kabataan

Ang pang-aabuso sa isang bata o isang kabataan ay isang napakabigat na kasalanan (tingnan sa Lucas 17:2). Sa paggamit dito, ang pang-aabuso sa bata o kabataan ay kinabibilangan ng sumusunod:

  • Pisikal na pang-aabuso: Pagdudulot ng malubhang pinsala sa katawan sa pamamagitan ng pisikal na karahasan. Ang ilang pinsala ay maaaring hindi nakikita.

  • Seksuwal na pang-aabuso o pananamantala: Pagsasagawa ng anumang seksuwal na aktibidad kasama ang isang bata o kabataan o sadyang pagpapahintulot o pagtulong sa iba na gumawa ng gayong mga aktibidad. Sa paggamit dito, hindi kabilang sa seksuwal na pang-aabuso ang kusang-loob na pakikibahagi sa isang seksuwal na aktibidad ng dalawang menor-de-edad na magkalapit ang mga edad.

  • Emosyonal na pang-aabuso: Paggamit ng mga kilos at salita para lubhang sirain ang paggalang o pagpapahalaga sa sarili ng isang bata o kabataan. Ito ay karaniwang kinabibilangan ng paulit-ulit na pang-iinsulto, manipulasyon, at pamimintas para ipahiya at maliitin ang isang tao. Maaaring kabilang din dito ang pagpapabaya.

  • Pornograpiyang gumagamit ng mga bata: Tingnan sa 38.6.6.

Kapag nalaman ng o may hinala ang bishop o stake president na may nangyayaring pang-aabuso sa bata o kabataan, kaagad niyang sinusunod ang mga tagubilin sa 38.6.2.1. Kumikilos din siya para tumulong sa pagprotekta laban sa karagdagang pang-aabuso.

Kailangan ang isang membership council at anotasyon sa membership record kung ang isang adult na miyembro ay nang-abuso ng isang bata o kabataan tulad ng inilarawan sa bahaging ito. Tingnan din ang 38.6.2.5.

38.6.2.4

Pang-aabuso sa Asawa o sa Isa Pang Adult

Kadalasan ay walang isang kahulugan ang pang-aabuso na maaaring sumaklaw sa lahat ng sitwasyon. Sa halip, napakalawak ng antas ng bigat ng mga mapang-abusong pagkilos. Ang mga antas na ito ay nagsisimula sa paminsan-minsang paggamit ng masasakit na salita hanggang sa pagdudulot ng malubhang pinsala.

Kapag nalaman ng bishop o stake president na may nangyayaring pang-aabuso sa asawa o sa isa pang adult, kaagad niyang sinusunod ang mga tagubilin sa 38.6.2.1. Kumikilos din siya para tumulong sa pagprotekta laban sa karagdagang pang-aabuso.

Hinahangad ng mga lider ang patnubay ng Espiritu para malaman kung personal na pagpapayo o membership council ang pinakaangkop na paraan para matuguan ang pang-aabuso. Maaari din silang sumangguni sa kanilang direktang priesthood leader tungkol sa angkop na paraan. Gayunman, para sa anumang pang-aabuso sa asawa o sa isa pang adult na umabot sa antas na inilarawan sa ibaba, kailangang magdaos ng isang membership council.

  • Pisikal na pang-aabuso: Pagdudulot ng malubhang pinsala sa katawan sa pamamagitan ng pisikal na karahasan. Ang ilang pinsala ay maaaring hindi nakikita.

  • Seksuwal na pang-aabuso: Tingnan ang mga sitwasyong tinukoy sa 38.6.18.3.

  • Emosyonal na pang-aabuso: Paggamit ng mga kilos at salita para lubhang sirain ang paggalang o pagpapahalaga sa sarili ng isang tao. Ito ay karaniwang kinabibilangan ng paulit-ulit na pang-iinsulto, manipulasyon, at pamimintas para ipahiya at maliitin ang isang tao.

  • Pinansiyal na pang-aabuso: Pananamantala sa isang tao sa aspektong pinansiyal. Maaaring kabilang dito ang ilegal o di-awtorisadong paggamit ng pag-aari, pera, o iba pang mahahalagang gamit ng isang tao. Maaaring kabilang din dito ang panlilinlang para magkaroon ng kontrol sa pananalapi ng isang tao. Maaaring kabilangan ito ng paggamit ng kontrol sa pananalapi para makapamilit o makapanakot.

38.6.2.5

Mga Calling sa Simbahan, mga Temple Recommend, at mga Anotasyon sa Membership Record

Ang mga miyembrong nang-abuso ng ibang tao ay hindi dapat bigyan ng mga calling sa Simbahan at hindi rin sila maaaring magkaroon ng temple recommend hanggang sa sila ay makapagsisi at maalis ang kanilang mga restriksyon sa pagkamiyembro sa Simbahan.

Kung ang isang tao ay seksuwal na inabuso ang isang bata o kabataan o gumawa ng malubhang pisikal o emosyonal na pang-aabuso sa isang bata o kabataan, ang kanyang membership record ay lalagyan ng anotasyon. Hindi siya dapat bigyan ng anumang calling o takdang-gawain na kinabibilangan ng interaksyon sa mga bata o kabataan. Kabilang dito ang hindi pagbibigay sa kanya ng ministering assignment para sa isang pamilya na mayroong kasamang mga bata o kabataan sa loob ng tahanan. Kasama rin dito ang hindi pagkakaroon ng ministering companion na kabataan. Ang mga restriksyong ito ay dapat na manatili hanggang sa magbigay ang Unang Panguluhan ng awtorisasyon na alisin ang anotasyon.

38.6.2.6

Mga Stake at Ward Council

Sa mga stake at ward council meeting, regular na nirerebyu ng mga stake presidency at bishopric ang mga patakaran at tuntunin ng Simbahan tungkol sa pagpigil at pagtugon sa pang-aabuso. Hinihingi ng mga lider at miyembro ng council ang patnubay ng Espiritu sa kanilang pagtuturo at pagtalakay sa sensitibong paksang ito.

Dapat ding kumpetuhin ng mga miyembro ng council ang children and youth protection training (tingnan sa 38.6.2).

38.6.2.7

Mga Legal na Isyu na Nauugnay sa Pang-aabuso

Kapag ang mga ginawang pang-aabuso ng isang miyembro ay lumabag sa batas, hinihimok ng bishop o stake president ang miyembro na isumbong ang mga aktibidad na ito sa mga nagpapatupad ng batas o ibang kinauukulang awtoridad ng gobyerno.

Dapat gampanan ng mga lider at miyembro ng Simbahan ang lahat ng legal na obligasyon na isumbong ang pang-aabuso sa mga awtoridad.

38.6.4

Birth Control

Pribilehiyo ng mag-asawang maaaring magkaanak na maglaan ng mga mortal na katawan para sa mga espiritung anak ng Diyos, na may responsibilidad silang pangalagaan at palakihin (tingnan sa 2.1.3). Ang desisyon kung ilan ang kanilang magiging anak at kung kailan magkakaanak ay lubhang personal at pribado. Ito ay dapat ipaubaya sa pagitan ng mag-asawa at ng Panginoon.

38.6.5

Kalinisang-Puri at Katapatan

Ang batas ng kalinisang-puri ng Panginoon ay:

  • Hindi pagkakaroon ng seksuwal na relasyon sa labas ng legal na kasal ng isang lalaki at isang babae.

  • Buong katapatan sa loob ng kasal.

Ang pisikal na intimasiya sa pagitan ng mag-asawa ay nilayong maging maganda at sagrado. Ito ay inorden ng Diyos para sa paglikha ng mga anak at sa pagpapadama ng pagmamahalan ng mag-asawa.

38.6.6

Pornograpiyang Gumagamit ng mga Bata

Mariing tinututulan ng Simbahan ang pornograpiyang gumagamit ng mga bata sa anumang anyo nito. Kapag nalaman ng bishop o stake president na nasangkot ang isang miyembro sa pornograpiyang gumagamit ng mga bata, agad niyang sinusunod ang mga tagubilin sa 38.6.2.1.

38.6.8

Female Genital Mutilation

Mariing tinututulan ng Simbahan ang female genital mutilation.

38.6.10

Incest o Pagtatalik ng Malapit na Magkamag-anak

Mariing tinututulan ng Simbahan ang anumang anyo ng incest o pagtatalik ng malapit na magkamag-anak. Sa paggamit dito, ang incest ay seksuwal na relasyon sa pagitan ng:

  • Isang magulang at isang anak.

  • Isang lolo o lola at isang apo.

  • Magkakapatid.

  • Isang tiyo o tiya at isang pamangkin.

Sa paggamit dito, ang anak, apo, kapatid, at pamangkin ay kinabibilangan ng mga kapamilyang kadugo, ampon, amain/madrasta/kinakapatid, o foster na uri ng relasyon.

Kapag ang isang menor-de-edad ay naging biktima ng incest, tatawagan ng bishop o stake president ang abuse help line ng Simbahan sa mga bansa na mayroon nito (tingnan sa 38.6.2.1). Sa ibang mga bansa, ang stake president ay dapat humingi ng patnubay mula sa area legal counsel sa area office. Hinihikayat din siya na sumangguni sa isang kawani ng Family Services o sa welfare and self-reliance manager sa area office.

Ang isang Church membership council at anotasyon sa membership record ay kinakailangan kung ang isang miyembro ay gumawa ng incest. Halos palaging kailangan na bawiin ng Simbahan ang pagkamiyembro ng isang taong gumawa o gumagawa ng incest.

Kung isang menor-de-edad ang nakagawa ng incest, kokontakin ng stake president ang Office of the First Presidency para sa direksyon.

Ang mga biktima ng incest ay kadalasang dumaranas ng matinding trauma. Ang mga lider ay tumutugon nang may taos-pusong pagkahabag at pagdamay. Sila ay nagbibigay ng espirituwal na suporta at pagpapayo upang matulungan ang mga biktima na madaig ang nakapipinsalang mga epekto ng incest.

Kung minsan, ang mga biktima ay nakadarama ng kahihiyan o nadaramang sila ang maysala. Ang mga biktima ay walang kasalanan. Sila at ang kanilang mga pamilya ay tinutulungan ng mga lider na maunawaan ang pagmamahal ng Diyos at na ang pagpapagaling ay darating sa pamamagitan ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala (tingnan sa Alma 15:8; 3 Nephi 17:9).

Dagdag pa sa pagtanggap ng inspiradong tulong mula sa mga lider ng Simbahan, maaaring mangailangan ng professional counseling ang mga biktima, at kanilang mga pamilya. Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang 38.6.18.2.

38.6.12

Okultismo

Ang okultismo ay nakatuon sa kadiliman at humahantong sa panlilinlang. Winawasak nito ang pananampalataya kay Cristo.

Kabilang sa okultismo ang pagsamba kay Satanas. Kabilang din dito ang mga mahiwagang gawain na hindi naaayon sa ebanghelyo ni Jesucristo. Kabilang sa mga ito ang (ngunit hindi limitado sa) panghuhula, paggawa ng mga sumpa, at panggagamot na panghuhuwad sa kapangyarihan ng priesthood ng Diyos (tingnan sa Moroni 7:11–17).

Ang mga miyembro ng Simbahan ay hindi dapat makilahok sa anumang uri ng pagsamba kay Satanas o maging bahagi ng anumang uri ng okultismo. Hindi sila dapat magtuon sa gayong mga kadiliman sa mga pag-uusap o sa mga miting sa Simbahan.

38.6.13

Pornograpiya

Mariing tinututulan ng Simbahan ang pornograpiya sa anumang anyo nito. Ang paggamit ng pornograpiya sa anumang uri nito ay sumisira ng mga buhay, mga pamilya, at lipunan. Itinataboy rin nito ang Espiritu ng Panginoon. Dapat iwasan ng mga miyembro ng Simbahan ang lahat ng anyo ng pornograpiya at tutulan ang paggawa, pagpapalaganap, at paggamit nito.

Ang personal na pagpapayo at di-pormal na mga restriksyon sa pagkamiyembro ay karaniwang sapat na kapag tinutulungan ang isang tao na magsisi sa paggamit ng pornograpiya. Karaniwang hindi nagdaraos ng mga membership council. Gayunman, maaaring kailanganing magdaos ng isang membership council para sa sobra-sobrang paggamit at pagkalulong sa pornograpiya na nagdulot ng malubhang pinsala sa pagsasama ng mag-asawa o sa pamilya ng miyembro (tingnan sa 38.6.5). Kailangang magdaos ng isang membership council para sa isang miyembro na gumagawa, nagbabahagi, nagtataglay, o paulit-ulit na nanonood ng mga pornograpikong larawan na kinasasangkutan ng mga bata (tingnan sa 38.6.6).

38.6.14

Panghuhusga nang Walang Katwiran

Lahat ng tao ay mga anak ng Diyos. Lahat ay magkakapatid na bahagi ng Kanyang banal na pamilya (tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”). “Nilikha [ng Diyos] mula sa isa ang bawat bansa” (Mga Gawa 17:26). “Pantay-pantay ang lahat” sa Kanya (2 Nephi 26:33). Bawat tao ay “magkakasinghalaga sa kanyang paningin” (Jacob 2:21).

Ang panghuhusga nang walang katwiran ay hindi naaayon sa inihayag na salita ng Diyos. Ang pagsang-ayon at hindi pagsang-ayon ng Diyos ay nakabatay sa katapatan ng tao sa Kanya at sa Kanyang mga kautusan, at hindi sa kulay ng balat o iba pang mga katangian ng tao.

Nananawagan ang Simbahan sa lahat ng tao na iwaksi ang mga kaisipan at pagkilos na nagpapakita ng panghuhusga nang walang katwiran sa alinmang grupo o indibiduwal. Dapat manguna ang mga miyembro ng Simbahan sa pagtataguyod ng paggalang sa lahat ng anak ng Diyos. Sinusunod ng mga miyembro ang utos ng Tagapagligtas na mahalin ang iba (tingnan sa Mateo 22:35–39). Sila ay nagsisikap na pakitunguhan ang lahat ng tao nang may kabutihan, at iwinawaksi ang anumang uri ng panghuhusga nang walang katwiran. Kabilang dito ang panghuhusga batay sa lahi, etnisidad, nasyonalidad, tribo, kasarian, edad, kapansanan, katayuan sa lipunan, paniniwala o hindi paniniwala sa relihiyon, at seksuwal na oryentasyon.

38.6.15

Pagkaakit sa Kaparehong Kasarian (Same-Sex Attraction) at Same-Sex Behavior

Hinihikayat ng Simbahan ang mga pamilya at mga miyembro na maging sensitibo, mapagmahal, at magalang sa pagtulong sa mga taong naaakit sa kaparehong kasarian. Itinataguyod din ng Simbahan ang pang-unawa sa lipunan sa pangkalahatan na sumasalamin sa mga turo nito tungkol sa kabaitan, pagpapadama ng pagiging kabilang, pagmamahal sa iba, at paggalang sa lahat ng tao. Ang Simbahan ay walang posisyon patungkol sa mga dahilan ng pagkaakit sa kaparehong kasarian o same-sex attraction.

Ipinagbabawal ng mga kautusan ng Diyos ang lahat ng hindi dalisay na pagkilos, ito man ay sa hindi kaparehong kasarian o sa kaparehong kasarian. Pinapayuhan ng mga lider ng Simbahan ang mga miyembro na lumabag sa batas ng kalinisang-puri. Tinutulungan sila ng mga lider na magkaroon ng malinaw na pag-unawa sa pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, sa proseso ng pagsisisi, at sa layunin ng buhay sa lupa.

Ang pagkaakit sa kaparehong kasarian ay hindi kasalanan. Ang mga miyembrong may ganitong mga damdamin at hindi naman kumikilos ayon dito ay namumuhay nang naaayon sa plano ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak at sa doktrina ng Simbahan. Sinusuportahan at hinihikayat sila ng mga lider sa kanilang desisyon na mamuhay ayon sa mga kautusan ng Panginoon. Ang mga miyembrong may ganitong mga damdamin ay maaaring tumanggap ng mga calling sa Simbahan, magkaroon ng temple recommend, at tumanggap ng mga ordenansa sa templo kung sila ay karapat-dapat. Ang mga lalaking miyembro ng Simbahan ay maaaring tanggapin at gamitin ang priesthood.

Lahat ng miyembro na tumutupad sa kanilang mga tipan ay tatanggap ng lahat ng ipinangakong pagpapala sa kawalang-hanggan, pinahihintulutan man sila o hindi ng kanilang mga sitwasyon na tanggapin ang mga pagpapala ng walang hanggang kasal at pagiging magulang sa buhay na ito (tingnan sa Mosias 2:41).

38.6.16

Pagpapakasal ng Magkaparehong Kasarian

Bilang alituntunin ng doktrina, na batay sa mga banal na kasulatan, pinagtitibay ng Simbahan na ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay mahalaga sa plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak. Pinagtitibay ng Simbahan na ang kahulugan ng kasal sa batas ng Diyos ay ang pag-iisang-dibdib ng isang lalaki at isang babae nang naaayon sa batas.

38.6.17

Sex Education

Mga magulang ang may pangunahing responsibilidad na magturo ng sex education o aralin tungkol sa seksuwal na relasyon sa kanilang mga anak. Ang mga magulang ay dapat magkaroon ng tapat, malinaw, at nagpapatuloy na pag-uusap sa kanilang mga anak tungkol sa malusog at matwid na seksuwalidad.

38.6.18

Seksuwal na Pang-aabuso, Panggagahasa, at Iba Pang Uri ng Sexual Assault o Panghahalay

Mariing tinututulan ng Simbahan ang seksuwal na pang-aabuso. Sa paggamit dito, ang seksuwal na pang-aabuso ay ang pagpilit sa isang tao na gumawa ng anumang seksuwal na aktibidad na labag sa kanyang kagustuhan. Ang seksuwal na aktibidad kasama ang isang tao na hindi nagbigay o walang kakayahang magbigay ng pahintulot na naaayon sa batas ay itinuturing na seksuwal na pang-aabuso. Ang seksuwal na pang-aabuso ay maaari ding mangyari sa pagitan ng mag-asawa o sa mga nagde-date. Para sa impormasyon tungkol sa seksuwal na pang-aabuso sa bata o kabataan, tingnan ang 38.6.2.3.

Ang seksuwal na pang-aabuso ay sumasaklaw sa maraming iba’t ibang uri ng pagkilos, mula sa panliligalig o harassment hanggang sa panggagahasa at iba pang mga uri ng sexual assault o panghahalay. Ito ay maaaring mangyari nang pisikal, sa pananalita, at sa iba pang mga paraan. Para sa patnubay tungkol sa pagpapayo sa mga miyembrong nakaranas ng seksuwal na pang-aabuso, panggagahasa, o iba pang uri ng sexual assault o panghahalay, tingnan ang 38.6.18.2.

Kapag may hinala o nalaman ang mga lider at miyembro na may nangyayaring seksuwal na pang-aabuso, sila ay kumikilos upang protektahan ang mga biktima at iba pa sa lalong madaling panahon. Kabilang dito ang pagsusumbong sa mga awtoridad at pagsasabi sa bishop o stake president. Kung inabuso ang isang bata, dapat sundin ng mga miyembro ang mga tagubilin sa 38.6.2.

38.6.18.2

Pagpapayo sa mga Biktima ng Seksuwal na Pang-aabuso, Panggagahasa, at Iba Pang Uri ng Sexual Assault o Panghahalay

Ang mga biktima ng seksuwal na pang-aabuso, panggagahasa, o iba pang uri ng sexual assault o panghahalay ay kadalasang dumaranas ng matinding trauma. Kapag nagsabi sila sa isang bishop o stake president tungkol sa kanilang naranasan, siya ay tutugon nang may taos-pusong pagkahabag at pagdamay. Siya ay nagbibigay ng espirituwal na pagpapayo at suporta upang matulungan ang mga biktima na madaig ang nakapipinsalang mga epekto ng pang-aabuso. Tinatawagan din niya ang abuse help line ng Simbahan para sa patnubay kung saan mayroon nito.

Kung minsan, ang mga biktima ay nakadarama ng kahihiyan o nadaramang sila ang maysala. Ang mga biktima ay walang kasalanan. Hindi sinisisi ng mga lider ang biktima. Tinutulungan nila ang mga biktima at mga pamilya nito na maunawaan ang pagmamahal ng Diyos at na ang pagpapagaling ay darating sa pamamagitan ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala (tingnan sa Alma 15:8; 3 Nephi 17:9).

Bagama’t maaaring piliin ng mga miyembro na magbahagi ng impormasyon tungkol sa pang-aabuso o panghahalay, hindi dapat masyadong patuunan ng mga lider ang mga detalye nito. Maaaring makasama ito sa mga biktima.

Dagdag pa sa pagtanggap ng inspiradong tulong mula sa mga lider ng Simbahan, maaaring mangailangan ng professional counseling ang mga biktima, at kanilang mga pamilya. Para sa impormasyon, tingnan ang 31.3.6.

38.6.18.3

Mga Membership Council

Maaaring kailanganing magdaos ng isang membership council para sa tao na nanghalay o nang-abuso ng isang tao. Kailangang magdaos ng isang membership council kung ang isang miyembro ay nanggahasa o nahatulang maysala sa paggawa ng iba pang uri ng sexual assault o panghahalay.

38.6.20

Pagpapakamatay

Ang buhay sa lupa ay isang mahalagang kaloob mula sa Diyos—isang kaloob na dapat pahalagahan at protektahan. Ang Simbahan ay lubos na sumusuporta sa mga pagsisikap na mapigilan ang pagpapakamatay.

Karamihan sa mga taong nakapag-isip na magpakamatay ay nagnanais na makahanap ng lunas sa nadarama nilang pisikal, mental, emosyonal, at espirituwal na pasakit. Ang gayong mga indibiduwal ay nangangailangan ng pagmamahal, tulong, at suporta mula sa mga kapamilya, lider ng Simbahan, at mga kwalipikadong propesyonal.

Ang bishop ay nagbibigay ng espirituwal na suporta kung ang miyembro ay nag-iisip o sinubukang magpakamatay. Kaagad din niyang tutulungan ang miyembro na makakuha ng propesyonal na tulong.

Sa kabila ng lahat ng pagsisikap ng mga mahal sa buhay, mga lider, at mga propesyonal, ang pagpapakamatay ay hindi palaging mapipigilan. Ito ay nag-iiwan ng malalalim na sugat sa puso, emosyonal na pagkabagabag, at mga hindi masagot-sagot na mga katanungan para sa mga mahal sa buhay at iba pa. Dapat payuhan at panatagin ng mga lider ang pamilya. Sila ay nangangalaga at sumusuporta.

Hindi tama para sa isang tao na kitilin ang sarili niyang buhay. Gayunman, tanging ang Diyos lamang ang may kakayahang humatol sa mga iniisip, ginagawa, at antas ng pananagutan ng tao (tingnan sa 1 Samuel 16:7; Doktrina at mga Tipan 137:9).

Ang mga nawalan ng mahal sa buhay dahil sa pagpapakamatay ay makahahanap ng pag-asa at pagpapagaling kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala.

38.6.23

Mga Transgender na Indibiduwal

Ang mga transgender na indibiduwal ay nahaharap sa kumplikadong mga hamon. Ang mga miyembro o hindi miyembro na nagsasabing sila ay transgender—at kanilang mga pamilya at kaibigan—ay dapat na pakitunguhan nang may pag-unawa, kabaitan, pagkahabag, at saganang pag-ibig na tulad ng kay Cristo. Lahat ay malugod na tinatanggap para dumalo sa sacrament meeting, iba pang mga miting sa araw ng Linggo, at mga pagtitipon ng Simbahan (tingnan sa 38.1.1).

Ang kasarian ay mahalagang bahagi ng plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit. Ang nilayong kahulugan ng kasarian sa pahayag tungkol sa pamilya ay ang biological na kasarian noong isinilang. May mga taong nakararanas ng hindi magandang damdamin dahil nadarama nilang hindi tugma ang kanilang biological na kasarian at ang kanilang kinikilalang kasarian. Dahil dito, maaari nilang masabi na sila ay transgender. Ang Simbahan ay walang posisyon patungkol sa dahilan kung bakit nasasabi ng mga tao na sila ay transgender.

Karamihan sa mga aktibidad sa Simbahan at ilang mga ordenansa ng priesthood ay walang kinikilalang kasarian. Ang mga transgender na tao ay maaaring mabinyagan at makumpirma tulad ng nakasaad sa 38.2.8.10. Maaari din silang makibahagi sa sakramento at tumanggap ng mga basbas ng priesthood. Gayunman, ang pag-orden sa priesthood at mga ordenansa sa templo ay tinatanggap ayon sa biological na kasarian noong isinilang.

Ang mga lider ng Simbahan ay nagpapayo laban sa prosesong medikal o operasyon para baguhin ang biological na kasarian ng isang tao noong siya ay isinilang (“sex reassignment”). Nagpapaalala ang mga lider na ang paggawa ng mga ito ay magiging dahilan para magkaroon ng mga restriksyon sa pagkamiyembro sa Simbahan.

Ang mga lider ay nagpapayo rin laban sa social transitioning. Kabilang sa social transitioning ang pagpapalit ng kasuotan o hitsura, o pagpapalit ng ginagamit na pangalan o mga panghalip ng isang tao para mailahad ang kanyang sarili na iba ang kasarian kaysa sa biological na kasarian niya noong siya ay isinilang. Nagpapaalala ang mga lider na ang gumagawa ng social transitioning ay makararanas ng ilang mga restriksyon sa pagkamiyembro sa Simbahan sa panahon na nagaganap ang social transitioning na ito.

Kabilang sa mga restriksyon ang hindi pagtanggap at paggamit ng priesthood, hindi pagtanggap o paggamit ng temple recommend, at hindi pagtanggap ng ilang mga calling sa Simbahan. Bagama’t may restriksyon sa ilang mga pribilehiyo ng pagiging miyembro ng Simbahan, malugod na tinatanggap ang iba pang pakikibahagi sa Simbahan.

Kung ang isang miyembro ay nagpasiya na palitan ang kanyang gagamiting pangalan o panghalip, ang mga ito ay ilalagay sa membership record sa ilalim ng field ng gagamiting pangalan. Ang taong ito ay maaaring tawagin sa pangalang ito sa ward.

Ang mga sitwasyon ay magkakaiba para sa bawat unit at para sa bawat tao. Sumasangguni ang mga lider sa isa’t isa at sa Panginoon. Tutulungan ng mga Area Presidency ang mga lokal na lider na maingat na matugunan ang bawat sitwasyon. Sumasangguni ang mga bishop sa stake president. Ang mga stake president at mission president ay dapat humingi ng payo mula sa Area Presidency (tingnan sa 32.6.3).

38.7

Mga Patakaran Tungkol sa Medisina at Kalusugan

38.7.2

Libing at Cremation

Ang pamilya ng taong namatay ang nagpapasiya kung ang kanyang katawan ay ililibing o ike-cremate. Iginagalang nila ang mga kahilingan ng tao.

Sa ilang bansa, ipinag-uutos ng batas ang cremation. Sa ibang mga sitwasyon, hindi praktikal o hindi kayang bayaran ng pamilya ang paglilibing. Sa lahat ng sitwasyon, ang katawan ay dapat pangasiwaan nang may paggalang at pagpipitagan. Dapat tiyakin sa mga miyembro na palaging naaangkop ang kapangyarihan ng Pagkabuhay na Mag-uli (tingnan sa Alma 11:42–45).

Kung maaari, ang katawan ng isang miyembrong yumao na tumanggap ng endowment ay dapat suotan ng ceremonial temple clothing kapag ito ay ililibing o ike-cremate na (tingnan sa 38.5.8).

38.7.3

Mga Batang Namatay Bago Isinilang (Mga Stillborn at Nalaglag na Bata)

Maaaring piliin ng mga magulang na magdaos ng memorial o graveside service.

Hindi na kailangang isagawa ang mga ordenansa sa templo para sa mga batang namatay bago isilang. Hindi nito tinatanggihan ang posibilidad na ang mga batang ito ay maaaring maging bahagi ng pamilya sa kawalang-hanggan. Ang mga magulang ay hinihikayat na magtiwala sa Panginoon at hingin ang Kanyang kapanatagan.

38.7.4

Euthanasia

Ang buhay ng tao sa mundong ito ay sagradong kaloob mula sa Diyos. Ang euthanasia ay sadyang pagwakas sa buhay ng isang taong nagdurusa dahil sa sakit na walang lunas o iba pang mga kalagayan. Ang isang tao na nakikilahok sa euthanasia, kabilang na ang pagtulong sa isang tao na magpakamatay, ay lumalabag sa mga kautusan ng Diyos at maaaring labag sa mga lokal na batas.

Ang pagpapatigil o hindi paggamit ng labis-labis na life support para sa isang tao na nasa dulo na ng kanyang buhay ay hindi itinuturing na euthanasia (tingnan sa 38.7.11).

38.7.5

Pagkakaroon ng HIV at AIDS

Ang mga miyembro na mayroong impeksyon na HIV (human immunodeficiency virus) o may AIDS (acquired immunodeficiency syndrome) ay dapat na tanggapin sa mga miting at aktibidad ng Simbahan. Ang kanilang pagdalo ay hindi naghahatid ng panganib sa kalusugan ng ibang tao.

38.7.8

Pangangalagang Medikal at Pangkalusugan

Ang paghingi ng mapagkakatiwalaan na tulong medikal, pagsampalataya, at pagtanggap ng mga basbas ng priesthood ay magkakasamang nakatutulong para sa paggaling, ayon sa kalooban ng Panginoon.

Ang mga miyembro ay hindi dapat gumamit o magtaguyod ng mga pamamaraang medikal o pangkalusugan na kaduda-duda sa etika, sa espirituwal, at sa batas. Ang mga may problema sa kalusugan ay dapat na kumonsulta sa mapagkakatiwalaang mga propesyonal sa larangan ng medisina na may lisensya sa lugar kung saan sila nagbibigay ng serbisyo.

38.7.9

Medical Marijuana

Ang Simbahan ay hindi sumasang-ayon sa paggamit ng marijuana para sa mga layuning hindi pangmedisina. Tingnan sa 38.7.14.

38.7.11

Pagpapahaba ng Buhay (Kabilang ang Life Support)

Hindi dapat madama ng mga miyembro na obligasyon nilang magdugtong ng buhay sa labis-labis na paraan. Ang mga desisyong ito ay pinakamainam na magagawa ng tao, kung posible, o ng kanyang mga kapamilya. Sila ay dapat humingi ng mapagkakatiwalaan na payong medikal at ng patnubay ng Diyos sa pamamagitan ng panalangin.

38.7.13

Pagpapabakuna

Ang mga bakunang ibinibigay ng mapagkakatiwalaang mga propesyonal sa larangan ng medisina ay nagpoprotekta sa kalusugan at nagpapanatili ng buhay. Ang mga miyembro ng Simbahan ay hinihikayat na alagaan ang kanilang mga sarili, mga anak, at komunidad sa pamamagitan ng pagpapabakuna.

Sa huli, ang mga indibiduwal ay responsableng gumawa ng sarili nilang mga desisyon tungkol sa pagpapabakuna. Kung ang mga miyembro ay may mga tanong o pag-aalala, dapat silang sumangguni sa mga propesyonal sa larangan ng medisina at hingin din ang patnubay ng Espiritu Santo.

38.7.14

Word of Wisdom at mga Gawaing Pangkalusugan

Ang Word of Wisdom ay isang kautusan ng Diyos. Nilinaw ng mga propeta na ang mga turo sa Doktrina at mga Tipan 89 ay kinabibilangan ng hindi paggamit ng tabako, matatapang na inumin (alak), at maiinit na inumin (tsaa at kape).

May iba pang mapaminsalang mga sangkap at kaugaliang hindi tinukoy sa Word of Wisdom o ng mga lider ng Simbahan. Ang mga miyembro ay dapat na maging matalino at maging mapanalangin sa mga gagawing pagpili para itaguyod ang kanilang pisikal, espirituwal, at emosyonal na kalusugan.

38.8

Mga Patakaran sa Pangangasiwa

38.8.1

Pag-aampon at Foster Care

Ang pag-aampon ng mga anak at pagbibigay ng foster care ay maaaring maging pagpapala sa mga anak at mga pamilya. Maaaring makabuo ng mga mapagmahal at walang-hanggang pamilya sa pamamagitan ng pag-aampon. Ang mga anak ay natatanging mga pagpapala, sila man ay inampon o isinilang sa isang pamilya.

Ang mga miyembro na nagnanais na mag-ampon ng mga anak o magbigay ng foster care ay dapat tiyakin na masusunod nila ang lahat ng naaangkop na batas ng mga bansa at pamahalaan na may kinalaman dito.

38.8.4

Mga Autograph (Lagda) at Retrato ng mga General Authority, General Officer, at Area Seventy

Ang mga miyembro ng Simbahan ay hindi dapat hilingin ang mga autograph o lagda ng mga General Authority, General Officer, o Area Seventy. Ang paggawa nito ay inilalayo sila mula sa kanilang sagradong tungkulin at sa diwa ng pagpupulong. Maaaring makahadlang din ito sa kanila na batiin ang iba pang mga miyembro.

Hindi dapat kunan ng retrato ng mga miyembro ang mga General Authority, General Officer, o Area Seventy sa mga sacrament hall.

38.8.7

Mga Magasin ng Simbahan

Kabilang sa mga magasin ng Simbahan ang:

Hinihikayat ng Unang Panguluhan ang lahat ng miyembro na basahin ang mga magasin ng Simbahan. Ang mga magasin ay makatutulong sa mga miyembro na matutuhan ang ebanghelyo ni Jesucristo, pag-aralan ang mga turo ng mga buhay na propeta, magkaroon ng kaugnayan sa pandaigdigang pamilya ng Simbahan, harapin ang mga hamon nang may pananampalataya, at mas mapalapit sa Diyos.

38.8.8

Pangalan, Wordmark, at Simbolo ng Simbahan

Wordmark at simbolo ng Simbahan

Ang pangalan, wordmark, at simbolo ng Simbahan ay ang mga pangunahing pagkakakilanlan ng Simbahan.

Wordmark at simbolo. Ang wordmark at simbolo ng Simbahan (tingnan ang larawan sa itaas) ay dapat gamitin ayon lamang sa pahintulot ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol. Hindi maaaring gamitin ang mga ito bilang palamuti. Hindi rin maaaring gamitin ang mga ito sa anumang personal, komersyal, o promosyonal na paraan.

38.8.10

Mga Computer

Ang mga computer at software na ginagamit sa mga meetinghouse ng Simbahan ay inilaan at pinamamahalaan ng headquarters ng Simbahan o ng area office. Ginagamit ng mga lider at miyembro ang kagamitang ito para suportahan ang mga layunin ng Simbahan, kabilang na ang gawain sa family history.

Lahat ng software sa mga computer na ito ay dapat may wastong lisensya para sa paggamit sa Simbahan.

38.8.12

Mga Materyal para sa Kurikulum

Ang Simbahan ay naglalaan ng mga materyal upang matulungan ang mga miyembro na matutuhan at ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo. Kabilang sa mga ito ang mga banal na kasulatan, mensahe sa pangkalahatang kumperensya, magasin, manwal, aklat, at iba pang mga resource. Hinihikayat ng mga lider ang mga miyembro na gamitin ang mga banal na kasulatan at iba pang mga resource kung kinakailangan upang pag-aralan ang ebanghelyo sa tahanan.

38.8.14

Pananamit at Kaanyuan

Ang mga miyembro ng Simbahan ay hinihikayat na magpakita ng paggalang sa kanilang katawan sa pamamagitan ng kanilang mga pagpili ng angkop na pananamit at kaanyuan. Ang pamantayan ng naaangkop na pananamit at kaanyuan ay magkakaiba ayon sa kultura at sitwasyon.

38.8.16

Araw ng Pag-aayuno

Ang mga miyembro ay maaaring mag-ayuno anumang oras. Gayunman, karaniwan nilang itinatalaga bilang araw ng pag-aayuno ang unang Sabbath ng bawat buwan.

Ang isang araw ng pag-aayuno ay karaniwang kinabibilangan ng pananalangin, hindi pagkain at pag-inom sa loob ng 24 na oras (kung kaya ng katawan), at pagbibigay ng bukas-palad na handog-ayuno. Ang handog-ayuno ay isang donasyon para matulungan ang mga nangangailangan (tingnan sa 22.2.2).

Kung minsan ay may mga miting para sa buong Simbahan o mga lokal na miting na ginaganap sa unang Sabbath ng buwan. Kapag nangyari ito, ang stake president ay pipili ng isa pang araw ng Sabbath na gagawing araw ng pag-aayuno.

38.8.17

Pagsusugal at mga Lotto

Ang Simbahan ay hindi sumasang-ayon at nagpapayo laban sa pagsusugal sa anumang uri nito. Kabilang dito ang pagtataya sa mga laro ng isports at mga loterya na itinataguyod ng pamahalaan.

38.8.19

Pandarayuhan

Ang mga miyembrong nananatili sa kanilang sariling bayan ay kadalasang may mga pagkakataong patatagin at palakasin ang Simbahan doon. Gayunman, ang pandarayuhan sa ibang bansa ay personal na desisyon.

Ang mga miyembrong lilipat sa ibang bansa ay dapat na sundin ang lahat ng naaangkop na batas (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 58:21).

Ang mga missionary ay hindi dapat mag-alok ng tulong para sa pandarayuhan ng iba.

38.8.22

Mga Batas ng Bansa

Dapat sundin, igalang, at itaguyod ng mga miyembro ang mga batas sa alinmang bansa kung saan sila naninirahan o naglalakbay (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 58:21–22; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:12). Kabilang dito ang mga batas na nagbabawal sa pagtuturo ng ebanghelyo sa ibang tao.

38.8.25

Pakikipag-ugnayan ng mga Miyembro sa Headquarters ng Simbahan

Ang mga miyembro ng Simbahan ay hindi hinihikayat na tumawag, mag-email, o magpadala ng liham sa mga General Authority tungkol sa mga tanong sa doktrina, personal na mga hamon, o kahilingan. Ang mga miyembro ay hinihikayat na lumapit sa kanilang mga lokal na lider, kabilang na ang kanilang Relief Society president o elders quorum president, kapag naghahangad sila ng espirituwal na patnubay (tingnan sa 31.3).

38.8.27

Mga Miyembrong May Kapansanan

Ang mga lider at miyembro ay hinihikayat na tugunan ang mga pangangailangan ng lahat ng nakatira sa mga hangganan ng kanilang unit. Ang mga miyembrong may kapansanan ay pinahahalagahan at maaari silang makatulong sa mga makabuluhang paraan. Ang mga kapansanan ay maaaring sa intelektuwal o pag-iisip, pakikipagkapwa, emosyonal, o pisikal.

38.8.29

Ibang mga Relihiyon

Maraming bagay na nagbibigay-inspirasyon, marangal, at karapat-dapat sa pinakamataas na paggalang ang matatagpuan sa maraming iba pang relihiyon. Ang mga missionary at iba pang mga miyembro ay dapat maging sensitibo at magalang sa mga paniniwala at tradisyon ng iba.

38.8.30

Aktibidad na Pampulitika at Panlipunan

Ang mga miyembro ng Simbahan ay hinihikayat na makibahagi sa mga gawaing pampulitika at pamahalaan. Sa maraming bansa, maaaring kabilang dito ang:

  • Pagboto.

  • Pagsali o paglilingkod sa mga partidong pampulitika.

  • Pagbibigay ng suportang pinansiyal.

  • Pakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng partido at mga kandidato.

  • Paglilingkod sa inihalal o hinirang na katungkulan sa lokal at pambansang pamahalaan.

Hinihikayat din ang mga miyembro na makibahagi sa karapat-dapat na mga gawain na naglalayong gawin ang kanilang mga komunidad na mabuting lugar kung saan maaaring mamuhay at magtaguyod ng mga pamilya.

Hindi dapat iorganisa ng mga lokal na lider ng Simbahan ang mga miyembro para makibahagi sa mga bagay na pampulitika. Hindi rin dapat tangkain ng mga lider na impluwensyahan kung paano makikilahok ang mga miyembro.

Dapat iwasan din ng mga lider at miyembro na magbigay ng pahayag o gumawa ng pagkilos na maaaring mabigyang-kahulugan na ineendorso ng Simbahan ang anumang partidong pampulitika, plataporma, patakaran, o kandidato.

38.8.31

Privacy ng mga Miyembro

Ang mga lider ng Simbahan ay may obligasyong protektahan ang privacy ng mga miyembro. Ang mga talaan ng Simbahan, direktoryo, at katulad na materyal ay hindi maaaring gamitin para sa personal, komersyal, o pulitikal na layunin.

38.8.35

Mga Refugee

Bilang bahagi ng kanilang responsibilidad na pangalagaan ang mga nangangailangan (tingnan sa Mosias 4:26), inilalaan ng mga miyembro ng Simbahan ang kanilang panahon, mga talento, at pagkakaibigan upang tanggapin ang mga refugee bilang mga miyembro ng kanilang komunidad.

38.8.36

Mga Kahilingan para sa Tulong Pinansyal mula sa Simbahan

Ang mga miyembrong nangangailangan ay hinihikayat na kausapin ang kanilang bishop sa halip na kontakin ang headquarters ng Simbahan o humiling ng pera mula sa iba pang mga lider o miyembro ng Simbahan.