1 Juan 1–5
“Ang Diyos ay Pag-ibig”
Paano naimpluwensyahan ng pagmamahal ang iyong buhay? Bakit kailangan nating lahat na makadama ng pagmamahal, lalo na ang pagmamahal ng Diyos? Sumulat si Apostol Juan sa mga Banal na nalilihis ng mga maling turo. Nagtuon siya sa pagmamahal ng Diyos sa mga Banal at kung paano nakikita ang pagmamahal na ito sa pamamagitan ng nakapagliligtas na misyon ni Jesucristo. Layunin ng lesson na ito na tulungan kang madama ang pagmamahal ng Diyos para sa iyo.
Ang Diyos ay …
Sa iyong study journal, isulat ang pariralang “Ang Diyos ay …” Magsulat ng maraming paraan na maiisip mo upang makumpleto nang tumpak ang pahayag na ito. Halimbawa, maaari mong isulat ang “Ang Diyos ay nalalaman ang lahat ng bagay” o “Ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat.”
Basahin ang 1 Juan 4:8, 16 , at hanapin kung paano inilarawan ni Juan ang Diyos.
-
Ano ang nahanap mo?
-
Sa iyong palagay, bakit mailalarawan ang Diyos bilang pag-ibig?
Isa sa mga katangiang naglalarawan sa Diyos ay ang pagmamahal Niya sa atin. Isipin ang mga sumusunod na tanong:
-
Nadarama mo bang personal kang minamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo? Bakit oo o bakit hindi?
-
Naniniwala ka ba na kilala ka Nila at alam Nila ang iyong mga personal na tagumpay at paghihirap? Bakit oo o bakit hindi?
-
Ano ang mga paraan na naipakita o maipapakita Nila ang pagmamahal Nila sa iyo?
Sa pag-aaral mo ng sulat ni Juan, alamin ang mga katotohanan na maaaring makatulong sa iyo na masagot ang mga tanong na ito. Pagnilayan din kung paano makagagawa ng kaibahan sa iyong buhay ang pag-unawa at pagdama sa pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo para sa iyo.
Mga turo ni Juan tungkol sa pagmamahal ng Diyos
Malamang na isinulat ni Juan ang kanyang mga sulat mula AD 80 hanggang AD 100 mula sa Efeso. Ang ilang miyembro ng Simbahan ay sumunod sa mga paniniwala ng isang grupo na tinatawag na mga Gnostic. Itinuro ng grupong ito na si Jesus ay walang pisikal na katawan at na dumating ang kaligtasan sa pamamagitan ng espesyal na kaalaman sa halip na sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo. Pinabulaanan ni Juan ang mga maling doktrinang ito sa pamamagitan ng pagtuturo ng ilang mahahalagang tema, kabilang na kung paano ipinakita ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang Kanilang ganap na pag-ibig sa pamamagitan ng buhay, Pagbabayad-sala, at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas (tingnan sa 1 Juan 1:1–3 ; 3:16 ; 4:9–10).
1. Gawin ang sumusunod:
Basahin ang 1 Juan 4:19 , at maaari mong markahan kung bakit mahal natin ang Diyos, ayon kay Juan.
Sa iyong study journal, magdrowing ng malaking puso. Sa gitna ng puso, isulat ang “Alam kong mahal ako ng Ama sa Langit at ni Jesucristo dahil …” Mag-iwan ng sapat na espasyo para sulatan ng mga reperensya at parirala ng banal na kasulatan. Pagnilayan kung paano “unang umibig sa atin” ang Ama sa Langit at si Jesucristo.
Basahin ang mga sumusunod na scripture passage. Hanapin at markahan ang mga parirala na nagpapakita ng pagmamahal sa iyo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Isulat ang mga pariralang iyon kasama ang mga kaugnay na reperensyang banal na kasulatan ng mga ito sa loob ng puso.
1 Juan 2:1–2 (Tandaan: Ang tagapagtanggol ay isang taong nagsusumamo para sa atin, nagbibigay ng kapanatagan, at sumusuporta sa atin. Ang ibig sabihin ng kabayaran ay pagbabayad-salang sakripisyo na tumutugon sa katarungan ng Diyos.)
Rebyuhin ang mga parirala at reperensyang minarkahan at isinulat mo. Piliin ang pariralang pinakamakabuluhan sa iyo, at kumpletuhin ang dalawa o tatlo sa mga sumusunod:
-
Ipaliwanag kung paano naging makabuluhan sa iyo ang pariralang napili mo.
-
Kung maaari, ilarawan ang isang karanasan kung saan nadama mo ang pagmamahal ng Ama sa Langit o ni Jesucristo sa ganoong paraan. Maaari ka ring magbahagi ng halimbawa mula sa mga banal na kasulatan, isang video ng Simbahan, o mensahe sa pangkalahatang kumperensya. (Upang makakita ng halimbawa, maaari mong panoorin ang mensahe ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol na “Upang Mahikayat Ko ang Lahat ng Tao na Lumapit sa Akin” mula sa time code na 7:32 hanggang 9:14.)
Ilarawan kung paano nakagawa, gumagawa, o makagagawa ng kaibahan sa iyong buhay ang pag-alam sa katotohanan ng pariralang ito. Maaari mong idagdag ang iyong personal na patotoo tungkol sa pagmamahal ng Diyos.
Maaari mong ibahagi ang journal entry na ito sa mga kaibigan at kapamilya o maging sa social media.
Pagnilayan ang natutuhan mo habang binabasa mo ang sumusunod na pahayag ni Elder Robert C. Gay ng Pitumpu tungkol sa kapangyarihan ng pagmamahal ng Diyos:
Ang Kanyang pagmamahal ay higit kaysa sa nadarama nating takot, sugat, adiksyon, pag-aalinlangan, mga tukso, mga kasalanan, ating wasak [na] mga pamilya, depresyon at pagkabalisa, paulit-ulit na sakit, kahirapan, pang-aabuso, kawalan ng pag-asa, at kalungkutan. Nais Niyang malaman ng lahat na walang sinuman ang hindi Niya mapapagaling at mapagkakalooban ng walang hanggang kagalakan.
(Robert C. Gay, “Taglayin sa Ating Sarili ang Pangalan ni Jesucristo,” Liahona, Nob. 2018, 99)
-
Ano ang pinakamahalaga sa iyo sa pahayag na ito? Bakit?
Pagdama sa pagmamahal ng Diyos
Ipagpalagay na para sa isang kakilala mo, hindi niya nadama ang pagmamahal ng Diyos o hindi niya ito napapansin nang napakadalas. Pag-isipan ang natutuhan mo ngayon, pati na rin ang mga sarili mong personal na karanasan.
-
Ano ang maaari mong ibahagi sa kanya na maaaring makatulong sa kanya na madama ang pagmamahal ng Diyos?
Sa mga susunod na lesson, pag-aaralan mo ang karagdagang turo ni Juan tungkol sa kung paano natin maipapakita ang ating pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, kabilang na ang pagsunod sa Kanilang mga utos at pagmamahal sa isa’t isa.
Hingin ang tulong ng Ama sa Langit at pakinggan at damhin ang mga pahiwatig mula sa Kanya sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Mag-isip ng mga paraan na matatamo o matatanggap mo ang pagmamahal ng Diyos at kung paano mo mapapansin nang mas madalas ang Kanyang pagmamahal sa iyong buhay. Pag-isipang mabuti kung paano makadaragdag sa kagalakang nararanasan mo sa iyong buhay ang tuloy-tuloy na paggawa nito.
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Paano makakaimpluwensya sa ating buhay ang pagkilala at pagdama sa pagmamahal ng Diyos?
Habang naglilingkod bilang miyembro ng Pitumpu, ipinaliwanag ni John H. Groberg:
Kapag puspos tayo ng pag-ibig ng Diyos, magagawa at makikita at mauunawaan natin ang mga bagay na hindi natin nagagawa o nakikita o nauunawaan. Kung puspos tayo ng Kanyang pag-ibig, matitiis natin ang sakit, mababawasan ang takot, madaling makapagpapatawad, iiwas sa kaguluhan, mapaninibago ang lakas, at mapagpapala at matutulungan natin ang iba sa paraang ikagugulat natin.
Si Jesucristo ay puspos ng hindi masusukat na pag-ibig habang tinitiis Niya ang di mailarawang sakit, kalupitan, at kawalang-katarungan para sa atin. Dahil sa pag-ibig Niya sa atin, napagtagumpayan Niya ang napakalaking hadlang na iyon. Walang hadlang na hindi makakayanan ng Kanyang pag-ibig. Inaanyayahan Niya tayong sumunod sa Kanya at makibahagi sa Kanyang walang hanggang pag-ibig upang mapagtagumpayan din natin ang sakit at kalupitan at kawalang-katarungan ng mundong ito at tumulong at magpatawad at magpala.
(John H. Groberg, “Ang Kapangyarihan ng Pag-ibig ng Diyos,” Liahona, Nob. 2004, 11)