2 Pedro 1
Pagiging katulad ni Jesucristo
Sumulat si Pedro sa mga disipulo ni Jesucristo na malakas sa kanilang pananampalataya. Nang malapit nang magwakas ang kanyang buhay, ninais ni Pedro na tulungan ang mga Banal na ito na maalala ang mga dakilang pagpapalang ipinangako sa matatapat. Hinikayat niya ang mga Banal na magkaroon ng mga katangian ni Jesucristo. Layunin ng lesson na ito na tulungan kang magsagawa ng mga hakbang upang maging higit na katulad ni Jesucristo.
Mga paisa-isang hakbang na tagumpay
-
Ano ang isang makabuluhang mithiin na gusto mong makamit?
-
Ano ang ginagawa mo upang makamit ang mithiing ito?
Ibinahagi ni Elder Scott D. Whiting ng Pitumpu ang isang aral na natutuhan nilang mag-asawa sa isang karanasan nila habang umaakyat sila sa Mount Fuji sa Japan. Ang aral na natutuhan nila ay maaaring makatulong sa iyo na pagsikapang makamit ang iyong mga mithiin. Maaari mong panoorin ang video na “Pagiging katulad Niya,” na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 2:35 hanggang 3:09, o basahin ang sumusunod na pahayag:
Ilang taon na ang nakalipas, kaming mag-asawa ay nasa bungad ng landas paakyat ng pinakamataas na bundok sa Japan, ang Mount Fuji. Nang nagsimula kaming umakyat tiningala namin ang malayong tuktok at inisip kung mararating ba namin iyon.
Habang umaakyat, naramdaman namin ang pagod, sakit ng kalamnan, at mga epekto ng pagtaas ng altitude. Sa isipan, naging mahalaga na magtuon lang kami sa susunod na hakbang. Sinabi naming, “Maaaring hindi ko marating ang tuktok, pero kaya kong gawin ang susunod na hakbang na ito ngayon.” Sa paglipas ng oras, ang mahirap na gawain ay nakayang gawin—sa paisa-isang hakbang.
(Scott D. Whiting, “Pagiging Katulad Niya,” Liahona, Nob. 2020, 12)
-
Ang halimbawang ito ay maaaring angkop sa pagkamit ng maraming iba’t ibang mithiin. Paano ito makatutulong sa atin na maunawaan ang tungkol sa mithiing maging katulad ni Jesucristo?
Pagnilayan sandali kung ano ang ginawa at ginagawa mo upang maging katulad ni Jesucristo.
-
Ano ang mahirap tungkol sa pagsisikap na maging higit na katulad ni Jesucristo?
-
Ano ang nakatulong sa iyong umunlad sa pagiging higit na katulad ni Jesucristo?
Tandaan na mahalagang ituring ang iyong pag-unlad sa pagiging higit na katulad ni Jesucristo bilang paunti-unti at paisa-isang hakbang na proseso. Sa pag-aaral mo ng lesson na ito, alamin kung ano ang maaari mong gawin sa tulong ng Tagapagligtas upang magawa ang susunod na hakbang.
Banal na katangian
Sa isang liham sa mga miyembro ng Simbahan na may pananampalataya na kay Jesucristo, ipinahayag ni Apostol Pedro ang kanyang hangarin na matanggap nila ang mga pagpapala ng pagkilala sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at sa Kanilang banal na katangian.
Basahin ang 2 Pedro 1:2–4, at alamin ang mga pagpapalang maaaring dumating sa atin sa pamamagitan ng kaalamang ito.
-
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “maging kabahagi kayo sa likas ng Diyos”? (2 Pedro 1:4).
Ang bawat isa sa atin ay may banal na katangian dahil ang bawat isa sa atin ay “minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” ChurchofJesusChrist.org). Matutulungan tayo ni Jesucristo na magkaroon ng mga katangiang katulad ng kay Cristo at dalisayin ang mga ito habang nagsisikap tayong tularan ang Kanyang perpektong halimbawa at magtiwala sa Kanya upang tulungan tayong magbago.
Pagkakaroon ng mga katangiang tulad ng kay Cristo
Ang paglalakbay patungo sa pagkakaroon ng mga katangiang tulad ng kay Cristo ay maaaring magsimula sa simpleng unang hakbang ng pagpili ng isang katangian at pag-aaral pa ng tungkol dito. Simulan ang paglalakbay na ito ngayon sa pamamagitan ng pagpili ng isa sa mga katangiang nakalista sa 2 Pedro 1:5–7 at nakasulat sa iyong diagram na bundok.
Ang isang paraan na matututuhan mo pa ang tungkol sa katangiang pinili mo ay sa pamamagitan ng paggamit ng Gabay sa mga Banal na Kasulatan o ng search function sa Gospel Library upang maghanap ng mga banal na kasulatan o pahayag na may kaugnayan sa katangiang iyon.
Magsulat sa iyong study journal, at maaari mong markahan ang mahahalagang parirala sa mga banal na kasulatan na babasahin mo.
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Ano ang kailangang gawin upang magkaroon ako ng mga katangiang tulad ng kay Cristo?
Ipinaliwanag ni Elder Scott D. Whiting ng Pitumpu:
Para makakita ng tunay na pag-unlad, kailangan mo ng patuloy na pagsisikap. Tulad ng pag-akyat sa bundok na kailangan ng paghahanda, at gayundin ng katatagan at sigasig habang umaakyat, kailangan din ang pagsisikap at sakripisyo sa paglalakbay na ito. Ang tunay na Kristi[y]anismo, kung saan sinisikap nating maging higit na katulad ng ating Panginoon, ay palaging nangangailangan ng ating pinakamainam na pagsisikap. …
Alam ko na ang pagiging katulad Niya sa pamamagitan ng Kanyang banal na tulong at lakas ay kayang maabot sa pamamagitan ng paisa-isang hakbang. Dahil kung hindi, hindi na Niya ibinigay ang utos na ito [tingnan sa 1 Nephi 3:7].
(Scott D. Whiting, “Pagiging Katulad Niya,” Liahona, Nob. 2020, 14)
Ano ang mangyayari kapag sinisikap kong taglayin ang mga katangiang tulad ng kay Cristo?
Ipinaliwanag ni Elder Robert D. Hales (1932–2017) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang mga katangian ng Tagapagligtas, sa pagkaunawa natin sa mga ito, ay hindi isang iskrip na susundan o listahan ng mga gagawin. Ang mga ito ay mahahalagang katangian, na nadagdag sa bawat isa, na magkakaugnay na nalilinang sa atin. Sa madaling salita, hindi natin matataglay ang isang katangian ni Cristo nang hindi rin napapasaatin at napapalakas ang iba pang mga katangian. Kapag lumakas ang isang katangian, lumalakas din ang iba pa.
(Robert D. Hales, “Pagiging Disipulo ng Ating Panginoong Jesucristo,” Liahona, Mayo 2017, 46)
Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Tutulungan tayo ng Tagapagligtas sa buong paglalakbay natin sa mortalidad—mula sa pagiging masama tungo sa pagiging mabuti at mas mabuti pa at babaguhin ang ating pag-uugali.
(David A. Bednar, “Ang Pagbabayad-sala at ang Paglalakbay sa Mortalidad,” Liahona, Abr. 2012, 14)