1 Pedro 2–3
“Kayo’y Isang Lahing Pinili”
Naitanong na ba sa iyo kung bakit ka naniniwala sa ilang partikular na katotohanan ng ebanghelyo? Hinikayat ni Apostol Pedro ang mga Banal na laging maghandang magpatotoo tungkol sa katotohanan at ipinaalala niya sa kanila ang kanilang banal na pamana (tingnan sa 1 Pedro 2:9 ; 3:15). Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan ang kahalagahan ng pagiging tapat na halimbawa ni Jesucristo at nagbibigay ito ng mga pagkakataong magsanay sa pagtugon sa iba tungkol sa iyong pananampalataya.
Mga salitang naglalarawan sa mga tagasunod ni Jesucristo
-
May nakapansin na ba na iba ang ginagawa mo dahil isa kang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw?
-
Ano ang mga karanasan mo rito?
-
Ano ang nadarama mo tungkol sa pagiging naiiba sa marami pang ibang tao sa mundo?
Habang nag-aaral ka ngayon, pagnilayan kung bakit at paano nais ng Panginoon na mamukod-tangi at maging naiiba ang Kanyang mga tagasunod.
Sambayanang pag-aari ng Diyos
Basahin ang 1 Pedro 2:9 , at alamin kung paano inilarawan ni Pedro ang mga Banal sa kanyang panahon.
-
Ano ang pinakamahalaga para sa iyo?
-
Ano ang ipinapahiwatig ng mga salitang ito tungkol sa nadarama ng Ama sa Langit tungkol sa iyo?
Ngayon, ang pariralang pag-aari ng Diyos ay kadalasang nangangahulugang “naiiba” o “natatangi.” Bagama’t nais ng Panginoon na maiba ang Kanyang mga tagasunod sa mundo, sa panahon ni Pedro, ang pag-aari ng Diyos ay maaaring may ibang kahulugan.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
Sa Lumang Tipan, ang salitang Hebreo na pinagmulan ng salin ng pag-aari ng Diyos ay segullah, na ibig sabihin ay “mahalagang pag-aari” o “kayamanan.”
Kaya, makikita natin na ang ibig sabihin ng pariralang pag-aari ng Diyos ay “pinahahalagahang kayamanan,” “ginawa,” o “pinili ng Diyos.” Ang pagtukoy sa atin ng mga tagapaglingkod ng Panginoon bilang Kanyang sambayanang pag-aari ng Diyos ay napakagandang papuri.
(Russell M. Nelson, “Children of the Covenant,” Ensign, Mayo 1995, 34)
-
Ano ang nadarama mo ngayong alam mo na itinuturing ka ng Diyos na isang natatangi at pinahahalagahang kayamanan?
Basahin ang 1 Pedro 2:9–12 , at alamin ang mga kabatiran kung paano ka maiiba sa mundo.
-
Ano ang nalaman mo?
-
Ayon sa talata 12 , paano natin maiimpluwensyahan ang iba?
Ang isang katotohanan na matutukoy natin mula sa mga talatang ito ay tinatawag ng Diyos ang Kanyang mga Banal na maging natatangi sa mundo upang makita ng iba ang kanilang halimbawa at luwalhatiin ang Diyos.
Tahimik na pagnilayan ang mga sumusunod na pahayag at i-rate ang iyong sarili mula 1 hanggang 5, kung saan ang 5 ay nangangahulugang lubos kang sumasang-ayon.
1. Madali akong makilala ng iba bilang tagasunod ni Jesucristo.
2. Bilang tagasunod ng Tagapagligtas, ayos lang ako na naiiba ako sa iba pang tao sa mundo.
-
Bakit mahirap kung minsan na maging naiiba sa mga nasa paligid mo?
-
Ano ang ilang bagay na magagawa natin upang matulungan tayong maging mas komportable sa pagiging kakaiba at natatangi sa mundo?
-
Ano ang ilang halimbawa mula sa iyong buhay o sa mga banal na kasulatan na nagpapakita kung paano nakatulong ang pagiging naiiba sa mundo upang mas mapalapit sa Diyos?
Laging maging handa
Isinulat ni Pedro ang kanyang sulat sa panahon ng matinding pag-uusig at apostasiya. Mahirap maging Kristiyano noon, tulad ng maaaring mahirap maging tagasunod ni Jesucristo ngayon. Gayunpaman, matutulungan natin ang iba na madama ang kagalakang dulot ng pamumuhay nang ayon sa ebanghelyo kapag handa tayong ibahagi ang nalalaman at nadarama natin. Gamit ang sumusunod na dalawang pahayag, i-assess ang iyong paghahanda na ibahagi ang iyong pananampalataya sa iba. Gamitin ang parehong scale na 1 hanggang 5.
1. Gusto kong ibahagi ang aking pananampalataya kay Jesucristo at ang patotoo ko sa iba.
2. Tiwala ako sa kakayahan kong ipaliwanag ang aking pananampalataya at sagutin ang mga tanong tungkol sa ebanghelyo ng Tagapagligtas.
Basahin ang 1 Pedro 3:14–15 , at alamin ang payo ni Pedro tungkol sa pagbabahagi ng ating pananampalataya sa iba.
-
Paano mo ibubuod ang mga turo ni Pedro sa sarili mong mga salita?
-
Paano ka binibigyan ng pag-asa ni Jesucristo at ng Kanyang ebanghelyo?
-
Paano mapagpapala ang iba sa pagiging handa at pagnanais na magsalita tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo?
Ang isang epektibong paraan upang “lagi kayong maging handa” ( 1 Pedro 3:15) ay magsanay lang kung paano ka maaaring tumugon sa mga tanong at obserbasyon tungkol sa iyong pag-uugali, mga paniniwala, o sa Simbahan mismo.
1. Kumpletuhin ang mga sumusunod na hakbang o step sa iyong study journal:
Step 1: Pumili ng kahit dalawa sa mga sumusunod na tanong na interesado kang sagutin o isulat ang mga naitanong sa iyo tungkol sa iyong pananampalataya kamakailan.
-
Narinig kong sinabi ng mga tao na “nagliligtas si Jesus.” Ano ang ibig sabihin niyan?
-
Bakit ipinagbabawal ng inyong Simbahan ang pag-inom ng kape at tsaa?
-
Bakit ka gumigising nang maaga upang pumunta sa seminary class?
-
Bakit mahalaga kay Jesucristo kung anong klaseng pananalita ang ginagamit natin? Ano ang kaibahang nagagawa nito?
-
Bakit dapat nating panatilihing banal ang Araw ng Sabbath? Hindi ba’t karaniwang araw lang din ang Linggo?
Step 2: Isipin kung paano mo masasagot ang mga pinili mong tanong, pagkatapos ay sagutin ang bawat isa. Isama ang mga naisip mo tungkol sa kung paano nakakaimpluwensya sa iyong sagot ang iyong pananampalataya at pag-asa kay Jesucristo.
Step 3: Isulat kung bakit sa palagay mo ay mahalagang mamukod-tangi at ibahagi sa iba ang tungkol sa iyong pananampalataya kay Jesucristo. Kung hindi ka nakatitiyak, mapanalanging isipin kung paano mo maihahanda ang iyong sarili para magawa ito.
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
1 Pedro 2:9 . Paano nauugnay ang mga turo ni Pedro sa mga miyembro ng Simbahan sa ating dispensasyon?
Itinuro ni Sister Becky Craven ng Young Women General Presidency:
Hindi natin ibinababa ang ating mga pamantayan para makaakma tayo o mapanatag ang iba. Tayo’y mga disipulo ni Jesucristo, at dahil diyan, tungkulin nating itaas ang iba, iangat sila sa mas mataas at mas banal na lugar kung saan makakaani rin sila ng mas malalaking pagpapala. …
Madali bang makikita ng iba ang Kanyang larawan sa ating mukha at malalaman kung sino ang ating kinakatawan sa maingat nating pamumuhay?
Dahil tayo’y mga tao ng tipan, hindi tayo inaasahang gumaya sa iba sa mundo. Tinawag na tayong “kakaibang mga tao” ( 1 Pedro 2:9)—napakagandang papuri! Habang lalong tinatanggap ng mga impluwensya ng mundo ang kasamaan, masigasig tayong magsikap na manatiling matibay sa landas na ligtas tayong inaakay patungo sa Tagapagligtas, na mas lalong nakatuon sa pagtupad ng ating mga tipan at hindi na gaanong naiimpluwensyahan ng mga opinyon ng mundo.
(Becky Craven, “Maingat Laban sa Kaswal,” Liahona, Mayo 2019, 10)
Paano ako makapaghahanda at makasasagot nang epektibo kapag itinanong ang tungkol sa aking mga paniniwala?
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
Bilang mga alagad ni Jesucristo, bawat isa sa inyo ay maaaring mamuhay ayon sa Kanyang mga turo. Maaari kayong magkaroon ng “dalisay na puso at malinis na mga kamay”; maaaring “ang larawan ng Diyos ay [maukit] sa inyong … mukha.” Makikita ng iba ang inyong mabubuting gawa. Maaaring magningning ang liwanag ng Panginoon sa inyong mga mata. Sa ningning na iyan, makabubuting maghanda kayong matanong. Ipinayo ni Apostol Pedro, “Lagi kayong handa ng pagsagot sa bawa’t tao na humihingi sa inyo ng katuwiran tungkol sa pagasang nasa inyo” ( 1 Pedro 3:15).
Sumagot nang magiliw at masaya. At iangkop ang inyong sagot sa sitwasyon ng taong iyon. Tandaan, siya ay anak din ng Diyos, ang Diyos na iyon na gustung-gustong maging karapat-dapat ang taong iyon para sa buhay na walang hanggan at makabalik sa Kanya balang-araw. Baka kayo mismo ang magbukas ng daan para maligtas siya at maunawaan niya ang doktrina ni Cristo.
(Russell M. Nelson, “Maging Uliran ng mga Nagsisisampalataya,” Liahona, Nob. 2010, 48)