1 Pedro 3:18–22; 4:1–6
Ang Gawain ng Kaligtasan para sa mga Patay
Ano ang mangyayari sa bilyun-bilyong anak ng Ama sa Langit na nabuhay at namatay nang walang pagkakataong marinig ang tungkol kay Jesucristo o tanggapin ang mga awtorisadong ordenansa sa Kanyang pangalan? Itinuro ni Apostol Pedro na ipinangaral ni Jesucristo ang ebanghelyo sa daigdig ng mga espiritu pagkatapos ng Kanyang kamatayan, kaya natatanggap ng lahat ng anak ng Ama sa Langit ang mga pagpapala ng ebanghelyo. Ang lesson na ito ay tutulong sa iyong tumuklas ng mga paraan upang matulungan ang Tagapagligtas sa Kanyang gawain ng pagtubos sa mga patay.
Isang nakalilitong tanong
Sinabi ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Matagal nang pinag-iisipan ng [mga iskolar] na teologong Kristiyano ang tanong na, Ano ang maaaring maging tadhana ng bilyun-bilyong nabuhay at namatay nang walang alam tungkol kay Jesus?
(D. Todd Christofferson, “The Redemption of the Dead and the Testimony of Jesus,” Ensign, Nob. 2000, 9)
-
Paano ka sasagot sa isang tao na magtatanong sa iyo nito?
Nagpatuloy si Elder Christofferson:
Kaakibat ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo ay dumating ang kaalaman kung paano natutubos ang mga patay na hindi nabinyagan at paanong ang Diyos ay “isang ganap, makatarungang Diyos, at isa ring maawaing Diyos” [Alma 42:15].
(D. Todd Christofferson, “The Redemption of the Dead and the Testimony of Jesus,” 9)
Ang Tagapagligtas sa daigdig ng mga espiritu
Bagama’t ang kaalaman tungkol sa kaligtasan para sa mga patay ay ipinanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, naglalaman ang Biblia ng mga passage na nagpapakita sa atin na naunawaan at itinuro ng mga naunang Apostol ang mga katotohanang iyon. Halimbawa, itinuro ni Apostol Pedro ang ginawa ni Jesucristo para sa mga namatay nang walang kaalaman tungkol sa ebanghelyo.
Basahin ang 1 Pedro 3:18–20; 4:6 upang makita kung ano ang itinuro ni Pedro tungkol sa kung paano ipinagpatuloy ni Jesucristo ang Kanyang gawain na iligtas ang mga anak ng ating Ama sa Langit, kahit pagkatapos ng Kanyang kamatayan. Pansinin kung paano naiiba ang mga talatang ito sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia (tingnan sa 1 Pedro 3:20, at 1 Pedro 4:6).
-
Ano ang itinuturo sa iyo ng mga talatang ito tungkol sa ministeryo ng Tagapagligtas sa daigdig ng mga espiritu?
-
Ayon sa 1 Pedro 4:6, bakit ipinangangaral ang ebanghelyo sa mga patay?
-
Paano ipinapakita ng doktrina ng kaligtasan para sa mga patay ang pagmamahal at pagkahabag ng Diyos para sa Kanyang mga anak?
Makabagong paghahayag tungkol sa daigdig ng mga espiritu
Ang makabagong paghahayag ay makatutulong sa atin na matutuhan pa ang tungkol sa ginawa ng Tagapagligtas habang Siya ay nasa daigdig ng mga espiritu.
Nang basahin at pagnilayan ni Pangulong Joseph F. Smith (1838–1918) ang mga talata ring ito sa 1 Pedro, nakatanggap siya ng pangitain tungkol sa ministeryo ng Tagapagligtas sa mga patay. Ang paghahayag na ito ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 138 at may mga kasamang detalye na hindi alam noon ng mga miyembro ng Simbahan. Maaari kang sumulat ng cross-reference o iugnay ang 1 Pedro 4:6 sa Doktrina at mga Tipan 138 sa iyong mga banal na kasulatan.
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 138:29–34, 57–58, at maghanap ng mga karagdagang kaalaman tungkol sa ministeryo ng Tagapagligtas sa daigdig ng mga espiritu.
Ang ating responsibilidad
Nagsalita si Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa responsibilidad nating tulungan ang Tagapagligtas sa Kanyang gawain ng pagtubos sa mga patay. Maaari mong panoorin ang video na “Family History at Gawain sa Templo: Pagbubuklod at Pagpapagaling,” matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 3:01 hanggang sa 3:47, o basahin ang sumusunod na pahayag:
Bilang mga miyembro ng Simbahan, tayo ay may banal na responsibilidad na hanapin ang ating mga ninuno at magtipon ng mga kasaysayan ng pamilya. Higit pa ito sa isang nakasisiglang libangan, sapagkat ang mga ordenansa ng kaligtasan ay kinakailangan para sa lahat ng anak ng Diyos. Dapat nating tukuyin ang ating sariling mga ninuno na namatay nang hindi natatanggap ang mga ordenansa ng kaligtasan. Maisasagawa natin ang mga ordenansa para sa mga patay sa mga templo, at ang mga ninuno natin ang magpapasiya kung tatanggapin nila ang mga ordenansa. Hinihikayat din tayo na tulungan ang mga miyembro ng ward at stake sa pagsasaliksik sa mga pangalan ng pamilya nila. Kahanga-hanga na, sa pamamagitan ng family history at gawain sa templo, makatutulong tayo sa pagtubos sa mga patay.
(Dale G. Renlund, “Family History at Gawain sa Templo: Pagbubuklod at Pagpapagaling,” Liahona, Mayo 2018, 46–47)
-
Paano nakaapekto sa iyong buhay o sa buhay ng iba ang pakikibahagi sa gawain sa family history at sa templo? Kung hindi ka pa nakikibahagi rito, paano kaya ito makakaapekto sa iyong buhay?
Maglaan ng panahon ngayon upang makibahagi o matuto pa tungkol sa gawain ng kaligtasan para sa mga patay. Depende sa oras at mga makukuhang resource sa iyong lugar at wika, pumili ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na opsiyon para sa aktibidad na ito:
-
Bisitahin ang FamilySearch.org o gamitin ang FamilySearch Family Tree app. Tingnan kung mahahanap mo ang mga pangalan ng mga ninuno na kinakailangan pa ring tumanggap ng mga ordenansa ng priesthood. Maaari mong ireserba ang mga pangalang ito at dalhin mo mismo ang mga ito sa templo o isumite ang mga pangalan sa templo upang maisagawa ng ibang tao ang mga ordenansa para sa kanila. Ang feature na Ordinances Ready ay magagamit upang tulungan kang mabilis na matukoy ang mga ninunong nangangailangan ng mga ordenansa ng priesthood. (Para sa mga tagubilin kung paano gamitin ang feature na ito, tingnan sa “Family Tree App: Ordinances Ready,” New Era, Ene. 2019, 45.)
-
Bisitahin ang bahaging “Family History” sa Mga Paksa ng Ebanghelyo (topics.ChurchofJesusChrist.org) upang makahanap ng mga paliwanag, banal na kasulatan, mensahe sa pangkalahatang kumperensya, at video tungkol sa family history.
-
Bisitahin ang “Family History” video collection sa Media Library (videos.ChurchofJesusChrist.org) para makanap ng mga video na nagbibigay ng inspirasyon tungkol sa pakikibahagi sa gawain sa templo at family history.
-
Gumawa ng listahan ng mga tanong tungkol sa iyong mga ninuno na maaari mong itanong sa iyong mga magulang o sa iba pang mga kamag-anak. Sa angkop na oras, itanong ang iyong mga tanong at talakayin kung paano maaaring makibahagi ang iyong pamilya sa gawain sa templo at family history nang magkakasama.
Sa espasyo sa ibaba, ilarawan kung anong opsiyon ang pinili mo at kung ano ang natutuhan o nadama mo habang ginagawa mo ang aktibidad na ito.
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Ano ang responsibilidad ko sa aking mga yumaong ninuno?
Itinuro ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Malinaw ang doktrina ng pamilya kaugnay ng gawain sa family history at sa templo. Tinukoy ng Panginoon sa paunang inihayag na mga tagubilin ang “pagbibinyag para sa inyong mga patay” [Doktrina at mga Tipan 127:5; idinagdag ang pagbibigay-diin]. Ang obligasyon natin ayon sa doktrina ay sa sarili nating mga ninuno. Ito ay dahil ang selestiyal na organisasyon ng langit ay nakabatay sa mga pamilya. Hinikayat ng Unang Panguluhan ang mga miyembro, lalo na ang mga kabataan at young single adult, na bigyang-diin ang gawain sa family history at mga ordenansa para sa mga pangalan ng sarili nilang pamilya o mga pangalan ng mga ninuno ng mga miyembro ng kanilang ward at stake. Kailangan nating makakonekta kapwa sa ating mga ugat at mga sanga.
(Quentin L. Cook, “Mga Ugat at mga Sanga,” Liahona, Mayo 2014, 45)
Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018):
Sa pagkaalam ko, hindi kailanman sinabi ng Panginoon na ang Kanyang gawain ay dito lamang sa mortalidad. Sa halip, ang Kanyang gawain ay hanggang sa kawalang-hanggan. Naniniwala ako na minamadali Niya ang Kanyang gawain sa daigdig ng mga espiritu. Naniniwala rin ako na ang Panginoon, sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod doon, ay inihahanda ang maraming espiritu na tanggapin ang ebanghelyo. Ang trabaho natin ay saliksikin ang ating mga yumaong ninuno at magpunta sa templo at isagawa ang mga sagradong ordenansa na magbibigay sa mga nasa kabilang buhay ng mga pagkakataong tulad ng sa atin. …
Mga kapatid, pinatototohanan ko na pagpapalain tayo ng Panginoon kapag tinanggap at tinugunan natin ang hamong ito.
(Thomas S. Monson, “Pagpapabilis ng Gawain,” Liahona, Hunyo 2014, 4–5)
Paano ako makikibahagi sa gawain sa templo at family history?
Upang maunawaan kung ano ang itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa mahalagang gawaing ito, panoorin ang “The Time Is Now” (3:19), matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.
Ipinahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:
Sa bawat oras na gumawa kayo ng kahit ano na tutulong sa kahit sino—sa magkabilang panig ng tabing—na makalapit sa paggawa ng mga tipan sa Diyos at tanggapin ang kanilang mahalagang ordenansa ng pagbibinyag sa templo, tumutulong kayo na tipunin ang Israel. Ganito lang ito kasimple.
(Russell M. Nelson at Wendy W. Nelson, “Pag-asa ng Israel” [pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018], suplemento sa New Era at Liahona, 15, ChurchofJesusChrist.org)
Paano ako mapagpapala ng gawain sa templo at family history?
Sa kanyang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2018, inilista ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol ang marami sa mga pagpapalang matatanggap natin mula sa pakikibahagi sa gawain sa templo at family history. Panoorin ang siping ito o basahin ang buong mensahe (Dale G. Renlund, “Family History at Gawain sa Templo: Pagbubuklod at Pagpapagaling,” Liahona, Mayo 2018, 46–49).
Panoorin ang “Redeeming the Dead Redeemed Me” (4:57), matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, upang makita kung paano napagpala ang isang tao dahil sa pakikibahagi sa gawaing ito.