1 Juan 2–4; 2 Juan
Pagpapakita ng Pagmamahal para sa Ama sa Langit at kay Jesucristo
Kapag nadarama ng isang tao na minamahal siya o minamahal niya ang isang tao, kadalasang nagbabago ang kanilang mga kilos. Itinuro ni Juan na ang ating pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ay makahihikayat sa atin na sundin ang Kanilang mga kautusan. Layunin ng lesson na ito na tulungan kang maunawaan kung paano ka makapagpapakita ng pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan.
Ang mapagmahal na pagprotekta ng Diyos
Habang nasa dalampasigan sa Australia, nasalubong ni Elder Von G. Keetch (1960–2018) ng Pitumpu ang ilang surfer na naglakbay doon na minsan lang mangyayari sa kanilang buhay. Nagrereklamo sila tungkol sa isang makapal na alambreng harang sa tubig, na pumipigil sa kanilang makapag-surf sa malalaking alon.
Upang malaman kung ano ang nangyari, panoorin ang video na “Pinagpala at Maligaya ang mga Taong Sumusunod sa mga Kautusan ng Diyos” (5:41) mula sa time code na 0:00 hanggang 2:34. Ang video na ito ay mapapanood sa SimbahanniJesucristo.org. O basahin ang sumusunod na salaysay.
Pagsunod sa mga kautusan ng Diyos
Lahat tayo ay may mga sariling dahilan na nakakaapekto kung pipiliin nating sundin ang mga kautusan ng Diyos. Basahin ang mga sumusunod na talata, at alamin ang itinuro ni Apostol Juan na makahihikayat sa ating sundin ang mga ito. Makatutulong na tandaan na isinulat ni Juan ang kanyang mga sulat sa mga mananampalataya na nahaharap sa mga maling turo.
(Maaari ding makatulong na basahin ang mga turo ng Tagapagligtas sa Juan 14:15, 23–24 .)
-
Ano ang mga katotohanang nahanap mo?
-
Paano makadaragdag sa hangarin ng isang tao na sundin ang mga kautusan ang kaalaman nila sa mga katotohanang ito?
Nagturo si Juan ng iba’t ibang katotohanan sa mga talatang ito. Ang isa sa kanila na maaaring natukoy mo ay kapag mas kilala at mahal natin ang Ama sa Langit at si Jesucristo, mas handa tayong sundin ang Kanilang mga kautusan (tingnan sa 1 Juan 1:5–7 ; 2:3–6 ; 2 Juan 1:6–9).
1. Gawin ang sumusunod na aktibidad sa iyong study journal:
Ipagpalagay na nais ng iyong titser sa Sunday School na tulungan ang mga miyembro ng klase mo na mahikayat na sundin ang mga kautusan. Hinihiling niya sa inyo na isipin ang mga sumusunod na tanong at maghandang ibahagi ang inyong mga saloobin sa klase:
-
Bakit ang pagsunod sa mga kautusan ay isang paraan ng pagpapakita ng pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
-
Ano ang nalalaman mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na naghihikayat sa iyong sundin ang Kanilang mga kautusan? Bakit nakahihikayat sa iyo ang kaalamang iyon?
-
Ano ang natutuhan mo tungkol sa Kanila nang sundin mo ang Kanilang mga kautusan?
Paano mo maipapakita ang iyong pagmamahal sa Ama sa Langit?
Tingnan ang larawang ito at pag-isipan ang nalalaman mo tungkol kay Jesucristo at sa Ama sa Langit at kung ano ang nadarama Nila tungkol sa iyo. Maaari mo ring pag-isipan ang nadarama mo tungkol sa Kanila.
Bagama’t tila mahirap ipakita ang ating pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo dahil hindi natin Sila pisikal na kasama, maipapakita natin ang ating pagmamahal sa Kanila sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanilang mga kautusan. Maglaan ng oras na pag-isipan kung ano ang gusto mong alalahanin o gawin dahil sa lesson na ito. Ang sumusunod ay ilang paraan na magagawa mo ito:
-
Isulat ang isang paraan na gusto mong mas makilala at mas mahalin ang Ama sa Langit at si Jesucristo.
-
Isipin ang mga kautusan na sinusunod mo ngayon at kung bakit mo sinusunod ang mga ito. Isipin kung nahihikayat ka dahil sa pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo o dahil mas mapagbubuti mo ang aspetong iyon.
-
Tukuyin ang isa o higit pang kautusan na mas lubos mong masusunod upang maipakita ang iyong pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Gumawa ng plano kung paano mo mas lubos na masusunod ang mga kautusang ito.
Opsiyonal: Gusto mo bang may matutuhan pa?
Paano nagpapakita ng pagmamahal ng Diyos para sa atin ang mga kautusan?
Ipinahayag ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018):
Ang mga kautusan ng Diyos ay hindi ibinibigay upang biguin tayo o maging mga hadlang sa ating kasiyahan. Kabaligtaran pa nga nito ang katotohanan. Siya na lumikha at nagmamahal sa atin ang tunay na nakakaalam kung paano tayo dapat mamuhay upang matamo natin ang pinakadakilang kaligayahan. Naglaan Siya ng mga patnubay na, kung susundin natin, ay gagabayan tayo nang ligtas sa kadalasan ay mapanganib na paglalakbay sa buhay na ito. …
… Nauunawaan Niya na kapag sinusunod natin ang mga kautusan, ang buhay natin ay magiging mas masaya, mas ganap, at hindi gaanong kumplikado. Ang mga hamon at problema natin ay mas madaling kayanin, at matatanggap natin ang mga ipinangako Niyang pagpapala.
(Thomas S. Monson, “Ang mga Utos sa Tuwina’y Sundin,” Liahona, Nob. 2015, 83)
Paano naipapakita ng pagsunod ko sa mga kautusan ang pagmamahal ko sa Diyos?
Ipinahayag ni Elder Von G. Keetch (1960–2018) ng Pitumpu:
Ipinapakita natin ang pagmamahal natin sa Diyos—at ang pananampalataya natin sa Kanya—kapag tinatahak natin araw-araw sa abot ng ating makakaya ang landas na inihanda Niya para sa atin at sinusunod ang Kanyang mga kautusan. Lalo nating naipapakita ang pananampalataya at pagmamahal na iyan sa mga sitwasyon na hindi natin ganap na maunawaan ang dahilan kung bakit inuutos ng Diyos ang isang bagay o kung bakit nais Niyang tahakin natin ang isang partikular na daan.
(Von G. Keetch, “Pinagpala at Maligaya ang mga Taong Sumusunod sa mga Kautusan ng Diyos,” Liahona, Nob. 2015, 116)
Paano ko madaragdagan ang pagmamahal ko sa Diyos?
Ipinaliwanag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay kabilang sa Unang Panguluhan:
Pinalalago natin ang ating pag-ibig sa ating Ama sa Langit at ipinakikita ang pag-ibig na iyan sa pag-aayon ng ating mga iniisip at ginagawa sa salita ng Diyos. Pinapatnubayan at hinihikayat tayo ng Kanyang dalisay na pag-ibig na maging mas dalisay at banal. Binibigyang-inspirasyon tayo nito na mamuhay sa kabutihan---hindi dahil sa takot o obligasyon kundi sa marubdob na hangaring maging higit na katulad Niya dahil mahal natin Siya.
(Dieter F. Uchtdorf, “Ang Pag-ibig sa Diyos,” Liahona, Nob. 2009, 23)