Seminary
Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman, Bahagi 1


Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman, Bahagi 1

Kumilos nang may Pananampalataya

binatilyong pinagninilayan ang mga banal na kasulatan

Ang isa sa mga layunin ng doctrinal mastery ay tulungan kang matutuhan at maipamuhay ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman upang maging higit na katulad ni Jesucristo. Layunin ng lesson na ito na tulungan kang maunawaan at maipamuhay ang partikular na alituntunin sa pagkilos nang may pananampalataya kay Jesucristo kapag dumating ang mahihirap na hamon at tanong.

Kapag dumating ang mahihirap na hamon at tanong

Sa buhay na ito, nararanasan nating lahat ang mahihirap na hamon at tanong na maaaring hindi madaling malutas. Basahin ang mga sumusunod na sitwasyon habang iniisip ang mga karanasan mo o ng isang taong kilala mo na kahalintulad ng mga sitwasyong ito.

Maraming tanong ang isang binatilyo tungkol sa mga patakaran ng Simbahan at nagsimulang mag-isip kung talagang totoo ang Simbahan.

Nakakita ang isang dalagita ng isang post sa social media na kinukuwestiyon ang isang doktrina ng Simbahan. Ngayon ay nagsisimula na siyang pag-isipan ang tungkol sa doktrinang iyon.

Iniisip ng isang dalagita kung talagang sinasagot ang mga panalangin matapos magdusa at mamatay ang kanyang kapatid dahil sa malubhang karamdaman, sa kabila ng mga panalangin at basbas na ibinigay para sa kanya.

  • Ano ang ilan sa iba’t ibang paraan ng pagtugon ang maaaring piliin ng mga tao kapag nahaharap sila sa mahihirap na hamon o tanong na tulad nito?

Pag-isipan sandali ang iyong mga karanasan sa pagharap sa mahihirap na hamon at tanong. Maaaring makatulong na pag-isipan ang mga sumusunod na tanong: Nagtagumpay ka na ba sa paghahanap ng mga sagot? Ano ang nakatulong sa iyo na makahanap ng kapayapaan? Ano ang hindi nakatulong?

  • Ano ang ilang tanong o hamon na mayroon ka (o ang ibang mga taong kilala mo) na hindi madaling malutas?

  • Sa iyong palagay, bakit tinutulutan tayo ng Ama sa Langit na magkaroon ng mga tanong na hindi nalutas sa halip na bigyan lagi tayo ng mga sagot?

Kapag may mga tanong, mahalagang alalahanin na hinihimok tayo ng Panginoon na magtanong at maghanap ng mga sagot (tingnan sa Mateo 7:7–8; Santiago 1:5–6; Doktrina at mga Tipan 42:61). Ang pagtatanong at paghahanap ng mga sagot ay mahalagang bahagi ng ating pagsisikap na matutuhan ang katotohanan, na sinusundan ng pagsunod at pagsasabuhay ng mga natutuhan natin sa pagnanais nating maging higit na katulad ng Tagapagligtas at ng ating Ama sa Langit.

Kabilang sa tatlong alituntunin na gagabay sa atin habang nagsisikap tayo na malutas ang mga tanong o isyu at maragdagan ang pag-unawa natin tungkol sa walang hanggang katotohanan ang:

  • Kumilos nang may pananampalataya.

  • Suriin ang mga konsepto at tanong nang may walang-hanggang pananaw.

  • Hangaring mas makaunawa sa pamamagitan ng sources na itinalaga ng Diyos.

Lahat ng tatlong alituntuning ito ay mahalagang gamitin kapag nahaharap ka sa mga tanong at alalahanin na hindi madaling malutas o kapag dumaranas ka ng mga pagsubok.

Kumilos nang may pananampalataya

Layunin ng lesson na ito na tulungan kang maunawaan ang sumusunod na alituntunin: kapag kumilos tayo nang may pananampalataya, binibigyan tayo ng Panginoon ng kapayapaan at lakas habang naghahanap tayo ng mga sagot sa ating mga tanong at alalahanin.

icon ng pagsusulat sa journal1.Sagutin sa iyong study journal ang sumusunod na tanong.

  • Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng kumilos nang may pananampalataya?

Palalimin ang iyong pag-unawa sa ibig sabihin ng kumilos nang may pananampalataya sa pamamagitan ng pagkumpleto ng aktibidad sa pag-aaral sa ibaba. Maaaring makatulong na mag-aral kasama ng isang tao para makapagpraktis ka na maipaliwanag ang iyong naunawaan at natutuhan mula sa iba.

Ano ang ibig sabihin ng kumilos nang may pananampalataya?

Basahin ang Doctrinal Mastery Core Document (2022) “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman,” talata 1–2 at 5–7 at ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol. Habang nag-aaral ka, alamin kung ano ang ibig sabihin ng kumilos nang may pananampalataya at ano ang makatutulong sa iyo na ipamuhay ang alituntuning ito kapag may mga tanong ka.

Elder Neil L. Andersen

Ang pananampalataya ay hindi basta lamang natin natatamo o nananatili sa atin bilang karapatan ng pagkapanganay. … Ang pananampalataya kay Jesucristo ay kaloob mula sa langit na matatamo lamang matapos nating piliing maniwala at hangarin at panghawakan ito. … Ang kalakasan ng inyong pananampalataya sa hinaharap ay hindi basta mangyayari kung wala kayong pagpiling gagawin. …

Ang pananampalataya ay hindi humihingi ng sagot sa bawat tanong ngunit naghahangad ng katiyakan at katapangan upang sumulong, at kung minsan ay tinatanggap na, “Hindi ko alam ang lahat, ngunit sapat ang nalalaman ko upang magpatuloy sa landas ng pagkadisipulo.”

Ang tulutang mapuno ng pagdududa ang sarili, at maudyukan ng mga sagot mula sa mga walang pananampalataya, ay nagpapahina ng pananampalataya kay Jesucristo at sa Pagpapanumbalik. “Ang taong ayon sa laman ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Dios: sapagka’t ang mga ito ay kamangmangan sa kaniya” [1 Mga Taga Corinto 2:14]. …

Bagama’t maaaring maliit pa lang ang ningas ng inyong pananampalataya, ang mabubuting pagpili ay magdudulot ng higit na tiwala sa Diyos at magpapalakas ng inyong pananampalataya.

(Neil L. Andersen, “Ang Pananampalataya ay Hindi Matatamo Kung Wala Munang Pagpiling Gagawin,” Liahona, Nob. 2015, 65–67)

  • Sa iyong palagay, bakit mahalagang kumilos nang may pananampalataya kapag may mga tanong at alalahanin tayo?

  • Ano ang natutuhan mo mula sa mga babasahing ito tungkol sa ibig sabihin ng kumilos nang may pananampalataya?

Alalahanin ang mahihirap na tanong at hamon na kinakaharap mo, o basahing muli ang mga sitwasyon mula sa simula ng lesson. Nasasaisip ang isa sa mga ito, gamitin ang natutuhan mo tungkol sa pagkilos nang may pananampalataya sa pamamagitan ng pagsagot nang detalyado hangga’t maaari sa mga sumusunod na tanong.

icon ng pagsusulat sa journal2. Sagutin ang mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang hamon o tanong na pinili mo para magamit ang pagkilos nang may pananampalataya?

  • Ano ang dalawa o tatlong paraan na maaaring kumilos nang may pananampalataya ang isang tao sa sitwasyong ito?

  • Ano ang tungkol sa sitwasyong ito na maaaring magpahirap sa pagkilos nang may pananampalataya kay Jesucristo? Paano mo mapagtatagumpayan ang mga hamong ito?

  • Ano ang gugustuhin mong alalahanin tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo habang ikaw ay nasa sitwasyong ito? Paano makatutulong sa iyo ang pag-alaala sa mga bagay na iyon?

Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?

Mali ba na magkaroon ng mga tanong tungkol sa ebanghelyo?

Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan ang tungkol sa kahalagahan ng tapat na pagtatanong:

Elder Dieter F. Uchtdorf

Natural lamang ang magtanong—ang binhi ng tapat na pagtatanong ay kadalasang sumisibol at lumalagong tulad ng malaking puno ng pang-unawa. May ilang mga miyembro ng Simbahan na, sa anumang pagkakataon, ay hindi nagkaroon ng anumang malalim o sensitibong tanong. Isa sa mga layunin ng Simbahan ang pangalagaan at linangin ang binhi ng pananampalataya—ito man ay nasa lupa ng pagdududa at walang-katiyakan. Ang pananampalataya ay pag-asa sa mga bagay na hindi nakikita ngunit totoo.

Kung gayon, mahal kong mga kapatid—mahal kong mga kaibigan—mangyaring pagdudahan muna ang inyong pagdududa bago ninyo pagdudahan ang inyong pananampalataya. Hindi natin dapat hayaang pigilan tayo ng pagdududa at ilayo tayo sa dakilang pagmamahal, kapayapaan at mga natatanging kaloob na dulot ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo.

(Dieter F. Uchtdorf, “Halina, Sumama sa Amin,” Liahona, Nob. 2013, 23.)

Paano ko mapag-iibayo ang kakayahan kong kumilos nang may pananampalataya?

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson ang tungkol sa isang proseso na magagawa natin para lumakas ang ating pananampalataya:

Pangulong Russell M. Nelson

Lumalakas ang ating pananampalataya sa tuwing ginagamit natin ito. Ito ang ibig sabihin ng pagkatuto sa pamamagitan ng pananampalataya.

Halimbawa, kapag nanampalataya tayo at sumunod sa mga batas ng Diyos—maliitin man tayo ng maraming tao—o sa bawat pagkakataon na tinatanggihan natin ang mga kasiyahan o ideolohiya na tahasang lumalabag sa ating mga tipan, ginagamit natin ang ating pananampalataya, at lalo itong lumalakas.

(Russell M. Nelson, “Yakapin ang Bukas nang may Pananampalataya,” Liahona, Nob. 2020, 75.)

Mga sitwasyon sa tunay na buhay ng mga taong kumikilos nang may pananampalataya

Maaari mong panoorin ang isa o lahat ng sumusunod na video, at alamin kung ano ang matututuhan mo mula sa mga taong ito na makatutulong sa iyo na kumilos nang may pananampalataya kapag may mahihirap na tanong o hamon ka.

10:11

Returning to Faith

Rosemary M. Wixom shares the story of a woman who returned from doubt to faith and of the family members and friends who lovingly supported her.

3:12

Principles of Peace: Faith #PrinceofPeace

Many people, if they were given only 15 months to live, would sink into despair. But through her faith in Jesus Christ, Kristin found the strength to carry on. Learn how her faith helped her to trust in God’s plan for her family.

Bakit hindi ako dapat mangamba sa mga tanong na hindi nalutas?

1:9

Live by Faith, Not by Fear

God doesn’t want us to fail. In the end, it will all work out.