Lucas 1:39–79
Magalak at Magpuri sa Diyos
Noong nagdadalang-tao kay Jesus, dinalaw ni Maria ang kanyang pinsang si Elizabeth at nagalak kasama niya sa kabutihan ng Diyos. Ang lesson na ito ay magbibigay sa iyo ng mga pagkakataong makilala ang kabutihan ng Diyos at magbigay-papuri para dito.
-
Sa iyong palagay, bakit tayo kumakanta ng mga himno tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo bilang bahagi ng ating pagsamba sa Kanila?
-
Ano ang himno o isang linya mula sa isang himno na nagtatampok sa Kanilang kabutihan?
Pag-isipan sandali ang nadarama mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Pagnilayan ang mga dahilan kung bakit kailangan mong magpuri sa Kanila at kung gaano kadalas mong naipapahayag ang iyong damdamin tungkol sa Kanila sa anumang paraan.
Sa lesson na ito, magkakaroon ka ng pagkakataong pag-isipan pa kung bakit at paano ka magpupuri sa Diyos at magagalak sa buhay at misyon ni Jesucristo.
Magkasamang nagalak sina Maria at Elizabeth sa kabutihan ng Diyos
Noong nagdadalang-tao si Maria kay Jesus, binisita niya si Elizabeth, ang kanyang matandang pinsan na ang pagdadalang-tao ay isa ring himala. Pagdating ni Maria, ang sanggol ni Elizabeth, na magiging si Juan Bautista ay “gumalaw sa tuwa … sa sinapupunan” ni Elizabeth (Lucas 1:44). Dito nagsimula ang pag-uusapan nina Maria at Elizabeth kung saan nagalak at nagpuri sa Diyos si Maria.
Basahin ang Lucas 1:46–55. Habang pinag-aaralan mo ang mga salita ni Maria, tumigil at pagnilayan ang kahulugan ng mga partikular na salita o parirala. Ang pagtigil at pagninilay ay makapag-aanyaya ng inspirasyon mula sa Espiritu Santo upang matulungan kang mas malalim na maunawaan ang mga banal na kasulatan. Halimbawa, maaari kang tumigil sa salitang “aba” o “alipin” sa talata 48. Sa mga salitang ito ay maaaring malaman mo ang pagpapakumbaba at pagpipitagan ni Maria sa Diyos. Ang mga salita sa talatang ito ay makatutulong sa iyo na makita na kilala at mahal ng Diyos ang Kanyang mga anak anuman ang kanilang kalagayan. Kung makatutulong, maaari mong hanapin ang kahulugan ng mga salitang hindi mo nauunawaan gamit ang diksyunaryo o Gabay sa mga Banal na Kasulatan, na makikita sa ChurchofJesusChrist.org.
-
Sa anong mga salita ka huminto para pag-isipan? Ano ang natutuhan mo?
-
Anong mga katotohanan tungkol sa Diyos ang natutuhan mo mula sa patotoo ni Maria?
Maaari tayong magalak sa kabutihan ng Diyos
Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa karanasan ni Maria ay kapag kinikilala natin ang impluwensya ng Diyos sa ating buhay, magagalak tayo.
-
Sa iyong palagay, bakit makatutulong sa iyo na kilalanin ang mga pagpapala ng Diyos sa iyong buhay para makadama ng kagalakan?
Ibinahagi ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano siya pinagpala ng pag-alaala sa kabutihan ng Diyos.
Nang pagbulayan ko ang mga kaloob mula sa ating Ama sa Langit at kay Jesucristo, nalaman ko ang Kanilang walang-hanggang pagmamahal at Kanilang di-malirip na habag sa lahat ng anak ng Ama sa Langit [tingnan sa 2 Nephi 26:33]. Nabago ako ng kaalamang ito, at mababago rin kayo nito.
(Dale G. Renlund, “Pagnilayan ang Kabutihan at Kadakilaan ng Diyos,” Ensign o Liahona, Mayo 2020, 44)
Gawin ang mga sumusunod na hakbang upang matulungan kang makilala ang mga pagpapala ng Ama sa Langit at magpuri sa Kanya para sa Kanyang kabutihan.
Hakbang 1:
Pagnilayan ang mga isasagot mo sa mga sumusunod na tanong.
-
Ano ang ilang pagpapala mula sa Ama sa Langit na lubos mong ipinagpapasalamat?
-
Ano ang nauunawaan mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa tulong ng mga pagpapalang ito?
-
Kailan ka nakadama ng kagalakan dahil kinilala mo ang mga pagpapala ng Diyos para sa iyo o sa isang taong kilala mo?
-
Anong kuwento o talata sa banal na kasulatan ang nakatutulong sa iyong magpuri sa Diyos?
Hakbang 2:Piliin kung paano ka magpupuri sa Diyos. Narito ang ilang ideya na mapagpipilian mo:
-
Sumulat ng tula o awit.
-
Magdrowing ng isang larawan.
-
Mag-alay ng panalangin ng pasasalamat.
-
Magpatotoo sa isang tao.
-
Magsulat sa personal journal.
-
Ibahagi ang mga damdamin mo tungkol sa Diyos sa social media.
Maaari ka ring mag-isip ng sarili mong ideya. Kapag nakapili ka na, simulang kumilos. Kung hindi posibleng magsimula ngayon, isulat ang detalyadong plano ng gagawin mo. Halimbawa, kung gusto mong mag-alay ng panalangin ng pasasalamat, maaari mong isulat kung kailan at kung saan ka mananalangin at kung ano ang maaari mong ipagpasalamat. Maaari mong ibahagi ang iyong mga ideya sa isang magulang o lider ng Simbahan na maaaring magpaalala sa iyo na isagawa ang iyong plano.
1. Isulat sa iyong study journal ang paglalarawan ng ginawa mo para papurihan ang Diyos at kung bakit mo pinili ang pamamaraang ito.
Opsiyonal: Gusto Mo Bang Matuto Pa?
Lucas 1:46–55. Bakit nagpuri si Maria sa Panginoon?
Ang talata 46–55 ng Lucas 1 ay kilala bilang Awit ni Maria ayon sa tradisyon. Iniuugnay ang mga papuring ito sa pagsilang ni Jesucristo sa sagradong nakaraan ng Israel. Ang mga salita ay nagpupuri sa awa ng Panginoon sa muling pakikipag-ugnayan Niya upang pagpalain at dakilain ang Kanyang mga tao—lalo na yaong “may abang kalagayan” (Lucas 1:52).
Lucas 1:53. Paano binubusog ng Panginoon “ang mga gutom ng mabubuting bagay”?
Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tungkol sa paanyaya ng Tagapagligtas na lumapit sa Kanya at mabusog:
Dalangin ko ngayong umaga na lahat ng nagugutom at nauuhaw, at kung minsan ay gumagala, ay diringgin ang paanyayang ito mula sa Kanya na Siyang Tinapay ng Buhay, ang Bukal ng Tubig na Buhay, ang Mabuting Pastol nating lahat, ang Anak ng Diyos: “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan, … at makakatagpo kayo ng kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa” [Mateo 11:28–29]. Tunay ngang binubusog Niya “ang mga gutom ng mabubuting bagay,” tulad ng pinatotohanan ng Kanyang sariling inang si Maria [Lucas 1:53]. Halina, at magpakabusog sa hapag ng Panginoon sa pinatototohanan ko na Kanyang totoo at buhay na Simbahan, na pinamumunuan ng isang totoo at buhay na propeta.
(Jeffrey R. Holland, “He Hath Filled the Hungry with Good Things,” Ensign, Nob. 1997, 66)
Ano ang maaaring mangyari kapag naaalala natin ang kabutihan ng Diyos?
Itinuro ni Elder Dean M. Davies ng Pitumpu ang sumusunod tungkol sa mangyayari kapag nauunawaan natin kung paano tayo pinagpapala ng Diyos:
Bawat araw, ngunit lalo na sa araw ng Sabbath, may pambihira tayong pagkakataong maranasan ang pagkamangha at panggigilalas ng langit at ialay ang ating mga papuri sa Diyos para sa Kanyang pinagpalang kabutihan at nag-uumapaw na pagkahabag. …
Kapag sumasamba tayo, ang ating puso ay nagpupuri sa ating mahal na Diyos sa umaga, tanghali, at gabi.
Patuloy natin Siyang [pinagpipitaganan] at iginagalang—sa ating mga meetinghouse, tahanan, templo, at sa lahat ng ating gawain.
Kapag sumasamba tayo, binubuksan natin ang ating puso sa nakapagpapagaling na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Ang ating buhay ay nagiging tanda at pagpapahayag ng ating pagsamba.
(Dean M. Davies, “Ang mga Pagpapala ng Pagsamba,” Ensign o Liahona, Nob. 2016, 94–95)