Lucas 2:1–14
“Sapagkat Ipinanganak sa Inyo Ngayon … ang Isang Tagapagligtas”
Sina Jose at Maria ay naglakbay patungong Bethlehem, kung saan isinilang si Jesus. Ibinalita ng isang anghel ang pagsilang ng Tagapagligtas sa mga pastol malapit sa Bethlehem (tingnan sa Lucas 2:9–12), “at biglang sumama … ang isang malaking hukbo ng langit na nagpupuri sa Diyos, at nagsasabi, Luwalhati sa Diyos sa kataas-taasan, at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya” (Lucas 2:13–14). Layunin ng lesson na ito na tulungan kang balikan ang mga pangyayari sa pagsilang ng Tagapagligtas at ipabatid sa iyo ang doktrinang itinuro sa doctrinal mastery passage na Lucas 2:10–12. Pag-aaralan mo ang tungkuling ginagampanan ni Jesucristo bilang iyong Tagapagligtas at matututuhan kung mula saan ka Niya iniligtas upang, tulad ng mga anghel, magawa mong luwalhatiin at purihin ang Diyos para sa kaloob na Kanyang Anak.
Ang Pagsilang ni Cristo
-
Ano ang ilan sa mga paborito mong detalye tungkol sa Pagsilang ni Cristo?
-
Bakit mahalaga sa iyo ang mga detalyeng ito?
Basahin ang Lucas 2:1–14, at hanapin ang mga detalyeng mahalaga sa iyo o ang mga bagong detalye na maaaring hindi mo napansin noon sa kuwento ng Pagsilang ni Cristo.
-
Anong mga detalye sa kuwento ng Pagsilang ni Cristo ang napansin mo na mahalaga sa iyo?
Isinilang ang isang Tagapagligtas
Basahing muli ang Lucas 2:10–12, at hanapin kung paano ipinahayag ng anghel ang pagsilang ni Jesus.
-
Ano ang unang titulong ginamit ng anghel para kay Jesucristo nang ibalita niya ang pagsilang ni Jesus sa mga pastol?
-
Bakit mahalaga na sa lahat ng titulo na mayroon si Jesucristo, ito ang ginamit ng anghel para ibalita ang Kanyang pagsilang?
Isa sa mga katotohanang itinuturo ng scripture passage na ito ay si Jesucristo ang Tagapagligtas ng sanlibutan.
Kailangan natin ng isang Tagapagligtas
Ibinahagi ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod na karanasan:
Kanina, tinanong ako ng isang tao na matagal nang miyembro ng Simbahan, “Bakit ko ba kailangan si Jesucristo? Sinusunod ko ang mga kautusan; mabuting tao ako. Bakit ko kailangan ng isang Tagapagligtas?” Kailangan kong sabihin na nagulat ako sa kabiguan ng miyembrong ito na maunawaan ang pinakamahalagang bahagi ng ating doktrina, ang batayang elementong ito ng plano ng kaligtasan.
(D. Todd Christofferson, “Bakit Natin Kailangan si Jesucristo,” Liahona, Dis. 2020, 19–20)
Pag-isipan sandali kung ano ang isasagot mo, batay sa sarili mong saloobin at damdamin, kung ikaw ang nasa sitwasyon ni Elder Christofferson.
Matututuhan natin ang tungkol sa pangangailangan natin sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan at ng mga salita ng mga propeta (tingnan sa Jacob 7:11).
Ang isang kasanayan sa pag-aaral ng banal na kasulatan na magpapaibayo sa iyong pag-unawa sa doktrina at mga alituntunin ay ang paggawa ng mga cross-reference sa iyong mga banal na kasulatan. Upang makapag-cross reference, gumawa ng link sa Gospel Library app o ikonekta ang magkakaugnay na mga banal na kasulatan sa pamamagitan ng pagsulat ng scripture reference malapit sa isa pang scripture passage.
Pag-aralan ang tatlo hanggang apat sa mga sumusunod na scripture passage para makatulong sa pagsagot sa mga tanong na “Bakit ko kailangan ng Tagapagligtas?” at “Mula saan Niya ako inililigtas?” Maaari mong i-cross reference ang mga scripture passage na ito sa pamamagitan ng pag-uugnay ng mga ito sa Lucas 2:10–12 sa Gospel Library app o sa pagsulat ng reperensya na Lucas 2:10–12 malapit sa mga talata ng mga banal na kasulatan na pinag-aaralan mo.
Ang inihahandog sa iyo ng Tagapagligtas
ChurchofJesusChrist.org
Nagpatotoo si Elder Christofferson tungkol sa ilan sa mga pagpapalang natatanggap natin sa pamamagitan ni Jesucristo:
Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, maaari tayong makabangon mula sa mga maling pagpili. Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang epekto sa atin ng mga kasalanan at pagkakamali ng iba, at ng lahat ng iba pang kawalan ng katarungan, ay iwinawasto. Para mapagaling, at mapabanal, kailangan natin ng isang Tagapagligtas.
(D. Todd Christofferson, “Bakit Natin Kailangan si Jesucristo,” Liahona, Dis. 2020, 22)
Sa Lucas 2:10 ipinahayag ng anghel, “Dala ko sa inyo ang magandang balita ng malaking kagalakan.”
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Bakit nagpunta sina Maria at Jose sa Bethlehem para magpatala?
Si Augusto Cesar ay isang mahusay at masigasig na pinunong Romano na ang panunungkulan—mula 31 B.C. hanggang A.D. 14—ay kinakitaan ng kaayusan at pagsunod sa batas. Ang “pagtatala” na binanggit sa Lucas 2:2 ay talagang pagpapalista [o census] ng mga tao para sa pagbubuwis sa mga darating na araw, isang pagpapalista kung saan inaatasan ang nagbabayad ng buwis na personal na magsumite ng kinakailangang impormasyon. Dahil sina Jose at Maria ay kapwa mga inapo ni Haring David, kinailangan nilang maglakbay patungong Bethlehem, na bayang sinilangan ni Haring David. … Nagpatotoo ang mga sinaunang propeta na ang Mesiyas ay isisilang sa Betlehem, sa lupain ng Jerusalem (tingnan sa Mikas 5:2; Alma 7:10). Ang Betlehem ay tinatayang nasa 85–90 milya (137–145 kilometro) sa timog ng Nazaret, paglalakad na aabutin ng mga apat hanggang limang araw, at marahil mas mahaba pa dahil sa kalagayan ni Maria.
(New Testament Student Manual [2014], 143)