Lucas 2:40–52
Si Jesus ay “Lumaki, at Lumakas” sa Espiritu
Noong bata pa ang Tagapagligtas, itinuro Niya nang may kapangyarihan ang ebanghelyo kaya maging ang mga guro sa templo ay “namangha sa kanyang katalinuhan at sa kanyang mga sagot” (Lucas 2:47). Ang lesson na ito ay naglalayong palakasin ang iyong hangaring maging katulad ni Jesucristo sa pamamagitan ng paghahangad na umunlad sa aspektong intelektuwal, pisikal, espirituwal, at pakikiagkapwa. Magkakaroon ka rin ng pagkakataong suriin ang iyong kasalukuyang mga mithiin sa Pansariling Pag-unlad: Gabay na Aklat para sa mga Kabataan (2019) o gumawa ng mga bagong mithiin.
Si Jesus ay lumaki at umunlad sa Kanyang kabataan
Pag-aralan ang mga larawang ito ng Tagapagligtas noong Siya ay bata pa. Isipin kung ano ang ipinahihiwatig ng mga detalye sa bawat isa sa mga larawang ito tungkol kay Jesus.
-
Paano makatutulong sa iyo bilang kabataan ang malaman ang tungkol kay Jesus noong Siya ay bata pa?
Kakaunti lang ang detalye na alam natin tungkol sa kabataan ni Jesus, ngunit ang mga nakatala ay maaaring maging malaking tulong at gabay sa iyo habang sinisikap mong umunlad at sumulong. Habang pinag-aaralan mo ang tungkol sa kabataan ng Tagapagligtas, maghanap ng mga katotohanan na makatutulong sa iyo na malaman kung anong mga aspekto ang dapat mong pagtuunan habang pinagsisikapan mong maging higit na katulad ng ating Ama sa Langit at ni Jesucristo.
Basahin ang Lucas 2:40–52 at Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 3:24–26 (sa appendix ng Pagsasalin ni Joseph Smith), at maghanap ng mga detalye tungkol sa kung ano ang mga katangian ng Tagapagligtas noong Siya ay bata pa. Maaari mong markahan ang mahahanap mo.
Pansinin na ang ibig sabihin ng pariralang “lumakas” sa espiritu (Lucas 2:40; tingnan din sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 3:24 [sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia]) ay nadagdagan o lumago ang espirituwal na lakas ni Jesus. Maaaring makatulong na malaman na ayon sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Lucas 2:46 (sa Lucas 2:46sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia ), ang batang si Jesus ay hindi nakikinig sa mga guro, o eskriba, at nagtatanong sa kanila, ngunit “sila ay nakikinig sa kanya, at nagtatanong sa kanya.”
Pag-isipan ang mga tanong na ito:
-
Ano ang itinuturo sa iyo ng salaysay na ito tungkol sa mga katangian ni Jesus noong bata pa Siya?
-
Ano ang itinuturo sa iyo ng talata 52 tungkol sa paraan ng paglaki at pag-unlad ni Jesus sa Kanyang kabataan?
Nalaman natin mula sa Lucas 2:52 na tinutularan natin ang halimbawa ni Jesucristo kapag pinauunlad natin ang ating aspektong intelektuwal, pisikal, espirituwal, at pakikipagkapwa.
-
Ano ang ilang halimbawa mula sa mga banal na kasulatan kung saan ipinakita ni Jesucristo ang Kanyang mga kakayahan sa apat na aspektong ito?
-
Ano ang ilang dahilan kung bakit gusto mong tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa apat na aspektong ito ng buhay?